Beginning
Ang Sampung Utos(A)
5 Tinawag ni Moises ang buong Israel, at sinabi sa kanila, “Pakinggan mo, O Israel, ang mga tuntunin at mga batas na aking binibigkas sa inyong mga pandinig sa araw na ito, at dapat ninyong matutunan ang mga ito, at maging maingat na isagawa ang mga ito.
2 Ang Panginoong ating Diyos ay nakipagtipan sa atin sa Horeb.
3 Ang tipang ito ay hindi ginawa ng Panginoon sa ating mga ninuno, kundi sa atin, sa ating lahat na nariritong buháy sa araw na ito.
4 Ang Panginoon ay nakipag-usap sa inyo nang mukhaan sa bundok mula sa gitna ng apoy.
5 Ako'y tumayo sa pagitan ninyo at ng Panginoon nang panahong iyon upang ipahayag sa inyo ang salita ng Panginoon; sapagkat kayo'y natakot dahil sa apoy, at hindi kayo umakyat sa bundok. Kanyang sinabi:
6 “‘Ako ang Panginoon mong Diyos na naglabas sa iyo sa lupain ng Ehipto, mula sa bahay ng pagkaalipin.
7 “‘Huwag kang magkakaroon ng ibang mga diyos sa harapan ko.[a]
8 “‘Huwag(B) kang gagawa para sa iyo ng larawang inanyuan na kawangis ng anumang nasa itaas sa langit, o ng nasa ibaba sa lupa, o ng nasa tubig sa ilalim ng lupa.
9 Huwag(C) mo silang yuyukuran o paglilingkuran man sila, sapagkat akong Panginoon mong Diyos ay Diyos na mapanibughuin, na aking dinadalaw ang kasamaan ng mga magulang hanggang sa mga anak, sa ikatlo at sa ikaapat na salinlahi ng mga napopoot sa akin,
10 ngunit pinagpapakitaan ko ng wagas na pag-ibig ang libu-libong umiibig sa akin at tumutupad ng aking mga utos.
11 “‘Huwag(D) mong gagamitin ang pangalan ng Panginoon mong Diyos sa walang kabuluhan; sapagkat hindi ituturing ng Panginoon na walang sala ang gumamit ng kanyang pangalan sa walang kabuluhan.
12 “‘Ipangilin(E) mo ang araw ng Sabbath, at ingatan mo itong banal, gaya ng iniuutos sa iyo ng Panginoon mong Diyos.
13 Anim(F) na araw na gagawa ka, at iyong gagawin ang lahat ng iyong gawain,
14 ngunit ang ikapitong araw ay Sabbath sa Panginoon mong Diyos. Sa araw na iyan ay huwag kang gagawa ng anumang gawa, ikaw, ni ang iyong anak na lalaki o anak na babae, ni ang iyong aliping lalaki o aliping babae, ni ang iyong baka, ni ang iyong asno, ni anuman sa iyong hayop, ni ang mga dayuhang nasa loob ng iyong mga pintuan, upang ang iyong aliping lalaki at aliping babae ay makapagpahingang gaya mo.
15 Aalalahanin mo na ikaw ay naging alipin sa lupain ng Ehipto, at ikaw ay inilabas doon ng Panginoon mong Diyos sa pamamagitan ng isang makapangyarihang kamay at unat na bisig. Kaya't iniutos sa iyo ng Panginoon mong Diyos na ipangilin mo ang araw ng Sabbath.
16 “‘Igalang(G) mo ang iyong ama at ang iyong ina, gaya ng iniutos sa iyo ng Panginoon mong Diyos; upang ang iyong mga araw ay humaba pa at para sa ikabubuti mo sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos.
17 “‘Huwag(H) kang papatay.
18 “‘Ni(I) huwag kang mangangalunya.
19 “‘Ni(J) huwag kang magnanakaw.
20 “‘Ni(K) huwag kang sasaksi sa kasinungalingan laban sa iyong kapwa.
21 “‘Ni(L) huwag mong iimbutin ang asawa ng iyong kapwa; ni huwag mong pagnanasaan ang bahay ng iyong kapwa, ang kanyang bukid, ni ang kanyang aliping lalaki, o aliping babae, ni ang kanyang baka, ni ang kanyang asno, ni anumang bagay ng iyong kapwa.’
22 “Ang(M) mga salitang ito ay sinabi ng Panginoon sa lahat ng inyong pagtitipon sa bundok mula sa gitna ng apoy, sa ulap, at sa makapal na kadiliman, na may malakas na tinig; at hindi na niya dinagdagan pa. At kanyang isinulat sa dalawang tapyas na bato, at ibinigay ang mga ito sa akin.
