Beginning
Nagkasakit at Gumaling si Haring Hezekias(A)
20 Nang mga araw na iyon, nagkasakit si Hezekias at malapit nang mamatay. Si propeta Isaias na anak ni Amos ay pumaroon sa kanya, at sinabi sa kanya, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ‘Ayusin mo ang iyong sambahayan; sapagkat ikaw ay mamamatay na, hindi ka na mabubuhay.’”
2 Nang magkagayo'y iniharap ni Hezekias ang kanyang mukha sa dingding at nanalangin sa Panginoon na sinasabi,
3 “Alalahanin mo ngayon, O Panginoon, idinadalangin ko sa iyo, kung paanong ako'y lumakad sa harapan mo sa katapatan, at nang buong puso at gumawa ng mabuti sa iyong paningin.” At si Hezekias ay umiyak nang mapait.
4 At bago nakalabas si Isaias sa gitnang bulwagan, dumating ang salita ng Panginoon sa kanya na sinasabi,
5 “Bumalik ka, at sabihin mo kay Hezekias na pinuno ng aking bayan, Ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ni David na iyong ninuno: Narinig ko ang iyong panalangin, nakita ko ang iyong mga luha; pagagalingin kita. Sa ikatlong araw ay aakyat ka sa bahay ng Panginoon.
6 Dadagdagan ko ng labinlimang taon ang iyong buhay. Ililigtas ko ikaw at ang lunsod na ito sa kamay ng hari ng Asiria at aking ipagtatanggol ang lunsod na ito alang-alang sa akin at sa aking lingkod na si David.”
7 At sinabi ni Isaias, “Magdala kayo ng binilong igos at itapal ito sa bukol upang siya'y gumaling.”
8 Sinabi ni Hezekias kay Isaias, “Ano ang magiging tanda na ako'y pagagalingin ng Panginoon, at ako'y aakyat sa bahay ng Panginoon sa ikatlong araw?”
9 At sinabi ni Isaias, “Ito ang tanda sa iyo mula sa Panginoon, na gagawin ng Panginoon ang bagay na kanyang ipinangako: susulong ba ang anino ng sampung hakbang, o babalik ng sampung hakbang?”
10 Sumagot si Hezekias, “Isang madaling bagay sa anino na pasulungin ng sampung hakbang; sa halip, pabalikin ang anino ng sampung hakbang.”
11 Si Isaias na propeta ay nanalangin sa Panginoon; at kanyang pinabalik ang anino ng sampung hakbang, na nakababa na sa orasang-araw ni Ahaz.
Mga Sugo mula sa Babilonia(B)
12 Nang panahong iyon, si Merodac-baladan na anak ni Baladan, na hari ng Babilonia, ay nagpadala ng mga sugo na may mga sulat at kaloob kay Hezekias, sapagkat kanyang nabalitaan na si Hezekias ay nagkasakit.
13 Sila'y tinanggap ni Hezekias at ipinakita sa kanila ang lahat ng kayamanan ng kanyang bahay, ang pilak, ginto, mga pabango, at mamahaling langis, ang kanyang taguan ng mga sandata, at ang lahat ng matatagpuan sa kanyang bodega. Walang anuman sa kanyang bahay o sa kanyang nasasakupan na hindi ipinakita sa kanila ni Hezekias.
14 Nang magkagayo'y pumaroon si propeta Isaias kay Haring Hezekias, at sinabi sa kanya, “Anong sinabi ng mga lalaking ito? At saan sila galing sa pagtungo sa iyo?” At sinabi ni Hezekias, “Sila'y galing sa malayong lupain, mula sa Babilonia.”
15 Kanyang sinabi, “Anong nakita nila sa iyong bahay?” At sumagot si Hezekias, “Kanilang nakita ang lahat ng nasa aking bahay. Walang anumang bagay na nasa aking mga bodega ang hindi ko ipinakita sa kanila.”
