Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
1 Mga Hari 12-14

Si Rehoboam ay Naghari(A)

12 Si Rehoboam ay nagtungo sa Shekem, sapagkat ang buong Israel ay nagtungo sa Shekem upang gawin siyang hari.

Nang mabalitaan iyon ni Jeroboam na anak ni Nebat (sapagkat siya'y nasa Ehipto pa, na doon siya'y tumakas mula sa harapan ni Haring Solomon), siya ay bumalik mula sa Ehipto.

Sila'y nagsugo at kanilang ipinatawag siya. Si Jeroboam at ang buong kapulungan ng Israel ay dumating, at nagsabi kay Rehoboam,

“Pinabigat ng iyong ama ang pasanin namin. Ngayon ay pagaanin mo ang mabigat na paglilingkod sa iyong ama, at ang mabigat niyang pamatok na iniatang niya sa amin, at kami ay maglilingkod sa iyo.”

At sinabi niya sa kanila, “Humayo kayo, at pagkaraan ng tatlong araw ay bumalik kayo sa akin.” Umalis nga ang taong-bayan.

Pagkatapos si Haring Rehoboam ay humingi ng payo sa matatandang lalaki na tumayo sa harap ni Solomon na kanyang ama samantalang siya'y nabubuhay pa, na sinasabi, “Anong payo ang maibibigay ninyo sa akin, upang isagot sa bayang ito?”

At sinabi nila sa kanya, “Kung ikaw ay magiging lingkod sa bayang ito sa araw na ito at maglilingkod sa kanila, at magsasabi ng mabubuting salita kapag sinasagot mo sila, ay magiging mga lingkod mo nga sila magpakailanman.”

Ngunit tinalikuran niya ang payo ng matatanda na kanilang ibinigay sa kanya, at humingi ng payo sa mga kabataang lalaking nagsilaking kasama niya na tumayo sa harap niya.

At sinabi niya sa kanila, “Anong maipapayo ninyo na dapat nating isagot sa bayang ito, na nagsabi sa akin, ‘Pagaanin mo ang pasanin na iniatang ng iyong ama sa amin’?”

10 Ang kanyang mga kababata ay nagsabi sa kanya, “Ganito ang iyong sasabihin sa bayang ito na nagsabi sa iyo, ‘Pinabigat ng iyong ama ang pasanin namin, ngunit pagaanin mo sa amin.’ Ganito ang iyong sasabihin sa kanila, ‘Ang aking kalingkingan ay mas makapal kaysa mga balakang ng aking ama.

11 At yaman ngang inatangan kayo ng aking ama ng mabigat na pasanin, ay aking dadagdagan pa ang pasanin ninyo. Pinarusahan kayo ng aking ama ng mga latigo; ngunit parurusahan ko kayo ng mga alakdan.’”

12 Kaya't naparoon si Jeroboam at ang buong bayan kay Rehoboam sa ikatlong araw, gaya ng iniutos ng hari, “Bumalik kayo sa akin sa ikatlong araw.”

13 Mabagsik na sinagot ng hari ang mga tao at tinalikuran ang payo na ibinigay sa kanya ng matatanda.

14 At nagsalita siya sa kanila ayon sa payo ng mga kabataan na nagsasabi, “Pinabigat ng aking ama ang inyong pasanin, ngunit pabibigatan ko pa ang inyong pasanin. Pinarusahan kayo ng aking ama ng mga latigo, ngunit parurusahan ko kayo ng mga alakdan.”

15 Sa gayo'y hindi dininig ng hari ang bayan sapagkat iyon ay pinapangyari ng Panginoon upang kanyang matupad ang kanyang salita na sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ni Ahias na Shilonita kay Jeroboam na anak ni Nebat.

Naghimagsik ang Israel

16 Nang(B) makita ng buong Israel na hindi sila dininig ng hari, sumagot ang bayan sa hari, na nagsasabi, “Anong bahagi mayroon kami kay David? Wala kaming mana sa anak ni Jesse. Sa iyong mga tolda, O Israel! Ngayon ikaw na ang bahala sa iyong sariling sambahayan, David.” Sa gayo'y humayo ang Israel sa kanya-kanyang tolda.

