Beginning
Mga Pasubali sa Pagsasauli at Pagpapala
30 “Kapag ang lahat ng mga bagay na ito ay dumating sa iyo, ang pagpapala at ang sumpa na inilagay ko sa harapan mo, at iyong bulay-bulayin ang mga iyon sa gitna ng lahat ng mga bansa na pinagtabuyan sa iyo ng Panginoon mong Diyos
2 at magbalik ka sa Panginoon mong Diyos at sundin mo at ng iyong mga anak nang buong puso at kaluluwa ang kanyang tinig ayon sa lahat na iniuutos ko sa iyo sa araw na ito,
3 babawiin[a] ng Panginoon mong Diyos ang iyong pagkabihag at mahahabag sa iyo. Ibabalik at titipunin ka sa lahat ng mga bayang pinagkalatan sa iyo ng Panginoon mong Diyos.
4 Kung ang pagkakabihag sa iyo ay nasa kadulu-duluhang bahagi ng langit, mula roo'y titipunin at kukunin ka ng Panginoon mong Diyos.
5 Dadalhin ka ng Panginoon mong Diyos sa lupaing inangkin ng iyong mga ninuno, at iyong aangkinin, at gagawan ka niya ng mabuti at pararamihin ka niya nang higit kaysa iyong mga ninuno.
6 Tutuliin ng Panginoon mong Diyos ang iyong puso at ang puso ng iyong binhi, upang ibigin mo ang Panginoon mong Diyos ng buong puso at kaluluwa mo, upang ikaw ay mabuhay.
7 Lahat ng mga sumpang ito ng Panginoon mong Diyos ay darating sa mga kaaway at sa kanila na napopoot at umusig sa iyo.
8 Kung magkagayon ikaw ay babalik at susunod sa tinig ng Panginoon at iyong gagawin ang lahat ng kanyang mga utos na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito.
9 Pasasaganain ka ng Panginoon mong Diyos sa lahat ng gawa ng iyong kamay, sa bunga ng iyong katawan, sa anak ng iyong bakahan, at sa bunga ng iyong lupa. Sapagkat muling magagalak ang Panginoon sa pagpapasagana sa iyo, gaya ng kanyang ikinagalak sa iyong mga ninuno,
10 kung iyong susundin ang tinig ng Panginoon mong Diyos at tutuparin mo ang kanyang mga utos at ang kanyang mga tuntuning nasusulat sa aklat na ito ng kautusan; kung ikaw ay manunumbalik sa Panginoon mong Diyos nang iyong buong puso, at kaluluwa.
11 “Sapagkat ang utos na ito na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito ay hindi napakabigat para sa iyo, ni malayo.
12 Wala(A) ito sa langit, upang huwag mong sabihin, ‘Sinong aakyat sa langit para sa atin, at magdadala niyon sa atin, at magpaparinig sa atin, upang ating marinig at magawa?’
13 Ni wala sa kabila ng dagat upang huwag mong sabihin, ‘Sino ang daraan sa dagat para sa atin, at magdadala niyon sa atin, at magpaparinig sa atin, upang ating marinig at magawa?’
14 Kundi ang salita ay napakalapit sa iyo, ito ay nasa iyong bibig, at nasa iyong puso, kaya't ito ay iyong magagawa.
15 “Tingnan mo, inilagay ko sa harapan mo sa araw na ito ang buhay at kabutihan, kamatayan at kasamaan;
16 at iniuutos ko sa iyo sa araw na ito na ibigin mo ang Panginoon mong Diyos, lumakad ka sa kanyang mga daan. Tuparin mo ang kanyang mga utos, ang kanyang mga tuntunin, at mga batas upang ikaw ay mabuhay at dumami, at pagpalain ka ng Panginoon mong Diyos sa lupain na iyong pinapasok upang angkinin.
17 Ngunit kung ang iyong puso ay tumalikod at hindi mo diringgin, kundi maliligaw at sasamba ka sa ibang mga diyos, at maglilingkod ka sa kanila;
18 ipinahahayag ko sa inyo sa araw na ito na kayo'y tiyak na mapupuksa. Hindi kayo mabubuhay nang matagal sa ibabaw ng lupaing tatawirin ninyo sa kabila ng Jordan, upang pasukin at angkinin.
