Beginning
Si Haring Azarias ng Juda(A)
15 Nang ikadalawampu't pitong taon ni Jeroboam na hari ng Israel, si Azarias na anak ni Amasias na hari ng Juda ay nagsimulang maghari.
2 Siya'y labing-anim na taong gulang nang siya'y magsimulang maghari; at siya'y naghari ng limampu't dalawang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Jecolia na taga-Jerusalem.
3 Siya'y gumawa ng matuwid sa mga mata ng Panginoon, ayon sa lahat ng ginawa ng kanyang amang si Amasias.
4 Gayunma'y hindi inalis ang matataas na dako; ang bayan ay patuloy na nag-alay at nagsunog ng insenso sa matataas na dako.
5 At sinaktan ng Panginoon ang hari, at siya'y isang ketongin hanggang sa araw ng kanyang kamatayan, at siya'y tumira sa isang bukod na bahay. At si Jotam na anak ng hari ang tagapamahala ng sambahayan, na humahatol sa sambayanan ng lupain.
6 Ang iba sa mga gawa ni Azarias, at ang lahat ng kanyang ginawa, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[a] ng mga Hari ng Juda?
7 At(B) si Azarias ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno. Kanilang inilibing siya na kasama ng kanyang mga ninuno sa lunsod ni David; si Jotam na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.
Si Haring Zacarias ng Israel
8 Nang ikatatlumpu't walong taon ni Azarias na hari ng Juda, si Zacarias na anak ni Jeroboam ay naghari sa Israel sa Samaria sa loob ng anim na buwan.
9 Siya'y gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, gaya ng ginawa ng kanyang mga magulang. Hindi niya iniwan ang mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat, na nagbunsod sa Israel sa pagkakasala.
10 At si Shallum na anak ni Jabes ay nakipagsabwatan laban sa kanya, at sinaktan siya sa harapan ng bayan,[b] at pinatay siya, at nagharing kapalit niya.
11 Ang iba sa mga gawa ni Zacarias, ay nakasulat sa Aklat ng mga Kasaysayan[c] ng mga Hari ng Israel.
12 Ito(C) ang pangako ng Panginoon na ibinigay niya kay Jehu, “Ang iyong mga anak sa ikaapat na salinlahi ay uupo sa trono ng Israel.” At gayon nga ang nangyari.
Si Haring Shallum ng Israel
13 Si Shallum na anak ni Jabes ay nagsimulang maghari nang ikatatlumpu't siyam na taon ni Uzias na hari ng Juda; at siya'y naghari sa loob ng isang buwan sa Samaria.
14 Pagkatapos si Menahem na anak ni Gadi ay umahon mula sa Tirsa at dumating sa Samaria, at kanyang sinaktan si Shallum na anak ni Jabes sa Samaria, at pinatay siya at nagharing kapalit niya.
15 Ang iba pa sa mga gawa ni Shallum, at ang pakikipagsabwatan na kanyang ginawa, ay nakasulat sa Aklat ng mga Kasaysayan[d] ng mga Hari ng Israel.
16 Nang panahong iyon, ginapi ni Menahem si Tifsa[e] at ang lahat ng naroroon, at ang mga nasasakupan nito mula sa Tirsa, sapagkat siya ay hindi nila pinagbuksan, kaya't sinakop niya ito; at biniyak niya ang tiyan ng lahat ng babaing buntis na naroroon.
Si Haring Menahem ng Israel
17 Nang ikatatlumpu't siyam na taon ni Azarias na hari ng Juda, nagsimulang maghari sa Israel si Menahem na anak ni Gadi, at siya ay naghari ng sampung taon sa Samaria.
18 Kanyang ginawa ang masama sa paningin ng Panginoon. Siya'y hindi humiwalay sa lahat niyang mga araw sa mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat, na dito'y kanyang ibinunsod ang Israel sa pagkakasala.
