Beginning
Nag-asawa si Solomon(A)
3 Si Solomon ay nagkaroon ng pakikipagkaibigan kay Faraon na hari sa Ehipto sa pamamagitan ng pag-aasawa niya sa anak na babae ni Faraon, at dinala niya ito sa lunsod ni David, hanggang sa kanyang natapos itayo ang kanyang sariling bahay, ang bahay ng Panginoon, at ang pader sa palibot ng Jerusalem.
2 Ang taong-bayan ay naghahandog sa matataas na dako, sapagkat wala pang bahay na naitayo sa pangalan ng Panginoon hanggang sa mga araw na iyon.
3 Minahal ni Solomon ang Panginoon, at lumakad sa mga tuntunin ni David na kanyang ama. Kaya lang, siya'y nag-alay at nagsunog ng insenso sa matataas na dako.
4 At ang hari ay naparoon sa Gibeon upang mag-alay doon, sapagkat iyon ang pinakamataas na dako. Si Solomon ay naghandog sa dambanang iyon ng libong handog na sinusunog.
5 Sa Gibeon ay nagpakita ang Panginoon kay Solomon sa panaginip sa gabi, at sinabi ng Diyos, “Hingin mo kung ano ang ibibigay ko sa iyo.”
6 At sinabi ni Solomon, “Ikaw ay nagpakita ng dakila at tapat na pag-ibig sa iyong lingkod na si David na aking ama, sapagkat siya'y lumakad sa harap mo sa katapatan, at sa katarungan, at sa katapatan ng puso sa iyo; at iyong iningatan para sa kanya itong dakila at tapat na pag-ibig at iyong binigyan siya ng isang anak na luluklok sa kanyang trono, sa araw na ito.
7 Ngayon, O Panginoon kong Diyos, iyong ginawang hari ang iyong lingkod na kahalili ni David na aking ama; bagaman ako'y isang musmos lamang; hindi ko nalalaman ang paglabas at pagpasok.
8 At ang iyong lingkod ay nasa gitna ng iyong bayan na iyong pinili, isang malaking bayan na hindi mabibilang o matuturingan dahil sa karamihan.
9 Bigyan mo ang iyong lingkod ng isang mapag-unawang isipan upang pamahalaan ang iyong bayan, upang aking makilala ang mabuti at ang masama; sapagkat sino ang makakapamahala dito sa iyong malaking bayan?”
10 Ikinalugod ng Panginoon na ito ang hiningi ni Solomon.
11 At sinabi ng Diyos sa kanya, “Sapagkat iyong hiningi ang bagay na ito, at hindi mo hiningi para sa iyo ang mahabang buhay; o hiningi mo man para sa iyo ang mga kayamanan, o hiningi mo man ang buhay ng iyong mga kaaway; kundi ang hiningi mo para sa iyo'y karunungan upang kumilala ng matuwid,
12 narito, aking ginagawa ngayon ayon sa iyong salita. Narito, binibigyan kita ng isang pantas at matalinong pag-iisip, na anupa't walang naging gaya mo na una sa iyo, o may babangon mang sinumang tulad mo pagkamatay mo.
13 Ibinibigay ko rin sa iyo ang hindi mo hiningi, ang kayamanan at ang karangalan, anupa't walang magiging gaya mo sa mga hari, sa lahat ng iyong mga araw.
14 Kung ikaw ay lalakad sa aking mga daan, upang ingatan ang aking mga tuntunin, at ang aking mga utos, gaya ng paglakad ng iyong amang si David, ay aking pahahabain ang iyong mga araw.”
15 At nagising si Solomon, iyon ay isang panaginip. Pagkatapos siya'y naparoon sa Jerusalem, at tumayo sa harap ng kaban ng tipan ng Panginoon. Siya ay nag-alay ng mga handog na sinusunog, mga handog pangkapayapaan, at gumawa ng kasayahan sa lahat ng kanyang mga lingkod.
Ang Matalinong Paghatol ni Solomon
16 Pagkatapos ay naparoon sa hari ang dalawang upahang babae[a] at tumayo sa harapan niya.
17 Sinabi ng isang babae, “O panginoon ko, ako at ang babaing ito ay nakatira sa iisang bahay; at ako'y nanganak ng isang batang lalaki nang kasama ko pa siya sa bahay.
