Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
2 Samuel 8-12

Ang mga Tagumpay ni David sa Digmaan(A)

Pagkatapos nito, nilupig ni David ang mga Filisteo at pinasuko sila, at kinuha ni David ang Meteg-ama mula sa kamay ng mga Filisteo.

Nilupig din niya ang Moab at kanyang pinahiga sila sa lupa at sinukat sila sa pamamagitan ng isang tali. Bawat dalawang sukat ng tali ay ipinapatay, at isang sukat para sa ililigtas. At ang mga Moabita ay naging mga alipin ni David at nagdala ng mga buwis.

Nilupig din ni David si Hadadezer na anak ni Rehob, na hari ng Soba, habang siya'y humahayo upang ibalik ang kanyang kapangyarihan sa Ilog Eufrates.

Kinuha ni David mula sa kanya ang isanlibo at pitong daang mangangabayo, at dalawampung libong kawal na lakad. At pinilayan ni David ang lahat ng kabayo na pangkarwahe, ngunit nag-iwan siya ng sapat para sa isandaang karwahe.

Nang dumating ang mga taga-Siria mula sa Damasco upang tumulong kay Hadadezer na hari sa Soba, pinatay ni David sa mga taga-Siria ang dalawampu't dalawang libong tao.

Pagkatapos ay naglagay si David ng mga kuta sa Aram ng Damasco; at ang mga taga-Siria ay naging mga alipin ni David at nagsipagdala ng buwis. At binigyan ng Panginoon si David ng pagtatagumpay saanman siya pumunta.

Kinuha ni David ang mga kalasag na ginto na dinala ng mga lingkod ni Hadadezer, at dinala ang mga iyon sa Jerusalem.

Mula sa Beta at Berotai na mga bayan ni Hadadezer ay kumuha si Haring David ng napakaraming tanso.

Nang mabalitaan ni Toi na hari ng Hamat na nilupig ni David ang buong hukbo ni Hadadezer,

10 sinugo ni Toi si Joram na kanyang anak kay Haring David upang bumati sa kanya at purihin siya sapagkat siya'y lumaban kay Hadadezer at kanyang nilupig siya. Si Hadadezer ay madalas na lumalaban noon kay Toi. Nagdala si Joram ng mga kagamitang pilak, kagamitang ginto, at mga kagamitang tanso;

11 ang mga ito naman ay itinalaga ni David sa Panginoon na kasama ng pilak at ng ginto na kanyang itinalaga mula sa lahat ng mga bansa na kanyang pinasuko;

12 mula sa Edom, Moab, sa mga Ammonita, sa mga Filisteo, sa Amalek, at sa nasamsam kay Hadadezer na anak ni Rehob na hari sa Soba.

13 At(B) napabantog si David. Nang siya'y bumalik, nakapatay siya ng labingwalong libong mga Edomita sa Libis ng Asin.

14 Naglagay siya ng mga kuta sa Edom; sa buong Edom ay naglagay siya ng mga kuta, at ang lahat ng Edomita ay naging mga alipin ni David. At binigyan ng Panginoon si David ng pagtatagumpay saanman siya pumunta.

15 Kaya't naghari si David sa buong Israel; at naggawad si David ng katarungan at pagkakapantay-pantay sa kanyang buong bayan.

16 At si Joab na anak ni Zeruia ay pinuno ng hukbo; at si Jehoshafat na anak ni Ahilud ay tagapagtala;

17 si Zadok na anak ni Ahitub at si Ahimelec na anak ni Abiatar ay mga pari; at si Seraya ay kalihim;

18 si Benaya na anak ni Jehoiada ay pinuno ng mga Kereteo at Peleteo; at ang mga anak ni David ay mga pari.

Sina David at Mefiboset

Nagtanong(C) si David, “May nalalabi pa ba sa sambahayan ni Saul upang aking mapagpakitaan ng kabutihan alang-alang kay Jonathan?”

Noon ay may isang lingkod sa sambahayan ni Saul na ang pangalan ay Ziba. Kanilang tinawag siya upang humarap kay David, at sinabi ng hari sa kanya, “Ikaw ba si Ziba?” At kanyang sinabi, “Ako nga ang iyong lingkod.”

