Beginning
Sina Amnon at Tamar
13 Samantala, si Absalom na anak ni David ay mayroong isang kapatid na magandang babae na ang pangalan ay Tamar. At umibig sa kanya si Amnon na anak ni David.
2 At si Amnon ay lubhang naligalig, kaya't siya'y gumawa ng paraan upang magkasakit dahil sa kanyang kapatid na si Tamar; sapagkat siya'y birhen at inaakala ni Amnon na napakahirap siyang gawan ng anumang bagay.
3 Ngunit si Amnon ay may isang kaibigan na ang pangala'y Jonadab, na anak ni Shimeah na kapatid ni David. At si Jonadab ay isang taong napakatuso.
4 Sinabi niya sa kanya, “O anak ng hari, bakit tuwing umaga ay mukhang may sakit ka? Hindi mo ba sasabihin sa akin?” At sinabi ni Amnon sa kanya, “Umiibig ako kay Tamar na kapatid ng kapatid kong si Absalom.”
5 Sinabi ni Jonadab sa kanya, “Mahiga ka sa iyong higaan at magsakit-sakitan ka. Kapag dumating ang iyong ama upang tingnan ka, sabihin mo sa kanya, ‘Papuntahin mo rito ang aking kapatid na si Tamar at bigyan ako ng tinapay na makakain, at maghanda ng pagkain sa aking harapan na aking nakikita, at kainin iyon mula sa kanyang kamay.’”
6 Kaya't nahiga si Amnon at nagsakit-sakitan. Nang dumating ang hari upang tingnan siya, sinabi ni Amnon sa hari, “Hinihiling ko sa iyo na papuntahin mo rito ang aking kapatid na si Tamar, at igawa ako ng dalawang maliit na tinapay sa aking harapan upang aking makain mula sa kanyang kamay.”
7 Nang magkagayo'y ipinasundo ni David si Tamar na sinasabi, “Pumunta ka ngayon sa bahay ng iyong kapatid na si Amnon at ipaghanda mo siya ng pagkain.”
8 Kaya't pumunta si Tamar sa bahay ng kanyang kapatid na si Amnon na doon ay nakahiga siya. Siya'y kumuha ng isang masa, minasa ito at ginawang mga tinapay sa kanyang harapan, at nilutong mga munting tinapay.
9 Kinuha niya ang kawali at inalis ang laman sa harap ni Amnon[a] ngunit ayaw niyang kumain. At sinabi ni Amnon, “Palabasin ang lahat ng tao sa harap ko.” Kaya't silang lahat ay lumabas sa harap niya.
10 Sinabi ni Amnon kay Tamar, “Dalhin mo sa silid ang pagkain upang aking kainin mula sa iyong kamay.” At kinuha ni Tamar ang mga tinapay na kanyang ginawa at dinala sa silid kay Amnon na kanyang kapatid.
11 Ngunit nang ilapit niya sa kanya upang kainin, kanyang hinawakan siya, at sinabi niya sa kanya, “Halika, sumiping ka sa akin, kapatid ko.”
12 Sumagot siya, “Huwag, kapatid ko, huwag mo akong pilitin. Sapagkat ang ganyang bagay ay hindi ginagawa sa Israel. Huwag kang gumawa ng ganitong kalokohan.
13 At tungkol sa akin, saan ko dadalhin ang aking hiya? At tungkol sa iyo, ikaw ay magiging gaya ng isa sa mga hangal sa Israel. Ngayon nga, hinihiling ko sa iyo, makipag-usap ka sa hari, sapagkat hindi niya ako ipagkakait sa iyo.”
14 Gayunma'y hindi siya nakinig kay Tamar. Palibhasa'y mas malakas kaysa babae, kanyang pinilit ito na sumiping sa kanya.
