Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Deuteronomio 24-27

Paghihiwalay at Muling Pag-aasawa

24 “Kapag(A) ang isang lalaki ay kumuha ng isang babae at pinakasalan, at kung ang babae ay hindi kalugdan ng kanyang paningin, sapagkat natagpuan niya itong may isang kahiyahiyang bagay, lalagda ang lalaki ng isang kasulatan ng paghihiwalay at ibibigay niya sa kanyang kamay. Kanyang palalabasin siya sa kanyang bahay,

at pagkaalis niya sa bahay ng lalaki ay makakahayo siya at makakapag-asawa sa ibang lalaki;

kung kapootan siya ng huling asawa, at lagdaan siya ng isang kasulatan ng paghihiwalay at ibigay sa kanyang kamay, at palabasin siya sa kanyang bahay; o kung mamatay ang huling asawa na kumuha sa kanya upang maging asawa niya;

hindi na siya muling makukuha upang maging asawa ng kanyang unang asawa na humiwalay sa kanya, pagkatapos na siya'y marumihan; sapagkat iyo'y karumaldumal sa harapan ng Panginoon. Huwag mong dadalhan ng pagkakasala ang lupain na ibinibigay bilang pamana sa iyo ng Panginoon mong Diyos.

Iba't ibang mga Batas

“Kapag ang isang lalaki ay bagong kasal, hindi siya lalabas upang sumama sa hukbo ni mamamahala ng anumang katungkulan. Siya'y magiging malaya sa bahay sa loob ng isang taon at kanyang pasasayahin ang kanyang asawa na kanyang kinuha.

“Walang taong kukuha ng gilingan o ng batong nasa itaas ng gilingan bilang isang sangla, sapagkat para na niyang kinuha bilang sangla ang buhay.

“Kung(B) ang sinuman ay matagpuang nagnanakaw ng sinuman sa kanyang mga kapatid sa mga anak ni Israel, at kanyang inalipin siya o ipinagbili siya, ang magnanakaw na iyon ay papatayin. Gayon mo aalisin ang kasamaan sa gitna mo.

“Mag-ingat(C) ka sa salot na ketong. Masikap mong gawin ang ayon sa lahat ng ituturo sa iyo ng mga paring Levita. Kung paanong iniutos ko sa kanila ay gayon mo isasagawa.

Alalahanin(D) mo ang ginawa ng Panginoon mong Diyos kay Miriam sa daan nang kayo'y lumalabas sa Ehipto.

10 “Kapag(E) ikaw ay magpapahiram sa iyong kapwa ng anumang bagay, huwag kang papasok sa kanyang bahay upang kunin ang kanyang sangla.

11 Ikaw ay tatayo sa labas, at ang taong iyong pinahihiram ang maglalabas ng sangla sa iyo.

12 Kung siya'y taong mahirap ay huwag kang matutulog na nasa iyo ang sangla niya.

13 Isasauli mo sa kanya ang sangla paglubog ng araw, upang siya'y matulog sa kanyang balabal at pagpalain ka. Ito ay magiging katuwiran mo sa harapan ng Panginoon mong Diyos.

14 “Huwag(F) mong pagmamalupitan ang isang upahang manggagawa na dukha at nangangailangan, maging siya'y mula sa iyong mga kapatid, o sa mga dayuhan na nasa lupain mo sa loob ng iyong mga bayan.

15 Ibibigay mo sa kanya ang kanyang upa sa araw na kinita niya iyon, bago lumubog ang araw sapagkat siya'y mahirap at itinalaga niya roon ang kanyang puso; baka siya'y dumaing sa Panginoon laban sa iyo at maging kasalanan mo.

16 “Ang(G) mga magulang ay hindi papatayin dahil sa mga anak, ni ang mga anak ay papatayin dahil sa mga magulang; bawat tao'y papatayin dahil sa kanyang sariling kasalanan.

17 “Huwag(H) mong babaluktutin ang katarungan sa dayuhan ni sa ulila; ni huwag mong kukuning sangla ang damit ng babaing balo;

18 kundi aalalahanin mo na ikaw ay naging alipin sa Ehipto at tinubos ka ng Panginoon mong Diyos mula roon; kaya't iniuutos ko sa iyong gawin mo ito.

19 “Kapag(I) inaani mo ang iyong ani sa bukid at nalimutan mo ang isang bigkis sa bukid ay huwag mong babalikan upang kunin iyon. Iyon ay magiging para sa dayuhan, sa ulila, at sa babaing balo, upang pagpalain ka ng Panginoon mong Diyos sa lahat ng gawa ng iyong mga kamay.

20 Kapag pinipitasan mo ang iyong puno ng olibo ay huwag mong babalikan ang mga nalampasan; ito ay magiging para sa dayuhan, sa ulila, at sa babaing balo.

21 Kapag ikaw ay namimitas sa iyong ubasan, huwag mong pupulutin ang nasa likuran mo; ito ay magiging para sa dayuhan, sa ulila, at sa babaing balo.

22 At iyong aalalahanin na ikaw ay naging alipin sa lupain ng Ehipto; kaya't iniuutos ko na gawin mo ito.

25 “Kung magkaroon ng usapin ang mga tao at sila'y pumunta sa hukuman, at sila'y hahatulan; kanilang pawawalang-sala ang matuwid at parurusahan ang salarin.

Kung ang salarin ay nararapat hagupitin, padadapain siya ng hukom sa lupa, at hahagupitin sa kanyang harapan na may bilang ng hagupit ayon sa kanyang pagkakasala.

