Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
2 Mga Hari 23-25

Pinatigil ang Pagsambang Pagano(A)

23 Pagkatapos ang hari ay nagsugo, at tinipon niya ang lahat ng matatanda ng Juda at Jerusalem.

At pumunta ang hari sa bahay ng Panginoon, kasama ang lahat na lalaki ng Juda at ang lahat ng mamamayan ng Jerusalem, mga pari, mga propeta, at ang buong bayan, hamak at dakila. Kanyang binasa sa kanilang mga pandinig ang lahat ng salita ng aklat ng tipan na natagpuan sa bahay ng Panginoon.

Ang hari ay tumayo sa tabi ng haligi, at nakipagtipan sa harap ng Panginoon, upang lumakad ng ayon sa Panginoon at upang ingatan ang kanyang mga utos at ang kanyang mga patotoo, at ang kanyang mga tuntunin, ng kanyang buong puso at buong kaluluwa, upang tuparin ang mga salita ng tipang ito na nasusulat sa aklat na ito; at ang buong bayan ay nakiisa sa tipan.

Inutusan(B) ng hari si Hilkias na pinakapunong pari, at ang mga pari sa ikalawang hanay, at ang mga bantay-pinto, upang ilabas sa templo ng Panginoon ang lahat ng kasangkapang ginawa para kay Baal at sa mga Ashera, at para sa lahat ng hukbo ng langit. Kanyang sinunog ang mga iyon sa labas ng Jerusalem sa kaparangan ng Cedron, at dinala ang mga abo niyon sa Bethel.

Kanyang tinanggal ang mga paring sumasamba sa mga diyus-diyosan na itinalaga ng mga hari ng Juda na magsunog ng insenso sa matataas na dako sa mga lunsod ng Juda at sa mga palibot ng Jerusalem; gayundin yaong mga nagsunog ng insenso kay Baal, sa araw, sa buwan, sa mga tala, at sa lahat ng hukbo sa mga langit.

At kanyang inilabas ang Ashera mula sa bahay ng Panginoon, sa labas ng Jerusalem, sa batis ng Cedron, sinunog ito sa batis ng Cedron, at dinurog at inihagis ang alabok nito sa libingan ng mga karaniwang tao.

Kanyang giniba ang mga bahay ng mga lalaking nagbibili ng aliw na nasa bahay ng Panginoon, na pinagtatahian ng mga babae ng tabing para sa Ashera.

Kanyang inilabas ang lahat ng mga pari mula sa mga lunsod ng Juda, at nilapastangan ang matataas na dako na pinagsusunugan ng insenso ng mga pari, mula sa Geba hanggang sa Beer-seba. At kanyang ibinagsak ang matataas na dako ng mga pintuang-bayan na nasa pasukan ng pintuang-bayan ni Josue, na tagapamahala ng lunsod, na nasa kaliwa ng pasukan sa pintuan ng lunsod.

Gayunma'y ang mga pari sa matataas na dako ay hindi umahon sa dambana ng Panginoon sa Jerusalem, kundi sila'y kumain ng tinapay na walang pampaalsa kasama ng kanilang mga kapatid.

10 Kanyang(C) nilapastangan ang Tofet, na nasa libis ng mga anak ni Hinom, upang hindi paraanin sa apoy para kay Molec ang sinuman ng kanyang anak na lalaki o babae.

11 Kanyang inalis ang mga kabayo na itinalaga ng hari ng Juda sa araw, na nasa pasukan ng bahay ng Panginoon, sa tabi ng silid ni Natan-melec na eunuko, na nasa looban; at sinunog niya sa apoy ang mga karwahe ng araw.

12 Ang(D) mga dambana na nasa bubungan ng silid sa itaas ni Ahaz, na ginawa ng mga hari ng Juda, at ang mga dambana na ginawa ni Manases sa dalawang bulwagan ng bahay ng Panginoon ay kanyang pinabagsak, dinurog, at inihagis ang alabok ng mga iyon sa batis ng Cedron.

13 Nilapastangan(E) ng hari ang matataas na dako na nasa silangan ng Jerusalem, hanggang sa timog ng Bundok ng Kasiraan, na itinayo ng Haring Solomon para kay Astarte na karumaldumal ng mga Sidonio, at kay Cemos na karumaldumal ng Moab, at kay Malcom na karumaldumal ng mga anak ni Ammon.

14 At kanyang pinagputul-putol ang mga haligi, at pinutol ang mga sagradong poste,[a] at pinuno ang kanilang mga kinatatayuan ng mga buto ng tao.

