Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Deuteronomio 8-10

Isang Mabuting Lupain na Aangkinin

“Inyong maingat na gawin ang lahat ng utos na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito upang kayo'y mabuhay at dumami, at makapasok at angkinin ang lupain na ipinangako ng Panginoon sa inyong mga ninuno.

At iyong alalahanin ang lahat ng paraan ng pagpatnubay sa iyo ng Panginoon mong Diyos nitong apatnapung taon sa ilang, upang kanyang pagpakumbabain ka, at subukin ka, upang malaman kung ano ang nasa iyong puso, kung iyong tutuparin ang kanyang mga utos o hindi.

Ikaw(A) ay pinagpakumbaba niya nang ginutom ka niya, at pinakain ka niya ng manna, na hindi mo nakilala, ni hindi nakilala ng iyong mga ninuno, upang kanyang maipaunawa sa iyo na hindi lamang sa tinapay nabubuhay ang tao, kundi sa bawat salitang lumalabas sa bibig ng Panginoon.

Ang iyong suot ay hindi naluma, hindi namaga ang iyong paa sa loob ng apatnapung taon.

Alamin mo sa iyong puso na kung paanong dinidisiplina ng tao ang kanyang anak, ay dinidisiplina ka rin ng Panginoon mong Diyos.

Kaya't tutuparin mo ang mga utos ng Panginoon mong Diyos, lumakad ka sa kanyang mga daan, at matakot ka sa kanya.

Sapagkat dinadala ka ng Panginoon mong Diyos sa isang mabuting lupain, ang lupain ng mga batis ng tubig, ng mga bukal at ng mga kalaliman, na bumubukal sa mga libis at mga bundok,

lupain ng trigo, sebada, puno ng ubas, mga puno ng igos, mga granada, mga puno ng olibo at ng pulot,

lupain kung saan ka kakain ng tinapay at di ka kukulangin, na doon ay hindi kukulangin ng anumang bagay; lupain na ang mga bato ay bakal, at makakahukay ka ng tanso mula sa mga burol nito.

10 Kakain ka, mabubusog, at iyong pupurihin ang Panginoon mong Diyos dahil sa mabuting lupain na kanyang ibinigay sa iyo.

Babala Laban sa Paglimot sa Panginoon

11 “Mag-ingat(B) ka sa iyong sarili na baka malimutan mo ang Panginoon mong Diyos, sa hindi mo pagtupad ng kanyang mga utos, mga batas, at mga tuntunin na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito.

12 Baka kapag ikaw ay nakakain at nabusog at nakapagtayo ng magagandang bahay, at nakatira sa mga iyon;

13 at kapag ang iyong mga bakahan at ang iyong mga kawan ay dumami na at ang iyong pilak at ang iyong ginto ay dumami at ang lahat ng nasa iyo ay dumami;

14 ay magmataas ang iyong puso, at iyong malimutan ang Panginoon mong Diyos na naglabas sa iyo sa lupain ng Ehipto, sa bahay ng pagkaalipin;

15 na siyang pumatnubay sa iyo sa malaki at kakilakilabot na ilang na mayroong mga makamandag na ahas at mga alakdan, at tigang na lupa na walang tubig; na siyang nagbigay sa iyo ng tubig mula sa batong kiskisan;

16 na siyang nagpakain sa iyo ng manna sa ilang, na hindi nakilala ng iyong mga ninuno; upang kanyang papagkumbabain at subukin ka, at gawan ka ng mabuti sa bandang huli.

17 Huwag mong sabihin sa iyong puso, ‘Ang aking kapangyarihan at ang lakas ng aking kamay ang siyang nagbigay sa akin ng kayamanang ito.’

18 Kundi aalalahanin mo ang Panginoon mong Diyos, sapagkat siya ang nagbigay sa iyo ng kapangyarihan upang magkaroon ka ng kayamanan; upang kanyang papagtibayin ang kanyang tipan na kanyang ipinangako sa iyong mga ninuno, gaya nga sa araw na ito.

19 At kapag kinalimutan mo ang Panginoon mong Diyos, at ikaw ay sumunod sa ibang mga diyos, at paglingkuran mo sila at sinamba mo sila, ay aking tapat na binabalaan kayo sa araw na ito, na kayo'y tiyak na malilipol.

