Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Deuteronomio 21-23

Tungkol sa Hindi Nalulutas na Pagpatay

21 “Kung sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos upang angkinin ay may matagpuang pinatay na nakabulagta sa parang at hindi malaman kung sinong pumatay sa kanya,

lalabas ang iyong matatanda at ang iyong mga hukom, at kanilang susukatin ang layo ng mga bayang nasa palibot ng pinaslang;

at ang matatanda sa bayang iyon na malapit sa pinatay ay kukuha ng isang dumalagang baka sa bakahan na hindi pa nagagamit at hindi pa nakakapagpasan ng pamatok.

Ang matatanda sa bayang iyon ay dadalhin ang dumalagang baka sa isang libis na may agos ng tubig, na di pa naaararo ni nahahasikan, at babaliin ang leeg ng dumalagang baka doon sa libis.

Ang mga pari na mga anak ni Levi ay lalapit sapagkat sila ang pinili ng Panginoon mong Diyos na mangasiwa sa kanya at upang magbasbas sa pangalan ng Panginoon; at sa pamamagitan ng kanilang salita ay pagpapasiyahan ang bawat pagtatalo at bawat pananakit.

At lahat ng matatanda sa bayang iyon na malapit sa pinatay ay maghuhugas ng kanilang kamay sa ibabaw ng dumalagang baka na binali ang leeg sa libis;

at sila'y sasagot at sasabihin, ‘Ang aming kamay ay hindi nagpadanak ng dugong ito, ni nakita ng aming mga mata na ito'y dumanak.

Patawarin mo, O Panginoon, ang iyong bayang Israel na iyong tinubos, at huwag mong ilagay ang dugong walang sala sa gitna ng iyong bayang Israel, at ang dugo'y ipatatawad sa kanila.’

Gayon mo aalisin ang pagkakasala ng dugong walang sala sa gitna mo, kapag gagawin mo ang matuwid sa paningin ng Panginoon.

Tungkol sa mga Babaing Bihag ng Digmaan

10 “Kapag ikaw ay lumabas upang makipagdigma laban sa iyong mga kaaway, at ibibigay sila ng Panginoon mong Diyos sa iyong mga kamay, at dadalhin mo silang bihag,

11 at makakakita ka sa mga bihag ng isang magandang babae at magkaroon ka ng pagnanais na kunin siya para sa iyo bilang asawa,

12 dadalhin mo siya sa iyong bahay, kanyang aahitan ang kanyang ulo, at gugupitin ang kanyang mga kuko;

13 at kanyang huhubarin ang suot na pagkabihag sa kanya at maninirahan sa iyong bahay. Iiyakan niya ang kanyang ama at ang kanyang ina sa loob ng isang buwan; at pagkatapos noo'y sisiping ka sa kanya. Ikaw ay magiging asawa niya, at siya'y magiging iyong asawa.

14 Kung di mo siya magustuhan ay pababayaan mo siyang pumunta kung saan niya ibig. Ngunit huwag mo siyang ipagbibili para sa salapi, huwag mo siyang ituring na alipin, yamang ipinahiya mo siya.

Tungkol sa Pamana sa Panganay

15 “Kung ang isang lalaki ay may dalawang asawa na ang isa'y minamahal, at ang isa'y kinapopootan, at kapwa magkaanak sa kanya ang minamahal at ang kinapopootan, at kung ang naging panganay ay sa kinapopootan,

16 kung gayon sa araw na kanyang itakda na ibigay ang kanyang mga ari-arian bilang pamana sa kanyang mga anak, siya ay hindi pinahihintulutang gawing panganay ang anak ng minamahal na higit sa anak ng kinapopootan na siyang panganay.

17 Dapat niyang kilalaning panganay ang anak ng kinapopootan sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng dalawang bahagi sa lahat ng mayroon siya, sapagkat siya ang pasimula ng kanyang lakas at ang karapatan ng pagkapanganay ay kanya.

Tungkol sa Masuwaying Anak

18 “Kung ang isang tao ay may anak na matigas ang ulo at mapaghimagsik, at ayaw makinig sa tinig ng kanyang ama, o sa tinig ng kanyang ina, at bagaman kanilang parusahan siya ay ayaw makinig sa kanila,

19 hahawakan siya ng kanyang ama at ina at dadalhin sa matatanda sa kanyang bayan, sa pintuang-bayan sa lugar na kaniyang tinatahanan.