15 Bukod(F) dito, ang dambana na nasa Bethel at matataas na dako na itinayo ni Jeroboam na anak ni Nebat, na nagbunsod sa Israel sa pagkakasala, ang dambanang iyon at ang matataas na dako ay kanyang ibinagsak at kanyang dinurog ang mga bato nito; sinunog din niya ang sagradong poste.[b]

16 Sa(G) pagpihit ni Josias, kanyang natanaw ang mga libingang nasa bundok. Siya'y nagsugo at inilabas ang mga buto sa mga libingan, at sinunog ang mga iyon sa dambana, at nilapastangan ito, ayon sa salita ng Panginoon na ipinahayag ng tao ng Diyos na siyang humula ng mga bagay na ito.

17 Pagkatapos(H) ay kanyang sinabi, “Ano yaong bantayog na nakikita ko roon?” Sinabi ng mga lalaki ng lunsod sa kanya, “Iyon ay libingan ng tao ng Diyos na nanggaling sa Juda at humula ng mga bagay na ito na iyong ginawa laban sa dambana sa Bethel.”

18 Kanyang sinabi, “Hayaan ninyo; huwag galawin ng sinuman ang mga buto niya.” Kaya't hinayaan nila ang mga buto niya, kasama ng mga buto ng propeta na nanggaling sa Samaria.

19 At ang lahat din ng mga dambana sa matataas na dako na nasa mga lunsod ng Samaria, na ginawa ng mga hari ng Israel upang galitin ang Panginoon, ay pinag-aalis ni Josias; at ginawa sa mga yaon ang ayon sa lahat ng kanyang ginawa sa Bethel.

20 Kanyang pinatay sa ibabaw ng dambana ang lahat ng pari sa matataas na dako na naroroon, at sinunog ang mga buto ng mga tao sa mga iyon. Pagkatapos siya'y bumalik sa Jerusalem.

Ipinagdiwang ni Josias ang Paskuwa(I)

21 At iniutos ng hari sa buong bayan, “Ipagdiwang ninyo ang paskuwa sa Panginoon ninyong Diyos, gaya ng nasusulat sa aklat na ito ng tipan.”

22 Walang gayong paskuwa ang ipinagdiwang mula sa mga araw ng mga hukom na naghukom sa Israel, o sa panahon ng lahat ng mga araw ng mga hari ng Israel o ng mga hari man ng Juda;

23 ngunit nang ikalabingwalong taon ni Haring Josias, ipinangilin sa Jerusalem ang paskuwang ito sa Panginoon.

Iba pang mga Pagbabagong Ginawa ni Josias

24 Bukod dito'y pinag-aalis ni Josias ang mga sumasangguni sa masamang espiritu at ang mga mangkukulam, ang mga terafim, ang mga diyus-diyosan, at ang lahat ng karumaldumal na nakita sa lupain ng Juda at Jerusalem, upang kanyang matupad ang mga salita ng kautusan na nasusulat sa aklat na natagpuan ng paring si Hilkias sa bahay ng Panginoon.

25 Sa mga haring nauna sa kanya ay walang naging gaya niya na bumalik sa Panginoon ng kanyang buong puso, buong kaluluwa, at buong lakas niya ayon sa lahat ng kautusan ni Moises, ni may lumitaw mang gaya niya pagkamatay niya.

26 Gayunma'y hindi tinalikuran ng Panginoon ang bagsik ng kanyang malaking pagkapoot laban sa Juda, dahil sa lahat ng panggagalit na ipinanggalit ni Manases sa kanya.

27 At sinabi ng Panginoon, “Aalisin ko rin ang Juda sa aking paningin, gaya ng pag-aalis ko sa Israel, at aking itatakuwil ang lunsod na ito na aking pinili, ang Jerusalem, at ang bahay na dito ay aking sinabi, Ang pangalan ko'y doroon.”

Ang Katapusan ng Paghahari ni Josias(J)

28 Ang iba pa sa mga gawa ni Josias, at ang lahat ng kanyang ginawa, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[c] ng mga Hari ng Juda?

29 Nang mga araw niya, si Faraon-neco na hari ng Ehipto ay umahon laban sa hari ng Asiria sa Ilog Eufrates. Si Haring Josias ay pumaroon laban sa kanya; at pinatay siya ni Faraon-neco sa Megido, nang kanyang makita siya.

30 Dinala siyang patay ng kanyang mga lingkod sa isang karwahe mula sa Megido, dinala siya sa Jerusalem, at inilibing siya sa kanyang sariling libingan. At kinuha ng mga tao ng lupain si Jehoahaz na anak ni Josias, binuhusan siya ng langis, at ginawa siyang hari na kapalit ng kanyang ama.