Sinabi(D) ng hari, “Mayroon pa bang nalalabi sa sambahayan ni Saul upang siya'y mapagpakitaan ko ng kabutihan ng Diyos?” At sinabi ni Ziba sa hari, “Mayroon pang isang anak si Jonathan; pilay ang kanyang mga paa.”

At sinabi ng hari sa kanya, “Saan siya naroroon?” Sinabi ni Ziba sa hari, “Siya'y nasa bahay ni Makir na anak ni Amiel, sa Lodebar.”

Kaya't nagsugo si Haring David at ipinakuha siya sa bahay ni Makir na anak ni Amiel mula sa Lodebar.

Si Mefiboset, na anak ni Jonathan, na anak ni Saul, ay pumaroon kay David, nagpatirapa sa kanyang harap, at nagbigay galang. At sinabi ni David, “Mefiboset.” Siya'y sumagot, “Ako ang iyong lingkod!”

Sinabi ni David sa kanya, “Huwag kang matakot, sapagkat pagpapakitaan kita ng kabutihan alang-alang kay Jonathan na iyong ama. Ibabalik ko sa iyo ang lahat ng lupain ni Saul na iyong ama at ikaw ay palaging kakain sa aking hapag.”

At siya'y nagbigay galang at nagsabi, “Ano ang iyong lingkod upang iyong tingnan ang isang asong patay na gaya ko?”

Nang magkagayo'y tinawag ng hari si Ziba na lingkod ni Saul, at sinabi sa kanya, “Lahat ng nauukol kay Saul at sa kanyang buong sambahayan ay aking ibinigay sa anak ng iyong panginoon.

10 Ikaw, ang iyong mga anak at mga alipin ay magbubungkal ng lupa para sa kanya, at iyong dadalhin dito ang mga bunga, upang ang anak ng iyong panginoon ay magkaroon ng tinapay na makakain. Ngunit si Mefiboset na anak ng iyong panginoon ay palaging kakain sa aking hapag.” Si Ziba ay may labinlimang anak na lalaki at dalawampung alipin.

11 Pagkatapos ay sinabi ni Ziba sa hari, “Ayon sa lahat ng iniutos ng aking panginoong hari sa kanyang lingkod ay gayon ang gagawin ng iyong lingkod.” Kaya't si Mefiboset ay kumain sa hapag ni David na gaya ng isa sa mga anak ng hari.

12 Si Mefiboset ay may isang anak na binata na ang pangalan ay Mica. At lahat ng naninirahan sa bahay ni Ziba ay naging mga lingkod ni Mefiboset.

13 Kaya't nanirahan si Mefiboset sa Jerusalem, sapagkat siya'y laging kumakain sa hapag ng hari. At pilay ang kanyang dalawang paa.

Ginapi ni David ang Ammon at ang Siria(E)

10 At nangyari pagkatapos nito, ang hari ng mga Ammonita ay namatay, at si Hanun na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.

Sinabi ni David, “Pagpapakitaan ko ng kagandahang-loob si Hanun na anak ni Nahas, gaya ng pagpapakita sa akin ng kagandahang-loob ng kanyang ama.” Kaya't nagsugo si David sa pamamagitan ng kanyang mga lingkod upang aliwin siya tungkol sa kanyang ama. At dumating ang mga lingkod ni David sa lupain ng mga anak ni Ammon.

Ngunit sinabi ng mga pinuno ng mga anak ni Ammon kay Hanun na kanilang panginoon, “Inaakala mo bang pinararangalan ni David ang iyong ama, kaya't siya'y nagsugo ng mga tagaaliw? Hindi kaya nagsugo si David sa iyo ng kanyang mga lingkod upang siyasatin ang bayan, at upang tiktikan, at upang ito ay magapi?”

Kaya't dinakip ni Hanun ang mga lingkod ni David, at inahit ang kalahati ng kanilang balbas, at pinutol ang kanilang mga suot sa gitna, sa kanilang pigi, at sila'y pinaalis.

Nang ito ay ibalita kay David, siya'y nagsugo upang salubungin sila, sapagkat ang mga lalaki ay lubhang napahiya. Sinabi ng hari, “Manatili kayo sa Jerico hanggang sa tumubo ang inyong balbas, pagkatapos ay bumalik na kayo.”