17 Ngunit si Rehoboam ay naghari sa mga anak ni Israel na naninirahan sa mga lunsod ng Juda.

18 Nang magkagayo'y sinugo ni Haring Rehoboam si Adoram na tagapangasiwa sa sapilitang paggawa, at siya'y binato ng buong Israel, hanggang siya'y mamatay. At nagmadali si Haring Rehoboam na sumakay sa kanyang karwahe upang tumakas patungo sa Jerusalem.

19 Gayon naghimagsik ang Israel laban sa sambahayan ni David, hanggang sa araw na ito.

20 Nang mabalitaan ng buong Israel na si Jeroboam ay bumalik na, sila'y nagsugo at ipinatawag siya sa kapulungan, at ginawa siyang hari sa buong Israel. Walang sumunod sa sambahayan ni David kundi ang lipi ni Juda lamang.

21 Nang dumating si Rehoboam sa Jerusalem, kanyang tinipon ang buong sambahayan ng Juda at ang lipi ni Benjamin na binubuo ng isandaan at walumpung libong piling lalaking mandirigma upang lumaban sa sambahayan ng Israel at ibalik ang kaharian kay Rehoboam na anak ni Solomon.

22 Ngunit ang salita ng Diyos ay dumating kay Shemaya na tao ng Diyos, na nagsasabi,

23 “Sabihin mo kay Rehoboam na anak ni Solomon, na hari sa Juda, at sa buong sambahayan ng Juda, ng Benjamin, at sa nalabi sa bayan, na nagsasabi,

24 ‘Ganito ang sabi ng Panginoon, Huwag kayong aahon o makikipaglaban sa inyong mga kapatid na mga anak ni Israel. Bumalik ang bawat isa sa kanyang bahay, sapagkat ang bagay na ito ay mula sa akin.’” Sa gayo'y kanilang dininig ang salita ng Panginoon, at sila'y umuwi, ayon sa salita ng Panginoon.

Si Jeroboam ay Naghari

25 Itinayo ni Jeroboam ang Shekem sa lupaing maburol ng Efraim, at nanirahan doon; at siya'y umalis roon at itinayo ang Penuel.

26 At sinabi ni Jeroboam sa kanyang sarili, “Ngayo'y maibabalik ang kaharian sa sambahayan ni David,

27 kapag ang bayang ito ay umahon upang maghandog ng mga alay sa bahay ng Panginoon sa Jerusalem, ang puso ng bayang ito'y babalik sa kanilang panginoon, samakatuwid ay kay Rehoboam na hari sa Juda. Ako'y papatayin nila at babalik sila kay Rehoboam na hari ng Juda.”

28 Kaya't(C) ang hari ay humingi ng payo at gumawa ng dalawang guyang ginto. Sinabi niya sa kanila, “Kalabisan na sa inyo ang pumunta pa sa Jerusalem. Masdan mo O Israel, ang iyong mga diyos na nagdala sa inyo mula sa lupain ng Ehipto.”

29 Inilagay niya ang isa sa Bethel at ang isa'y sa Dan.

30 Ang bagay na ito ay naging kasalanan sapagkat ang bayan ay umahon upang sumamba sa harap ng nasa Bethel at nagtungo rin sila sa Dan.

31 Gumawa rin siya ng mga bahay sa matataas na dako, at nagtalaga ng mga pari mula sa taong-bayan na hindi kabilang sa mga anak ni Levi.

32 Si(D) Jeroboam ay nagtakda ng isang kapistahan sa ikalabinlimang araw ng ikawalong buwan, gaya ng kapistahan sa Juda, at siya'y naghandog sa ibabaw ng dambana. Gayon ang ginawa niya sa Bethel, na kanyang hinahandugan ang mga guya na kanyang ginawa. At kanyang inilagay sa Bethel ang mga pari ng matataas na dako na kanyang ginawa.