18 Nang ikatlong araw pagkatapos na ako'y makapanganak, ang babaing ito'y nanganak din, at kami ay magkasama. Wala kaming ibang kasama sa bahay, liban sa aming dalawa.
19 Ang anak ng babaing ito ay namatay kinagabihan sapagkat kanyang nadaganan ito.
20 At siya'y bumangon nang hatinggabi, at kinuha niya ang anak kong lalaki sa tabi ko, samantalang ang iyong lingkod ay natutulog. Inihiga niya ito sa kanyang dibdib, at inilagay ang kanyang patay na anak sa aking dibdib.
21 Kinaumagahan, nang ako'y bumangon upang aking pasusuhin ang aking anak, nakita ko na siya'y patay na. Ngunit kinaumagahan, nang aking kilalaning mabuti, hindi iyon ang batang aking ipinanganak.”
22 Ngunit sinabi ng isang babae, “Hindi. Ngunit ang buháy ay aking anak at ang patay ay iyong anak.” At sinabi ng isa, “Hindi. Ngunit ang patay ay ang iyong anak, at ang buháy ay siyang aking anak.” Ganito sila nagsalita sa harap ng hari.
23 Nang magkagayo'y sinabi ng hari, “Ang isa'y nagsasabi, ‘Ang aking anak ay ang buháy, at ang iyong anak ay ang patay.’ At ang isa'y nagsasabi rin, ‘Hindi; kundi ang iyong anak ay ang patay, at ang aking anak ay ang buháy.’”
24 Kaya't sinabi ng hari, “Dalhan ninyo ako ng isang tabak.” At sila'y nagdala ng isang tabak sa harap ng hari.
25 At sinabi ng hari, “Hatiin sa dalawa ang buháy na bata, at ibigay ang kalahati sa isa at ang kalahati ay sa isa naman.”
26 Nang magkagayo'y nagsalita ang babae na ina ng buháy na bata sa hari, sapagkat ang kanyang puso ay nahahabag sa kanyang anak, at sinabi niya, “O panginoon ko, ibigay mo sa kanya ang buháy na bata, at sa anumang paraa'y huwag mong patayin.” Ngunit ang sabi ng isa, “Hindi iyan magiging akin ni sa iyo man; hatiin siya.”
27 Nang magkagayo'y sumagot ang hari at nagsabi, “Ibigay ang buháy na bata sa unang babae, at sa anumang paraa'y huwag patayin. Siya ang kanyang ina.”
28 Nabalitaan ng buong Israel ang hatol na iginawad ng hari; sila'y natakot sa hari sapagkat kanilang nakita na ang karunungan upang maggawad ng katarungan ng Diyos ay nasa kanya.
Ang Kanyang mga Pinuno
4 Si Haring Solomon ay hari sa buong Israel,
2 at ito ang kanyang mga naging matataas na pinuno: si Azarias na anak ni Zadok, ang pari;
3 sina Elioref at Ahia na mga anak ni Sisa ay mga kalihim; si Jehoshafat na anak ni Ahilud ay tagapagtala;
4 si Benaya na anak ni Jehoiada ay pinuno ng hukbo; at sina Zadok at Abiatar ay mga pari;
5 si Azarias na anak ni Natan ay namamahala sa mga pinuno; at si Zabud na anak ni Natan ay pari at kaibigan ng hari;
6 si Ahisar ay katiwala sa kanyang palasyo; at si Adoniram na anak ni Abda ay tagapamahala ng sapilitang paggawa.
Ang Kapangyarihan at Kayamanan ni Solomon
7 Si Solomon ay may labindalawang katiwala sa buong Israel at sila ang nagbibigay ng pagkain para sa hari at sa kanyang sambahayan. Bawat isa sa kanila'y nagbibigay ng pagkain sa loob ng isang buwan sa bawat taon.
