Beginning
Awit ng Pagtatagumpay ni David(A)
22 At binigkas ni David sa Panginoon ang mga salita ng awit na ito nang araw na iligtas siya ng Panginoon mula sa kamay ng lahat ng kanyang mga kaaway, at sa kamay ni Saul.
2 At kanyang sinabi,
“Ang Panginoon ang aking malaking bato, ang aking tanggulan, at tagapagligtas ko,
3 ang aking Diyos, ang aking malaking bato, na sa kanya'y nanganganlong ako,
ang aking kalasag, at sungay ng aking kaligtasan,
ang aking matayog na muog at aking kanlungan.
Tagapagligtas ko, ikaw ang nagliligtas sa akin mula sa karahasan.
4 Ako'y tatawag sa Panginoon na siyang karapat-dapat papurihan,
at ako'y inililigtas sa aking mga kaaway.
5 “Sapagkat pumalibot sa akin ang mga alon ng kamatayan,
dumaluhong sa akin ang mga agos ng kapahamakan,
6 ang mga panali ng Sheol ay nagkabuhul-buhol sa akin,
ang mga silo ng kamatayan ay humarap sa akin.
7 “Tumawag ako sa Panginoon sa aking kagipitan,
sa aking Diyos ako'y nanawagan.
Mula sa kanyang templo ay narinig niya ang aking tinig,
at ang aking daing ay umabot sa kanyang mga pandinig.
8 “Nang magkagayo'y ang lupa'y umuga at nayanig,
ang mga saligan ng mga langit ay nanginig
at nilindol, sapagkat siya'y nagalit.
9 Ang usok ay pumaitaas mula sa kanyang ilong,
at mula sa kanyang bibig ay ang apoy na lumalamon;
nag-aalab na mga baga mula sa kanya ay umapoy.
10 Kanyang pinayukod ang langit, at bumaba;
makakapal na kadiliman ang nasa ilalim ng kanyang mga paa.
11 Siya'y sumakay sa isang kerubin at lumipad;
siya'y nakita sa mga pakpak ng hangin.
12 Ang kadilimang nasa paligid niya ay ginawa niyang kanyang lambong,
makakapal na ulap, tubig na nagtipun-tipon.
13 Mula sa kaningningan sa kanyang harapan,
mga bagang apoy ay nag-alab.
14 Ang Panginoon ay kumulog mula sa langit,
at ang Kataas-taasan ay bumigkas ng kanyang tinig.
15 At siya'y nagpakawala ng mga palaso, at pinapangalat sila;
kumidlat, at pinuksa sila.
16 Kaya't ang mga daluyan sa dagat ay lumitaw,
nalantad ang mga saligan ng sanlibutan,
dahil sa saway ng Panginoon,
sa hihip ng hininga ng kanyang ilong.
17 “Siya'y bumaba mula sa itaas, ako'y kanyang sinagip,
iniahon niya ako mula sa maraming tubig.
18 Iniligtas niya ako sa aking malakas na kaaway,
mula sa mga napopoot sa akin;
sapagkat sila'y napakalakas para sa akin.
19 Sila'y dumating sa akin sa araw ng aking kapahamakan,
ngunit ang Panginoon ay siya kong sanggalang.
20 Dinala niya ako sa isang malawak na dako;
sapagkat siya'y nalulugod sa akin, iniligtas niya ako.
21 “Ginantimpalaan ako ng Panginoon ayon sa aking katuwiran;
ayon sa kalinisan ng aking mga kamay ay kanya akong ginantihan.
22 Sapagkat ang mga daan ng Panginoon ay aking iningatan,
at mula sa aking Diyos ay hindi humiwalay na may kasamaan.
23 Sapagkat ang lahat niyang batas ay nasa aking harapan,
at mula sa kanyang mga tuntunin ay hindi ako humiwalay.
24 Ako'y walang kapintasan sa harapan niya,
at iningatan ko ang aking sarili mula sa pagkakasala.
25 Kaya't ginantihan ako ng Panginoon ayon sa aking katuwiran,
ayon sa aking kalinisan sa kanyang harapan.
26 “Sa tapat ay nagpapakita ka ng katapatan;
sa taong walang kapintasan ay nagpapakita ka ng pagiging walang kapintasan;
27 sa dalisay ay magpapakita ka ng kadalisayan;
at sa mga liko ay magpapakita ka ng kalikuan.