15 Pagkatapos ay kinapootan siya nang matindi ni Amnon at ang poot na kanyang ikinapoot sa kanya ay mas matindi kaysa pag-ibig na iniukol niya sa kanya. At sinabi ni Amnon sa kanya, “Bangon, umalis ka na.”
16 Ngunit sinabi niya sa kanya, “Huwag, kapatid ko, sapagkat itong kasamaan sa pagpapaalis mo sa akin ay higit pa kaysa ginawa mo sa akin.” Ngunit ayaw niyang makinig sa kanya.
17 Tinawag niya ang kabataang naglingkod sa kanya at sinabi, “Ilabas mo ang babaing ito at ikandado mo ang pintuan paglabas niya.”
18 Siya'y may suot na mahabang damit na may manggas; sapagkat gayon ang damit na isinusuot ng mga birheng anak na babae ng hari. Kaya't inilabas siya ng kanyang lingkod at ikinandado ang pintuan pagkalabas niya.
19 Naglagay si Tamar ng mga abo sa kanyang ulo, at pinunit ang mahabang damit na suot niya. Ipinatong niya ang kanyang kamay sa kanyang ulo at umalis na umiiyak nang malakas sa daan.
20 At sinabi sa kanya ni Absalom na kanyang kapatid, “Nakasama mo ba ang kapatid mong si Amnon? Ngayo'y tumahimik ka, kapatid ko. Siya'y iyong kapatid; huwag mong damdamin ang bagay na ito.” Kaya't si Tamar ay nanatili na isang babaing malungkot sa bahay ng kanyang kapatid na si Absalom.
21 Ngunit nang mabalitaan ni Haring David ang lahat ng mga bagay na ito, siya'y galit na galit.
22 Ngunit si Absalom ay hindi nagsalita ng mabuti o masama kay Amnon, sapagkat kinapopootan ni Absalom si Amnon dahil hinalay niya ang kanyang kapatid na si Tamar.
Naghiganti si Absalom
23 Pagkalipas ng dalawang buong taon, si Absalom ay mayroong mga tagagupit ng tupa sa Baal-hazor na malapit sa Efraim at inanyayahan ni Absalom ang lahat ng mga anak na lalaki ng hari.
24 Pumunta si Absalom sa hari, at sinabi niya, “Ang iyong lingkod ay may mga tagagupit ng mga tupa. Hinihiling ko sa iyo na ang hari at ang kanyang mga lingkod ay sumama sa iyong lingkod.”
25 Ngunit sinabi ng hari kay Absalom, “Huwag, anak ko. Huwag mo kaming papuntahing lahat, baka maging pabigat kami sa iyo.” Kanyang pinilit siya, subalit hindi siya sumama, ngunit ibinigay niya ang kanyang basbas.
26 Nang magkagayo'y sinabi ni Absalom, “Kung hindi, hinihiling ko sa iyo na pasamahin mo sa amin ang aking kapatid na si Amnon.” At sinabi ng hari sa kanya, “Bakit siya sasama sa iyo?”
27 Ngunit pinilit siya ni Absalom, kaya't kanyang pinasama sa kanya si Amnon at ang lahat ng mga anak ng hari.
28 Iniutos ni Absalom sa kanyang mga lingkod, “Tandaan ninyo ngayon, kapag ang puso ni Amnon ay masaya na dahil sa alak, at kapag sinabi ko sa inyo, ‘Saktan ninyo si Amnon,’ ay patayin nga ninyo siya. Huwag kayong matakot; hindi ba ako ang nag-uutos sa inyo? Kayo'y magpakalakas at magpakatapang.”
29 Ginawa ng mga lingkod ni Absalom kay Amnon kung ano ang iniutos ni Absalom. Nang magkagayo'y tumindig ang lahat ng mga anak ng hari, at sumakay ang bawat lalaki sa kanyang mola at tumakas.
30 Samantalang sila'y nasa daan, may balitang nakarating kay David na sinasabing, “Pinatay ni Absalom ang lahat ng mga anak ng hari, at walang nalabing isa man sa kanila.”