33 Siya'y umakyat sa dambana na kanyang ginawa sa Bethel nang ikalabinlimang araw ng ikawalong buwan, sa buwan na binalak ng kanyang sariling puso. Nagtakda siya ng isang kapistahan sa mga anak ni Israel at umakyat sa dambana upang magsunog ng insenso.

Si Jeroboam ay Pinaalalahanan ng Isang Propeta

13 Dumating ang isang tao ng Diyos mula sa Juda ayon sa salita ng Panginoon sa Bethel. Si Jeroboam ay nakatayo sa tabi ng dambana upang magsunog ng insenso.

Ang(E) lalaki ay sumigaw laban sa dambana ayon sa salita ng Panginoon, “O dambana, dambana, ganito ang sabi ng Panginoon: ‘Isang batang lalaki ang ipapanganak sa sambahayan ni David na ang pangalan ay Josias; at iaalay niya sa ibabaw mo ang mga pari ng matataas na dako, na nagsusunog ng insenso sa iyo, at mga buto ng mga taong susunugin sa ibabaw mo.’”

At siya'y nagbigay ng tanda nang araw ding iyon na sinasabi, “Ito ang tanda na sinabi ng Panginoon, ‘Ang dambana ay mawawasak at ang mga abo na nasa ibabaw nito ay matatapon.’”

Nang marinig ng hari ang salita ng tao ng Diyos na kanyang isinigaw laban sa dambana sa Bethel, iniunat ni Jeroboam ang kanyang kamay mula sa dambana, at sinabi, “Hulihin siya.” At ang kanyang kamay na kanyang iniunat laban sa kanya ay natuyo, anupa't hindi niya ito maibalik sa kanyang sarili.

Ang dambana ay nawasak at ang mga abo ay natapon mula sa dambana, ayon sa tanda na ibinigay ng tao ng Diyos sa pamamagitan ng salita ng Panginoon.

Ang hari ay sumagot at sinabi sa tao ng Diyos, “Hilingin mo ngayon ang biyaya ng Panginoon mong Diyos, at idalangin mo ako, upang ang aking kamay ay bumalik sa kanyang sarili.” At idinalangin siya ng tao ng Diyos sa Panginoon, at ang kamay ng hari ay bumalik sa kanyang sarili, at naging gaya ng dati.”

At sinabi ng hari sa tao ng Diyos, “Umuwi kang kasama ko, kumain ka, at bibigyan kita ng gantimpala.”

Sinabi ng tao ng Diyos sa hari, “Kung ibibigay mo sa akin ang kalahati ng iyong bahay ay hindi ako hahayong kasama mo, o kakain man ako ng tinapay o iinom man ako ng tubig sa dakong ito.

Sapagkat iyon ang iniutos sa akin ng salita ng Panginoon, ‘Huwag kang kakain ng tinapay, o iinom man ng tubig, ni babalik man sa daan na iyong pinanggalingan.’”

10 Kaya't dumaan siya sa ibang daan, at hindi na bumalik sa daan na kanyang dinaanan patungo sa Bethel.

Ang Propeta ay Naakay sa Pagsuway

11 Noon ay may naninirahang isang matandang propeta sa Bethel. Ang isa sa kanyang mga anak ay naparoon, at isinalaysay sa kanya ang lahat ng mga ginawa ng tao ng Diyos sa araw na iyon sa Bethel; ang mga salita na kanyang sinabi sa hari ay siya ring isinalaysay nila sa kanilang ama.

12 Sinabi ng kanilang ama sa kanila, “Saan siya dumaan?” At itinuro sa kanya ng kanyang mga anak ang daang dinaraanan ng tao ng Diyos na nanggaling sa Juda.

13 Sinabi niya sa kanyang mga anak, “Ihanda ninyo para sa akin ang asno.” Sa gayo'y kanilang inihanda ang asno para sa kanya at kanyang sinakyan.

14 Kanyang sinundan ang tao ng Diyos at natagpuan niyang nakaupo sa ilalim ng isang puno ng ensina, at sinabi niya sa kanya, “Ikaw ba ang tao ng Diyos na nanggaling sa Juda?” At sinabi niya, “Ako nga.”