19 Dumating laban sa lupain si Pul na hari ng Asiria; at binigyan ni Menahem si Pul ng isanlibong talentong pilak upang ang kanyang kamay ay mapasa kanya upang mapatatag ang kanyang kaharian sa ilalim ng kanyang pamumuno.
20 At pinapagbayad ni Menahem ng salapi ang Israel, samakatuwid ay ang lahat ng mga makapangyarihang lalaki na mayaman, limampung siklong pilak sa bawat tao upang ibigay sa hari ng Asiria. Kaya't ang hari ng Asiria ay umurong, at hindi tumigil doon sa lupain.
21 Ang iba sa mga gawa ni Menahem, at ang lahat niyang ginawa, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[f] ng mga Hari ng Israel?
22 At natulog si Menahem na kasama ng kanyang mga ninuno, at si Pekahia na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.
Si Haring Pekahia ng Israel
23 Nang ikalimampung taon ni Azarias na hari ng Juda, nagsimulang maghari sa Israel si Pekahia, na anak ni Menahem sa Samaria, at siya ay naghari ng dalawang taon.
24 Gumawa siya ng masama sa paningin ng Panginoon. Hindi niya iniwan ang mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat, na dahil dito'y kanyang ibinunsod ang Israel sa pagkakasala.
25 At si Peka na anak ni Remalias, na kanyang punong-kawal ay nakipagsabwatan laban sa kanya at sinaktan siya sa Samaria sa muog ng bahay ng hari, na kasama si Argob at si Arif at kasama niya ang limampung lalaki na mga Gileadita at kanyang pinatay siya at nagharing kapalit niya.
26 Ang iba sa mga gawa ni Pekahia, at ang lahat niyang ginawa ay nakasulat sa Aklat ng mga Kasaysayan[g] ng mga Hari ng Israel.
Si Haring Peka ng Israel
27 Nang ikalimampu't dalawang taon ni Azarias na hari sa Juda, nagsimulang maghari si Peka, na anak ni Remalias sa Israel sa Samaria, at siya'y naghari ng dalawampung taon.
28 Gumawa siya ng masama sa paningin ng Panginoon. Hindi niya tinalikdan ang mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat, na dahil dito'y kanyang ibinunsod ang Israel sa pagkakasala.
29 Nang mga araw ni Peka na hari ng Israel, si Tiglat-pileser na hari sa Asiria ay dumating at sinakop ang Ijon, Abel-betmaaca, Janoa, Kedes, Hazor, Gilead, at ang Galilea, ang buong lupain ng Neftali; at kanyang dinalang-bihag ang taong-bayan sa Asiria.
30 At si Hosheas na anak ni Ela ay nakipagsabwatan laban kay Peka na anak ni Remalias, at kanyang sinaktan siya, at pinatay siya, at nagharing kapalit niya, nang ikadalawampung taon ni Jotam na anak ni Uzias.
31 Ang iba pa sa mga gawa ni Peka, at ang lahat niyang ginawa ay nakasulat sa Aklat ng mga Kasaysayan[h] ng mga Hari ng Israel.
Si Haring Jotam ng Juda(D)
32 Nang ikalawang taon ni Peka na anak ni Remalias na hari ng Israel, si Jotam na anak ni Uzias na hari ng Juda ay nagsimulang maghari.
33 Siya'y dalawampu't limang taon nang siya'y nagsimulang maghari, at siya'y naghari ng labing-anim na taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Jerusha na anak ni Zadok.
34 Siya'y gumawa ng matuwid sa mga mata ng Panginoon, ayon sa lahat ng ginawa ng kanyang amang si Uzias.
35 Gayunma'y, ang matataas na dako ay hindi inalis. Ang bayan ay patuloy na nag-alay at nagsunog ng insenso sa matataas na dako. Itinayo niya ang pintuang-bayan sa itaas sa bahay ng Panginoon.
36 Ang iba pa sa mga gawa ni Jotam, at ang lahat niyang ginawa, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[i] ng mga Hari ng Juda?