31 Nang magkagayo'y tumindig ang hari at pinunit ang kanyang mga suot, at humiga sa lupa; at ang lahat niyang mga lingkod na nakatayo sa palibot niya ay pinunit ang kanilang mga damit.
32 Ngunit si Jonadab na anak ni Shimeah na kapatid ni David ay sumagot at nagsabi, “Huwag akalain ng aking panginoon na kanilang pinatay ang lahat ng mga binatang anak ng hari, sapagkat si Amnon lamang ang pinatay. Sapagkat sa utos ni Absalom, ito ay itinakda na, mula nang araw na kanyang halayin ang kanyang kapatid na si Tamar.
33 Ngayon nga'y huwag itong damdamin ng aking panginoong hari na akalaing ang lahat ng mga anak ng hari ay patay na; sapagkat si Amnon lamang ang patay.”
Si Absalom ay Tumakas sa Geshur
34 Ngunit si Absalom ay tumakas. Nang ang kabataang nagbabantay ay nagtaas ng kanyang mga mata, at tumingin at nakita niya ang maraming taong dumarating mula sa daang Horonaim sa gilid ng bundok.
35 Sinabi ni Jonadab sa hari, “Ang mga anak ng hari ay dumating na; ayon sa sinabi ng inyong lingkod, ay gayon nga.”
36 Pagkatapos niyang makapagsalita, ang mga anak ng hari ay nagdatingan, at inilakas ang kanilang tinig at umiyak; ang hari at ang lahat niyang mga lingkod ay mapait na umiyak.
37 Ngunit(A) tumakas si Absalom at pumunta kay Talmai na anak ni Amihud na hari ng Geshur. At tinangisan ni David ang kanyang anak na lalaki araw-araw.
38 Kaya't tumakas si Absalom at pumunta sa Geshur at nanirahan doon sa loob ng tatlong taon.
39 Si Haring David ay nanabik na puntahan si Absalom, sapagkat siya'y naaliw na tungkol kay Amnon, yamang siya ay patay na.
Isinaayos ni Joab ang Pagpapabalik kay Absalom
14 Ngayon ay nahalata ni Joab, na anak ni Zeruia, na ang puso ng hari ay nakatuon kay Absalom.
2 At nagsugo si Joab sa Tekoa, at ipinasundo mula roon ang isang pantas na babae, at sinabi sa kanya, “Ikaw ay magkunwaring isang nagluluksa at magsuot ka ng damit pangluksa. Huwag kang magpahid ng langis, kundi ikaw ay magkunwaring isang babaing nagluluksa nang mahabang panahon dahil sa isang namatay.
3 Pumunta ka sa hari, at magsalita ka ng gayon sa kanya.” Kaya't inilagay ni Joab ang mga salita sa bibig ng babae.
4 Nang magsalita ang babaing taga-Tekoa sa hari, siya ay nagpatirapa sa lupa, nagbigay galang, at nagsabi, “Tulungan mo ako, O hari.”
5 Sinabi ng hari sa kanya, “Anong bumabagabag sa iyo?” At siya'y sumagot, “Sa katotohanan ako'y balo, at ang aking asawa ay patay na.
6 Ang iyong lingkod ay may dalawang anak at silang dalawa'y nag-away sa parang. Walang umawat sa kanila, at sinaktan ng isa ang isa at napatay ito.
7 Ang buong angkan ay bumangon laban sa iyong lingkod, at sila'y nagsabi, ‘Ibigay mo ang taong pumatay sa kanyang kapatid, upang siya'y mapatay namin dahil sa buhay ng kanyang kapatid na kanyang pinatay’; sa gayo'y mapapatay din nila ang tagapagmana. Sa gayo'y mapapatay nila ang aking nalalabing baga at walang maiiwan sa aking asawa kahit pangalan o anumang nalabi sa balat ng lupa.”