15 Nang magkagayo'y sinabi niya sa kanya, “Umuwi kang kasama ko, at kumain ka ng tinapay.”

16 At sinabi niya, “Hindi ako makababalik na kasama mo, o makakapasok na kasama mo, ni makakakain man ng tinapay o makakainom man ng tubig na kasalo mo sa dakong ito.

17 Sapagkat sinabi sa akin sa pamamagitan ng salita ng Panginoon, ‘Huwag kang kakain ng tinapay o iinom man ng tubig doon, o babalik man sa daan na iyong dinaanan.’”

18 Sinabi niya sa kanya, “Ako man ay isang propetang gaya mo, at isang anghel ang nagsabi sa akin sa pamamagitan ng salita ng Panginoon, ‘Ibalik mo siya na kasama mo sa iyong bahay, upang siya'y makakain ng tinapay at makainom ng tubig.’” Ngunit siya'y nagsinungaling sa kanya.

19 Kaya't siya ay bumalik na kasama niya, at kumain ng tinapay sa kanyang bahay at uminom ng tubig.

20 Samantalang sila'y nakaupo sa hapag, ang salita ng Panginoon ay dumating sa propeta na nagpabalik sa kanya.

21 At siya'y sumigaw sa tao ng Diyos na nanggaling sa Juda, “Ganito ang sabi ng Panginoon: Sapagkat ikaw ay sumuway sa salita ng Panginoon, at hindi mo tinupad ang utos na iniutos ng Panginoon mong Diyos sa iyo,

22 kundi ikaw ay bumalik at kumain ng tinapay, at uminom ng tubig sa dakong kanyang sinabi sa iyo na, ‘Huwag kang kumain ng tinapay, at huwag kang uminom ng tubig;’ ang iyong bangkay ay hindi darating sa libingan ng iyong mga ninuno.”

23 Pagkatapos na makakain siya ng tinapay at makainom, inihanda niya ang asno para sa propeta na kanyang pinabalik.

24 Habang siya'y papaalis, sinalubong siya ng isang leon sa daan at pinatay siya. Ang kanyang bangkay ay napahagis sa daan at ang asno ay nakatayo sa tabi nito; ang leon ay nakatayo rin sa tabi ng bangkay.

25 May mga taong dumaan at nakita ang bangkay na nakahandusay sa daan at ang leon na nakatayo sa tabi ng bangkay. Sila'y humayo at isinalaysay iyon sa lunsod na tinitirhan ng matandang propeta.

26 Nang marinig iyon ng propeta na nagpabalik sa kanya sa daan, sinabi niya: “Iyon ang tao ng Diyos na sumuway sa salita ng Panginoon, kaya't ibinigay siya ng Panginoon sa leon na lumapa at pumatay sa kanya ayon sa salitang sinabi ng Panginoon sa kanya.”

27 Sinabi niya sa kanyang mga anak, “Ihanda ninyo para sa akin ang asno.” At inihanda nila iyon.

28 Siya'y pumaroon at natagpuan ang kanyang bangkay na nakahandusay sa daan, at ang leon at ang asno ay nakatayo sa tabi ng bangkay. Hindi kinain ng leon ang bangkay, o nilapa man ang asno.

29 Kinuha ng propeta ang bangkay ng tao ng Diyos, ipinatong sa asno, at ibinalik sa bayan ng matandang propeta upang tangisan at ilibing.

30 Inilagay niya ang bangkay nito sa kanyang sariling libingan at kanilang tinangisan siya na sinasabi, “Ay, kapatid ko!”

31 Pagkatapos na kanyang mailibing siya, sinabi niya sa kanyang mga anak, “Kapag ako'y namatay, ilibing ninyo ako sa puntod na pinaglibingan sa tao ng Diyos. Ilagay ninyo ang aking mga buto sa tabi ng kanyang mga buto.

32 Sapagkat ang salita na kanyang isinigaw sa pamamagitan ng salita ng Panginoon laban sa dambana sa Bethel at laban sa mga bahay sa mga mataas na dako na nasa mga bayan ng Samaria ay tiyak na mangyayari.”