37 Nang mga araw na iyon, pinasimulang suguin ng Panginoon laban sa Juda sina Rezin na hari sa Siria at si Peka na anak ni Remalias.
38 Si Jotam ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, at inilibing na kasama ng kanyang mga ninuno sa lunsod ni David na kanyang ninuno. Si Ahaz na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.
Si Haring Ahaz ng Juda(E)
16 Nang ikalabimpitong taon ni Peka na anak ni Remalias, si Ahaz na anak ni Jotam na hari ng Juda ay nagsimulang maghari.
2 Si Ahaz ay dalawampung taon nang siya'y magsimulang maghari, at siya'y naghari sa loob ng labing-anim na taon sa Jerusalem. Hindi siya gumawa ng matuwid sa mga mata ng Panginoon niyang Diyos, na gaya ng ginawa ni David na kanyang ninuno,
3 sa(F) halip siya'y lumakad sa landas ng mga hari ng Israel. Maging ang kanyang anak na lalaki ay pinaraan sa apoy, ayon sa mga karumaldumal na kaugalian ng mga bansa na pinalayas ng Panginoon mula sa harapan ng mga anak ni Israel.
4 Siya'y nag-alay at nagsunog ng insenso sa matataas na dako, sa mga burol, at sa ilalim ng bawat luntiang punungkahoy.
5 At(G) si Rezin na hari ng Siria at si Peka na anak ni Remalias na hari ng Israel ay umahon upang makipagdigma sa Jerusalem, at kanilang kinubkob si Ahaz ngunit siya'y hindi nila malupig.
6 Nang panahong iyon, binawi ni Rezin na hari ng Aram ang Elat para sa Aram at pinalayas ang mga taga-Juda sa Elat. Ang mga taga-Aram ay dumating sa Elat at doon ay nanirahan sila hanggang sa araw na ito.
7 Kaya't nagpadala si Ahaz ng mga sugo kay Tiglat-pileser na hari ng Asiria, na ipinasasabi, “Ako ay iyong lingkod at iyong anak. Umahon ka, at iligtas mo ako sa kamay ng hari ng Siria at sa kamay ng hari ng Israel na sumasalakay sa akin.”
8 Kinuha rin ni Ahaz ang pilak at ginto na natagpuan sa bahay ng Panginoon, at sa mga kabang-yaman ng bahay ng hari at nagpadala ng kaloob sa hari ng Asiria.
9 Pinakinggan siya ng hari ng Asiria; ang hari ng Asiria ay umahon laban sa Damasco, at sinakop ito at dinalang-bihag ang taong-bayan sa Kir; at pinatay niya si Rezin.
Gumawa ng Bagong Dambana
10 Nang si Haring Ahaz ay pumunta sa Damasco upang makipagkita kay Tiglat-pileser na hari ng Asiria, kanyang nakita ang dambana na dating nasa Damasco. Ipinadala ni Haring Ahaz kay Urias na pari ang isang plano ng dambana at ang anyo nito, husto sa lahat ng mga bahagi nito.
11 Itinayo ng paring si Urias ang dambana; ayon sa lahat ng ipinadala ni Haring Ahaz mula sa Damasco ay gayon ang ginawa ng paring si Urias, bago dumating si Haring Ahaz mula sa Damasco.
12 Nang dumating ang hari mula sa Damasco, pinagmasdan ng hari ang dambana. Ang hari ay lumapit sa dambana at umakyat doon,
13 at sinunog ang kanyang handog na sinusunog, ang kanyang handog na butil, at ibinuhos ang kanyang handog na inumin at iwinisik ang dugo ng kanyang mga handog pangkapayapaan sa ibabaw ng dambana.
14 Ang(H) dambanang tanso na nasa harapan ng Panginoon ay kanyang inalis mula sa harapan ng bahay, mula sa lugar sa pagitan ng kanyang dambana at ng bahay ng Panginoon, at inilagay sa dakong hilaga ng kanyang dambana.