8 Ito ang kanilang mga pangalan: si Ben-hur sa lupaing maburol ng Efraim;
9 si Ben-deker sa Macas, Shaalbim, Bet-shemes, at Elon-bet-hanan;
10 si Ben-hesed sa Arubot (sa kanya'y nauukol ang Socoh, at ang buong lupain ng Hefer),
11 si Ben-abinadab sa buong kataasan ng Dor (na ang asawa'y si Tafat na anak na babae ni Solomon);
12 si Baana na anak ni Ahilud sa Taanac, Megido, at sa buong Bet-shan na nasa tabi ng Zaretan, sa ibaba ng Jezreel, mula sa Bet-shan hanggang sa Abel-mehola na may layong hanggang sa dako roon ng Jocmeam;
13 si Ben-geber sa Ramot-gilead; (sa kanya ang mga nayon ni Jair na anak ni Manases, na nasa Gilead; samakatuwid ay sa kanya ang lupain ng Argob na nasa Basan, animnapung malalaking lunsod na may mga pader at mga bakod na tanso);
14 si Ahinadab, anak ni Iddo sa Mahanaim;
15 si Ahimaaz sa Neftali; (siya ang kumuha kay Basemat na anak na babae ni Solomon bilang asawa),
16 si Baana na anak ni Husai, sa Aser at sa Bealot;
17 si Jehoshafat na anak ni Parua, sa Isacar;
18 si Shimei na anak ni Ela, sa Benjamin;
19 si Geber na anak ni Uri sa lupain ng Gilead, na lupain ni Sihon na hari ng mga Amoreo, at ni Og na hari ng Basan; at siya lamang ang katiwala sa lupaing iyon.
20 Ang Juda at ang Israel ay marami na gaya ng buhangin sa tabi ng dagat sa dami, na nagkakainan, at nag-iinuman, at nagkakatuwaan.
21 At(B) si Solomon ay naghari sa lahat ng mga kaharian mula sa Ilog Eufrates hanggang sa lupain ng mga Filisteo, at hanggang sa hangganan ng Ehipto. Sila'y nagdala ng mga buwis at naglingkod kay Solomon sa lahat ng araw ng kanyang buhay.
22 Ang pagkaing panustos ni Solomon sa isang araw ay tatlumpung takal ng magandang uri ng harina, at animnapung takal na harina,
23 sampung matatabang baka, dalawampung baka mula sa pastulan, isandaang tupa, bukod pa ang mga usang lalaki at babae, at mga usang masungay, at mga pinatabang hayop na may pakpak.
24 Sapagkat sakop niya ang buong lupain sa kanluran ng Ilog Eufrates mula sa Tifsa hanggang sa Gaza, sa lahat ng mga hari sa kanluran ng Ilog Eufrates at siya'y may kapayapaan sa lahat ng mga dako sa palibot niya.
25 Ang Juda at ang Israel ay nanirahang tiwasay, ang bawat tao'y nasa ilalim ng kanyang puno ng ubas at sa ilalim ng kanyang puno ng igos, mula sa Dan hanggang sa Beer-seba, sa lahat ng mga araw ni Solomon.
26 Si(C) Solomon ay mayroon ding apatnapung libong kabayo sa kanyang mga kuwadra para sa kanyang mga karwahe, at labindalawang libong mangangabayo.
27 At ipinaghanda ng mga katiwalang iyon si Haring Solomon at ang lahat ng dumudulog sa hapag ni Haring Solomon, bawat isa sa kanyang buwan; hindi nila hinahayaang magkulang ng anuman.
28 Nagdala rin sila ng sebada at dayami para sa mga kabayo at sa matutuling kabayo sa mga lugar na kinakailangan ang mga iyon, bawat isa'y ayon sa kanyang katungkulan.
Ang Karunungan ni Solomon
29 Binigyan ng Diyos si Solomon ng karunungan, at ng di masukat na pang-unawa at kalawakan ng pag-iisip, gaya ng buhanging nasa tabing-dagat,
30 kaya't ang karunungan ni Solomon ay higit pa kaysa karunungan ng lahat ng tao sa silangan at kaysa lahat ng karunungan ng Ehipto.
31 Sapagkat(D) higit siyang pantas kaysa lahat ng mga tao; higit na pantas kaysa kay Etan na Ezrahita, kay Heman, kay Calcol, at kay Darda, na mga anak ni Mahol. At ang kanyang katanyagan ay kumalat sa lahat ng mga bansang nakapalibot.
32 Nagsalita(E) rin siya ng tatlong libong kawikaan; at ang kanyang mga awit ay isang libo at lima.
33 Siya'y nagsalita tungkol sa mga punungkahoy, mula sa sedro na nasa Lebanon hanggang sa isopo na sumisibol sa pader. Siya'y nagsalita rin tungkol sa mga hayop, at sa mga ibon, sa mga gumagapang at sa mga isda.