8 Sinabi ng hari sa babae, “Umuwi ka sa iyong bahay, at ako'y mag-uutos tungkol sa iyo.”
9 At sinabi ng babaing taga-Tekoa sa hari, “Panginoon kong hari, ang kasamaan ay maging akin nawa, at sa sambahayan ng aking ama; at ang hari at ang kanyang trono ay mawalan nawa ng sala.”
10 Sinabi ng hari, “Sinumang magsabi sa iyo ng anuman, dalhin mo siya sa akin, at hindi ka na niya gagalawin pa.”
11 Pagkatapos ay sinabi niya, “Hinihiling ko na alalahanin ng hari ang Panginoon mong Diyos, upang ang tagapaghiganti ng dugo ay huwag nang pumatay pa, at upang huwag nang mapuksa ang aking anak.” At kanyang sinabi, “Habang buháy ang Panginoon, wala ni isang buhok ng iyong anak ang mahuhulog sa lupa.”
12 Nang magkagayo'y sinabi ng babae, “Hinihiling kong pahintulutan mo ang iyong lingkod na magsalita ng isang bagay sa aking panginoong hari.” At kanyang sinabi, “Magsalita ka.”
13 At sinabi ng babae, “Bakit ka nagbalak ng gayong bagay laban sa bayan ng Diyos? Sapagkat sa pagbibigay ng ganitong pasiya ay itinuring ng hari na nagkasala ang sarili, yamang hindi ipinababalik ng hari ang kanyang sariling itinapon.
14 Tayong lahat ay kailangang mamatay, tayo'y gaya ng tubig na nabuhos sa lupa, na hindi na muling matitipon, ngunit hindi kukunin ng Diyos ang buhay niya na humahanap ng paraan upang ang itinapon ay huwag mamalaging isang ipinatapon.
15 Ngayon ay pumarito ako upang sabihin ang bagay na ito sa aking panginoong hari, sapagkat tinakot ako ng taong-bayan, at inakala ng iyong lingkod, ‘Ako'y magsasalita sa hari, marahil ay gagawin ng hari ang kahilingan ng kanyang lingkod.
16 Sapagkat papakinggan ng hari at ililigtas ang kanyang lingkod sa kamay ng lalaking magkasamang papatay sa akin at sa aking anak mula sa pamana ng Diyos.’
17 At(B) inakala ng iyong lingkod, ‘Ang salita ng aking panginoong hari ang magpapatiwasay sa akin, sapagkat ang aking panginoong hari ay gaya ng anghel ng Diyos upang makilala ang mabuti at masama. Ang Panginoon mong Diyos ay sumaiyo nawa!’”
18 Nang magkagayo'y sinagot ng hari ang babae, “Huwag mong ikubli sa akin ang anumang itatanong ko sa iyo.” At sinabi ng babae, “Hayaang magsalita ang panginoon kong hari.”
19 Sinabi ng hari, “Kasama mo ba ang kamay ni Joab sa lahat ng bagay na ito?” At sumagot ang babae at nagsabi, “Kung paanong ikaw ay buháy panginoon kong hari, walang makakaliko sa kanan o sa kaliwa sa anumang sinabi ng aking panginoong hari. Ang iyong lingkod na si Joab ang siyang nag-utos sa akin, at siyang naglagay ng lahat ng mga salitang ito sa bibig ng iyong lingkod.
20 Upang baguhin ang takbo ng mga pangyayari, ginawa ng iyong lingkod na si Joab ang bagay na ito. Ngunit ang aking panginoon ay may karunungan gaya ng anghel ng Diyos upang malaman ang lahat ng mga bagay na nasa lupa.”
21 Sinabi ng hari kay Joab, “Ngayon, ipinahihintulot ko ito; humayo ka, ibalik mo rito uli ang binatang si Absalom.”
22 Nagpatirapa si Joab sa lupa, at nagbigay galang. Pinuri ni Joab ang hari at sinabi, “Ngayo'y nalalaman ng iyong lingkod na ako'y nakatagpo ng biyaya sa iyong paningin, panginoon kong hari, sapagkat ipinagkaloob ng hari ang kahilingan ng kanyang lingkod.”
