Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
1 Samuel 15-17

Digmaan Laban sa mga Amalekita

15 At(A) sinabi ni Samuel kay Saul, “Sinugo ako ng Panginoon upang hirangin ka[a] upang maging hari sa kanyang bayang Israel; kaya't ngayon ay pakinggan mo ang tinig ng mga salita ng Panginoon.

Ganito(B) ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ‘Aking parurusahan ang ginawa ng Amalek sa Israel sa paghadlang sa kanila sa daan nang sila'y umahon mula sa Ehipto.

Ngayo'y umalis ka at lipulin mo ang Amalek, at iyong lubos na wasakin ang lahat nilang pag-aari. Huwag kang magtitira sa kanila kundi patayin mo ang lalaki at babae, sanggol at sumususo, baka at tupa, kamelyo at asno.’”

Kaya't tinipon ni Saul ang taong-bayan at binilang sila sa Telaim, dalawandaang libong kawal na lakad, at sampung libong kawal mula sa Juda.

Dumating si Saul sa lunsod ng mga Amalekita at nag-abang sa libis.

At sinabi ni Saul sa mga Kineo, “Umalis na kayo! Humiwalay kayo sa mga Amalekita, baka kayo'y puksain kong kasama nila; sapagkat kayo'y nagpakita ng kagandahang-loob sa mga anak ni Israel nang sila'y umahon mula sa Ehipto.” Kaya't umalis ang mga Kineo sa gitna ng mga Amalekita.

Nagapi ni Saul ang mga Amalekita mula sa Havila hanggang sa Shur na nasa silangan ng Ehipto.

Kinuha niyang buháy si Agag na hari ng mga Amalekita, at ganap na nilipol ang buong bayan sa pamamagitan ng talim ng tabak.

Ngunit itinira ni Saul at ng taong-bayan si Agag at ang pinakamabuti sa mga tupa, mga baka, mga pinataba, mga kordero, at lahat ng mahalaga, at hindi nila ganap na pinuksa ang mga ito. Lahat ng bagay na hamak at walang halaga ay ganap nilang winasak.

Si Saul ay Itinakuwil Bilang Hari

10 Ang salita ng Panginoon ay dumating kay Samuel, na sinasabi,

11 “Ikinalulungkot ko na ginawa kong hari si Saul sapagkat siya'y tumalikod sa pagsunod sa akin, at hindi tinupad ang aking mga utos.” At si Samuel ay nagalit, at siya'y dumaing sa Panginoon nang buong magdamag.

12 Kinaumagahan, si Samuel ay bumangong maaga upang makipagkita kay Saul. At sinabi niya kay Samuel, “Si Saul ay pumunta sa Carmel at doon ay nagtayo siya para sa kanyang sarili ng isang bantayog, at pagbalik niya ay lumusong siya sa Gilgal.”

13 Nang dumating si Samuel kay Saul, sinabi ni Saul sa kanya, “Pagpalain ka nawa ng Panginoon, tinupad ko na ang utos ng Panginoon.”

14 Ngunit sinabi ni Samuel, “Ano kung gayon ang kahulugan nitong iyakan ng tupa at ang ungal ng mga baka na aking naririnig?”

15 Sinabi ni Saul, “Sila'y dinala nila mula sa mga Amalekita, sapagkat itinira ng taong-bayan ang pinakamabuti sa mga tupa at baka upang ihandog sa Panginoon mong Diyos. Ang nalabi ay aming pinuksang lahat.”

16 Nang magkagayo'y sinabi ni Samuel kay Saul, “Tumigil ka! Aking sasabihin sa iyo kung ano ang sinabi ng Panginoon sa akin sa gabing ito.” At sinabi niya sa kanya, “Sabihin mo.”

17 At sinabi ni Samuel, “Bagaman ikaw ay maliit sa iyong sariling paningin, hindi ba ikaw ay ginawang pinuno ng mga lipi ng Israel? At hinirang ka[b] ng Panginoon upang maging hari sa Israel.

