Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Deuteronomio 17-20

17 “Huwag kang maghahandog sa Panginoon mong Diyos ng baka o tupa na may dungis o anumang kapintasan; sapagkat ito'y karumaldumal sa Panginoon mong Diyos.

“Kung may matagpuan sa gitna mo, sa loob ng alinman sa iyong mga bayan na ibinigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos, na lalaki o babae na gumagawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon mong Diyos, na lumalabag sa kanyang tipan,

at(A) umalis at naglingkod sa ibang mga diyos, at sumamba sa kanila, o sa araw, sa buwan, o sa anumang bagay na nasa langit na ipinagbabawal ko,

at ito ay masabi sa iyo, at iyong mabalitaan, ay iyo ngang sisiyasating mabuti. Kung totoo na ang gayong karumaldumal na bagay ay nagawa sa Israel,

ay iyo ngang ilalabas sa iyong mga pintuang-bayan ang lalaki o babaing iyon na gumawa ng bagay na masama at iyong babatuhin ng mga bato ang lalaki at babae, hanggang sila'y mamatay.

Sa(B) bibig ng dalawa o tatlong saksi ay papatayin ang dapat mamatay; sa bibig ng isang saksi ay hindi siya papatayin.

Ang(C) kamay ng mga saksi ay siyang unang papatay sa kanya at pagkatapos ay ang kamay ng buong bayan. Ganito mo aalisin ang kasamaan sa gitna mo.

“Kung magkakaroon ng usapin na napakahirap para sa iyo na hatulan, sa isang uri ng pagpatay at iba pa, karapatang ayon sa batas at iba pa, isang uri ng pananakit at iba pa o anumang usapin sa loob ng iyong mga bayan, ikaw nga'y titindig at pupunta sa lugar na pipiliin ng Panginoon mong Diyos.

Ikaw ay pupunta sa mga paring Levita, at sa magiging hukom sa mga araw na iyon at iyong sisiyasatin; at kanilang ipapaalam sa iyo ang hatol.

10 Iyong ilalapat ang hatol na kanilang ipinaalam sa iyo mula sa lugar na pipiliin ng Panginoon; at masikap na isasagawa ang lahat na kanilang ituturo sa iyo.

11 Ayon sa kautusan na kanilang ituturo sa iyo, at ayon sa hatol na kanilang sasabihin sa iyo ay gagawin mo; huwag kang lilihis sa hatol na kanilang ipinaalam sa iyo, maging sa kanan o sa kaliwa man.

12 Ang taong gumagawa nang may kapangahasan, at hindi nakikinig sa pari na tumatayo upang mangasiwa doon sa harapan ng Panginoon mong Diyos, o sa hukom, ang taong iyon ay papatayin at gayon mo aalisin ang kasamaan sa Israel.

13 At maririnig ng buong bayan at matatakot, at di na gagawa pa nang may kapangahasan.

Mga Tagubilin tungkol sa Isang Hari

14 “Kapag(D) dumating ka na sa lupaing ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos, at iyong maangkin ito, at iyong matirahan, at iyong sasabihin, ‘Ako'y maglalagay ng isang hari na gaya ng lahat ng mga bansang nasa palibot ko’;

15 ilalagay mong hari sa iyo ang pipiliin ng Panginoon mong Diyos. Isa sa iyong mga kapatid ang ilalagay mong hari; huwag kang maglalagay ng isang dayuhan na hindi mo kapatid.

16 Huwag(E) lamang siyang magpaparami ng mga kabayo para sa kanyang sarili, ni pababalikin niya ang bayan sa Ehipto upang siya'y makapagparami ng mga kabayo, sapagkat sinabi sa inyo ng Panginoon, ‘Huwag na ninyong babalikan mula ngayon ang daang iyon.’

17 Ni(F) huwag siyang magpaparami ng mga asawa para sa kanyang sarili, upang huwag maligaw ang kanyang puso, ni huwag siyang magpaparami ng pilak at ginto.

18 “Kapag siya'y uupo sa trono ng kanyang kaharian, ay kanyang susulatin ang isang sipi ng kautusang ito sa isang aklat, na nasa harapan ng mga paring Levita;

19 at iyon ay mamamalagi sa kanya, at kanyang babasahin sa lahat ng mga araw ng kanyang buhay, upang siya'y matutong matakot sa Panginoon niyang Diyos, upang isagawa ang lahat ng mga salita ng kautusang ito at ng mga tuntuning ito;

20 upang ang kanyang puso ay huwag magmataas sa kanyang mga kapatid at huwag siyang tumalikod sa utos, maging sa kanan o sa kaliwa, upang mapahaba niya at ng kanyang mga anak ang kanyang paghahari sa Israel.