20 Tulad ng mga bansang nilipol ng Panginoon sa harapan ninyo ay gayon kayo lilipulin; sapagkat hindi ninyo pinakinggan ang tinig ng Panginoon ninyong Diyos.

Mga Bunga ng Pagsuway

“Pakinggan mo, O Israel, ikaw ay tatawid sa Jordan sa araw na ito, upang iyong pasukin at agawin ang mga bansang higit na dakila at makapangyarihan kaysa iyo, na mga bayang malaki at may pader hanggang sa langit,

isang bayang malaki at mataas, mga anak ng Anakim na iyong nakikilala at tungkol sa kanila ay narinig mong sinasabi, ‘Sinong makakatayo sa harapan ng mga anak ni Anak?’

Alamin mo sa araw na ito na ang Panginoon mong Diyos ay siyang mangunguna sa iyo na parang apoy na lumalamon. Kanyang pupuksain sila at kanyang payuyukurin sila sa harapan mo; sa gayo'y mapapalayas mo sila at mabilis mo silang malilipol na gaya ng sinabi sa iyo ng Panginoon.

“Huwag mong sasabihin sa iyong puso, pagkatapos na mapalayas sila ng Panginoon mong Diyos sa harapan mo, ‘Dahil sa aking pagiging matuwid ay dinala ako ng Panginoon upang angkinin ang lupaing ito.’ Sa halip ay dahil sa kasamaan ng mga bansang ito ay pinapalayas sila ng Panginoon sa harapan mo.

Hindi dahil sa iyong pagiging matuwid o dahil sa katapatan ng iyong puso ay iyong pinapasok upang angkinin ang kanilang lupain, kundi dahil sa kasamaan ng mga bansang ito ay pinapalayas sila ng Panginoon mong Diyos sa harapan mo, at upang kanyang papagtibayin ang salita na ipinangako ng Panginoon sa iyong mga ninuno, kina Abraham, Isaac, at Jacob.

“Alamin mo na hindi ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos ang mabuting lupaing ito upang angkinin ng dahil sa iyong pagiging matuwid; sapagkat ikaw ay isang bayang matigas ang ulo.

Alalahanin mo, huwag mong kalimutan, kung paanong ginalit mo ang Panginoon mong Diyos sa ilang; mula nang araw na kayo'y umalis sa lupain ng Ehipto, hanggang sa kayo'y dumating sa dakong ito ay naging mapaghimagsik kayo laban sa Panginoon.

Gayundin sa Horeb na inyong ginalit ang Panginoon, at ang Panginoon ay nagalit sa inyo at handa na sana siyang lipulin kayo.

Nang(C) ako'y umakyat sa bundok upang tanggapin ang mga tapyas na bato, samakatuwid ay ang mga tapyas ng tipan na ginawa ng Panginoon sa inyo, nanatili ako sa bundok ng apatnapung araw at apatnapung gabi. Hindi ako kumain ng tinapay ni uminom ng tubig.

10 Ibinigay sa akin ng Panginoon ang dalawang tapyas na bato na sinulatan ng daliri ng Diyos. Nasa mga iyon ang lahat ng mga sinabi ng Panginoon sa inyo sa bundok mula sa gitna ng apoy nang araw ng pagtitipon.

11 Sa katapusan ng apatnapung araw at apatnapung gabi, ibinigay sa akin ng Panginoon ang dalawang tapyas na bato, samakatuwid ay ang mga tapyas ng tipan.

12 At sinabi ng Panginoon sa akin, ‘Tumindig ka, bumaba ka agad mula riyan; sapagkat ang iyong bayan na inilabas mo sa Ehipto ay nagpakasama. Sila'y mabilis na lumihis sa daang iniutos ko sa kanila; sila'y gumawa para sa kanila ng isang larawang inanyuan.’

13 “Bukod dito'y nagsalita sa akin ang Panginoon, na sinasabi, ‘Aking nakita ang bayang ito, at aking nakita na ito'y isang bayang matigas ang ulo.

14 Hayaan mong lipulin ko sila, at aking burahin ang kanilang pangalan sa ilalim ng langit; at gagawin kitang isang bansang higit na makapangyarihan at malaki kaysa kanila.’