20 Kanilang sasabihin sa matatanda sa kanyang bayan, ‘Itong aming anak ay matigas ang ulo at mapaghimagsik at ayaw niyang pakinggan ang aming tinig; siya'y matakaw at maglalasing.’

21 Kung gayon, ang lahat ng mga lalaki sa kanyang bayan ay babatuhin siya ng mga bato upang siya'y mamatay; gayon mo aalisin ang kasamaan sa gitna mo. Ito'y maririnig ng buong Israel, at sila'y matatakot.

Iba't ibang mga Batas

22 “Kung ang isang lalaki ay magkasala ng kasalanang nararapat sa kamatayan at siya'y patayin, at siya'y ibinitin mo sa isang punungkahoy;

23 ang(A) kanyang bangkay ay hindi dapat manatili nang magdamag sa punungkahoy. Dapat siyang ilibing sa araw ding iyon, sapagkat ang taong binitay ay isinumpa ng Diyos upang huwag mong marumihan ang iyong lupa na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos bilang pamana.

22 “Huwag(B) mong hahayaang maligaw ang baka ng iyong kapatid o ang kanyang tupa, o ikaw ay magkait ng tulong[a] sa kanila; ibabalik mo ang mga iyon sa iyong kapatid.

Kung ang iyong kapatid ay malayo sa iyo o kung hindi mo siya kilala, iuuwi mo ito sa iyong bahay at mananatili sa iyo hanggang sa hanapin ng may-ari, at kung gayo'y isasauli mo sa kanya.

Gayundin ang iyong gagawin sa kanyang asno; gayundin ang iyong gagawin sa kanyang damit, at gayundin ang iyong gagawin sa bawat nawalang bagay ng iyong kapatid na nawala sa kanya at iyong natagpuan. Huwag kang magkait ng tulong.

Huwag mong hahayaang nakatumba sa daan ang asno ng iyong kapatid o ang kanyang baka at hindi mo pansinin. Tutulong ka na muling maitayo niya.

“Ang babae ay huwag mananamit ng nauukol sa lalaki, ni ang lalaki ay magsusuot ng damit ng babae; sapagkat sinumang gumagawa ng mga bagay na ito ay karumaldumal sa Panginoon mong Diyos.

“Kung nagkataong ang isang pugad ng ibon ay matagpuan mo sa daan, o sa anumang punungkahoy, o sa lupa, na may mga inakay, o mga itlog at lumilimlim ang inahin sa mga inakay, o sa mga itlog, huwag mong kukunin ang inahin na kasama ng mga inakay.

Pakawalan mo ang inahin, ngunit ang inakay ay makukuha mo para sa iyo; para sa kabutihan mo at upang ikaw ay mabuhay nang mahaba.

“Kapag ikaw ay magtatayo ng isang bagong bahay, gagawa ka ng isang harang para sa iyong bubungan upang huwag kang magkaroon ng dugo ng maysala sa iyong bahay, kung ang sinumang tao ay mahulog mula roon.

“Huwag(C) mong tatamnan ang iyong ubasan ng dalawang magkaibang binhi, baka ang lahat ng bunga ay masira, ang binhi na iyong inihasik at ang bunga ng ubasan.

10 Huwag kang mag-aararo na may isang baka at isang asno ang magkatuwang.

11 Huwag kang magsusuot ng magkahalong tela, ng lana at lino na magkasama.

12 “Gagawa(D) ka para sa iyo ng mga tirintas sa apat na laylayan ng iyong balabal, na itinatakip mo sa iyo.

Tungkol sa Pagtatalik

13 “Kung ang sinumang lalaki ay mag-asawa at pagkatapos sumiping sa babae,[b] ay kanyang kapootan siya,

14 at kanyang pagbintangan ng mga kahiyahiyang bagay at siraan siya ng dangal sa pamamagitan ng pagsasabing, ‘Aking kinuha ang babaing ito, ngunit nang sipingan ko siya ay hindi ko natagpuan sa kanya ang mga tanda ng pagkabirhen.’

15 Kung magkagayo'y, ang ama at ina ng dalaga ay magbibigay ng mga katibayan ng pagkabirhen ng babae sa matatanda sa lunsod sa pintuang-bayan;

16 at sasabihin ng ama ng dalaga sa matatanda, ‘Ibinigay ko ang aking anak sa lalaking ito upang maging asawa ngunit kanyang kinapootan siya.