28 Inililigtas mo ang isang bayang mapagpakumbaba,
ngunit ang iyong mga mata ay nasa mga mapagmataas upang sila'y iyong maibaba.
29 Oo, ikaw ang aking ilawan, O Panginoon:
at tinatanglawan ng aking Diyos ang aking kadiliman.
30 Oo, sa pamamagitan mo ang isang pangkat ay aking mapupuksa,
at sa pamamagitan ng aking Diyos ay aking malulukso ang isang kuta.
31 Ang Diyos na ito—sakdal ang kanyang daan;
ang pangako ng Panginoon ay subok na tunay;
sa lahat ng kumakanlong sa kanya, siya'y pananggalang.
32 “Sapagkat sino ang Diyos, kundi ang Panginoon?
At sino ang malaking bato, liban sa ating Diyos?
33 Ang Diyos ay aking matibay na tanggulan,
at ginawa niyang ligtas ang aking daan.
34 Ginawa(B) niyang gaya ng sa mga usa ang mga paa ko;
at pinatatag niya ako sa matataas na dako.
35 Kanyang sinasanay ang aking mga kamay sa pakikidigma.
upang mabaluktot ng aking mga kamay ang tansong pana.
36 Binigyan mo ako ng kalasag ng iyong kaligtasan,
at pinadakila ako ng iyong kaamuan.[a]
37 Binigyan mo ng malawak na dako, ang aking mga hakbang sa ilalim ko,
at ang aking mga paa ay hindi nadulas;
38 Tinugis ko ang aking mga kaaway at pinuksa sila,
at hindi ako bumalik hanggang sa sila'y nalipol.
39 Nilipol ko sila; inulos ko, anupa't sila'y hindi nakabangon;
sila'y nabuwal sa paanan ko.
40 Sapagkat ako'y binigkisan mo ng lakas para sa pakikipaghamok,
ang aking mga kaaway, sa ilalim ko ay iyong pinalubog.
41 Iyong pinatalikod sa akin ang mga kaaway ko,
yaong mga napopoot sa akin, at sila'y pinuksa ko.
42 Sila'y tumingin, ngunit walang magliligtas;
sila'y dumaing sa Panginoon, ngunit sila'y hindi niya tinugon.
43 Binayo ko silang gaya ng alabok sa lupa;
dinurog ko sila at niyurakang gaya ng putik sa mga lansangan.
44 “Iniligtas mo ako sa mga alitan sa aking bayan;
iningatan mo ako bilang puno ng mga bansa;
naglingkod sa akin ang mga taong hindi ko kilala.
45 Ang mga dayuhan ay dumating na sumusuko sa akin,
pagkarinig nila sa akin, sila'y sumunod sa akin.
46 Ang mga dayuhan ay nanlulupaypay,
at lumabas na nanginginig mula sa kanilang mga kublihan.
47 “Ang Panginoon ay buháy; at ang aking malaking bato'y papurihan;
at dakilain ang Diyos, ang malaking bato ng aking kaligtasan,
48 ang Diyos na ipinaghiganti ako
ang mga bayan ay inilagay sa ilalim ko,
49 na siyang naglabas sa akin mula sa aking mga kaaway;
sa ibabaw ng aking mga kaaway ako'y iyong tinanghal,
iniligtas mo ako sa mga taong mahilig sa karahasan.
50 “Dahil(C) dito'y pupurihin kita, O Panginoon, sa gitna ng mga bansa,
at aawitan ko ang iyong pangalan ng mga pagdakila.
51 Dakilang pagtatagumpay ang sa kanyang hari'y ibinibigay,[b]
at nagpapakita ng tapat na pag-ibig sa kanyang hinirang,[c]
kay David at sa kanyang binhi magpakailanman.”
Mga Huling Salita ni David
23 Ngayon, ito ang mga huling salita ni David:
Ang mga sinabi ni David na anak ni Jesse,
ang sinabi ng lalaking inilagay sa itaas,
ang hinirang[d] ng Diyos ni Jacob,
ang matamis na mang-aawit ng Israel:
2 “Ang Espiritu ng Panginoon ay nagsasalita sa pamamagitan ko,
ang kanyang salita ay nasa aking dila.
3 Ang Diyos ng Israel ay nagsalita,
sinabi sa akin ng Malaking Bato ng Israel:
Kapag ang isang tao ay may katarungang namumuno sa mga tao,
na namumunong may takot sa Diyos,
4 siya'y sisikat sa kanila gaya ng liwanag sa umaga,
gaya ng araw na sumisikat sa isang umagang walang ulap,
gaya ng ulan na nagpapasibol ng damo sa lupa.