Natakot ang Bayan(N)
23 Nang inyong marinig ang tinig mula sa gitna ng kadiliman, samantalang ang bundok ay nagliliyab sa apoy ay lumapit kayo sa akin, ang lahat ng mga pinuno sa inyong mga lipi, at ang inyong matatanda;
24 at inyong sinabi, ‘Ipinakita sa amin ng Panginoon nating Diyos ang kanyang kaluwalhatian at kadakilaan. Aming narinig ang kanyang tinig mula sa gitna ng apoy; aming nakita sa araw na ito na ang Diyos ay nakikipag-usap sa tao, at ang tao ay nabubuhay pa.
25 Ngayon, bakit kailangang mamamatay kami? Sapagkat tutupukin kami ng napakalaking apoy na ito; kapag aming narinig pa ang tinig ng Panginoon nating Diyos, kami ay mamamatay.
26 Sapagkat sino sa lahat ng laman na nakarinig ng tinig ng buháy na Diyos na nagsasalita mula sa gitna ng apoy, na gaya namin, at nabuhay pa?
27 Lumapit ka at iyong pakinggan ang lahat ng sasabihin ng Panginoon nating Diyos, at iyong sabihin sa amin ang lahat na sasabihin sa iyo ng Panginoon nating Diyos, at aming papakinggan, at gagawin ito.’
28 “At narinig ng Panginoon ang inyong mga salita, nang kayo'y nagsalita sa akin. Sinabi ng Panginoon sa akin, ‘Aking narinig ang tinig ng bayang ito, na kanilang sinabi sa iyo; mabuti ang kanilang pagkasabi ng lahat na kanilang sinabi.
29 Ang kanila nawang isipan ay maging laging ganito, na matakot sa akin, at kanilang tuparin ang lahat ng aking mga utos para sa ikabubuti nila at pati ng kanilang mga anak magpakailanman!
30 Humayo ka at sabihin mo sa kanila, “Bumalik kayo sa inyong mga tolda.”
31 Ngunit tungkol sa iyo, manatili ka rito sa akin at aking sasabihin sa iyo ang lahat ng utos, mga tuntunin at ang mga kahatulan na iyong ituturo sa kanila upang kanilang gawin sa lupain na aking ibinibigay sa kanila upang angkinin.’
32 Inyong ingatang gawin ang gaya ng iniutos sa inyo ng Panginoon ninyong Diyos; huwag kayong liliko sa kanan o sa kaliwa.
33 Kayo'y lalakad sa lahat ng mga daan na iniutos sa inyo ng Panginoon ninyong Diyos, upang kayo'y mabuhay, at upang ang lahat ay maging mabuti sa iyo, at upang kayo ay mabuhay nang mahaba sa lupain na inyong aangkinin.
Ang Dakilang Utos
6 “Ngayon, ito ang utos, mga tuntunin, at mga batas, na iniutos sa akin ng Panginoon ninyong Diyos na ituro sa inyo, upang inyong magawa ang mga ito sa lupaing inyong paroroonan upang angkinin,
2 upang ikaw ay matakot sa Panginoon mong Diyos, na iyong ingatan ang lahat niyang mga tuntunin at ang kanyang mga utos na aking iniutos sa iyo, at sa iyong anak, at sa anak ng iyong anak sa lahat ng araw ng iyong buhay; at upang ang iyong mga araw ay humaba.
3 Kaya't pakinggan mo, O Israel, at iyong gawin upang ang lahat ay maging mabuti sa iyo, at upang kayo'y lalo pang dumami, na gaya ng ipinangako sa iyo ng Panginoon, ng Diyos ng iyong mga ninuno, sa lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot.
4 “Pakinggan(O) mo, O Israel: ang Panginoon nating Diyos ay iisang Panginoon;[b]
5 at(P) iibigin mo ang Panginoon mong Diyos ng iyong buong puso, at ng iyong buong kaluluwa, at ng iyong buong lakas.
6 Ang(Q) mga salitang ito na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito ay ilalagay mo sa iyong puso;
7 at iyong ituturo nang buong sikap sa iyong mga anak, at iyong sasabihin sa kanila kapag ikaw ay nakaupo sa iyong bahay, kapag ikaw ay lumalakad sa daan, at kapag ikaw ay nahihiga, at kapag ikaw ay bumabangon.
8 At iyong itatali ang mga ito bilang tanda sa iyong kamay at bilang panali sa iyong noo.
9 At iyong isusulat ang mga ito sa pintuan ng iyong bahay at sa mga pasukan ng inyong mga bayan.
Babala Laban sa Pagsuway
10 “Kapag(R) dinala ka ng Panginoon mong Diyos sa lupain na kanyang ipinangako sa iyong mga ninuno, kina Abraham, Isaac, at Jacob, upang ibigay sa iyo ang malalaki at mabubuting lunsod na hindi mo itinayo,
11 at mga bahay na punô ng lahat ng mabubuting bagay, na hindi mo pinunô, at mga balon na hindi mo hinukay, mga ubasan at mga puno ng olibo na hindi mo itinanim, at ikaw ay kakain at mabubusog,
12 ingatan mo na baka iyong malimutan ang Panginoon na naglabas sa iyo sa lupain ng Ehipto, mula sa bahay ng pagkaalipin.