18 Sinugo ka ng Panginoon sa isang takdang gawain, at sinabi, ‘Humayo ka at ganap mong puksain ang mga makasalanang Amalekita, at labanan mo sila hanggang sa sila'y maubos.’

19 Bakit hindi mo sinunod ang tinig ng Panginoon, kundi ikaw ay dumaluhong sa samsam, at ginawa mo ang masama sa paningin ng Panginoon?”

20 Sinabi ni Saul kay Samuel, “Oo, aking sinunod ang tinig ng Panginoon, at ako'y pumunta sa daang pinagsuguan sa akin ng Panginoon. Aking dinala si Agag na hari ng Amalek, at aking pinatay na lahat ang mga Amalekita.

21 Ngunit ang taong-bayan ay kumuha mula sa mga samsam, sa mga tupa at baka, ng pinakamabuti sa mga itinalagang bagay upang ihandog sa Panginoon mong Diyos sa Gilgal.”

22 At sinabi ni Samuel,

“Ang Panginoon kaya ay may malaking kasiyahan sa mga handog na sinusunog at sa mga alay,
    gaya ng pagsunod sa tinig ng Panginoon?
Tiyak, ang pagsunod ay mas mabuti kaysa alay,
    at ang pakikinig kaysa taba ng mga tupang lalaki.
23 Sapagkat ang paghihimagsik ay gaya ng kasalanan ng pangkukulam,
    at ang katigasan ng ulo ay gaya ng katampalasanan at pagsamba sa mga diyus-diyosan.
Sapagkat itinakuwil mo ang salita ng Panginoon,
    itinakuwil ka rin niya sa pagiging hari.”

24 At sinabi ni Saul kay Samuel, “Ako'y nagkasala, sapagkat ako'y sumuway sa utos ng Panginoon at sa iyong mga salita, sapagkat ako'y natakot sa taong-bayan at sumunod sa kanilang tinig.

25 Ngayon nga'y hinihiling ko sa iyo, ipatawad mo ang aking kasalanan, at bumalik kang kasama ko upang ako'y makasamba sa Panginoon.”

26 At sinabi ni Samuel kay Saul, “Hindi ako babalik na kasama mo sapagkat itinakuwil mo ang salita ng Panginoon, at itinakuwil ka ng Panginoon sa pagiging hari ng Israel.”

27 Nang(C) tumalikod si Samuel upang umalis, hinawakan ni Saul ang laylayan ng kanyang balabal at ito ay napunit.

28 At sinabi ni Samuel sa kanya, “Pinunit ng Panginoon sa iyo ang kaharian ng Israel sa araw na ito, at ibinigay sa iyong kapwa, na higit na mabuti kaysa iyo.

29 Gayundin ang Kaluwalhatian ng Israel ay hindi magsisinungaling o magbabago ng isipan, sapagkat siya'y hindi isang tao na dapat niyang baguhin ang kanyang isipan.”

30 Nang magkagayo'y kanyang sinabi, “Ako'y nagkasala. Gayunma'y parangalan mo ako ngayon sa harap ng matatanda ng aking bayan at sa harap ng Israel, at bumalik kang kasama ko upang ako'y sumamba sa Panginoon mong Diyos.”

31 Kaya't bumalik si Samuel kay Saul at sumamba si Saul sa Panginoon.

32 Pagkatapos ay sinabi ni Samuel, “Dalhin ninyo rito sa akin si Agag na hari ng mga Amalekita.” At masayang lumapit si Agag sa kanya. At sinabi ni Agag, “Tunay na ang pait ng kamatayan ay nakaraan na.”

33 Ngunit sinabi ni Samuel, “Kung paanong sa pamamagitan ng iyong tabak ay nawalan ng anak ang mga babae, magiging gayon ang iyong ina na mawawalan ng anak sa gitna ng mga babae.” At pinagputul-putol ni Samuel si Agag sa harap ng Panginoon sa Gilgal.