5 Hindi ba't ang aking sambahayan ay natatag nang gayon sa harapan ng Diyos?
Sapagkat siya'y nakipagtipan sa akin ng isang walang hanggang tipan,
maayos sa lahat ng mga bagay at matatag.
Sapagkat hindi ba niya pasasaganain
lahat ng aking tulong at aking nais?
6 Ngunit ang mga taong masasama ay gaya ng mga tinik na itinatapon;
sapagkat sila ay hindi makukuha ng kamay;
7 ngunit ang taong humihipo sa kanila,
ay nagsasandata ng bakal at ng puluhan ng sibat;
at sila'y lubos na tinutupok ng apoy.”
8 Ito ang mga pangalan ng mga mandirigma ni David: Si Josheb-bashebet na Takemonita, na pinuno ng mga kapitan;[e] ginamit niya ang kanyang sibat sa walong daan na pinatay niya nang minsanan.
9 At kasunod niya sa tatlong magigiting na mandirigma ay si Eleazar, na anak ni Dodo, na anak ng isang Ahohita. Siya ay kasama ni David nang hamunin nila ang mga Filisteo na nagkakatipon doon upang makipaglaban, at ang mga tauhan ng Israel ay umalis.
10 Siya'y bumangon at nilabanan ang mga Filisteo hanggang sa ang kanyang kamay ay nangalay, at ang kanyang kamay ay dumikit sa tabak; at ang Panginoon ay gumawa ng dakilang pagtatagumpay sa araw na iyon; at ang hukbo ay bumalik na kasunod niya, upang manamsam lamang sa mga napatay.
11 At kasunod niya'y si Shammah na anak ni Age, na Hararita. Ang mga Filisteo ay nagtipun-tipon sa Lehi, na kinaroroonan ng isang pirasong lupa na punô ng lentehas; at ang mga tauhan ay tumakas sa mga Filisteo.
12 Ngunit siya'y nanatili sa gitna ng taniman at ipinagtanggol ito, at pinatay ang mga Filisteo; at ang Panginoon ay gumawa ng isang dakilang tagumpay.
13 At tatlo sa tatlumpung pinuno ay lumusong at pumunta kay David sa panahon ng pag-aani sa yungib ng Adullam nang ang isang pulutong ng mga Filisteo ay nakahimpil sa libis ng Refaim.
14 Si David noon ay nasa kuta, at ang pulutong noon ng mga Filisteo ay nasa Bethlehem.
15 May pananabik na sinabi ni David, “O may magbigay sana sa akin ng tubig na maiinom mula sa balon ng Bethlehem, na nasa tabi ng pintuang-bayan!”
16 At ang tatlong mandirigma ay pumasok sa kampo ng mga Filisteo, at umigib ng tubig sa balon ng Bethlehem, na nasa tabi ng pintuang-bayan, kumuha ng tubig at dinala kay David. Ngunit ayaw niyang inumin iyon, kundi kanyang ibinuhos na alay sa Panginoon,
17 at kanyang sinabi, “Malayo nawa sa akin, O Panginoon, na aking gawin ito. Iinumin ko ba ang dugo ng mga lalaki na pumaroon at itinaya ang kanilang buhay?” Kaya't ayaw niya itong inumin. Ang mga bagay na ito ay ginawa ng tatlong mandirigma.
18 At si Abisai, na kapatid ni Joab, na anak ni Zeruia ay pinuno ng tatlumpu.[f] At kanyang ginamit ang kanyang sibat laban sa tatlong daan at kanyang pinatay sila, at nagkamit ng pangalan bukod sa tatlo.
19 Siya ang pinakabantog sa tatlumpu,[g] at naging kanilang pinuno; subalit hindi siya umabot sa tatlo.
20 Si Benaya, na anak ni Jehoiada ay isang matapang na lalaki na taga-Kabzeel, isang gumagawa ng mga dakilang gawa; na kanyang pinatay ang dalawang anak ni Ariel[h] ng Moab. Siya'y lumusong din at pumatay ng isang leon sa isang hukay nang araw na bumagsak ang niyebe.