Si Haring Jehoahaz ng Juda(K)

31 Si Jehoahaz[d] ay dalawampu't tatlong taon nang siya'y magsimulang maghari; at siya'y naghari sa loob ng tatlong buwan sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Hamutal na anak ni Jeremias na taga-Libna.

32 Siya'y gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon, ayon sa lahat ng ginawa ng kanyang mga magulang.

33 Ibinilanggo siya ni Faraon-neco sa Ribla sa lupain ng Hamat, upang siya'y hindi makapaghari sa Jerusalem; at pinapagbuwis ang lupain ng isandaang talentong pilak at isang talentong ginto.

34 At(L) ginawa ni Faraon-neco si Eliakim na anak ni Josias bilang haring kapalit ni Josias, na kanyang ama, at pinalitan ang kanyang pangalan ng Jehoiakim. Ngunit kanyang dinala si Jehoahaz at siya'y dumating sa Ehipto at namatay doon.

Si Haring Jehoiakim ng Juda(M)

35 Ibinigay ni Jehoiakim ang pilak at ang ginto kay Faraon; ngunit kanyang pinapagbuwis ang lupain upang ibigay ang salapi ayon sa utos ni Faraon. Kanyang siningilan ng pilak at ginto ang taong-bayan ng lupain, sa bawat isa ayon sa kanyang paghahalaga, upang ibigay kay Faraon-neco.

36 Si(N) Jehoiakim ay dalawampu't limang taon nang magsimulang maghari, at siya'y naghari sa loob ng labing-isang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Zebida na anak ni Pedaya na taga-Ruma.

37 Siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, ayon sa lahat ng ginawa ng kanyang mga ninuno.

24 Nang(O) kanyang kapanahunan, dumating si Nebukadnezar na hari ng Babilonia, at si Jehoiakim ay naging kanyang alipin sa loob ng tatlong taon; pagkatapos ay bumalik siya at naghimagsik laban sa kanya.

Ang Panginoon ay nagsugo laban sa kanya ng mga pulutong ng mga Caldeo, mga pulutong ng mga taga-Siria, ng mga Moabita, at ng mga anak ni Ammon, at sinugo sila laban sa Juda upang lipulin ito, ayon sa salita ng Panginoon na kanyang sinabi sa pamamagitan ng kanyang mga lingkod na mga propeta.

Tunay na ito ay dumating sa Juda ayon sa utos ng Panginoon, upang alisin sila sa kanyang paningin, dahil sa mga kasalanan ni Manases, ayon sa lahat niyang ginawa,

at gayundin dahil sa walang salang dugo na kanyang pinadanak, sapagkat kanyang pinuno ang Jerusalem ng walang salang dugo, at ang Panginoon ay ayaw magpatawad.

Ang iba pa sa mga gawa ni Jehoiakim, at ang lahat niyang ginawa, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[e] ng mga Hari ng Juda?

Kaya't natulog si Jehoiakim na kasama ng kanyang mga ninuno, at si Jehoiakin na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.

Ang hari ng Ehipto ay hindi na bumalik pa mula sa kanyang lupain, sapagkat sinakop ng hari ng Babilonia ang lahat ng pag-aari ng hari ng Ehipto mula sa batis ng Ehipto hanggang sa Ilog Eufrates.

Si Haring Jehoiakin ng Juda(P)

Si Jehoiakin ay labingwalong taon nang siya'y magsimulang maghari; at siya'y naghari sa Jerusalem sa loob ng tatlong buwan. Ang pangalan ng kanyang ina ay Nehusta na anak na babae ni Elnatan na taga-Jerusalem.

Siya'y gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon, gaya ng lahat ng ginawa ng kanyang ama.

10 Nang panahong iyon ang mga lingkod ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia ay nagsiahon sa Jerusalem, at ang lunsod ay kinubkob.

11 Si Haring Nebukadnezar ng Babilonia ay dumating sa lunsod, habang kinukubkob ito ng kanyang mga lingkod.

12 Nilabas(Q) ni Jehoiakin na hari sa Juda ang hari ng Babilonia, siya, ang kanyang ina, mga lingkod, ang mga prinsipe, at ang mga pinuno ng kanyang palasyo. Kinuha siya ng hari ng Babilonia bilang bihag sa ikawalong taon ng kanyang paghahari.

13 Tinangay ang lahat ng kayamanan sa bahay ng Panginoon, at ang mga kayamanan sa bahay ng hari, at pinagputul-putol ang lahat ng sisidlang ginto na ginawa ni Haring Solomon sa templo ng Panginoon, gaya ng sinabi nang una ng Panginoon.