34 Pagkatapos ay pumunta si Samuel sa Rama, at si Saul ay umahon sa kanyang bahay sa Gibea.

35 Hindi na muling nakita ni Samuel si Saul hanggang sa araw ng kanyang kamatayan, ngunit tinangisan ni Samuel si Saul. At ikinalungkot ng Panginoon na kanyang ginawang hari ng Israel si Saul.

Si David ay Hinirang Bilang Hari

16 Sinabi ng Panginoon kay Samuel, “Hanggang kailan mo iiyakan si Saul gayong itinakuwil ko na siya sa pagiging hari sa Israel? Punuin mo ng langis ang iyong sungay at humayo ka. Isusugo kita kay Jesse na taga-Bethlehem sapagkat ako'y naglaan para sa aking sarili ng isang hari mula sa kanyang mga anak na lalaki.”

Sinabi ni Samuel, “Paano ako makakapunta? Kapag iyon ay nabalitaan ni Saul, papatayin niya ako.” At sinabi ng Panginoon, “Magdala ka ng isang dumalagang baka at iyong sabihin, ‘Ako'y naparito upang maghandog sa Panginoon.’

At anyayahan mo si Jesse sa paghahandog at aking ituturo sa iyo kung ano ang iyong gagawin. Bubuhusan mo ng langis para sa akin ang sa iyo'y aking sasabihin.”

Ginawa ni Samuel ang iniutos ng Panginoon at nagtungo sa Bethlehem. Ang matatanda sa bayan ay dumating upang salubungin siya na nagsisipanginig, at nagsabi, “Dumating ka bang may kapayapaan?”

At kanyang sinabi, “May kapayapaan; ako'y naparito upang maghandog sa Panginoon. Italaga ninyo ang inyong mga sarili at sumama kayo sa akin sa paghahandog.” At itinalaga niya si Jesse at ang kanyang mga anak at inanyayahan sila sa paghahandog.

Nang sila'y dumating, siya'y tumingin kay Eliab, at sinabi sa sarili, “Tunay na ang hinirang[c] ng Panginoon ay nasa harap niya.”

Ngunit sinabi ng Panginoon kay Samuel, “Huwag mong tingnan ang kanyang mukha, o ang taas ng kanyang tindig sapagkat itinakuwil ko siya. Sapagkat hindi tumitingin ang Panginoon na gaya ng pagtingin ng tao. Ang tao ay tumitingin sa panlabas na anyo, ngunit ang Panginoon ay tumitingin sa puso.”

Pagkatapos ay tinawag ni Jesse si Abinadab, at pinaraan niya sa harapan ni Samuel. At kanyang sinabi, “Kahit ito ay hindi pinili ng Panginoon.”

At pinaraan ni Jesse si Shammah. At kanyang sinabi, “Kahit ito ay hindi pinili ng Panginoon.”

10 Pinaraan ni Jesse ang pito sa kanyang mga anak sa harapan ni Samuel. At sinabi ni Samuel kay Jesse, “Hindi pinili ng Panginoon ang mga ito.”

11 Sinabi ni Samuel kay Jesse, “Narito bang lahat ang iyong mga anak?” At kanyang sinabi, “Natitira pa ang bunso, ngunit siya'y nag-aalaga ng mga tupa.” At sinabi ni Samuel kay Jesse, “Ipasundo mo siya, sapagkat hindi tayo uupo hanggang sa siya'y dumating dito.”

12 Siya'y nagpasugo at sinundo siya roon. Siya ay may mapupulang pisngi, magagandang mata at makisig. At sinabi ng Panginoon, “Tumindig ka, buhusan mo siya ng langis sapagkat siya na nga.”