Nang makita ng mga Ammonita na sila'y naging kasuklamsuklam kay David, ang mga Ammonita ay nagsugo at inupahan ang mga taga-Siria sa Bet-rehob, at ang mga taga-Siria sa Soba, dalawampung libong kawal na lakad, at ang hari sa Maaca na may isanlibong tauhan at ang mga lalaking taga-Tob na labindalawang libong lalaki.

Nang ito ay mabalitaan ni David, kanyang sinugo si Joab at ang lahat ng hukbo ng mga makapangyarihang lalaki.

Ang mga Ammonita ay nagsilabas at humanay sa labanan sa pasukan sa pintuang-bayan; at ang mga taga-Siria ng Soba, ng Rehob, at ang mga lalaking taga-Tob at mga taga-Maaca ay nasa parang.

Nang makita ni Joab na ang labanan ay nakatutok sa kanya sa harapan at likuran, pumili siya ng ilan sa mga hirang na lalaki sa Israel at inihanay sila laban sa mga taga-Siria.

10 Ang nalabi sa kanyang mga tauhan ay inilagay niya sa pamamahala ni Abisai na kanyang kapatid, at kanyang inihanay sila laban sa mga Ammonita.

11 Kanyang sinabi, “Kung ang mga taga-Siria ay napakalakas para sa akin, ay tulungan mo nga ako; ngunit kung ang mga Ammonita ay maging napakalakas para sa iyo, darating naman ako at tutulungan kita.

12 Magpakatapang ka, at tayo'y magpakalalaki para sa ating bayan, at para sa mga lunsod ng ating Diyos; at gawin nawa ng Panginoon ang inaakala niyang mabuti.”

13 Kaya't lumapit si Joab at ang mga taong kasama niya sa pakikipaglaban sa mga taga-Siria; at sila'y nagsitakas sa harap niya.

14 Nang makita ng mga Ammonita na ang mga taga-Siria ay nagsitakas, sila man ay nagsitakas din sa harap ni Abisai, at nagsipasok sa lunsod. Kaya't bumalik si Joab mula sa paglaban sa mga Ammonita at dumating sa Jerusalem.

15 Subalit nang makita ng mga taga-Siria na sila'y nagapi ng Israel, sila'y nagtipun-tipon.

16 Nagsugo si Hadadezer at dinala ang mga taga-Siria na nasa kabila ng Ilog Eufrates; at sila'y dumating sa Helam na kasama ni Shobac na puno ng hukbo ni Hadadezer sa kanilang unahan.

17 Nang ito'y ibalita kay David kanyang tinipon ang buong Israel at tumawid sa Jordan, at dumating sa Helam. At ang mga taga-Siria ay humanay laban kay David, at lumaban sa kanya.

18 Ang mga taga-Siria ay tumakas sa harap ng Israel; at pumatay si David sa mga taga-Siria ng mga kalalakihan ng pitong daang karwahe, at apatnapung libong mangangabayo, at sinugatan si Shobac na pinuno ng kanilang hukbo, kaya't siya'y namatay doon.

19 Nang makita ng lahat ng hari na mga lingkod ni Hadadezer na sila'y nagapi ng Israel, sila'y nakipagpayapaan sa Israel at napasakop sa kanila. Kaya't natakot ang mga taga-Siria na tumulong pa sa mga Ammonita.

Sina David at Batseba

11 Sa(F) tagsibol ng taon, ang panahon na ang mga hari ay lumalabas upang makipaglaban, sinugo ni David si Joab at ang kanyang mga lingkod na kasama niya, at ang buong Israel. Kanilang sinalanta ang mga Ammonita at kinubkob ang Rabba. Ngunit si David ay nanatili sa Jerusalem.

Isang dapit-hapon, nang si David ay bumangon sa kanyang higaan at naglalakad sa bubungan ng bahay ng hari, nakakita siya mula sa bubungan ng isang babaing naliligo; at ang babae ay napakaganda.

Nagsugo si David at nagtanong tungkol sa babae. At sinabi ng isa, “Hindi ba ito ay si Batseba na anak ni Eliam, na asawa ni Urias na Heteo?”

Kaya't si David ay nagpadala ng mga sugo at kinuha siya. Ang babae ay pumaroon sa kanya at siya'y kanyang sinipingan. (Siya ay katatapos pa lamang maglinis mula sa kanyang karumihan.) Pagkatapos, siya'y bumalik sa kanyang bahay.