15 At inutusan ni Haring Ahaz ang paring si Urias, na sinasabi, “Sa ibabaw ng malaking dambana ay sunugin mo ang handog na sinusunog sa umaga, at ang handog na butil sa hapon, at ang handog na sinusunog ng hari at ang kanyang handog na butil, kasama ng handog na sinusunog ng lahat ng mga tao ng lupain, at ng kanilang handog na butil, at ang kanilang mga handog na inumin; at iwisik mo roon ang lahat ng dugo ng handog na sinusunog, at ang lahat ng dugo ng handog; ngunit ang dambanang tanso ay para sa akin upang doon ako'y makasangguni.”
16 Ang lahat ng ito ay ginawa ng paring si Urias, gaya ng iniutos ni Haring Ahaz.
17 At(I) pinutol ni Haring Ahaz ang mga balangkas ng mga patungan at inalis sa mga iyon ang hugasan. Kanyang ibinaba ang malaking tangke ng tubig mula sa mga bakang tanso na nasa ilalim niyon at ipinatong sa isang patungang bato.
18 Ang daang natatakpan para sa Sabbath na itinayo sa loob ng bahay, at ang pasukan ng hari na nasa labas ay kanyang inalis sa bahay ng Panginoon, dahil sa hari ng Asiria.
19 Ang iba pa sa mga gawa ni Ahaz na kanyang ginawa, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[j] ng mga Hari ng Juda?
20 At(J) si Ahaz ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, at inilibing na kasama ng kanyang mga ninuno sa lunsod ni David. Si Hezekias na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.
Si Haring Hosheas ng Israel
17 Nang ikalabindalawang taon ni Ahaz na hari ng Juda, si Hosheas na anak ni Ela ay nagsimulang maghari sa Samaria sa Israel, at siya ay naghari sa loob ng siyam na taon.
2 Gumawa siya ng masama sa paningin ng Panginoon, bagaman hindi gaya ng mga hari ng Israel na nauna sa kanya.
3 Umahon laban sa kanya si Shalmaneser na hari ng Asiria; at si Hosheas ay naging sakop niya at nagbayad sa kanya ng buwis.
4 Subalit ang hari ng Asiria ay nakakita ng pagtataksil kay Hosheas, sapagkat siya'y nagpadala ng mga sugo kay So na hari ng Ehipto, at hindi nagbigay ng buwis sa hari ng Asiria, tulad ng kanyang ginagawa taun-taon. Kaya't kinulong siya ng hari ng Asiria at iginapos sa bilangguan.
Bumagsak ang Samaria
5 Pagkatapos ay sinalakay ng hari ng Asiria ang buong lupain at dumating sa Samaria at kinubkob ito sa loob ng tatlong taon.
6 Nang ikasiyam na taon ni Hosheas, sinakop ng hari ng Asiria ang Samaria. Dinala niya ang mga Israelita sa Asiria, at inilagay sila sa Hala, at sa Habor, sa ilog ng Gozan, at sa mga lunsod ng mga Medo.
7 Ito ay nangyari sapagkat ang bayang Israel ay nagkasala laban sa Panginoon nilang Diyos, na siyang naglabas sa kanila sa lupain ng Ehipto, mula sa kamay ni Faraon na hari ng Ehipto. Sila'y natakot sa ibang mga diyos,
8 at lumakad sa mga kaugalian ng mga bansa na pinalayas ng Panginoon sa harapan ng mga anak ni Israel, at sa mga kaugaliang pinasimulan ng mga hari ng Israel.
9 Ang bayang Israel ay palihim na nagsigawa ng mga bagay na hindi matuwid laban sa Panginoon nilang Diyos. Sila'y nagtayo para sa kanila ng matataas na dako sa lahat nilang mga bayan, mula sa muog hanggang sa lunsod na may kuta.