15 Sa gayo'y pumihit ako at bumaba mula sa bundok, at ang bundok ay nagniningas sa apoy, at ang dalawang tapyas ng tipan ay nasa aking dalawang kamay.

16 Tumingin ako, at nakita kong kayo'y nagkasala laban sa Panginoon ninyong Diyos. Kayo'y gumawa para sa inyo ng isang guyang inanyuan. Kayo'y madaling lumihis sa daan na iniutos sa inyo ng Panginoon.

17 Kaya't aking hinawakan ang dalawang tapyas at inihagis ng aking dalawang kamay, at winasak ang mga ito sa harapan ng inyong paningin.

18 At ako'y nagpatirapa sa harapan ng Panginoon, gaya nang una, sa loob ng apatnapung araw at apatnapung gabi. Hindi ako kumain ng tinapay ni uminom ng tubig; dahil sa lahat ng inyong kasalanan na inyong ginawa sa paggawa ng masama sa paningin ng Panginoon na inyong ginalit.

19 Sapagkat(D) natatakot ako dahil sa galit at maalab na poot na ikinayamot ng Panginoon sa inyo, na lilipulin sana kayo. Ngunit pinakinggan din ako noon ng Panginoon.

20 Ang Panginoon ay galit na galit kay Aaron na siya sana'y papatayin; at akin din namang idinalangin si Aaron nang panahong iyon.

21 At kinuha ko ang makasalanang bagay na inyong ginawa, ang guya, at aking sinunog sa apoy, at aking niyapakan at dinurog na mabuti, hanggang sa naging durog na parang alabok; at aking inihagis ang alabok niyon sa batis na umaagos mula sa bundok.

Ang Israel ay Naging Mapaghimagsik at si Moises ay Namagitan

22 “At(E) sa Tabera, sa Massah, sa Kibrot-hataava ay inyong ginalit ang Panginoon.

23 Nang(F) suguin kayo ng Panginoon mula sa Kadesh-barnea, na sinasabi, ‘Umakyat kayo at angkinin ninyo ang lupain na ibinigay ko sa inyo;’ pagkatapos ay naghimagsik kayo laban sa utos ng Panginoon ninyong Diyos, at hindi ninyo siya pinaniniwalaan, ni pinakinggan ang kanyang tinig.

24 Kayo'y naging mapaghimagsik laban sa Panginoon, mula nang araw na kayo'y aking makilala.

25 “Kaya't ako'y nagpatirapa sa harapan ng Panginoon ng apatnapung araw at apatnapung gabi, sapagkat sinabi ng Panginoon na lilipulin niya kayo.

26 At ako'y nanalangin sa Panginoon, at sinabi, ‘O Panginoong Diyos, huwag mong pupuksain ang iyong bayan at ang iyong mana, na iyong tinubos ng iyong kadakilaan, na iyong inilabas sa Ehipto sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay.

27 Alalahanin mo ang iyong mga lingkod, sina Abraham, Isaac, at Jacob. Huwag mong masdan ang pagmamatigas ng bayang ito, ni ang kasamaan nila, ni ang kasalanan nila.

28 Baka sabihin ng mga tao sa lupaing pinaglabasan mo sa amin: “Sapagkat hindi sila naipasok ng Panginoon sa lupain na ipinangako sa kanila, at sapagkat napoot siya sa kanila, ay inilabas sila upang patayin sa ilang.”

29 Gayunman sila'y iyong bayan at iyong mana, na iyong inilabas ng iyong dakilang kapangyarihan at ng iyong unat na bisig.’

Ang Pangalawang mga Tapyas ng Bato(G)

10 “Nang panahong iyon ay sinabi ng Panginoon sa akin, ‘Tumapyas ka ng dalawang tapyas na bato, na gaya nang una. Umakyat ka sa akin sa bundok at gumawa ka ng isang kaban na yari sa kahoy.

Isusulat ko sa mga tapyas ang mga salita na nasa unang mga tapyas na iyong binasag, at iyong isisilid ang mga iyan sa kaban.’

Kaya't gumawa ako ng isang kabang yari sa kahoy na akasya, at humugis ng dalawang tapyas na bato na gaya nang una, at umakyat sa bundok na dala ang dalawang tapyas.