14 Kanyang tinangay ang buong Jerusalem, ang lahat ng pinuno, mga magigiting na mandirigma, sampung libong bihag, at ang lahat ng manggagawa at mga panday; walang nalabi maliban sa mga pinakadukha sa mamamayan ng lupain.

15 Dinala(R) niya si Jehoiakin sa Babilonia; ang ina ng hari, at mga asawa ng hari, at ang kanyang mga pinuno at pangunahing lalaki sa lupain ay dinala niyang bihag mula sa Jerusalem patungo sa Babilonia.

16 Dinalang-bihag sa Babilonia ng hari ng Babilonia ang lahat ng mandirigma na may bilang na pitong libo, at ang mga manggagawa at ang mga panday ay isanlibo, lahat sila ay malakas at angkop sa pakikidigma.

17 Ginawa(S) ng hari ng Babilonia na hari si Matanias, tiyuhin ni Jehoiakin bilang haring kapalit niya, at pinalitan ang kanyang pangalan ng Zedekias.

Si Haring Zedekias ng Juda(T)

18 Si(U) Zedekias ay dalawampu't isang taon nang magsimulang maghari, at siya'y naghari sa loob ng labing-isang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Hamutal na anak ni Jeremias na taga-Libna.

19 Siya'y gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon, ayon sa lahat ng ginawa ni Jehoiakim.

20 Sapagkat(V) dahil sa galit ng Panginoon ay nangyari sa Jerusalem at sa Juda na sila ay kanyang itinaboy sa kanyang harapan. At si Zedekias ay naghimagsik sa hari ng Babilonia.

Bumagsak ang Jerusalem(W)

25 Sa(X) ikasiyam na taon ng kanyang paghahari, sa ikasampung araw ng ikasampung buwan, si Nebukadnezar na hari ng Babilonia ay dumating kasama ang lahat niyang hukbo laban sa Jerusalem, at kinubkob ito; at nagtayo sila ng mga kutang pagkubkob sa palibot nito.

Kaya't nakubkob ang lunsod hanggang sa ikalabing-isang taon ni Haring Zedekias.

Nang ikasiyam na araw ng ikaapat na buwan, ang taggutom ay napakatindi sa lunsod, anupa't walang pagkain para sa mamamayan ng lupain.

Nang(Y) magkagayo'y gumawa ng isang butas sa lunsod; ang hari kasama ang lahat ng lalaking mandirigma ay tumakas sa gabi sa daan ng pintuang-bayan sa pagitan ng dalawang pader na nasa tabi ng halamanan ng hari, bagaman ang mga Caldeo ay nasa palibot ng lunsod. At sila ay humayo sa daang patungo sa Araba.

Ngunit hinabol ng hukbo ng mga Caldeo ang hari, at kanilang inabutan siya sa mga kapatagan ng Jerico at ang lahat niyang hukbo ay nangalat at iniwan siya.

Dinakip nila ang hari at kanilang dinala siya sa hari ng Babilonia sa Ribla na naggawad ng hatol sa kanya.

Kanilang(Z) pinatay ang mga anak ni Zedekias sa kanyang harapan at dinukit ang mga mata ni Zedekias at siya'y ginapos ng tanikala at dinala sa Babilonia.

Giniba ang Templo(AA)

Nang ikapitong araw ng ikalimang buwan, na siyang ikalabinsiyam na taon ni Haring Nebukadnezar, na hari ng Babilonia, si Nebuzaradan na punong-kawal ng bantay, na lingkod ng hari ng Babilonia ay dumating sa Jerusalem.

Kanyang(AB) sinunog ang bahay ng Panginoon, ang bahay ng hari, at ang lahat ng mga bahay sa Jerusalem; bawat malaking bahay ay sinunog niya.

10 Ibinagsak ang mga pader sa palibot ng Jerusalem ng lahat ng hukbo ng mga Caldeo na kasama ng punong-kawal ng bantay.

11 Ang nalabing mga tao na naiwan sa lunsod, at ang mga tumakas patungo sa hari ng Babilonia, at ang nalabi sa napakaraming tao ay dinalang-bihag ni Nebuzaradan na punong-kawal ng bantay.

12 Ngunit iniwan ng punong-kawal ng bantay ang mga pinakadukha sa lupain upang maging mag-uubas at magsasaka.

13 Ang(AC) mga haliging tanso na nasa bahay ng Panginoon at ang mga patungan at ang sisidlang tanso na nasa bahay ng Panginoon, ay pinagputul-putol ng mga Caldeo at dinala ang tanso sa Babilonia.