23 Kaya't tumindig si Joab at pumunta sa Geshur at dinala si Absalom sa Jerusalem.
24 At sinabi ng hari, “Hayaan siyang manirahang bukod sa kanyang sariling bahay, hindi siya dapat lumapit sa aking harapan.” Kaya't nanirahang bukod si Absalom sa kanyang sariling bahay at hindi lumapit sa harapan ng hari.
25 Sa buong Israel nga'y walang hinahangaan sa kanyang kagandahan na gaya ni Absalom. Mula sa talampakan ng kanyang paa hanggang sa tuktok ng kanyang ulo, ay walang kapintasan.
26 Kapag ipinapagupit niya ang buhok sa kanyang ulo (sapagkat sa bawat katapusan ng bawat taon siya ay nagpapagupit; kapag mabigat na sa kanya ay kanyang ipinapagupit) kanyang tinitimbang ang buhok ng kanyang ulo, dalawang daang siklo, ayon sa timbangan ng hari.
27 At ipinanganak kay Absalom ang tatlong lalaki, at isang babae na ang pangala'y Tamar; siya'y isang magandang babae.
28 Kaya't si Absalom ay nanirahan ng buong dalawang taon sa Jerusalem na hindi lumalapit sa harapan ng hari.
29 Nang magkagayo'y ipinasugo ni Absalom si Joab, upang suguin siya sa hari ngunit ayaw niyang pumunta.
30 Kaya't sinabi niya sa kanyang mga alipin, “Tingnan ninyo, ang bukid ni Joab ay malapit sa akin, at siya'y may sebada roon. Humayo kayo at sunugin ninyo iyon.” At sinunog ng mga alipin ni Absalom ang bukid.
31 Nang magkagayo'y bumangon si Joab at pumunta kay Absalom sa kanyang bahay, at sinabi sa kanya, “Bakit sinunog ng iyong mga alipin ang aking bukid?”
32 At sinagot ni Absalom si Joab, “Ako'y nagpasugo sa iyo, ‘Pumarito ka, upang isugo kita sa hari,’ upang itanong, ‘Bakit pa ako umuwi mula sa Geshur? Mas mabuti pang nanatili ako roon.’ Ngayon ay papuntahin mo ako sa harapan ng hari; at kung may pagkakasala sa akin, hayaang patayin niya ako!”
33 Kaya't pumunta si Joab sa hari at sinabi sa kanya; at ipinatawag niya si Absalom. Kaya't humarap siya sa hari at nagpatirapa sa lupa sa harap ng hari; at hinagkan ng hari si Absalom.
Si Absalom ay Nagsimula ng Paghihimagsik
15 At nangyari pagkatapos nito, naghanda si Absalom ng isang karwahe at mga kabayo, at limampung lalaking tatakbo na nauuna sa kanya.
2 Nakagawian na ni Absalom na bumangong maaga at tumayo sa tabi ng daan sa pintuang-bayan. Kapag ang isang tao ay may dalang usapin upang idulog sa hari para hatulan, tatawagin siya ni Absalom, at sasabihin, “Taga-saang bayan ka?” At kapag kanyang sinabi, “Ang iyong lingkod ay mula sa ganito o sa ganoong lipi ng Israel,”
3 ay sasabihin ni Absalom sa kanya, “Tingnan mo, ang iyong usapin ay mabuti at matuwid; ngunit walang itinalaga ang hari upang pakinggan ka.”
4 Bukod dito ay sinabi ni Absalom, “O naging hukom sana ako sa lupain! Kung gayon, ang bawat taong may usapin o ipinaglalaban ay lalapit sa akin at siya'y aking bibigyan ng katarungan.”