16 At sinabi ni Isaias kay Hezekias, “Pakinggan mo ang salita ng Panginoon:
17 Ang(C) mga araw ay dumarating na ang lahat ng nasa iyong bahay at ang inimbak ng iyong mga ninuno hanggang sa araw na ito ay tatangayin na patungo sa Babilonia; walang maiiwan, sabi ng Panginoon.
18 At(D) ilan sa iyong mga anak na lalaki na mula sa iyo na ipapanganak ay kukunin; at sila'y magiging mga eunuko sa bahay ng hari ng Babilonia.”
19 Nang magkagayo'y sinabi ni Hezekias kay Isaias, “Mabuti ang salita ng Panginoon na iyong sinabi.” Sapagkat kanyang inakala, “Bakit hindi, kung magkakaroon naman ng kapayapaan at kapanatagan sa aking mga araw?”
Natapos ang Paghahari ni Hezekias(E)
20 Ang iba pa sa mga gawa ni Hezekias, at ang lahat niyang kapangyarihan, at kung paano niya ginawa ang tipunan ng tubig at ang padaluyan, at nagdala ng tubig sa lunsod, hindi ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[a] ng mga Hari ng Juda?
21 Natulog si Hezekias na kasama ng kanyang mga ninuno; at si Manases na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.
Si Haring Manases ng Juda(F)
21 Si Manases ay labindalawang taon nang magsimulang maghari, at siya'y naghari sa loob ng limampu't limang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Hefziba.
2 Siya'y(G) gumawa ng masama sa paningin ng Panginoon, ayon sa mga karumaldumal na gawain ng mga bansang pinalayas ng Panginoon sa harapan ng mga anak ni Israel.
3 Sapagkat kanyang muling itinayo ang matataas na dako na winasak ni Hezekias na kanyang ama; siya'y nagtayo ng mga dambana para kay Baal, gumawa ng sagradong poste,[b] gaya ng ginawa ni Ahab na hari ng Israel, at sinamba ang lahat ng hukbo sa langit, at naglingkod sa kanila.
4 Siya'y(H) nagtayo ng mga dambana sa bahay ng Panginoon, na tungkol doon ay sinabi ng Panginoon, “Sa Jerusalem ay ilalagay ko ang aking pangalan.”
5 At siya'y nagtayo ng mga dambana para sa lahat ng hukbo ng langit sa dalawang bulwagan ng bahay ng Panginoon.
6 At kanyang pinaraan sa apoy ang kanyang anak na lalaki. Siya'y gumamit ng panghuhula at salamangka, at sumangguni sa masamang espiritu, at sa mga mangkukulam. Siya'y gumawa ng maraming kasamaan sa paningin ng Panginoon, na kanyang ikinagalit.
7 Ang(I) larawang inanyuan ni Ashera na kanyang ginawa ay inilagay niya sa bahay na tungkol doon ay sinabi ng Panginoon kay David at kay Solomon na kanyang anak, “Sa bahay na ito, at sa Jerusalem, na aking pinili sa lahat ng lipi ng Israel, ay ilalagay ko ang aking pangalan magpakailanman;
8 hindi ko na papagalain pa ang mga paa ng Israel sa labas ng lupain na aking ibinigay sa kanilang mga ninuno, kung kanila lamang maingat na tutuparin ang ayon sa lahat ng iniutos ko sa kanila, at ayon sa buong kautusan na iniutos sa kanila ng aking lingkod na si Moises.”
9 Ngunit hindi sila nakinig; at inakit sila ni Manases na gumawa ng higit pang masama kaysa ginawa ng mga bansang pinuksa ng Panginoon sa harapan ng mga anak ni Israel.
10 At ang Panginoon ay nagsalita sa pamamagitan ng kanyang mga lingkod na mga propeta, na sinasabi,
11 “Sapagkat ginawa ni Manases na hari ng Juda ang mga karumaldumal na ito, at gumawa ng kasamaang higit kaysa lahat ng ginawa ng mga Amoreo, na nauna sa kanya, at ibinunsod niya ang Juda sa pagkakasala sa pamamagitan ng kanyang mga diyus-diyosan;
12 kaya't ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel, Aking dadalhin sa Jerusalem at Juda ang ganoong kasamaan na anupa't ang tainga ng bawat makakarinig nito ay mangingilabot.