13 Matakot(S) ka sa Panginoon mong Diyos at maglingkod ka sa kanya at ikaw ay susumpa sa pamamagitan ng kanyang pangalan.
14 Huwag kang susunod sa ibang mga diyos, sa mga diyos ng mga bansang nasa palibot mo;
15 sapagkat ang Panginoon mong Diyos na nasa gitna mo ay isang mapanibughuing Diyos; baka ang galit ng Panginoon mong Diyos ay mag-alab laban sa iyo, at ikaw ay kanyang lipulin sa ibabaw ng lupa.
16 “Huwag(T) ninyong susubukin ang Panginoon ninyong Diyos, gaya ng pagsubok ninyo sa kanya sa Massah.
17 Masikap ninyong ingatan ang mga utos ng Panginoon ninyong Diyos, at ang kanyang mga patotoo, at ang kanyang mga tuntunin na kanyang iniutos sa iyo.
18 At iyong gagawin ang matuwid at mabuti sa paningin ng Panginoon, para sa ikabubuti mo, at upang iyong mapasok at maangkin ang mabuting lupain na ipinangako ng Panginoon sa iyong mga ninuno,
19 upang palayasin ang lahat ng iyong mga kaaway sa harapan mo, gaya ng ipinangako ng Panginoon.
20 “Kapag tatanungin ka ng iyong anak sa panahong darating, ‘Ano ang kahulugan ng mga patotoo, mga tuntunin, at mga batas, na iniutos sa inyo ng Panginoon nating Diyos?’
21 Iyo ngang sasabihin sa iyong anak, ‘Kami ay naging mga alipin ng Faraon sa Ehipto, at inilabas kami ng Panginoon sa Ehipto sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay.
22 At ang Panginoon ay nagpakita ng mga tanda at ng mga kababalaghan, dakila at matindi, laban sa Ehipto, kay Faraon, at sa kanyang buong sambahayan, sa harapan ng aming paningin;
23 at kami ay inilabas niya mula roon upang kami ay maipasok, upang maibigay sa amin ang lupain na kanyang ipinangako sa ating mga ninuno.
24 At iniutos ng Panginoon sa amin na gawin ang lahat ng mga tuntuning ito, na matakot sa Panginoon nating Diyos, sa ikabubuti natin magpakailanman, upang ingatan niya tayong buháy, gaya sa araw na ito.
25 At magiging katuwiran sa atin kapag maingat nating isinagawa ang lahat ng utos na ito sa harapan ng Panginoon nating Diyos, gaya ng iniutos niya sa atin.’
Ang Bayang Pinili ng Panginoon(U)
7 “Kapag(V) dinala ka ng Panginoon mong Diyos sa lupain na iyong pinaroroonan upang angkinin ito, at pinalayas ang maraming bansa sa harapan mo, ang Heteo, Gergeseo, Amoreo, Cananeo, Perezeo, Heveo, at ang Jebuseo, na pitong bansang higit na malalaki at makapangyarihan kaysa iyo;
2 at kapag sila'y ibinigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos, at matalo mo sila; ganap mo silang lilipulin, huwag kang makikipagtipan sa kanila, ni huwag mo silang pagpakitaan ng awa.
3 Huwag kang mag-aasawa sa kanila, ang iyong anak na babae ay huwag mong ibibigay sa kanyang anak na lalaki, ni ang kanyang anak na babae ay kukunin mo para sa iyong mga anak na lalaki.
4 Sapagkat kanilang ilalayo ang iyong anak na lalaki sa pagsunod sa akin, upang maglingkod sa ibang mga diyos, sa gayo'y mag-aalab ang galit ng Panginoon laban sa iyo, at mabilis ka niyang pupuksain.
5 Kundi(W) ganito ang inyong gagawin sa kanila: gigibain ninyo ang kanilang mga dambana, inyong pagpuputul-putulin ang kanilang mga haligi, inyong ibubuwal ang kanilang mga sagradong poste,[c] at inyong susunugin sa apoy ang kanilang mga larawang inanyuan.
6 “Sapagkat(X) ikaw ay isang banal na bayan sa Panginoon mong Diyos; pinili ka ng Panginoon mong Diyos upang maging kanyang sariling pag-aari, mula sa lahat ng mga bayan na nasa balat ng lupa.