Ang mga Pari ni Jeroboam

33 Pagkatapos ng bagay na ito, si Jeroboam ay hindi tumalikod sa kanyang masamang pamamaraan, bagkus ay muling humirang ng mga pari mula sa taong-bayan para sa matataas na dako; sinumang may ibig ay kanyang itinatalaga upang maging mga pari sa matataas na dako.

34 Ang bagay na ito ay naging kasalanan sa sambahayan ni Jeroboam na sanhi ng kanilang pagkahiwalay at pagkapuksa mula sa ibabaw ng lupa.

Ang Pahayag ni Ahias Laban kay Jeroboam

14 Nang panahong iyon si Abias na anak ni Jeroboam ay nagkasakit.

Sinabi ni Jeroboam sa kanyang asawa, “Bumangon ka at magbalatkayo upang huwag kang makilala na asawa ni Jeroboam, at pumunta ka sa Shilo. Naroon si Ahias na propeta na nagsalita tungkol sa akin na ako'y magiging hari sa bayang ito.

Magdala ka ng sampung malalaking tinapay, mga munting tinapay, isang bangang pulot, at pumaroon ka sa kanya. Kanyang sasabihin sa iyo kung ano ang mangyayari sa bata.”

Gayon nga ang ginawa ng asawa ni Jeroboam; tumindig siya at pumunta sa Shilo, at dumating sa bahay ni Ahias. Si Ahias noon ay hindi na nakakakita sapagkat ang kanyang mga mata'y malabo na dahil sa kanyang katandaan.

At sinabi ng Panginoon kay Ahias, “Ang asawa ni Jeroboam ay darating upang magtanong sa iyo tungkol sa kanyang anak; sapagkat siya'y maysakit. Ganito't gayon ang iyong sasabihin sa kanya.” Sapagkat mangyayari na nang siya'y dumating siya'y nagkukunwari na ibang babae.

Nang marinig ni Ahias ang ingay ng kanyang mga paa, pagpasok niya sa pintuan ay sinabi niya, “Pumasok ka, asawa ni Jeroboam. Bakit ka nagkukunwaring iba? Sapagkat ako'y pinagbilinan ng mabibigat na balita para sa iyo.

Humayo ka at sabihin mo kay Jeroboam, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel: Sapagkat itinaas kita sa gitna ng bayan, at ginawa kitang pinuno sa aking bayang Israel,

at inagaw ko ang kaharian mula sa sambahayan ni David at ibinigay sa iyo; gayunma'y hindi ka naging gaya ng lingkod kong si David, na sumunod sa aking mga utos, at sumunod sa akin ng kanyang buong puso, na ginagawa lamang ang matuwid sa aking mga paningin.

Ngunit ikaw ay gumawa ng kasamaang higit kaysa lahat ng nauna sa iyo. Ikaw ay humayo at gumawa para sa sarili mo ng mga ibang diyos, at mga larawang hinulma, upang galitin at inihagis mo ako sa iyong likuran.

10 Kaya't(F) ako'y magdadala ng kasamaan sa sambahayan ni Jeroboam. Aking ititiwalag kay Jeroboam ang bawat lalaki, bilanggo at malaya sa Israel, at aking lubos na lilipulin ang sambahayan ni Jeroboam, kung paanong sinusunog ng isang tao ang dumi, hanggang sa ito'y maubos.

11 Sinumang kamag-anak ni Jeroboam na mamatay sa loob ng bayan ay kakainin ng mga aso; at sinumang mamatay sa kaparangan ay kakainin ng mga ibon sa himpapawid, sapagkat ito ang sinabi ng Panginoon.’

12 Kaya't humanda ka, umuwi ka sa iyong bahay. Pagpasok ng iyong mga paa sa lunsod, mamamatay ang bata.

13 Tatangisan siya ng buong Israel, at ililibing siya; sapagkat siya lamang mula kay Jeroboam ang darating sa libingan. Sapagkat siya'y kinatagpuan sa sambahayan ni Jeroboam ng bagay na mabuti sa Panginoon, sa Diyos ng Israel.