Ang Karapatan ng mga Levita

18 “Ang mga paring Levita, na buong lipi ni Levi, ay hindi magkakaroon ng bahagi ni mana na kasama ng Israel. Sila'y kakain ng mga handog sa Panginoon na pinaraan sa apoy, at ng kanyang mana.

Sila'y(G) hindi magkakaroon ng mana na kasama ng kanilang mga kapatid; ang Panginoon ang kanilang mana gaya ng sinabi niya sa kanila.

At ito ang magiging bahagi ng mga pari sa bayan, mula sa kanila na naghahandog ng alay, maging baka o tupa. Kanilang ibibigay sa pari ang balikat, ang dalawang pisngi, at ang tiyan.

Ang mga unang bunga ng iyong trigo, alak, langis, at ang unang balahibo ng iyong mga tupa ay ibibigay mo sa kanya.

Sapagkat pinili siya ng Panginoon mong Diyos sa lahat ng iyong mga lipi upang tumayong tagapaglingkod sa pangalan ng Panginoon, siya at ang kanyang mga anak magpakailanman.

“Kung ang isang Levita ay umalis sa alinman sa iyong mga bayan mula sa Israel kung saan siya naninirahan, at pumaroon siya sa dakong pipiliin ng Panginoon, at maaari siyang pumaroon kapag gusto niya,

ay maglilingkod nga siya sa pangalan ng Panginoon niyang Diyos, na gaya ng ginagawa ng lahat ng kanyang mga kapatid na mga Levita, na tumatayo upang maglingkod sa harapan ng Panginoon.

Sila'y magkakaroon ng magkakaparehong bahagi na kakainin, bukod sa magmumula sa pinagbilhan sa pamana ng kanyang ama.

Ipinagbabawal ang Pagsasakripisyo ng Anak at mga Salamangka

“Pagpasok mo sa lupaing ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos ay huwag kang mag-aaral gumawa ng ayon sa mga karumaldumal na gawain ng mga bansang iyon.

10 Huwag(H) makakatagpo sa iyo ng sinumang nagsusunog sa apoy ng kanyang anak na lalaki o babae bilang isang handog, ng manghuhula, o manggagaway o engkantador, o mangkukulam,

11 o(I) gumagamit ng anting-anting, o nagpapagamit sa masasamang espiritu, o salamangkero, o sumasangguni sa mga patay.

12 Sapagkat sinumang gumagawa ng mga bagay na ito ay karumaldumal sa Panginoon, at dahil sa mga karumaldumal na gawaing ito ay pinalalayas sila ng Panginoon mong Diyos sa harapan mo.

13 Dapat(J) kang manatiling walang kapintasan sa Panginoon mong Diyos.

14 Sapagkat ang mga bansang ito na iyong aagawan ay nakikinig sa mga manggagaway at mga manghuhula; ngunit tungkol sa iyo, hindi ka pinahintulutan ng Panginoon mong Diyos na gawin mo ang gayon.

Ang Pangako na Magsusugo ng Propeta

15 “Palilitawin(K) ng Panginoon mong Diyos para sa iyo ang isang propeta na gaya ko mula sa iyong sariling mga kapatid. Sa kanya kayo makikinig.

16 Ito ang inyong hiniling sa Panginoon mong Diyos sa Horeb, sa araw ng pagtitipon nang inyong sabihin, ‘Huwag mong muling iparinig sa akin ang tinig ng Panginoon kong Diyos, ni ipakita pa sa akin itong malaking apoy, upang huwag akong mamatay.’

17 At sinabi ng Panginoon sa akin, ‘Tama ang sinasabi nila.

18 Ako'y hihirang para sa kanila ng isang propeta na gaya mo mula sa kanilang mga kapatid at aking ilalagay ang aking mga salita sa bibig niya at kanyang sasabihin sa kanila ang lahat ng aking iuutos sa kanya.

19 At(L) sinumang hindi makikinig sa aking mga salita na kanyang bibigkasin sa aking pangalan ay pananagutin ko tungkol doon.

Ang Bulaang Propeta

20 Ngunit ang propetang magsasalita ng salitang may kapangahasan sa aking pangalan, na hindi ko iniutos na kanyang sabihin o magsasalita sa pangalan ng ibang mga diyos, ang propetang iyon ay mamamatay.’

21 At kung iyong sasabihin sa iyong puso, ‘Paano namin malalaman ang salita na hindi sinabi ng Panginoon?’

22 Kapag ang isang propeta ay nagsasalita sa pangalan ng Panginoon, kung ang bagay na sinasabi ay hindi naganap ni nagkatotoo, ang salitang iyon ay hindi sinabi ng Panginoon; ang propetang iyon ay nagsalita nang may kapangahasan, huwag mo siyang katatakutan.