19 Tinatawagan ko ang langit at ang lupa bilang saksi laban sa inyo sa araw na ito, na aking inilagay sa harapan mo ang buhay at kamatayan, ang pagpapala at sumpa. Kaya't piliin mo at ng iyong binhi ang buhay upang ikaw ay mabuhay.
20 Ibigin(B) mo ang Panginoon mong Diyos, sundin ang kanyang tinig, at manatili ka sa kanya; sapagkat ang kahulugan niyon sa iyo ay buhay, at haba ng iyong mga araw, upang matirahan mo ang lupaing ipinangako ng Panginoon na ibibigay sa iyong mga ninuno, kina Abraham, Isaac, at Jacob.”
Si Josue ang Pumalit kay Moises
31 Si Moises ay nagpatuloy sa pagsasalita ng mga salitang ito sa buong Israel.
2 Kanyang(C) sinabi sa kanila, “Ako'y isandaan at dalawampung taon na sa araw na ito; hindi na ako makalalabas-pasok, at sinabi ng Panginoon sa akin, ‘Huwag kang tatawid sa Jordang ito.’
3 Mauuna ang Panginoon mong Diyos at kanyang pupuksain ang mga bansang ito sa harapan mo at ito ay iyong aangkinin. Si Josue ay mauuna sa iyo gaya ng sinabi ng Panginoon.
4 Gagawin(D) sa kanila ng Panginoon ang gaya ng ginawa niya kina Sihon at Og, na mga hari ng mga Amoreo, at sa kanilang lupain na kanyang winasak.
5 Ibibigay sila ng Panginoon sa harapan mo, at iyong gagawin sa kanila ang ayon sa lahat ng utos na aking iniutos sa iyo.
6 Kayo'y magpakalakas at magpakatapang, huwag kayong matakot ni masindak sa kanila sapagkat ang Panginoon mong Diyos ay humahayong kasama mo; hindi ka niya iiwan ni pababayaan.”
7 At tinawag ni Moises si Josue at sinabi sa kanya sa paningin ng buong Israel, “Ikaw ay magpakalakas at magpakatapang; sapagkat ikaw ay maglalakbay na kasama ng bayang ito patungo sa lupaing ipinangakong ibibigay at ipapamana ng Panginoon sa kanilang mga ninuno.
8 Ang(E) Panginoon ang siyang mangunguna sa iyo. Siya'y sasaiyo, hindi ka niya iiwan, ni pababayaan; huwag kang matatakot ni manlulupaypay.”
Ang Batas ay Dapat Basahin Tuwing Ikapitong Taon
9 Isinulat ni Moises ang kautusang ito at ibinigay sa mga pari na mga anak ni Levi, na nagdadala ng kaban ng tipan ng Panginoon, at sa lahat ng matatanda sa Israel.
10 Iniutos(F) sa kanila ni Moises, “Sa katapusan ng bawat pitong taon, sa takdang panahon ng taon ng pagpapalaya, sa Pista ng mga Tolda,
11 kapag ang buong Israel ay haharap sa Panginoon mong Diyos sa lugar na kanyang pipiliin ay iyong babasahin ang kautusang ito sa harapan ng buong Israel sa kanilang pandinig.
12 Tipunin mo ang mamamayan, ang mga lalaki, mga babae, mga bata, mga dayuhan na nasa loob ng iyong mga bayan upang kanilang marinig at upang sila'y matutong matakot sa Panginoon mong Diyos, at isagawa ang lahat ng mga salita ng kautusang ito;
13 at upang ang kanilang mga anak na hindi nakakaalam nito ay makarinig at matutong matakot sa Panginoon ninyong Diyos, habang kayo'y nabubuhay sa lupain na inyong paroroonan na inyong tatawirin sa Jordan upang angkinin.”
Huling mga Tagubilin ng Panginoon kay Moises
14 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Malapit na ang mga araw na ikaw ay mamamatay. Tawagin mo si Josue, at humarap kayo sa toldang tipanan upang siya'y aking mapagbilinan.” Sina Moises at Josue ay humayo at humarap sa toldang tipanan.