5 At tuwing may taong lalapit upang magbigay-galang sa kanya, kanyang iniuunat ang kanyang kamay at hinahawakan siya, at hinahagkan.
6 Gayon ang ginawa ni Absalom sa buong Israel na lumalapit sa hari upang hatulan; sa gayon naagaw ni Absalom ang puso ng mga tao ng Israel.
7 At nangyari sa katapusan ng apat[b] na taon, sinabi ni Absalom sa hari, “Hinihiling ko sa iyo na hayaan mo akong umalis at tuparin ko ang aking panata sa Panginoon, sa Hebron.
8 Sapagkat ang iyong lingkod ay gumawa ng isang panata samantalang ako'y naninirahan sa Geshur sa Aram,[c] na sinasabi, ‘Kung tunay na dadalhin akong muli ng Panginoon sa Jerusalem ay sasamba ako sa Panginoon.’”
9 Sinabi ng hari sa kanya, “Humayo kang payapa.” Kaya't tumindig siya at pumunta sa Hebron.
10 Ngunit si Absalom ay nagsugo ng mga espiya sa lahat ng mga lipi ng Israel, na sinasabi, “Pagkarinig ninyo ng tunog ng trumpeta ay inyo ngang sasabihin, ‘Si Absalom ay hari sa Hebron!’”
11 Sumama kay Absalom ang dalawandaang lalaki na mga inanyayahang panauhin mula sa Jerusalem at sila'y pumaroong walang kamalay-malay, at walang nalalamang anuman.
12 Samantalang si Absalom ay naghahandog, ipinasugo niya si Ahitofel na Gilonita na tagapayo ni David mula sa kanyang bayang Gilo. Ang pagsasabwatan ay lumakas at ang mga taong kasama ni Absalom ay patuloy na dumarami.
Tumakas si David mula sa Jerusalem
13 Dumating ang isang sugo kay David, na nagsasabi, “Ang mga puso ng mga Israelita ay nasa panig na ni Absalom.”
14 At sinabi ni David sa lahat ng kanyang mga lingkod na kasama niya sa Jerusalem, “Humanda kayo, at tayo'y tumakas sapagkat kung hindi ay hindi tayo makakatakas kay Absalom. Magmadali kayo, baka madali niya tayong abutan at bagsakan tayo ng masama, at sugatan ang lunsod ng talim ng tabak.”
15 At sinabi ng mga lingkod ng hari sa hari, “Ang iyong mga lingkod ay handang gawin ang anumang ipasiya ng aming panginoong hari.”
16 Kaya't umalis ang hari at ang buong sambahayan niya ay sumunod sa kanya. At nag-iwan ang hari ng sampung asawang-lingkod upang pangalagaan ang bahay.
17 Humayo ang hari at ang taong-bayan na kasunod niya, at sila'y huminto sa huling bahay.
18 Lahat niyang mga lingkod ay dumaan sa harapan niya; at ang lahat ng mga Kereteo, mga Peleteo, mga Geteo, at ang animnaraang lalaking sumunod sa kanya mula sa Gat ay dumaan sa harapan ng hari.
19 Nang magkagayo'y sinabi ng hari kay Itai na Geteo, “Bakit pati ikaw ay sumasama sa amin? Bumalik ka at manatili kang kasama ng hari; sapagkat ikaw ay dayuhan at ipinatapon mula sa iyong tahanan.
20 Kahapon ka lamang dumating, at ngayon ay gagawin ba kitang lagalag na kasama namin, samantalang hindi ko alam kung saan pupunta? Bumalik ka, at ibalik mo ang iyong mga kapatid; at nawa'y pagpakitaan ka ng Panginoon ng tapat na pag-ibig at katapatan.”
21 Ngunit sumagot si Itai sa hari, “Habang buháy ang Panginoon at buháy ang aking panginoong hari, saanman naroroon ang aking panginoong hari, maging sa kamatayan o sa buhay, ay doroon din ang iyong lingkod.”