21 Siya'y pumatay ng isang Ehipcio na isang magandang lalaki. Ang Ehipcio ay may sibat sa kanyang kamay; ngunit si Benaya ay lumusong sa kanya na may tungkod, at inagaw niya ang sibat sa kamay ng Ehipcio, at kanyang pinatay siya ng kanyang sariling sibat.
22 Ang mga bagay na ito ay ginawa ni Benaya, na anak ni Jehoiada, at nagkamit ng pangalan bukod sa tatlong magigiting na mandirigma.
23 Siya'y bantog sa tatlumpu, ngunit hindi siya umabot sa tatlo. At inilagay siya ni David na pinuno sa kanyang bantay.
24 At si Asahel na kapatid ni Joab ay isa sa tatlumpu; si Elhanan na anak ni Dodo, na taga-Bethlehem,
25 si Shammah na Harodita, si Elica na Harodita,
26 si Heles na Paltita, si Ira na anak ni Ikkes na Tekoita,
27 si Abiezer na Anatotita, si Mebunai na Husatita,
28 si Zalmon na Ahohita, si Maharai na Netofatita,
29 si Heleb na anak ni Baana, na Netofatita, si Itai na anak ni Ribai, na taga-Gibea, sa mga anak ni Benjamin,
30 si Benaya na Piratonita, si Hiddai sa mga batis ng Gaas,
31 si Abialbon na Arbatita, si Azmavet ng Bahurim,
32 si Eliaba ng Saalbon, ang mga anak ni Jassen, si Jonathan,
33 si Shammah na Hararita, si Ahiam na anak ni Sarar, na Hararita,
34 si Elifelet na anak ni Asbai, na anak ni Maaca, si Eliam na anak ni Ahitofel ng Gilo,
35 si Hesrai ng Carmel, si Farai na Arbita;
36 si Igal na anak ni Natan na taga-Soba, si Bani na Gadita,
37 si Selec na Ammonita, si Naharai ng Beerot, na mga tagadala ng sandata ni Joab na anak ni Zeruia;
38 si Ira na Itreo, si Gareb na Itreo,
39 si Urias na Heteo: silang lahat ay tatlumpu't pito.
Binilang ni David ang Bayan(D)
24 Ang galit ng Panginoon ay muling nagningas laban sa Israel, at kanyang kinilos si David laban sa kanila, na sinasabi, “Humayo ka at bilangin mo ang Israel at Juda.”
2 Kaya't sinabi ng hari kay Joab na pinuno ng hukbo, na kasama niya, “Pumaroon ka sa lahat ng mga lipi ng Israel, mula sa Dan hanggang sa Beer-seba, at bilangin ninyo ang bayan upang aking malaman ang bilang ng bayan.”
3 Ngunit sinabi ni Joab sa hari, “Nawa'y dagdagan ng Panginoon mong Diyos ang bayan ng ilang daang ulit pa kaysa bilang nila, habang nakikita ito ng mga mata ng aking panginoong hari; ngunit bakit nalulugod ang panginoon kong hari sa bagay na ito?”
4 Ngunit ang salita ng hari ay nanaig laban kay Joab, at laban sa mga puno ng hukbo. Kaya't si Joab at ang mga pinuno ng hukbo ay lumabas mula sa harapan ng hari upang bilangin ang bayan ng Israel.
5 Sila'y tumawid ng Jordan, nagsimula sa Aroer at mula sa lunsod na nasa gitna ng libis, patungo sa Gad hanggang sa Jazer.
6 At dumating sila sa Gilead, at sa Kadesh sa lupain ng mga Heteo; dumating sila sa Dan, at mula sa Dan ay lumibot sila sa Sidon.
7 Dumating sila sa kuta ng Tiro, at sa lahat ng mga lunsod ng mga Heveo at mga Cananeo; at sila'y lumabas sa Negeb ng Juda sa Beer-seba.
8 Kaya't nang mapuntahan na nila ang buong lupain, sila ay dumating sa Jerusalem sa katapusan ng siyam na buwan at dalawampung araw.
9 At ibinigay ni Joab sa hari ang kabuuang bilang ng bayan sa Israel na may walong daang libong matapang na lalaki na humahawak ng tabak; at ang mga kalalakihan sa Juda ay limang daang libo.
10 Ngunit naligalig ang puso ni David pagkatapos na mabilang niya ang taong-bayan. At sinabi ni David sa Panginoon, “Ako'y nagkasala ng malaki sa aking ginawa. Ngunit ngayo'y isinasamo ko sa iyo Panginoon, na iyong pawiin ang kasamaan ng iyong lingkod; sapagkat aking ginawa ng buong kahangalan.”