15 Ang Panginoon ay nagpakita sa Tolda sa isang haliging ulap; ang haliging ulap ay tumayo sa pintuan ng tabernakulo.
16 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Ikaw ay malapit ng mamatay na kasama ng iyong mga ninuno. Ang bayang ito'y babangon at makikiapid sa mga di-kilalang diyos sa lupain na kanilang paroroonan upang makasama nila, at ako'y tatalikuran nila at sisirain ang aking tipan na aking ginawa sa kanila.
17 Kung magkagayo'y ang aking galit ay mag-aalab laban sa kanila sa araw na iyon. Pababayaan ko sila, at ikukubli ko ang aking mukha sa kanila, at sila'y sasakmalin, at maraming kasamaan at kabagabagan ang darating sa kanila. At kanilang sasabihin sa araw na iyon, ‘Hindi ba ang mga kasamaang ito ay dumating sa atin dahil sa ang ating Diyos ay wala sa gitna natin?’
18 Tiyak na ikukubli ko ang aking mukha sa araw na iyon dahil sa lahat ng kasamaang kanilang ginawa, sapagkat sila'y bumaling sa ibang mga diyos.
19 Ngayon nga'y isulat ninyo para sa inyo ang awit na ito, at ituro sa mga anak ni Israel; ilagay mo sa kanilang mga bibig upang ang awit na ito'y maging saksi sa akin laban sa mga anak ni Israel.
20 Sapagkat kapag sila'y naipasok ko na sa lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot na ipinangako sa kanilang mga ninuno at sila'y nakakain, nabusog at tumaba, ay babaling at paglilingkuran nila ang ibang mga diyos, at ako'y hahamakin nila, at sisirain ang aking tipan.
21 At kapag ang maraming kasamaan at kaguluhan ay dumating sa kanila, magpapatotoo ang awit na ito sa harapan nila bilang saksi; sapagkat hindi ito malilimutan sa mga bibig ng kanilang binhi. Sapagkat nalalaman ko ang kanilang iniisip, na kanilang binabalak gawin, bago ko sila dinala sa lupaing ipinangako kong ibibigay.”
22 Kaya't isinulat ni Moises ang awit na ito nang araw ding iyon at itinuro sa mga anak ni Israel.
23 Kanyang(G) pinagbilinan si Josue na anak ni Nun at sinabi, “Ikaw ay magpakalakas at magpakatapang; sapagkat iyong ipapasok ang mga anak ni Israel sa lupaing ipinangakong ibibigay ko sa kanila; at ako'y magiging kasama mo.”
24 Pagkatapos maisulat ni Moises ang mga salita ng kautusang ito sa isang aklat hanggang sa katapusan,
25 nag-utos si Moises sa mga Levita na may dala ng kaban ng tipan ng Panginoon,
26 “Kunin ninyo itong aklat ng kautusan at ilagay ninyo sa tabi ng kaban ng tipan ng Panginoon ninyong Diyos, upang doo'y maging saksi laban sa iyo.
27 Sapagkat nalalaman ko ang inyong paghihimagsik, at ang katigasan ng inyong ulo. Habang nabubuhay pa akong kasama ninyo sa araw na ito, kayo'y naging mapaghimagsik na laban sa Panginoon at gaano pa kaya pagkamatay ko?
28 Tipunin mo ang matatanda sa iyong mga lipi at ang inyong mga pinuno upang masabi ko ang mga salitang ito sa kanilang pandinig, at tawagin ang langit at ang lupa upang sumaksi laban sa kanila.
29 Sapagkat alam ko na pagkamatay ko, kayo'y magiging masama at maliligaw sa daang itinuro sa inyo at ang kasamaan ay sasapit sa inyo sa mga huling araw. Sapagkat inyong gagawin ang masama sa paningin ng Panginoon, upang siya'y galitin ninyo sa pamamagitan ng mga gawa ng inyong mga kamay.”
Ang Awit ni Moises
30 Binigkas ni Moises ang mga salita ng awit na ito hanggang sa natapos, sa pandinig ng buong kapulungan ng Israel:
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001