13 Aking paaabutin sa Jerusalem ang pising panukat ng Samaria, at ang panghulog ng bahay ni Ahab. Aking pupunasan ang Jerusalem gaya ng pagpupunas ng isang tao sa isang pinggan, na pinupunasan iyon at itinataob.
14 Aking iiwan ang nalabi sa aking pamana, at ibibigay ko sa kamay ng kanilang mga kaaway. Sila'y magiging bihag at samsam sa lahat nilang mga kaaway,
15 sapagkat gumawa sila ng kasamaan sa aking paningin at ginalit nila ako, mula nang araw na ang kanilang mga ninuno ay magsilabas sa Ehipto, hanggang sa araw na ito.”
16 Bukod dito, si Manases ay nagpadanak ng napakaraming dugong walang sala, hanggang sa kanyang napuno ang Jerusalem mula sa isang dulo hanggang sa kabila, bukod sa kasalanang ibinunsod niyang gawin ng Juda. Kaya't sila'y gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon.
17 Ang iba pa sa mga gawa ni Manases, at ang lahat niyang ginawa, at ang kasalanang kanyang ginawa, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[c] ng mga Hari ng Juda?
18 Si Manases ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, at inilibing sa halamanan ng kanyang bahay, sa halamanan ng Uza; at si Amon na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.
Si Haring Amon ng Juda(J)
19 Si Amon ay dalawampu't dalawang taon nang siya'y magsimulang maghari; at siya'y naghari sa loob ng dalawang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Mesullemeth na anak ni Haruz na taga-Jotba.
20 Siya'y gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon, gaya ng ginawa ni Manases na kanyang ama.
21 At siya'y lumakad sa lahat ng landas na nilakaran ng kanyang ama, at naglingkod sa mga diyus-diyosan na pinaglingkuran ng kanyang ama, at sinamba niya ang mga iyon.
22 Kanyang tinalikuran ang Panginoon, ang Diyos ng kanyang mga ninuno, at hindi lumakad sa daan ng Panginoon.
23 At ang mga lingkod ni Amon ay nagsabwatan laban sa kanya, at pinatay ang hari sa kanyang bahay.
24 Ngunit pinatay ng mga mamamayan ng lupain ang lahat ng mga nagsabwatan laban kay Haring Amon; at ginawang hari ng mga mamamayan ng lupain si Josias na kanyang anak bilang kahalili niya.
25 Ang iba pa sa mga gawa ni Amon na kanyang ginawa, di ba nakasulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[d] ng mga Hari ng Juda?
26 At siya'y inilibing sa kanyang libingan sa halamanan ng Uza; at si Josias na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.
Si Haring Josias ng Juda(K)
22 Si(L) Josias ay walong taong gulang nang magsimulang maghari; at siya'y naghari sa loob ng tatlumpu't isang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Idida na anak ni Adaya na taga-Boscat.
2 Siya'y gumawa ng kabutihan sa mga mata ng Panginoon, at lumakad sa lahat ng daan ni David na kanyang ninuno, at hindi siya lumiko sa kanan o sa kaliwa.
Natuklasan ang Aklat ng Kautusan(M)
3 Nang ikalabingwalong taon ni Haring Josias, sinugo ng hari si Safan na anak ni Azalia, na anak ni Mesulam, na kalihim sa bahay ng Panginoon, na sinasabi,
4 “Pumunta ka kay Hilkias na pinakapunong pari, upang kanyang matimbang ang salapi na ipinasok sa bahay ng Panginoon na nilikom mula sa bayan ng mga bantay-pinto;
5 at ibigay iyon sa kamay ng mga manggagawa na silang nangangasiwa sa bahay ng Panginoon. Ibibigay naman nila iyon sa mga manggagawa na nasa bahay ng Panginoon, na nag-aayos ng bahay,
6 samakatuwid ay sa mga karpintero, mga tagapagtayo, mga kantero, at gayundin para sa pagbili ng kahoy at ng batong tinibag upang ayusin ang mga sira ng bahay.