17 Kanyang pinagbibintangan siya ng mga kahiyahiyang bagay sa pagsasabing, “Hindi ko natagpuan sa iyong anak ang mga katibayan ng pagkabirhen;” gayunma'y ito ang mga tanda ng pagkabirhen ng aking anak.’ At kanilang ilaladlad ang kasuotan sa harapan ng matatanda sa bayan.

18 Kukunin ng matatanda sa lunsod na iyon ang lalaki at siya'y hahagupitin;

19 at kanilang pagbabayarin siya ng isang daang siklong pilak at ibibigay sa ama ng dalaga sapagkat kanyang siniraang-puri ang isang dalaga ng Israel. Siya'y mananatili bilang kanyang asawa; hindi niya mapapalayas ang babae sa lahat ng kanyang mga araw.

20 Ngunit kung ang bagay na ito ay totoo na ang mga tanda ng pagkabirhen ay hindi natagpuan sa dalaga,

21 kanila ngang ilalabas ang dalaga sa pintuan ng bahay ng kanyang ama, at babatuhin siya ng mga bato ng mga lalaki sa kanyang bayan upang siya'y mamatay. Nagkasala siya ng kahangalan sa Israel sa paggawa ng kahalayan sa bahay ng kanyang ama; gayon mo aalisin ang kasamaan sa gitna mo.

22 “Kung ang isang lalaki ay matagpuang sumisiping sa isang babaing may asawa, kapwa sila papatayin, ang lalaki na sumiping sa babae at ang babae. Gayon mo aalisin ang kasamaan sa Israel.

23 “Kung ang isang dalaga ay nakatakdang ikasal sa isang lalaki, at natagpuan siya ng isang lalaki sa bayan, at sumiping sa kanya;

24 kapwa mo sila ilalabas sa pintuan ng lunsod na iyon at inyong babatuhin sila ng mga bato upang sila'y mamatay; ang dalaga, sapagkat hindi siya sumigaw kahit na siya ay nasa lunsod, at ang lalaki, sapagkat nilapastangan niya ang asawa ng kanyang kapwa. Gayon mo aalisin ang kasamaan sa gitna mo.

25 “Ngunit kung matagpuan ng lalaki sa parang ang isang dalagang nakatakdang ikasal, at pilitin siya ng lalaki na sipingan siya, ang lalaki lamang na sumiping sa kanya ang papatayin.

26 Ngunit ang dalaga ay huwag mong gagawan ng anuman; sa dalaga ay walang anumang kasalanang nararapat ikamatay, sapagkat ang usaping ito ay gaya ng isang lalaking dinaluhong at pinatay ang kanyang kapwa.

27 Yamang kanyang natagpuan ang dalaga sa parang, ang dalagang nakatakdang ikasal ay maaaring sumigaw ngunit walang magliligtas sa kanya.

28 “Kung(E) matagpuan ng isang lalaki ang isang dalagang hindi pa nakatakdang ikasal, at kanyang sinunggaban at sinipingan siya, at sila'y nahuli sa akto,

29 ang lalaking sumiping sa kanya ay magbibigay sa ama ng dalaga ng limampung siklong pilak, at ang dalaga ay magiging kanyang asawa. Sapagkat kanyang nilapastangan siya, hindi niya maaaring hiwalayan ang dalaga hangga't siya ay nabubuhay.

30 “Huwag(F) kukunin ng isang lalaki ang asawa ng kanyang ama at huwag ililitaw ang balabal ng kanyang ama.

Ang mga Di-Kabilang sa Kapulungan

23 “Ang sinumang nadurog ang itlog o naputol ang ari ay hindi maaaring pumasok sa kapulungan ng Panginoon.

“Ang isang anak sa labas ay hindi maaaring pumasok sa kapulungan ng Panginoon; kahit na hanggang sa ikasampung salinlahi ay walang papasok sa kanyang mga anak sa kapulungan ng Panginoon.

“Ang(G) isang Amonita o Moabita ay hindi maaaring pumasok sa kapulungan ng Panginoon; hanggang sa ikasampung salinlahi ay wala sa kanilang maaaring pumasok sa kapulungan ng Panginoon magpakailanman.

Sapagkat(H) hindi nila kayo sinalubong sa daan na may tinapay at tubig nang kayo'y dumating mula sa Ehipto; at sapagkat inupahan nila laban sa iyo si Balaam na anak ni Beor mula sa Petor ng Mesopotamia upang sumpain ka.