22 At sinabi ni David kay Itai, “Kung gayon ay humayo ka at magpatuloy.” At si Itai na Geteo ay nagpatuloy, pati ang lahat niyang mga tauhan, at ang lahat ng mga batang kasama niya.
23 At ang buong lupain ay umiyak nang malakas habang ang buong bayan ay dumaraan, at ang hari ay tumawid sa batis ng Cedron, at ang buong bayan ay tumawid sa daan patungo sa ilang.
Si Zadok, Abiatar, at si Husai ay Pinabalik
24 Dumating si Abiatar, pati si Zadok at ang lahat na Levitang kasama niya na dala ang kaban ng tipan ng Diyos. Kanilang inilapag ang kaban ng Diyos hanggang sa ang buong bayan ay makalabas sa lunsod.
25 Sinabi ng hari kay Zadok, “Ibalik mo ang kaban ng Diyos sa lunsod. Kapag ako'y nakatagpo ng biyaya sa mga mata ng Panginoon, ibabalik niya ako at ipapakita sa akin ang kaban at gayundin ang kanyang tahanan.
26 Ngunit kung sabihin niyang ganito, ‘Hindi kita kinalulugdan;’ ako'y naririto, gawin niya sa akin ang inaakala niyang mabuti.”
27 Sinabi rin ng hari kay Zadok na pari, “Nakikita mo ba? Bumalik kang payapa sa lunsod, kasama ang iyong dalawang anak, si Ahimaaz na iyong anak at si Jonathan na anak ni Abiatar.
28 Tingnan mo, ako'y maghihintay sa mga tawiran sa ilang hanggang sa may dumating na salita na mula sa inyo upang ipabatid sa akin.”
29 Kaya't dinala muli nina Zadok at Abiatar sa Jerusalem ang kaban ng Diyos at sila'y nanatili roon.
30 Ngunit umahon si David sa ahunan sa Bundok ng mga Olibo, na umiiyak habang siya'y umaahon. Ang kanyang ulo ay may takip at lumalakad siya na walang suot ang paa; at ang buong bayan na kasama niya ay may takip ang ulo, at sila'y umahon at umiiyak habang umaahon.
31 At ibinalita kay David, “Si Ahitofel ay isa sa mga kasabwat na kasama ni Absalom.” Sinabi ni David, “O Panginoon, hinihiling ko sa iyo, gawin mong kahangalan ang payo ni Ahitofel.”
32 Nang si David ay makarating sa tuktok na doon ay sinasamba ang Diyos, si Husai na Arkita ay sumalubong sa kanya na ang damit ay punit at may lupa sa kanyang ulo.
33 Sinabi ni David sa kanya, “Kapag ikaw ay nagpatuloy na kasama ko, ikaw ay magiging pasanin ko.
34 Ngunit kung ikaw ay babalik sa lunsod, at sasabihin mo kay Absalom, ‘Ako'y magiging iyong lingkod, O hari. Kung paanong ako'y naging lingkod ng iyong ama nang panahong nakaraan ay gayon magiging lingkod mo ako ngayon;’ kung magkagayo'y iyong mapapawalang-saysay para sa akin ang payo ni Ahitofel.
35 At hindi ba kasama mo roon si Zadok at si Abiatar na mga pari? Kaya't anumang marinig mo sa sambahayan ng hari, iyong sabihin kay Zadok at kay Abiatar na mga pari.
36 Kasama nila roon ang kanilang dalawang anak, si Ahimaaz na anak ni Zadok, at si Jonathan na anak ni Abiatar. Sa pamamagitan nila ay inyong ipadadala sa akin ang bawat bagay na inyong maririnig.”
37 Kaya't si Husai na kaibigan ni David ay dumating sa lunsod; samantalang si Absalom ay pumapasok sa Jerusalem.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001