7 Gayunma'y(N) walang ulat ng nagugol ang hihingin sa kanila mula sa salaping ibinigay sa kanilang kamay, sapagkat sila'y tapat makitungo.”
8 At sinabi ni Hilkias na pinakapunong pari kay Safan na kalihim, “Aking natagpuan ang aklat ng kautusan sa bahay ng Panginoon.” At ibinigay ni Hilkias ang aklat kay Safan, at binasa niya ito.
9 Si Safan na kalihim ay pumaroon sa hari, at iniulat sa hari, na sinasabi, “Inilabas na ng iyong mga lingkod ang salaping natagpuan sa bahay, at ibinigay na sa kamay ng mga manggagawa na nangangasiwa sa bahay ng Panginoon.”
10 Sinabi ni Safan na kalihim sa hari, na sinasabi, “Si Hilkias na pari ay nagbigay sa akin ng isang aklat.” At ito ay binasa ni Safan sa harapan ng hari.
11 Nang marinig ng hari ang mga salita ng aklat ng kautusan, kanyang pinunit ang kanyang kasuotan.
12 At ang hari ay nag-utos ng ganito kay Hilkias na pari, kay Ahicam na anak ni Safan, kay Acbor na anak ni Micaya, kay Safan na kalihim, at kay Asaya na lingkod ng hari, na sinasabi,
13 “Humayo kayo at sumangguni sa Panginoon para sa akin sa bayan, at para sa buong Juda tungkol sa mga salita ng aklat na ito na natagpuan. Malaki ang poot ng Panginoon na nag-aalab laban sa atin, sapagkat hindi sinunod ng ating mga ninuno ang mga salita ng aklat na ito, upang gawin ang ayon sa lahat ng nasusulat tungkol sa atin.”
14 Kaya't sina Hilkias na pari, Ahicam, Acbor, Safan, at si Asaya, ay nagsiparoon kay Hulda na babaing propeta, na asawa ni Shallum, na anak ni Ticvah, na anak ni Haras, na katiwala ng mga kasuotan (siya nga'y tumira sa Jerusalem sa ikalawang bahagi;) at sila'y nakipag-usap sa kanya.
15 At sinabi niya sa kanila, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel: ‘Sabihin ninyo sa lalaking nagsugo sa inyo sa akin,
16 Ganito ang sabi ng Panginoon, Ako'y magdadala ng kasamaan sa dakong ito at sa mamamayan nito, ang lahat ng salita ng aklat na nabasa ng hari ng Juda.
17 Sapagkat kanilang tinalikuran ako, at nagsunog ng insenso sa ibang mga diyos, upang ako'y galitin nila sa pamamagitan ng lahat ng gawa ng kanilang mga kamay. Kaya't ang aking poot ay mag-aalab sa dakong ito, at ito'y hindi mapapatay.
18 Ngunit tungkol sa hari ng Juda na nagsugo sa inyo upang sumangguni sa Panginoon, ganito ang sasabihin ninyo sa kanya, Ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel: Tungkol sa mga salita na iyong narinig,
19 sapagkat ang iyong puso ay malumanay, at ikaw ay nagpakumbaba sa harapan ng Panginoon, nang iyong marinig kung paanong ako'y nagsalita laban sa dakong ito, at laban sa mamamayan nito, na sila'y magiging kapanglawan at sumpa, at pinunit mo ang iyong kasuotan at umiyak ka sa harapan ko, narinig din kita, sabi ng Panginoon.
20 Kaya't narito, titipunin kita sa iyong mga ninuno, at ikaw ay payapang malalagay sa iyong libingan, at hindi makikita ng iyong mga mata ang lahat ng kasamaan na aking dadalhin sa dakong ito.’” At kanilang dinala ang kasagutan sa hari.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001