Gayunma'y(I) hindi pinakinggan ng Panginoon mong Diyos si Balaam; kundi ginawang pagpapala ng Panginoon mong Diyos ang sumpa sa iyo sapagkat minamahal ka ng Panginoon mong Diyos.

Huwag mong hahanapin ang kanilang kapayapaan o ang kanilang pag-unlad sa lahat ng iyong mga araw magpakailanman.

“Huwag mong kasusuklaman ang Edomita sapagkat siya'y iyong kapatid. Huwag mong kasusuklaman ang mga Ehipcio, sapagkat ikaw ay naging dayuhan sa kanyang lupain.

Ang mga anak ng ikatlong salinlahi na ipinanganak sa kanila ay makakapasok sa kapulungan ng Panginoon.

Pagpapanatili ng Kalinisan sa Kampo

“Kapag ikaw ay lalabas sa kampo laban sa iyong mga kaaway, lalayo ka sa bawat masamang bagay.

10 “Kung mayroong sinumang lalaki sa inyo na hindi malinis dahil sa anumang nangyari sa kanya sa kinagabihan, lalabas siya sa kampo; hindi siya papasok sa loob ng kampo.

11 Ngunit sa pagsapit ng gabi, siya'y maliligo sa tubig at kapag lubog na ang araw, ay papasok siya sa kampo.

12 “Magkakaroon ka rin ng isang pook sa labas ng kampo na ikaw ay lalabas doon;

13 at ikaw ay magkakaroon din ng isang kahoy na kabilang sa iyong mga sandata. Kapag ikaw ay dudumi sa labas, gagawa ka ng hukay sa pamamagitan nito at pagkatapos ay tatabunan mo ang iyong dumi.

14 Sapagkat ang Panginoon mong Diyos ay lumalakad sa gitna ng iyong kampo upang iligtas ka at ibigay ang iyong mga kaaway sa harapan mo, kaya't ang iyong kampo ay magiging banal upang huwag siyang makakita ng anumang kahiyahiyang bagay sa gitna ninyo at lumayo sa iyo.

Iba't ibang mga Batas

15 “Huwag mong ibabalik sa kanyang panginoon ang isang aliping tumakas sa kanyang panginoon at pumunta sa iyo.

16 Siya'y maninirahang kasama mo, sa gitna mo, sa dakong kanyang pipiliin sa loob ng isa sa iyong mga bayan na kanyang nais; huwag mo siyang pagmamalupitan.

17 “Huwag(J) magkakaroon ng bayarang babae[c] sa mga anak na babae ng Israel, ni magkakaroon ng bayarang lalaki[d] sa mga anak na lalaki ng Israel.

18 Huwag mong dadalhin ang upa sa isang masamang babae, o ang pasahod sa isang aso sa bahay ng Panginoon mong Diyos para sa anumang panata, sapagkat ang mga ito ay kapwa karumaldumal sa Panginoon mong Diyos.

19 “Huwag(K) kang magpapahiram na may patubo sa iyong kapatid, patubo ng salapi, patubo ng kakainin, patubo ng anumang bagay na ipinapahiram na may patubo.

20 Sa isang dayuhan ay makapagpapahiram ka na may patubo, ngunit sa iyong kapatid ay huwag kang magpapahiram na may patubo upang pagpalain ka ng Panginoon mong Diyos sa lahat ng gagawin mo sa lupain na malapit mo nang pasukin upang angkinin.

21 “Kapag(L) ikaw ay gagawa ng isang panata sa Panginoon mong Diyos, huwag kang magiging mabagal sa pagbabayad nito, sapagkat tiyak na hihingin sa iyo ng Panginoon mong Diyos, at ikaw ay magkakasala.

22 Ngunit kung iiwasan mong gumawa ng panata, ito ay hindi magiging kasalanan sa iyo.

23 Maingat mong isasagawa ang lumabas sa iyong mga labi, ayon sa iyong kusang loob na ipinanata sa Panginoon mong Diyos, na ipinangako ng iyong bibig.

24 “Kapag ikaw ay pumasok sa ubasan ng iyong kapwa ay makakakain ka ng mga nagustuhan mong ubas hanggang sa ikaw ay mabusog; ngunit huwag kang maglalagay sa iyong sisidlan.

25 Kapag ikaw ay lumapit sa nakatayong trigo ng iyong kapwa, mapipitas mo ng iyong kamay ang mga uhay; ngunit huwag kang gagamit ng karit sa nakatayong trigo ng iyong kapwa.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001