10 Sila'y(K) nagtindig ng mga haligi at Ashera sa bawat mataas na burol, at sa ilalim ng bawat luntiang punungkahoy.
11 Nagsunog sila doon ng insenso sa lahat ng matataas na dako, gaya ng ginawa ng mga bansang pinalayas ng Panginoon sa harapan nila. Sila'y gumawa ng masasamang bagay na siyang ikinagalit ng Panginoon.
12 Sila'y naglingkod sa mga diyus-diyosan, na tungkol dito ay sinabi ng Panginoon, “Huwag ninyong gagawin ang bagay na ito.”
13 Gayunma'y binalaan ng Panginoon ang Israel at Juda sa pamamagitan ng bawat propeta at bawat nakakakita ng pangitain, na sinasabi, “Layuan ninyo ang inyong masasamang lakad at tuparin ninyo ang aking mga utos at mga tuntunin, ayon sa buong kautusan na aking iniutos sa inyong mga ninuno, at aking ipinadala sa inyo sa pamamagitan ng aking mga lingkod na mga propeta.”
14 Ngunit ayaw nilang makinig, kundi pinatigas ang kanilang ulo na gaya ng kanilang mga ninuno na hindi sumampalataya sa Panginoon nilang Diyos.
15 Kanilang itinakuwil ang kanyang mga tuntunin at ang kanyang tipan na ginawa niya sa kanilang mga ninuno, at ang mga babala na kanyang ibinigay sa kanila. Sila'y nagsisunod sa mga walang kabuluhan at naging walang kabuluhan at nagsisunod sa mga bansa na nasa palibot nila, na iniutos ng Panginoon na huwag silang gumawa ng tulad nila.
16 At(L) kanilang itinakuwil ang lahat ng mga utos ng Panginoon nilang Diyos, at gumawa para sa kanilang sarili ng mga larawang hinulma na dalawang guya, at nagsigawa ng sagradong poste,[k] at sinamba ang hukbo ng langit, at naglingkod kay Baal.
17 Kanilang(M) pinaraan sa apoy ang kanilang mga anak na lalaki at babae at gumamit ng panghuhula at pangkukulam, at ipinagbili ang kanilang sarili upang gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, na siyang ikinagalit niya.
18 Kaya't ang Panginoon ay galit na galit sa Israel, at inalis sila sa kanyang paningin. Walang naiwan maliban sa lipi ni Juda lamang.
19 Hindi rin iningatan ng Juda ang mga utos ng Panginoon nilang Diyos, kundi lumakad sa mga kaugaliang pinasimulan ng Israel.
20 At itinakuwil ng Panginoon ang lahat ng mga anak ni Israel, at pinahirapan sila at ibinigay sila sa kamay ng mga mananamsam hanggang sa kanyang mapalayas sila sa kanyang paningin.
21 Nang kanyang maihiwalay ang Israel sa sambahayan ni David, kanilang ginawang hari si Jeroboam na anak ni Nebat. At inilayo ni Jeroboam ang Israel sa pagsunod sa Panginoon at naging dahilan upang makagawa sila ng malaking kasalanan.
22 At ang bayang Israel ay nagsilakad sa lahat ng kasalanan na ginawa ni Jeroboam; hindi nila hiniwalayan ang mga iyon,
23 hanggang sa alisin ng Panginoon ang Israel sa kanyang paningin, gaya ng kanyang sinabi sa pamamagitan ng lahat niyang lingkod na mga propeta. Kaya't ang Israel ay itinapon sa Asiria mula sa kanilang sariling lupain hanggang sa araw na ito.
24 Ang hari ng Asiria ay nagdala ng mga tao mula sa Babilonia, Kut, Iva, Hamat, at Sefarvaim at inilagay sila sa mga bayan ng Samaria sa halip na mga mamamayan ng Israel. Kanilang inangkin ang Samaria at nanirahan sa mga lunsod nito.