Ang babae ay naglihi; at siya'y nagsugo at sinabi kay David, “Ako'y buntis.”

Kaya't nagpasabi si David kay Joab, “Papuntahin mo sa akin si Urias na Heteo.” Pinapunta ni Joab si Urias kay David.

Nang si Urias ay dumating sa kanya, tinanong siya ni David kung ano ang kalagayan ni Joab at ng mga tauhan, at kung ano ang nangyayari sa labanan.

Sinabi ni David kay Urias, “Bumaba ka sa iyong bahay at hugasan mo ang iyong mga paa.” At lumabas si Urias sa bahay ng hari at isinunod sa kanya ang isang regalo mula sa hari.

Ngunit natulog si Urias sa pintuan ng bahay ng hari, kasama ng lahat ng mga lingkod ng kanyang panginoon, at hindi bumaba sa kanyang bahay.

10 Nang kanilang sabihin kay David na, “Hindi bumaba si Urias sa kanyang bahay,” sinabi ni David kay Urias, “Hindi ba galing ka sa isang paglalakbay? Bakit hindi ka bumaba sa iyong bahay?”

11 Sinabi ni Urias kay David, “Ang kaban, ang Israel, at ang Juda ay naninirahan sa mga tolda at ang aking panginoong si Joab, at ang mga lingkod ng aking panginoon ay nagkakampo sa parang. Pupunta ba ako sa aking bahay upang kumain, uminom, at sumiping sa aking asawa? Habang buháy ka, at buháy ang iyong kaluluwa, hindi ko gagawin ang bagay na ito.”

12 Pagkatapos ay sinabi ni David kay Urias, “Manatili ka rin dito ngayon at bukas ay paaalisin na kita.” Kaya't tumigil si Urias sa Jerusalem ng araw na iyon at sa kinabukasan.

13 Inanyayahan siya ni David na siya'y kumain at uminom sa harap niya; at siya'y kanyang nilasing. Kinahapunan, siya'y lumabas upang mahiga sa kanyang higaan kasama ang mga lingkod ng kanyang panginoon, ngunit hindi siya bumaba sa kanyang bahay.

14 Kinaumagahan, sumulat si David kay Joab at ipinadala kay Urias.

15 Sa liham ay kanyang isinulat, “Ilagay mo si Urias sa unahan ng pinakamainit na labanan, pagkatapos kayo'y umurong mula sa kanya, upang siya'y masaktan, at mamatay.”

16 Habang kinukubkob ni Joab ang lunsod, kanyang inilagay si Urias sa lugar na alam niyang kinaroroonan ng matatapang na lalaki.

17 At ang mga lalaki sa lunsod ay lumabas at lumaban kay Joab, at ilan sa mga lingkod ni David ay nabuwal na kasama ng bayan. Si Urias na Heteo ay napatay rin.

18 Pagkatapos ay nagsugo si Joab at sinabi kay David ang lahat ng mga balita tungkol sa labanan;

19 at kanyang ibinilin sa sugo, “Kapag tapos ka ng magsalaysay sa hari ng lahat ng mga balita tungkol sa labanan,

20 at, kung magalit ang hari at kanyang sabihin sa iyo, ‘Bakit lumapit kayong mabuti sa lunsod upang lumaban? Hindi ba ninyo nalalaman na sila'y papana mula sa pader?

21 Sino(G) ang pumatay kay Abimelec na anak ni Jerubeshet? Hindi ba isang babae ang naghagis sa kanya ng isang pang-ibabaw na bato ng gilingan mula sa pader, kaya't siya'y namatay sa Tebez? Bakit kayo'y lumapit sa pader?’ Saka mo sasabihin, ‘Ang iyong lingkod na si Urias na Heteo ay patay rin.’”

22 Kaya't humayo ang sugo, pumaroon at isinalaysay kay David ang lahat ng ipinasasabi sa kanya ni Joab.

23 At sinabi ng sugo kay David, “Ang mga lalaki ay nanaig laban sa amin, at lumabas sa amin sa parang; ngunit pinaurong namin sila hanggang sa pasukan ng pintuang-bayan.

24 At pinana ng mga tagapana ang iyong mga lingkod mula sa kuta; at ang ilan sa mga lingkod ng hari ay namatay, at ang iyong lingkod na si Urias na Heteo ay napatay rin.”