11 Nang bumangon si David sa kinaumagahan, ang salita ng Panginoon ay dumating kay propeta Gad na tagakita ni David, na sinasabi,
12 “Humayo ka at sabihin mo kay David, ‘Ganito ang sabi ng Panginoon, Tatlong bagay ang iniaalok ko sa iyo. Pumili ka ng isa sa mga iyon upang aking gawin sa iyo.’”
13 Kaya't pumaroon si Gad kay David, at sinabi sa kanya, “Darating ba sa iyo ang pitong taong taggutom sa iyong lupain? O tatakas ka ba ng tatlong buwan sa harapan ng iyong mga kaaway samantalang tinutugis ka nila? O magkakaroon ba ng tatlong araw na pagkasalot sa iyong lupain? Ngayo'y isaalang-alang mo, at ipasiya mo kung anong kasagutan ang aking ibabalik sa kanya na nagsugo sa akin.”
14 At sinabi ni David kay Gad, “Ako'y lubhang nababalisa; hayaang mahulog tayo ngayon sa kamay ng Panginoon, sapagkat malaki ang kanyang kaawaan; ngunit huwag mo akong hayaang mahulog sa kamay ng tao.”
Ipinadala ang Salot
15 Sa gayo'y nagpadala ang Panginoon ng salot sa Israel mula sa umaga hanggang sa takdang panahon. At ang namatay sa bayan mula sa Dan hanggang sa Beer-seba ay pitumpung libong lalaki.
16 Nang iunat ng anghel ang kanyang kamay paharap sa Jerusalem upang wasakin ito, ikinalungkot ng Panginoon ang kasamaan, at sinabi sa anghel na gumagawa ng pagpuksa sa bayan, “Tama na; ngayo'y itigil mo na ang iyong kamay.” At ang anghel ng Panginoon ay nasa may giikan ni Arauna na Jebuseo.
17 Pagkatapos ay nagsalita si David sa Panginoon nang kanyang makita ang anghel na pumuksa sa bayan, at sinabi, “Ako'y nagkasala, at ako'y gumawa ng kasamaan; ngunit ang mga tupang ito, ano ang kanilang ginawa? Isinasamo ko sa iyo na ang iyong kamay ay maging laban sa akin, at laban sa sambahayan ng aking ama.”
18 At si Gad ay dumating nang araw na iyon kay David at sinabi sa kanya, “Umahon ka, magtayo ka ng isang dambana sa Panginoon sa giikan ni Arauna na Jebuseo.”
19 Umahon si David ayon sa sinabi ni Gad, tulad ng iniutos ng Panginoon.
20 Nang tumanaw si Arauna, nakita niya ang hari at ang kanyang mga lingkod na papalapit sa kanya. Si Arauna ay lumabas at patirapang nagbigay-galang sa hari.
21 Sinabi ni Arauna, “Bakit ang aking panginoong hari ay naparito sa kanyang lingkod?” At sinabi ni David, “Upang bilhin ang iyong giikan, para mapagtayuan ng isang dambana sa Panginoon, upang ang salot ay maiiwas sa bayan.”
22 At sinabi ni Arauna kay David, “Kunin nawa ng aking panginoong hari at ihandog kung ano ang inaakala niyang mabuti. Narito ang mga baka para sa handog na sinusunog, at ang mga kagamitan sa giikan at ang mga pamatok ng mga baka bilang panggatong.
23 Ang lahat ng ito, O hari, ay ibinibigay ni Arauna sa hari.” At sinabi ni Arauna sa hari, “Tanggapin ka nawa ng Panginoon mong Diyos.”
24 Ngunit sinabi ng hari kay Arauna, “Hindi, kundi bibilhin ko ito sa iyo sa halaga. Hindi ako mag-aalay ng mga handog na sinusunog sa Panginoon kong Diyos nang hindi ko ginugulan ng anuman.” Sa gayo'y binili ni David ang giikan at ang mga baka ng limampung siklong pilak.
25 At nagtayo roon si David ng isang dambana sa Panginoon at nag-alay ng mga handog na sinusunog at ng mga handog pangkapayapaan. Sa gayo'y dininig ng Panginoon ang mga dalangin para sa lupain, at ang salot ay lumayo sa Israel.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001