13 Kaya't kinuha ni Samuel ang sungay ng langis at binuhusan siya sa gitna ng kanyang mga kapatid. At ang Espiritu ng Panginoon ay dumating na may kapangyarihan kay David mula sa araw na iyon. At tumindig si Samuel at pumunta sa Rama.

Si David sa Palasyo ng Hari

14 Ngayon, ang Espiritu ng Panginoon ay humiwalay kay Saul at isang masamang espiritu mula sa Panginoon ang nagpahirap sa kanya.

15 At sinabi ng mga lingkod ni Saul sa kanya, “Tingnan mo, may masamang espiritu mula sa Diyos na nagpapahirap sa iyo.

16 Iutos ngayon ng aming panginoon sa iyong mga lingkod, na nasa harapan mo, na humanap ng isang lalaki na bihasang tumugtog ng alpa. Kapag ang masamang espiritu mula sa Diyos ay nasa iyo, siya'y tutugtog at ikaw ay magiging mabuti.”

17 Kaya't sinabi ni Saul sa kanyang mga lingkod, “Ipaghanda ninyo ako ngayon ng isang lalaking makakatugtog nang mabuti, at dalhin ninyo siya sa akin.”

18 Sumagot ang isa sa mga kabataang lingkod, “Aking nakita ang isang anak ni Jesse na taga-Bethlehem, na bihasa sa pagtugtog, at isang magiting na lalaki, mandirigma, mahinahong magsalita, makisig, at ang Panginoon ay kasama niya.”

19 Kaya't nagpadala ng mga sugo si Saul kay Jesse at sinabi, “Papuntahin mo rito sa akin ang iyong anak na si David na kasama ng mga tupa.”

20 Kumuha si Jesse ng isang asno na may pasang tinapay, alak sa isang sisidlang balat, isang batang kambing, at ipinadala kay Saul sa pamamagitan ni David na kanyang anak.

21 At dumating si David kay Saul at pinasimulan ang kanyang paglilingkod. Minahal siya nang lubos ni Saul, at siya'y naging tagadala ng sandata niya.

22 Nagpasabi si Saul kay Jesse, “Hayaan mong manatili si David sa paglilingkod sa akin sapagkat siya'y nakatagpo ng biyaya sa aking paningin.”

23 Tuwing ang masamang espiritu mula sa Diyos ay darating kay Saul, kinukuha ni David ang alpa at tinutugtog ng kanyang kamay, at nagiginhawahan si Saul at ang masamang espiritu ay umaalis sa kanya.

Hinamon ni Goliat ang mga Israelita

17 Tinipon ng mga Filisteo ang kanilang mga hukbo upang makipagdigma at sila'y nagtipon sa Socoh na sakop ng Juda, at nagkampo sa pagitan ng Socoh at Azeka sa Efesdamim.

Nagtipun-tipon sina Saul at ang mga Israelita at nagkampo sa libis ng Ela, at humanay sa pakikidigma laban sa mga Filisteo.

Tumayo ang mga Filisteo sa isang dako sa bundok, at tumayo naman ang Israel sa kabilang dako sa bundok na may isang libis sa pagitan nila.

At lumabas mula sa kampo ng mga Filisteo ang isang pangunahing mandirigma na ang pangalan ay Goliat na taga-Gat, na ang taas ay anim na siko at isang dangkal.

Siya'y mayroong isang helmet na tanso sa kanyang ulo, at siya'y may sandata ng baluti sa katawan; at ang bigat ng baluti ay limang libong siklong tanso.

Siya'y mayroong kasuotang tanso sa kanyang mga hita, at isang sibat na tanso na nakasakbat sa kanyang mga balikat.

Ang puluhan ng kanyang sibat ay gaya ng panghabi ng manghahabi; at ang dulo ng kanyang sibat ay may bigat na animnaraang siklong bakal. Ang kanyang tagadala ng kalasag ay nauuna sa kanya.