25 Nang magkagayo'y sinabi ni David sa sugo, “Ganito ang sabihin mo kay Joab, ‘Huwag mong ikabahala ang bagay na ito, sapagkat nilalamon ng tabak ngayon ang isa at pagkatapos ay ang iba naman. Palakasin mo ang iyong pagsalakay sa lunsod at wasakin mo iyon!’ Palakasin mo ang loob niya.”

26 Nang marinig ng asawa ni Urias na si Urias na kanyang asawa ay namatay, kanyang tinangisan ang kanyang asawa.

27 Nang tapos na ang pagluluksa, si David ay nagsugo at kinuha ang babae sa kanyang bahay, at siya'y naging kanyang asawa, at nagkaanak sa kanya ng isang lalaki. Ngunit ang bagay na ginawa ni David ay hindi kinalugdan ng Panginoon.

Sinaway ni Natan si David

12 At(H) isinugo ng Panginoon si Natan kay David. Siya'y pumaroon sa kanya at sinabi sa kanya, “May dalawang lalaki sa isang lunsod, ang isa ay mayaman at ang isa ay mahirap.

Ang mayaman ay mayroong napakaraming kawan at bakahan;

ngunit ang mahirap ay walang anumang bagay liban sa isang munting babaing kordero na kanyang binili. Kanyang inalagaan ito at lumaki sa piling niya at ng kanyang mga anak. Kumakain ito ng kanyang sariling pagkain at umiinom sa kanyang sariling inuman, at humihiga sa kanyang kandungan, at sa kanya'y parang isang anak na babae.

Noon ay may dumating na manlalakbay sa mayaman. Ayaw niyang kumuha mula sa kanyang sariling kawan at sa kanyang sariling bakahan para sa manlalakbay na dumating sa kanya. Sa halip ay kinuha niya ang kordero ng taong mahirap at inihanda sa lalaking dumating sa kanya.”

At ang galit ni David ay labis na nagningas laban sa lalaki; at kanyang sinabi kay Natan, “Habang buháy ang Panginoon, ang lalaking gumawa nito ay karapat-dapat na mamatay;

kanyang ibabalik ang kordero na may dagdag na apat, sapagkat kanyang ginawa ang bagay na ito, at sapagkat siya'y walang habag.”

Sinabi ni Natan kay David, “Ikaw ang lalaking iyon. Ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel, ‘Binuhusan kita ng langis upang maging hari ng Israel, at iniligtas kita sa kamay ni Saul.

Ibinigay ko sa iyo ang bahay ng iyong panginoon, ang mga asawa ng iyong panginoon sa iyong kandungan, at ang sambahayan ng Israel at ng Juda; at kung ito ay maliit pa ay daragdagan pa kita ng higit.

Bakit mo hinamak ang salita ng Panginoon upang gumawa ng masama sa kanyang paningin? Tinaga mo ng tabak si Urias na Heteo, at kinuha mo ang kanyang asawa upang maging iyong asawa, at pinaslang mo siya sa pamamagitan ng tabak ng mga Ammonita.

10 Kaya ngayon ay hindi hihiwalay kailanman ang tabak sa iyong sambahayan; sapagkat hinamak mo ako, at kinuha mo ang asawa ni Urias na Heteo upang maging iyong asawa.’

11 Ganito(I) ang sabi ng Panginoon, ‘Ako'y magpapabangon ng kasamaan laban sa iyo mula sa iyong sariling sambahayan, at kukunin ko ang iyong mga asawa sa harap ng iyong paningin, at aking ibibigay sa iyong kapwa; at kanyang sisipingan ang iyong mga asawa sa liwanag ng araw na ito.

12 Lihim mo itong ginawa, ngunit gagawin ko ang bagay na ito sa harap ng buong Israel, at sa harap ng araw.’”

13 At sinabi ni David kay Natan, “Ako'y nagkasala laban sa Panginoon.” At sinabi ni Natan kay David, “Inalis din ng Panginoon ang iyong kasalanan; hindi ka mamamatay.

14 Gayunman, sapagkat sa pamamagitan ng gawang ito'y binigyan mo ng dahilan ang mga kaaway ng Panginoon, na lumapastangan,[a] ang bata naman na ipinanganak sa iyo ay mamamatay.”