7 Kayo'y inibig at pinili ng Panginoon hindi dahil sa kayo'y mas marami kaysa alinmang bayan ni sapagkat kayo ang pinakakaunti sa lahat ng mga tao;
8 kundi dahil iniibig kayo ng Panginoon, at kanyang tinutupad ang pangako na kanyang ipinangako sa inyong mga ninuno, kaya inilabas kayo ng Panginoon sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay at tinubos kayo sa bahay ng pagkaalipin, mula sa kamay ng Faraon na hari sa Ehipto.
9 Dahil(Y) dito, kilalanin ninyo na ang Panginoon ninyong Diyos ay siyang Diyos; ang tapat na Diyos, na nag-iingat ng tipan at may wagas na pag-ibig sa mga umiibig sa kanya at tumutupad ng kanyang mga utos, hanggang sa isanlibong salinlahi;
10 at pinaghihigantihan ang mga napopoot sa kanya, upang puksain sila. Siya'y hindi magpapaliban kundi kanyang gagantihan sila na napopoot sa kanya.
11 Kaya't maingat mong tuparin ang utos, mga tuntunin, at mga batas na aking iniutos sa iyo sa araw na ito.
Ang mga Pagpapala sa Pagiging Masunurin(Z)
12 “Sapagkat(AA) iyong pinakinggan ang mga batas na ito, at iyong iningatan at sinunod ang mga ito, ay tutuparin sa iyo ng Panginoon mong Diyos ang tipan at ang wagas na pag-ibig na kanyang ipinangako sa iyong mga ninuno.
13 Iibigin ka niya, pagpapalain, at pararamihin. Pagpapalain din niya ang iyong mga supling,[d] ang bunga ng iyong lupa, ang iyong trigo, ang iyong alak, ang iyong langis, ang karagdagan ng iyong mga bakahan, at ang mga guya ng iyong kawan sa lupain na kanyang ipinangakong ibibigay sa iyo at sa iyong mga ninuno.
14 Pagpapalain ka kaysa lahat ng mga bayan; walang magiging baog na babae o lalaki sa inyo o sa inyong mga hayop.
15 Aalisin sa iyo ng Panginoon ang lahat ng karamdaman; at hindi niya ilalagay sa iyo ang alinman sa masamang sakit sa Ehipto na iyong nalaman, kundi ilalagay niya ang mga ito sa lahat ng napopoot sa iyo.
16 At iyong pupuksain ang lahat ng mga tao na ibibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos; huwag kang mahahabag sa kanila; ni maglilingkod sa kanilang mga diyos, sapagkat iyon ay magiging isang bitag sa iyo.
Ipinangako ang Tulong ng Panginoon
17 “Kapag sinabi mo sa iyong puso, ‘Ang mga bansang ito ay higit na dakila kaysa akin; paano ko sila mapapalayas?’
18 Huwag kang matatakot sa kanila; iyong aalalahaning mabuti ang ginawa ng Panginoon mong Diyos sa Faraon, at sa buong Ehipto,
19 ang napakaraming pagsubok na nakita ng iyong mga mata, ang mga tanda, mga kababalaghan, ang makapangyarihang kamay, at ang unat na bisig na sa pamamagitan nito ay inilabas ka ng Panginoon mong Diyos, gayundin ang gagawin ng Panginoon mong Diyos sa lahat ng mga bayang iyong kinatatakutan.
20 Bukod dito'y susuguin sa kanila ng Panginoon mong Diyos ang malalaking putakti hanggang sa ang mga naiwan ay mamatay, pati na ang mga nagtatago sa harapan mo.
21 Huwag kang matatakot sa kanila, sapagkat ang Panginoon mong Diyos ay nasa gitna mo, isang dakila at kakilakilabot na Diyos.
22 At unti-unting itataboy ng Panginoon mong Diyos ang mga bansang iyon sa harapan mo. Maaaring hindi mo agad sila puksain, baka ang mga hayop sa parang ay masyadong dumami para sa iyo.
23 Kundi ibibigay sila ng Panginoon mong Diyos sa harapan mo, at pupuksain sila ng isang malaking pagkalito hanggang sa sila'y malipol.
24 Kanyang ibibigay ang kanilang mga hari sa iyong kamay, at iyong papawiin ang kanilang pangalan sa ilalim ng langit. Walang taong magtatagumpay laban sa iyo hanggang sa mapuksa mo sila.
25 Iyong susunugin sa apoy ang mga larawang inanyuan na kanilang mga diyos; huwag mong pagnanasaan ang pilak o ang ginto na nasa mga iyon, ni kukunin mo para sa iyo, upang ikaw ay huwag mabitag nito, sapagkat ito'y karumaldumal sa Panginoon.
26 Huwag kang magpapasok ng karumaldumal sa iyong bahay, baka ikaw ay maging isang isinumpa na gaya niyon. Lubos mong kasusuklaman iyon at kamumuhian iyon, sapagkat iyon ay bagay na isinumpa.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001