Siya'y tumayo at sumigaw sa mga hukbo ng Israel, “Bakit kayo'y lumabas upang humanay sa pakikipaglaban? Hindi ba ako'y Filisteo, at kayo'y mga lingkod ni Saul? Pumili kayo ng isang lalaki mula sa inyo at pababain ninyo siya sa akin.

Kung siya'y makakalaban sa akin at mapatay ako, magiging alipin ninyo kami. Ngunit kung ako'y manalo laban sa kanya at mapatay ko siya, magiging alipin namin kayo at maglilingkod sa amin.”

10 At sinabi ng Filisteo, “Aking hinahamon ang mga hukbo ng Israel sa araw na ito; paharapin ninyo sa akin ang isang lalaki upang maglaban kami.”

11 Nang marinig ni Saul at ng buong Israel ang mga salitang ito ng Filisteo, sila'y nanghina at lubhang natakot.

Si David sa Kampo ni Saul

12 Si David nga ay anak ng isang Efrateo sa Bethlehem-juda, na ang pangala'y Jesse, at may walong anak na lalaki. Nang panahon ni Saul ang lalaking ito ay napakatanda na.

13 Ang tatlong pinakamatandang anak ni Jesse ay sumunod kay Saul sa digmaan. Ang pangalan ng kanyang tatlong anak na nagtungo sa pakikipaglaban ay si Eliab na panganay, ang kasunod niya ay si Abinadab, at ang ikatlo ay si Shammah.

14 Si David ang bunso, at ang tatlong pinakamatanda ay sumunod kay Saul.

15 Ngunit si David ay nagpapabalik-balik kay Saul upang pakainin ang mga tupa ng kanyang ama sa Bethlehem.

16 Sa loob ng apatnapung araw, ang Filisteo ay lumalapit at naghahamon, umaga at hapon.

Narinig ni David ang Hamon ni Goliat

17 Sinabi ni Jesse kay David na kanyang anak, “Dalhin mo sa iyong mga kapatid itong isang efang sinangag na trigo at sampung tinapay at dalhin mo agad sa iyong mga kapatid sa kampo.

18 Dalhin mo rin ang sampung kesong ito sa kapitan ng kanilang libo. Tingnan mo kung ano ang kalagayan ng iyong mga kapatid, at kumuha ka sa kanila ng palatandaan.”

19 Si Saul at lahat ng mga Israelita ay nasa libis ng Ela na nakikipaglaban sa mga Filisteo.

20 Kinaumagahan, si David ay maagang bumangon, iniwan ang mga tupa sa isang tagapag-alaga, at dinala ang mga baon at umalis gaya nang iniutos sa kanya ni Jesse; siya'y dumating sa pinaghihimpilan habang ang hukbo ay sumusulong sa labanan na sumisigaw ng sigaw ng digmaan.

21 Ang Israelita at ang mga Filisteo ay humanay na sa pakikipaglaban, hukbo laban sa hukbo.

22 Iniwan ni David ang kanyang dala-dalahan sa kamay ng tagapag-ingat ng dala-dalahan, at tumakbo sa hukbo, at dumating, at binati ang kanyang mga kapatid.

23 Habang nakikipag-usap siya sa kanila, dumating ang pangunahing mandirigma, ang Filisteo na taga-Gat, na Goliat ang pangalan, mula sa hanay ng mga Filisteo, at sinabi ang gayunding mga salita gaya nang una. At siya'y narinig ni David.

24 Nang makita ng lahat ng mga Israelita ang lalaking iyon, sila ay tumakas mula sa kanyang harapan, at takot na takot.

25 At sinabi ng mga Israelita, “Nakita na ba ninyo ang lalaking iyan na umahon? Talagang umahon siya upang hamunin ang Israel. Ang lalaking makakapatay sa kanya ay bibigyan ng hari ng malaking kayamanan, at ibibigay sa kanya ang kanyang anak na babae, at magiging malaya sa Israel ang sambahayan ng kanyang ama.”