Namatay ang Anak ni David

15 Pagkatapos, si Natan ay umuwi sa kanyang bahay. Sinaktan ng Panginoon ang bata na ipinanganak ng asawa ni Urias kay David, at ito ay nagkasakit.

16 Kaya't nagmakaawa si David sa Diyos para sa bata; at si David ay nag-ayuno at pumasok at humiga sa lupa buong magdamag.

17 Ang matatanda sa kanyang bahay ay tumatayo sa tabi niya upang itindig siya sa lupa; ngunit ayaw niya, ni hindi siya kumain ng tinapay na kasalo nila.

18 Nang ikapitong araw, ang bata ay namatay. Natakot ang mga lingkod ni David na sabihin sa kanya na ang bata ay patay na; sapagkat kanilang sinabi, “Samantalang ang bata ay buháy pa, tayo ay nakipag-usap sa kanya, at hindi siya nakinig sa atin; kaya't paano natin sasabihin sa kanya na ang bata ay patay na? Baka saktan niya ang kanyang sarili.”

19 Ngunit nang makita ni David na ang kanyang mga lingkod ay nagbubulung-bulungan, nahiwatigan ni David na ang bata ay patay na. Kaya't itinanong ni David sa kanyang mga lingkod, “Patay na ba ang bata?” At kanilang sinabi, “Siya'y patay na.”

20 Nang magkagayo'y bumangon si David sa lupa at naligo, nagbuhos at nagbihis ng kanyang damit; at siya'y pumunta sa bahay ng Panginoon at sumamba. Pagkatapos ay pumunta siya sa kanyang sariling bahay; at nang siya'y humingi, kanilang hinainan siya ng pagkain at siya'y kumain.

21 Sinabi sa kanya ng kanyang mga lingkod, “Anong bagay ito na iyong ginawa? Ikaw ay nag-ayuno at umiyak dahil sa bata nang siya'y buháy pa; ngunit nang mamatay ang bata, ikaw ay bumangon at kumain ng tinapay.”

22 At kanyang sinabi, “Nang ang bata'y buháy pa, ako'y nag-ayuno at umiyak, sapagkat aking sinabi, ‘Sino ang nakakaalam kung maaawa sa akin ang Panginoon, upang ang bata'y mabuhay?’

23 Ngunit ngayo'y patay na siya; bakit pa ako mag-aayuno? Maibabalik ko pa ba siya? Ako'y pupunta sa kanya, ngunit siya'y hindi babalik sa akin.”

Ipinanganak si Solomon

24 At inaliw ni David si Batseba na kanyang asawa, lumapit siya sa kanya, at sumiping sa kanya. Siya'y nanganak ng isang lalaki, at tinawag niya ang kanyang pangalan na Solomon. Minahal siya ng Panginoon;

25 at nagpadala ng mensahe sa pamamagitan ni Natan na propeta; kaya't tinawag niya ang kanyang pangalan na Jedidiah,[b] dahil sa Panginoon.

Nasakop ni David ang Rabba(J)

26 Noon ay nakipaglaban si Joab sa Rabba ng mga Ammonita at sinakop ang pangunahing lunsod.

27 Nagpadala si Joab ng mga sugo kay David, at nagsabi, “Ako'y nakipaglaban sa Rabba, bukod dito, aking sinakop ang lunsod ng tubig.

28 Ngayo'y tipunin mo ang nalabi sa bayan, at humimpil ka laban sa lunsod, at sakupin mo; baka sakupin ko ang lunsod at tawagin ito ayon sa aking pangalan.”

29 Tinipon ni David ang buong bayan at pumunta sa Rabba, at lumaban doon at sinakop ito.

30 Kinuha niya ang korona ng kanilang hari sa kanyang ulo; ang bigat niyon ay isang talentong ginto, at sa mga iyon ay may mahahalagang bato; at ipinutong iyon sa ulo ni David. Siya'y naglabas ng napakaraming samsam sa lunsod.

31 At kanyang inilabas ang mga taong naroon, at pinagawa sa pamamagitan ng mga lagari, mga suyod na bakal, mga palakol na bakal, at sa mga lutuan ng laryo. Gayon ang ginawa niya sa lahat ng mga bayan ng mga Ammonita. Pagkatapos, si David at ang buong bayan ay bumalik sa Jerusalem.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001