14 At(AD) kanilang tinangay ang mga palayok, mga pala, mga pamutol ng mitsa, mga pinggan para sa insenso, lahat ng kagamitang tanso na ginagamit sa paglilingkod sa templo,

15 gayundin ang mga apuyan at ang mga mangkok. Ang anumang yari sa ginto at sa pilak ay dinalang lahat ng punong-kawal ng bantay.

16 Ang dalawang haligi, sisidlang tanso, at sa mga patungang ginawa ni Solomon para sa bahay ng Panginoon, ang tanso ng lahat ng kasangkapang ito ay hindi kayang timbangin.

17 Ang taas ng isang haligi ay labing walong siko, at isang kapitel na tanso ang nasa dulo niyon; ang taas ng kapitel ay tatlong siko na may palamuti at granada na pawang yari sa tanso ang nasa kapitel sa palibot. At ang ikalawang haligi ay gaya rin niyon at may palamuti.

Dinala ang Mamamayan ng Juda sa Babilonia(AE)

18 At kinuha ng punong-kawal ng bantay si Seraya na punong pari, si Sefanias na ikalawang pari, at ang tatlong bantay-pinto;

19 at mula sa lunsod ay kumuha siya ng isang pinuno na nangangasiwa sa mga lalaking mandirigma, limang lalaki sa sanggunian ng hari na natagpuan sa lunsod, ang kalihim ng punong-kawal ng hukbo na nagtipon ng mga tao ng lupain, at animnapung lalaki sa taong-bayan ng lupain na natagpuan sa lunsod.

20 Kinuha sila ni Nebuzaradan na punong-kawal ng bantay at dinala sila sa hari ng Babilonia sa Ribla.

21 Pinuksa sila ng hari ng Babilonia at pinatay sila sa Ribla, sa lupain ng Hamat. Sa gayon dinalang-bihag ang Juda mula sa kanyang lupain.

Si Gedalias, Tagapamahala ng Juda(AF)

22 Sa(AG) mga taong-bayang naiwan sa lupain ng Juda na iniwan ni Nebukadnezar na hari ng Babilonia, hinirang niyang tagapamahala si Gedalias na anak ni Ahicam, na anak ni Safan.

23 Nang mabalitaan ng lahat ng pinuno ng mga hukbo at ng kanilang mga kalalakihan na ginawang tagapamahala si Gedalias ng hari sa Babilonia, ay pumunta sila kay Gedalias sa Mizpah. Sila ay sina Ismael na anak ni Netanias, si Johanan na anak ni Carea, si Seraya na anak ni Tanhumet na Netofatita, at si Jaazanias na anak ng Maacatita.

24 At si Gedalias ay sumumpa sa kanila at sa kanilang mga kalalakihan na sinasabi, “Kayo'y huwag mangatakot ng dahil sa mga pinunong Caldeo. Manirahan kayo sa lupain at paglingkuran ninyo ang hari ng Babilonia, at ito ay sa ikabubuti ninyo.”

25 Ngunit(AH) nang ikapitong buwan, si Ismael na anak ni Netanias, na anak ni Elisama, na mula sa angkan ng hari, ay dumating kasama ng sampung lalaki at sinaktan si Gedalias, kaya't siya'y namatay kasama ang mga Judio at mga Caldeo na mga kasama niya sa Mizpah.

26 Pagkatapos(AI) ang buong bayan, hamak at dakila, at ang mga pinuno ng hukbo ay tumindig at pumunta sa Ehipto, sapagkat sila'y takot sa mga Caldeo.

Si Jehoiakin ay Pinalaya sa Bilangguan(AJ)

27 At nangyari, nang ikadalawampu't pitong araw, nang ikalabindalawang buwan ng ikatatlumpu't pitong taon ng pagkabihag ni Jehoiakin na hari ng Juda, si Evil-merodac na hari ng Babilonia, nang taong siya'y magsimulang maghari, ay pinalaya sa bilangguan si Jehoiakin na hari ng Juda.

28 Siya'y nagsalita na may kabaitan sa kanya, at binigyan siya ng upuan sa itaas ng mga upuan ng mga haring kasama niya sa Babilonia.

29 Kaya't hinubad ni Jehoiakin ang kanyang damit-bilangguan. At sa bawat araw ng kanyang buhay ay palagi siyang kumakain sa hapag ng hari;

30 at para sa pantustos sa kanya, may palagiang panustos na ibinibigay sa kanya ang hari, bawat araw ay isang bahagi, habang siya ay nabubuhay.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001