14 Bukod dito'y ang Panginoon ay magtitindig para sa kanyang sarili ng isang hari sa Israel, na siyang wawasak sa sambahayan ni Jeroboam ngayon. At mula ngayon,

15 parurusahan ng Panginoon ang Israel, gaya ng isang tambo na iwinawasiwas sa tubig. Kanyang bubunutin ang Israel mula rito sa mabuting lupa na ibinigay niya sa kanilang mga magulang, at ikakalat sila sa kabila ng Eufrates; sapagkat kanilang ginawa ang kanilang mga Ashera at ginalit ang Panginoon.

16 At kanyang pababayaan ang Israel dahil sa mga kasalanan ni Jeroboam na kanyang ipinagkasala at naging sanhi ng pagkakasala ng Israel.”

17 Pagkatapos ay tumindig ang asawa ni Jeroboam at umalis at dumating sa Tirsa. Pagdating niya sa pintuan ng bahay, ang bata ay namatay.

18 Inilibing at tinangisan siya ng buong Israel, ayon sa salita ng Panginoon na kanyang sinabi sa pamamagitan ng kanyang lingkod na si Ahias na propeta.

19 Ngayon, ang iba pa sa mga gawa ni Jeroboam, kung paanong siya'y nakipagdigma, at kung paanong siya'y naghari, ay nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng Kasaysayan[a] ng mga hari ng Israel.

20 Ang mga araw na naghari si Jeroboam ay dalawampu't dalawang taon. Siya'y natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, at si Nadab na kanyang anak ay naghari na kapalit niya.

Si Rehoboam ay Naghari sa Juda(G)

21 Si Rehoboam na anak ni Solomon ay naghari sa Juda. Si Rehoboam ay apatnapu't isang taon nang siya'y magsimulang maghari, at siya'y naghari ng labimpitong taon sa Jerusalem, ang lunsod na pinili ng Panginoon mula sa lahat ng mga lipi ng Israel, upang ilagay ang kanyang pangalan doon. Ang kanyang ina ay si Naama na Ammonita.

22 Gumawa ang Juda ng kasamaan sa paningin ng Panginoon, at kanilang ibinunsod siya sa paninibugho sa pamamagitan ng mga kasalanan na kanilang ginawa, na higit kaysa lahat ng ginawa ng kanilang mga magulang.

23 Sapagkat(H) sila'y nagtayo rin para sa kanila ng matataas na dako, ng mga haligi, at mga Ashera sa bawat mataas na burol at sa ilalim ng bawat luntiang punungkahoy.

24 Nagkaroon(I) din ng mga sodomita[b] ang lupain. Sila'y gumawa ng ayon sa lahat ng kasuklamsuklam ng mga bansa na pinalayas ng Panginoon sa harap ng mga anak ni Israel.

25 Nang(J) ikalimang taon ni Haring Rehoboam, si Shishac na hari ng Ehipto ay umahon laban sa Jerusalem.

26 Kanyang(K) tinangay ang mga kayamanan ng bahay ng Panginoon, at ang mga kayamanan ng bahay ng hari; ang mga iyon ay kanyang tinangay na lahat. Tinangay rin niya ang lahat ng kalasag na ginto na ginawa ni Solomon.

27 Si Haring Rehoboam ay gumawa ng mga kalasag na tanso na kahalili ng mga iyon, at ipinagkatiwala sa mga kamay ng mga pinuno ng bantay na nag-iingat ng pintuan ng bahay ng hari.

28 Tuwing pumapasok ang hari sa bahay ng Panginoon, dinadala ang mga iyon ng bantay, at ibinabalik sa silid ng mga bantay.

29 Ngayon ang iba pa sa mga gawa ni Rehoboam at ang lahat ng bagay na kanyang ginawa, hindi ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[c] ng mga hari ng Juda?

30 At nagkaroon ng patuloy na paglalaban sina Rehoboam at Jeroboam.

31 At si Rehoboam ay natulog at inilibing na kasama ng kanyang mga ninuno, sa lunsod ni David. Ang kanyang ina ay si Naama na Ammonita. At si Abiam na kanyang anak ay naghari na kapalit niya.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001