25 Sa pasimula ng kanilang paninirahan doon, hindi sila natakot sa Panginoon kaya't ang Panginoon ay nagsugo ng mga leon sa gitna nila at pinatay ang ilan sa kanila.
26 Kaya't sinabi sa hari ng Asiria, “Hindi nalalaman ng mga bansa na iyong dinala at inilagay sa mga lunsod ng Samaria ang kautusan ng diyos ng lupain. Kaya't siya'y nagsugo ng mga leon sa gitna nila, at kanilang pinapatay sila sapagkat hindi nila nalalaman ang batas ng diyos sa lupain.”
27 Kaya't nag-utos ang hari ng Asiria, “Dalhin ninyo roon ang isa sa mga pari na inyong dinala mula roon. Hayaan siyang umalis at tumira roon at kanyang turuan sila ng kautusan ng diyos ng lupain.”
28 Kaya't isa sa mga pari na kanilang dinala mula sa Samaria ay dumating at nanirahan sa Bethel, at tinuruan sila kung paano dapat matakot sa Panginoon.
29 Ngunit bawat bansa ay gumawa pa rin ng kanilang sariling mga diyos at inilagay sa matataas na dako na ginawa ng mga Samaritano, bawat bansa sa mga lunsod na kanilang tinitirhan;
30 ginawa ng mamamayan ng Babilonia ang Sucot-benot, ginawa ng mamamayan ng Kut ang Nergal, at ginawa ng mamamayan ng Hamat ang Asima.
31 Ginawa naman ng mga Aveo ang Nibhaz at Tartac, at sinunog ng mga Sefarvita ang kanilang mga anak sa apoy sa Adramalec at sa Anamelec, na mga diyos ng Sefarvaim.
32 Natakot din sila sa Panginoon, at pumili sa gitna nila ng lahat ng uri ng mga tao bilang mga pari sa matataas na dako, na naghandog para sa kanila sa mga dambana ng matataas na dako.
33 Sa gayon sila natakot sa Panginoon, subalit naglingkod din sa kanilang sariling mga diyos, ayon sa paraan ng mga bansang pinagkunan sa kanila.
34 Hanggang(N) sa araw na ito ay ginagawa nila ang ayon sa mga dating kaugalian. Sila'y hindi natatakot sa Panginoon, at hindi sila sumusunod sa mga tuntunin, ni utos, ni batas, ni mga kautusan na iniutos ng Panginoon sa mga anak ni Jacob, na kanyang pinangalanang Israel.
35 Ang(O) Panginoon ay nakipagtipan sa kanila at inutusan sila, “Kayo'y huwag matatakot sa ibang mga diyos, o magsisiyukod man sa kanila, o maglilingkod man sa kanila, o maghahandog man sa kanila;
36 kundi(P) matatakot kayo sa Panginoon, na siyang naglabas sa inyo mula sa lupain ng Ehipto na may dakilang kapangyarihan at may nakaunat na kamay. Luluhod kayo sa kanya, at sa kanya kayo maghahandog.
37 Ang mga tuntunin, mga batas, ang kautusan, at ang utos na kanyang sinulat para sa inyo ay lagi ninyong maingat na gawin. Kayo'y huwag matatakot sa ibang mga diyos,
38 at huwag ninyong kalilimutan ang tipan na aking ginawa sa inyo. Huwag kayong matakot sa ibang mga diyos,
39 kundi matakot kayo sa Panginoon ninyong Diyos at kanyang ililigtas kayo sa kamay ng lahat ninyong mga kaaway.”
40 Gayunma'y ayaw nilang makinig kundi kanilang ginawa ang ayon sa kanilang dating kaugalian.
41 Kaya't habang ang mga bansang ito ay natatakot sa Panginoon, ay naglingkod din sila sa kanilang mga larawang inanyuan. Gayundin ang kanilang mga anak, at ang mga anak ng kanilang mga anak—kung ano ang ginawa ng kanilang mga ninuno ay gayon ang ginawa nila hanggang sa araw na ito.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001