26 Sinabi ni David sa mga lalaking nakatayo sa tabi niya, “Ano ang gagawin sa lalaking makakapatay sa Filisteong ito, at makapag-aalis ng kahihiyang ito sa Israel? Sapagkat sino ba itong hindi tuling Filisteo na kanyang hahamunin ang mga hukbo ng Diyos na buháy?”

27 At ang taong-bayan ay sumagot sa kanya sa gayunding paraan, “Gayon ang gagawin sa lalaking makakapatay sa kanya.”

28 Narinig ni Eliab na kanyang pinakamatandang kapatid nang siya'y magsalita sa mga lalaki. Kaya't ang galit ni Eliab ay nagningas laban kay David, at kanyang sinabi, “Bakit ka lumusong dito? At kanino mo iniwan iyong kaunting tupa sa ilang? Nalalaman ko ang iyong kapangahasan, at ang kasamaan ng iyong puso; sapagkat ikaw ay lumusong upang panoorin ang labanan.”

29 Sinabi ni David, “Ano bang aking ginawa ngayon? Hindi ba't salita lamang?”

30 At tinalikuran niya si Eliab at tumungo sa iba, at nagsalita sa gayunding paraan; at sinagot siya ng mga tao gaya noong una.

31 Nang marinig ang mga salitang binigkas ni David, ito ay kanilang inulit sa harap ni Saul; at siya'y ipinasundo niya.

32 Sinabi ni David kay Saul, “Huwag manghina ang puso ng sinuman dahil sa kanya; ang iyong lingkod ay hahayo at lalabanan ang Filisteong ito.”

33 Sinabi ni Saul kay David, “Hindi mo kayang labanan ang Filisteong ito sapagkat ikaw ay kabataan pa, at siya'y isang lalaking mandirigma mula pa sa kanyang pagkabata.”

34 Ngunit sinabi ni David kay Saul, “Ang iyong lingkod ay nag-aalaga ng mga tupa para sa kanyang ama. Kapag may dumating na leon, o kaya'y oso, at kinukuha ang isang kordero sa kawan,

35 ay hinahabol ko siya at aking pinapatay, at aking inililigtas ang kordero mula sa kanyang bibig. Kapag dinaluhong ako ay aking hinahawakan sa panga, aking sinasaktan at pinapatay.

36 Nakapatay ang iyong lingkod ng mga leon at mga oso; at ang Filisteong ito na hindi tuli ay magiging isa sa kanila, yamang kanyang hinahamon ang mga hukbo ng Diyos na buháy.”

37 Sinabi ni David, “Ang Panginoon na nagligtas sa akin sa mga kuko ng leon at ng oso, ay siyang magliligtas sa akin sa kamay ng Filisteong ito.” At sinabi ni Saul kay David, “Humayo ka at samahan ka ng Panginoon.”

38 Ipinasuot ni Saul kay David ang kanyang mga kasuotan, kanyang inilagay ang isang helmet na tanso sa kanyang ulo, at kanyang sinuotan siya ng metal na saplot sa katawan.

39 Ibinigkis ni David ang tabak sa kanyang kasuotan, at hindi niya magawang makalakad sapagkat hindi siya sanay sa mga ito. Kaya't sinabi ni David kay Saul, “Hindi ako makakalakad na dala ang mga ito sapagkat hindi ako sanay sa mga ito.” At hinubad ni David ang mga iyon.

40 Pagkatapos ay hinawakan niya ang kanyang tungkod sa kanyang kamay, at pumili siya ng limang makikinis na bato mula sa sapa at isinilid sa supot na pampastol na kanyang dala. Hawak niya ang tirador sa kanyang kamay at siya'y lumapit sa Filisteo.

Nagapi ni David si Goliat

41 Dumating ang Filisteo at lumapit kay David na kasama ang lalaking tagadala ng kanyang kalasag na nasa unahan niya.

42 Nang tumingin ang Filisteo at makita si David ay kanyang hinamak siya, sapagkat siya'y kabataan pa, mapula ang pisngi at may magandang mukha.