Ang mga Lunsod-Kanlungan(M)

19 “Kapag(N) nilipol na ng Panginoon mong Diyos ang mga bansa, na ang lupain ay ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos, at hahalili ka sa kanila, at iyong titirahan ang kanilang mga bayan, at ang kanilang mga bahay;

ay magbubukod ka ng tatlong lunsod para sa iyo sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos upang angkinin.

Ihahanda mo ang mga daan at hatiin mo sa tatlo ang lawak ng iyong lupain na ipapamana sa iyo ng Panginoon mong Diyos upang ang bawat nakamatay ng tao ay tumakas patungo roon.

“At ito ang kalagayan ng nakamatay ng tao na tatakas doon at mabubuhay: sinumang makapatay sa kanyang kapwa nang di sinasadya, na hindi niya naging kaaway nang panahong nakaraan;

gaya ng isang tao na nagtungo sa gubat na kasama ang kanyang kapwa upang pumutol ng kahoy at itinaas ng kanyang kamay ang palakol upang putulin ang punungkahoy, dumulas ang patalim sa hawakan at tumama sa kanyang kapwa kaya't siya ay namatay, siya ay tatakas sa isa sa mga lunsod na iyon at siya'y mabubuhay.

Kung hindi, ang tagapaghiganti ng dugo, samantalang nag-iinit sa galit, ay hahabulin ang nakamatay at aabutan siya, sapagkat ang daan ay mahaba, at siya'y saktan ng malubha, gayong siya'y hindi dapat patayin yamang hindi niya naging kaaway nang panahong nakaraan.

Kaya't iniuutos ko sa iyo, Magbubukod ka ng tatlong lunsod.

At kung palawakin ng Panginoon mong Diyos ang iyong hangganan gaya ng kanyang ipinangako sa iyong mga ninuno, at ibigay niya sa iyo ang buong lupain na kanyang ipinangakong ibibigay sa iyong mga ninuno;

kung iyong isasagawa ang lahat ng utos na ito na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito, na ibigin ang Panginoon mong Diyos at lumakad kailanman sa kanyang mga daan, ay magdadagdag ka pa nga ng tatlong lunsod, bukod sa tatlong ito,

10 upang hindi dumanak ang dugong walang sala sa gitna ng iyong lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos bilang pamana, kung gayon ang pagkakasala ng dugong dumanak ay mapapasaiyo.

11 “Ngunit kung ang sinuman ay napopoot sa kanyang kapwa, at kanyang inabangan siya, kanyang sinalakay siya at kanyang saktan siya ng malubha, anupa't namatay, at siya'y tumakas sa isa sa mga lunsod na ito,

12 ay magsusugo nga ang matatanda sa kanyang lunsod at kukunin siya roon, at ibibigay siya sa kamay ng tagapaghiganti ng dugo, upang siya'y mamatay.

13 Huwag mo siyang titingnan na may pagkahabag kundi aalisin mo ang pagkakasala ng dugong walang sala mula sa Israel para sa ikabubuti mo.

Hangganan ng mga Ari-arian

14 “Huwag(O) mong aalisin ang muhon ng iyong kapwa na inilagay ng mga matatanda noong una. Sa mana na iyong mamanahin sa lupaing ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos upang angkinin ay huwag mong aalisin.

Tungkol sa mga Saksi

15 “Ang(P) nag-iisang saksi ay hindi mangingibabaw laban sa isang tao sa anumang kasamaan o kasalanang kanyang nagawa; sa patotoo ng dalawa o tatlong saksi ay pagtitibayin ang usapin.

16 Kung ang isang sinungaling na saksi ay tumindig laban sa kanino man upang sumaksi laban sa kanya tungkol sa isang masamang gawa,

17 ang dalawang taong may alitan ay tatayo sa harap ng Panginoon, sa harapan ng mga pari at ng mga hukom na nanunungkulan sa mga araw na iyon;

18 at sisiyasating mabuti ng mga hukom, kapag ang saksi ay saksing sinungaling at sumaksi sa kasinungalingan laban sa kanyang kapatid,

19 gagawin mo sa kanya ang gaya ng kanyang inisip gawin sa kanyang kapatid; sa gayo'y iyong aalisin ang kasamaan sa gitna mo;

20 at maririnig ng iba at matatakot, at hindi na sila gagawa pa ng gayong kasamaan sa gitna mo.