At kanyang isinulat sa mga tapyas ang ayon sa unang nasulat, ang sampung utos[a] na sinabi ng Panginoon sa inyo sa bundok mula sa gitna ng apoy nang araw ng pagtitipon; at ang mga iyon ay ibinigay sa akin ng Panginoon.

Ako'y pumihit at bumaba mula sa bundok, at aking isinilid ang mga tapyas sa kaban na aking ginawa, at ang mga iyon ay naroroon, na gaya ng iniutos sa akin ng Panginoon.

(At(H) ang mga anak ni Israel ay naglakbay mula sa Beerot Benyaakan hanggang sa Mosera. Doon namatay si Aaron, at doon siya inilibing. Si Eleazar na kanyang anak ay nangasiwa sa katungkulang pari na kapalit niya.

Mula roon ay naglakbay sila hanggang Gudgoda, at mula sa Gudgoda hanggang sa Jotbata, na lupain ng mga batis ng tubig.

Nang(I) panahong iyon ay ibinukod ng Panginoon ang lipi ni Levi upang magdala ng kaban ng tipan ng Panginoon, tumayo sa harapan ng Panginoon, maglingkod sa kanya, at upang magbigay ng basbas sa kanyang pangalan hanggang sa araw na ito.

Kaya't ang Levi ay walang bahagi ni mana na kasama ng kanyang mga kapatid; ang Panginoon ay siyang kanyang mana, ayon sa sinabi ng Panginoon mong Diyos sa kanya.)

10 “Ako'y(J) namalagi sa bundok, gaya ng una, apatnapung araw at apatnapung gabi, at ako'y pinakinggan din noon ng Panginoon; ayaw ng Panginoon na puksain ka.

11 At sinabi ng Panginoon sa akin, ‘Tumindig ka, at pangunahan mo ang taong-bayan; sila'y papasok at kanilang aangkinin ang lupain na aking ipinangako sa kanilang mga ninuno upang ibigay sa kanila.’

Ang Hinihingi ng Panginoon

12 “At ngayon, O Israel, ano ba ang hinihingi sa iyo ng Panginoon mong Diyos? Kundi matakot ka sa Panginoon mong Diyos, lumakad ka sa lahat ng kanyang mga daan, at ibigin mo siya, at paglingkuran mo ang Panginoon mong Diyos ng buong puso at ng buong kaluluwa mo,

13 na tuparin ang mga utos ng Panginoon, at ang kanyang mga tuntunin na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito para sa iyong ikabubuti.

14 Bagaman, sa Panginoon mong Diyos ang langit, at ang langit ng mga langit, ang lupa, at ng lahat na naroroon,

15 ang Panginoon ay nalugod na ibigin ang iyong mga ninuno, at kanyang pinili ang kanilang mga anak pagkamatay nila, samakatuwid ay kayo, sa lahat ng mga bayan na gaya ng nakikita sa araw na ito.

16 Tuliin ninyo ang balat ng inyong puso, at huwag ninyong papagmatigasin ang inyong ulo.

17 Sapagkat(K) ang Panginoon ninyong Diyos ay siyang Diyos ng mga diyos, at Panginoon ng mga panginoon, siyang dakilang Diyos, siyang makapangyarihan at siyang kakilakilabot, na hindi nagtatangi ng tao ni tumatanggap ng suhol.

18 Kanyang hinahatulan nang matuwid ang ulila at babaing balo, at iniibig ang mga nakikipamayan, na binibigyan niya ng pagkain at kasuotan.

19 Ibigin ninyo ang mga dayuhan, sapagkat kayo'y naging mga dayuhan din sa lupain ng Ehipto.

20 Matakot ka sa Panginoon mong Diyos. Maglingkod ka sa kanya, at sa kanya'y manatili ka, at sa pamamagitan ng kanyang pangalan ay sumumpa ka.

21 Siya ang iyong kapurihan, at siya ang iyong Diyos, na gumawa para sa iyo nitong mga dakila at kakilakilabot na mga bagay na nakita ng iyong mga mata.

22 Ang(L) iyong mga ninuno ay lumusong sa Ehipto na may pitumpung katao; at ngayo'y ginawa ka ng Panginoon mong Diyos na kasindami ng mga bituin sa langit.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001