43 Sinabi ng Filisteo kay David, “Ako ba ay aso na ikaw ay lalapit sa akin na may mga tungkod?” At nilait ng Filisteo si David sa pamamagitan ng kanyang mga diyos.

44 Sinabi ng Filisteo kay David, “Halika at ibibigay ko ang iyong laman sa mga ibon sa himpapawid at sa mga hayop sa parang.”

45 Pagkatapos ay sinabi ni David sa Filisteo, “Lumalapit ka sa akin na may tabak, may maliit at malaking sibat, ngunit ako'y lumalapit sa iyo sa pangalan ng Panginoon ng mga hukbo, ang Diyos ng mga hukbo ng Israel na iyong hinahamon.

46 Sa araw na ito ay ibibigay ka ng Panginoon sa aking kamay, at ibubuwal kita, at pupugutin ko ang ulo mo. Ibibigay ko ang mga bangkay ng hukbo ng mga Filisteo sa mga ibon sa himpapawid at sa mababangis na hayop sa lupa sa araw na ito upang malaman ng buong lupa na may Diyos sa Israel;

47 at upang malaman ng buong kapulungang ito na hindi nagliligtas ang Panginoon sa pamamagitan ng tabak o ng sibat. Ang labanang ito ay sa Panginoon, at ibibigay niya kayo sa aming kamay.”

48 Nang tumayo ang Filisteo at lumapit upang salubungin si David, si David ay mabilis na tumakbo sa hanay ng labanan upang sagupain ang Filisteo.

49 Ipinasok ni David ang kanyang kamay sa kanyang supot at kumuha roon ng isang bato, at itinirador. Tinamaan ang Filisteo sa kanyang noo at ang bato ay bumaon sa kanyang noo, at pasubsob siyang bumagsak sa lupa.

50 Kaya't(D) nagwagi si David laban sa Filisteo sa pamamagitan ng tirador at ng isang bato, ibinuwal ang Filisteo at kanyang pinatay siya. Walang tabak sa kamay ni David.

51 Kaya't(E) tumakbo si David at tumayo sa ibabaw ng Filisteo. Kinuha niya ang tabak nito at binunot sa kaluban, kanyang pinatay siya, at pinugot ang kanyang ulo. Nang makita ng mga Filisteo na ang kanilang pangunahing mandirigma ay patay na, sila'y tumakas.

52 Ang hukbo ng Israel at ng Juda ay tumayo na may sigaw at tinugis ang mga Filisteo hanggang sa Gat, at sa mga pintuang-bayan ng Ekron. Ang mga sugatan sa mga Filisteo ay nabuwal sa daang patungo sa Saaraim hanggang sa Gat at sa Ekron.

53 Bumalik ang mga Israelita mula sa paghabol sa mga Filisteo at kanilang sinamsaman ang kanilang kampo.

54 Kinuha ni David ang ulo ng Filisteo at dinala sa Jerusalem; ngunit kanyang inilagay ang sandata niya sa kanyang tolda.

Si David ay Iniharap kay Saul

55 Nang makita ni Saul si David na sumusugod laban sa Filisteo, kanyang sinabi kay Abner na kapitan ng hukbo, “Abner, kaninong anak ang batang ito?” At sinabi ni Abner, “Buháy ang iyong kaluluwa, O hari, hindi ko masabi.”

56 Sinabi ng hari, “Ipagtanong mo kung kaninong anak ang batang ito.”

57 At pagbalik ni David sa pagpatay sa Filisteo, kinuha siya ni Abner, at dinala siya sa harap ni Saul na dala ang ulo ng Filisteo sa kanyang kamay.

58 Sinabi ni Saul sa kanya, “Kanino kang anak, binata?” At sumagot si David, “Ako'y anak ng iyong lingkod na si Jesse na taga-Bethlehem.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001