21 Huwag(Q) kang magpapakita ng pagkahabag; buhay sa buhay, mata sa mata, ngipin sa ngipin, kamay sa kamay, paa sa paa.

Tungkol sa Pakikidigma

20 “Kapag ikaw ay hahayo upang makidigma laban sa iyong mga kaaway at makakita ka ng mga kabayo, mga karwahe, at ng isang hukbong mas malaki kaysa iyo, huwag kang matatakot sa kanila, sapagkat ang Panginoon mong Diyos ay kasama mo na siyang naglabas sa iyo sa lupain ng Ehipto.

Paglapit ninyo sa labanan, ang pari ay lalapit at magsasalita sa mga kawal,

at sasabihin sa kanila, ‘Pakinggan mo, O Israel, kayo'y lumapit sa araw na ito sa pakikidigma sa inyong mga kaaway; huwag manlupaypay ang inyong puso; huwag kayong matakot, ni manginig, ni maduwag dahil sa kanila;

sapagkat ang Panginoon ninyong Diyos ay siyang humahayong kasama ninyo upang ipakipaglaban kayo sa inyong mga kaaway, upang kayo'y pagtagumpayin.’

Ang mga pinuno ay magsasalita sa mga kawal, ‘Sinong tao ang nagtayo ng isang bagong bahay, at hindi pa niya naitatalaga? Hayaan siyang umalis at bumalik sa kanyang bahay, baka siya'y mamatay sa pakikipaglaban at ibang tao ang magtalaga.

At sinong lalaki ang may itinanim na isang ubasan at hindi pa niya napapakinabangan ang bunga niyon? Hayaan siyang umalis at bumalik sa kanyang bahay, baka siya'y mamatay sa digmaan at ibang lalaki ang makinabang ng bunga niyon.

At sinong lalaki ang naitakdang ikasal sa isang babae at di pa niya nakukuha? Hayaan siyang umalis at bumalik sa kanyang bahay, baka siya'y mamatay sa pakikipaglaban, at ibang lalaki ang kumuha sa kanya.’

Muling magsasalita ang mga pinuno sa mga kawal at kanilang sasabihin, ‘Sinong lalaki ang matatakutin at mahina ang loob? Hayaan siyang umalis at bumalik sa kanyang bahay, baka ang puso ng kanyang mga kapatid ay manlupaypay na gaya ng kanyang puso.’

Kapag ang mga pinuno ay tapos nang makapagsalita sa mga kawal, sila'y pipili ng mga pinuno ng mga hukbo upang mamuno sa kanila.

10 “Kapag ikaw ay lalapit sa isang bayan upang makipaglaban ay iyo ngang ihahayag ang kapayapaan doon.

11 Kung sagutin ka ng kapayapaan at pagbuksan ka, ang buong bayang matatagpuan sa loob ay gagawa ng sapilitang paglilingkod at maglilingkod sa iyo.

12 Ngunit kung ayaw nitong sumuko nang mapayapa sa iyo kundi makikipaglaban sa iyo, kukubkubin mo nga ito;

13 at kapag ibinigay ng Panginoon mong Diyos sa iyong kamay, papatayin mo ang bawat lalaki niyon ng talim ng tabak.

14 Ngunit ang mga babae, mga bata, mga hayop, ang lahat na nasa mga kawal, ang lahat ng nasamsam doon ay kukunin mo bilang samsam; at kakainin mo ang nasamsam mula sa iyong mga kaaway na ibinigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos.

15 Gayon ang iyong gagawin sa lahat ng bayang napakalayo sa iyo, na hindi sa mga lunsod ng mga bansang naririto.

16 Ngunit sa mga bayan ng mga taong ito na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos bilang pamana ay huwag kang magtitira ng may buhay sa anumang bagay na humihinga.

17 Kundi iyong lilipulin sila: ang Heteo, Amoreo, Cananeo, Perezeo, Heveo, at ang Jebuseo, gaya ng iniutos sa iyo ng Panginoon mong Diyos,

18 upang huwag nila kayong turuang gumawa ng ayon sa lahat nilang karumaldumal na mga gawa na kanilang ginawa sa kanilang mga diyos upang kayo'y magkasala laban sa Panginoon ninyong Diyos.

19 “Kapag iyong kinubkob nang mahabang panahon ang isang bayan sa digmaan upang ito ay makubkob, huwag mong sisirain ang mga punungkahoy niyon sa pamamagitan ng pagpalakol, sapagkat makakakain ka sa mga iyon at huwag mong puputulin. Ang mga punungkahoy ba sa parang ay mga tao na sasakupin mo?

20 Tanging ang mga punungkahoy na nalalaman mong hindi nagbubunga ng pagkain ang iyong sisirain at puputulin; at magtatayo ka ng mga kuta laban sa bayang lumalaban sa iyo hanggang sa maibuwal mo.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001