34 At naparoon ang mga taong mula sa lahat ng bayan upang makinig sa karunungan ni Solomon, mula sa lahat ng hari sa daigdig na nakabalita ng kanyang karunungan.
Tumulong si Haring Hiram sa Pagpapatayo ng Templo(F)
5 Si Hiram na hari ng Tiro ay nagsugo ng kanyang mga lingkod kay Solomon nang kanyang nabalitaan na si Solomon ay kanilang binuhusan ng langis upang maging hari na kapalit ng kanyang ama; sapagkat si Hiram ay naging kaibigan ni David.
2 Si Solomon ay nagsugo kay Hiram, na sinasabi,
3 “Alam mo na si David na aking ama ay hindi nakapagtayo ng bahay para sa pangalan ng Panginoon niyang Diyos dahil sa mga pakikidigma sa palibot niya sa bawat dako, hanggang sa inilagay sila ng Panginoon sa ilalim ng mga talampakan ng kanyang mga paa.
4 Ngunit ngayo'y binigyan ako ng Panginoon kong Diyos ng kapahingahan sa bawat dako; wala kahit kaaway, o kasawian man.
5 Kaya't(G) layunin kong magtayo ng bahay para sa pangalan ng Panginoon kong Diyos, gaya ng sinabi ng Panginoon kay David na aking ama, ‘Ang iyong anak na aking iluluklok sa iyong trono na kapalit mo ang magtatayo ng bahay para sa aking pangalan.’
6 Ngayo'y ipag-utos mo na ipagputol ako ng mga puno ng sedro sa Lebanon; at ang aking mga lingkod ay makakasama ng iyong mga lingkod at babayaran kita ng upa para sa iyong mga tauhan ayon sa iyong itatakda, sapagkat iyong alam na walang sinuman sa amin na nakakaputol ng mga troso na gaya ng mga Sidonio.”
7 Nang marinig ni Hiram ang mga salita ni Solomon, siya'y nagalak na mabuti, at nagsabi, “Purihin ang Panginoon sa araw na ito na nagbigay kay David ng isang pantas na anak upang mamahala sa dakilang bayang ito.”
8 At si Hiram ay nagsugo kay Solomon, na nagsasabi, “Narinig ko ang mensahe na iyong ipinadala sa akin. Aking gagawin ang lahat ng iyong ninanais tungkol sa troso na sedro at sipres.
9 Ibababa ang mga ito ng aking mga lingkod sa dagat mula sa Lebanon, at aking gagawing mga balsa upang dumaan sa dagat hanggang sa dakong iyong ituturo, at aking ipakakalag doon, at iyong tatanggapin; at tutugunan mo ang aking mga nais sa pagbibigay ng pagkain sa aking sambahayan.”
10 Sa gayo'y binigyan ni Hiram si Solomon ng lahat ng troso ng sipres na kanyang ninais.
11 Binigyan naman ni Solomon si Hiram ng dalawampung libong takal na trigo na pagkain ng kanyang sambahayan, at dalawampung takal na purong langis. Ito ang ibinibigay ni Solomon kay Hiram taun-taon.
12 Kaya't binigyan ng Panginoon si Solomon ng karunungan, gaya ng kanyang ipinangako sa kanya; at may kapayapaan sa pagitan ni Hiram at ni Solomon, at silang dalawa'y gumawa ng kasunduan.
13 Si Haring Solomon ay nagpataw ng sapilitang paggawa sa buong Israel at ang mga pinatawan ay tatlumpung libong lalaki.
14 Kanyang(H) sinugo sila sa Lebanon na sampu-sampung libo bawat buwan na halinhinan: isang buwan sa Lebanon, at dalawang buwan sa sariling bayan; at si Adoniram ang tagapamahala sa mga pinatawan.
15 Si Solomon ay mayroon ding pitumpung libong tagabuhat at walumpung libong tagatibag ng bato sa kaburulan,
16 bukod pa ang tatlong libo at tatlong daan na mga kapatas ni Solomon sa gawain, na namumuno sa mga taong gumagawa.
17 Sa utos ng hari, tumibag sila ng malalaki at mamahaling bato upang ilagay ang saligan ng bahay na may mga batong tinabas.
18 Kaya't ang mga tagapagtayo ni Solomon, at ang mga tagapagtayo ni Hiram at ang mga Gebalita ang pumutol at naghanda ng mga kahoy at ng mga bato upang itayo ang bahay.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001