Apatnapung(J) hagupit ang ibibigay sa kanya, huwag lalampas; baka kung siya'y hagupitin niya nang higit sa bilang na ito, ang iyong kapatid ay maging hamak sa iyong paningin.

“Huwag(K) mong bubusalan ang baka kapag gumigiik.

Katungkulan para sa Namatay na Kapatid

“Kung(L) ang magkapatid ay naninirahang magkasama, at isa sa kanila'y namatay at walang anak, ang asawang babae ng namatay ay huwag mag-aasawa ng isang dayuhan o sa labas ng pamilya. Ang kapatid na lalaki ng kanyang asawa ay sisiping sa kanya, kukunin siya bilang asawa, at tutuparin sa kanya ang tungkulin ng kapatid na namatay.

Ang panganay na kanyang ipapanganak ay papalit sa pangalan ng kanyang kapatid na namatay upang ang kanyang pangalan ay huwag mapawi sa Israel.

At(M) kung ayaw kunin ng lalaki ang asawa ng kanyang kapatid, ang asawa ng kanyang kapatid ay pupunta sa pintuang-bayan sa matatanda, at sasabihin, ‘Ang kapatid ng aking asawa ay tumatangging itindig ang pangalan ng kanyang kapatid sa Israel; ayaw niyang tuparin sa akin ang tungkulin ng kapatid na namatay.’

Kung magkagayo'y tatawagin siya ng matatanda sa kanyang bayan at makikipag-usap sa kanya; at kung siya'y magpumilit at sabihin, ‘Ayaw kong kunin siya;’

ang asawa ng kanyang kapatid ay lalapit sa kanya sa harapan ng matatanda at huhubarin ang sandalyas sa kanyang mga paa, at luluraan siya sa mukha; at siya'y sasagot at sasabihin, ‘Ganyan ang gagawin sa lalaking ayaw magtindig ng sambahayan ng kanyang kapatid.’

10 At ang kanyang pangala'y tatawagin sa Israel, ‘Ang bahay ng hinubaran ng sandalyas.’

Iba Pang mga Batas

11 “Kapag may dalawang lalaking nag-aaway at ang asawang babae ng isa ay lumapit upang iligtas ang kanyang asawa sa kamay ng nananakit sa kanya sa pamamagitan ng pag-uunat niya ng kanyang kamay at paghawak sa maselang bahagi ng lalaki,

12 iyo ngang puputulin ang kamay ng babae. Huwag kang magpapakita ng habag.

13 “Huwag(N) kang magkakaroon sa iyong supot ng dalawang uri ng pabigat, isang malaki at isang maliit.

14 Huwag kang magkakaroon sa iyong bahay ng dalawang uri ng takalan, isang malaki at isang maliit.

15 Magkaroon ka lamang ng isang tunay at tapat na pabigat; magkaroon ka lamang ng isang tunay at tapat na takalan upang ang iyong mga araw ay tumagal sa ibabaw ng lupaing ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos.

16 Sapagkat ang lahat ng gumagawa ng gayong mga bagay, ang lahat ng gumagawa ng pandaraya ay kasuklamsuklam sa Panginoon mong Diyos.

Ang Utos na Patayin ang mga Amalekita

17 “Alalahanin(O) mo ang ginawa sa iyo ng Amalek sa daan nang ikaw ay lumabas sa Ehipto;

18 kung paanong sinalubong ka niya sa daan, at pinatay niya ang mga kahuli-hulihan sa iyo, ang lahat na mahina sa hulihan mo, nang ikaw ay pagod at nanghihina; at siya'y hindi natakot sa Diyos.

19 Kaya't kapag binigyan ka ng Panginoon mong Diyos ng kapahingahan sa lahat ng iyong mga kaaway sa palibot, sa lupain na ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos na pinakamana upang angkinin ay iyong papawiin ang alaala ng Amalek sa ilalim ng langit; huwag mong kakalimutan.

Mga Handog mula sa Inani

26 “Kapag nakapasok ka sa lupaing ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos bilang pamana, at iyong naangkin at iyong tinitirhan;

kukunin(P) mo ang bahagi ng una sa lahat ng bunga ng lupain na iyong aanihin sa lupaing ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos, iyong isisilid sa isang buslo. Ikaw ay pupunta sa lugar na pipiliin ng Panginoon mong Diyos, bilang tahanan ng kanyang pangalan.

Pupunta ka sa pari na nangangasiwa nang araw na iyon at sasabihin mo sa kanya, ‘Aking ipinahahayag sa araw na ito sa Panginoon mong Diyos, na ako'y dumating na sa lupaing ipinangako ng Panginoon sa aming mga magulang na ibibigay sa amin.’

Kukunin ng pari ang buslo sa iyong kamay at ilalagay sa harapan ng dambana ng Panginoon mong Diyos.

“At ikaw ay sasagot at magsasabi sa harapan ng Panginoon mong Diyos, ‘Ang aking ama ay isang lagalag na taga-Aram. Siya ay bumaba sa Ehipto at nanirahan doon, na iilan sa bilang, at doo'y naging isang bansang malaki, makapangyarihan, at makapal.

Kami ay pinagmalupitan, pinahirapan at inatangan kami ng mabigat na pagkaalipin ng mga Ehipcio.

Kami ay dumaing sa Panginoon, sa Diyos ng aming mga ninuno at pinakinggan ng Panginoon ang aming tinig, kanyang nakita ang aming kahirapan, ang aming gawa, at ang aming kaapihan.

Inilabas kami ng Panginoon sa Ehipto ng kamay na makapangyarihan, ng unat na bisig, ng malaking pagkasindak, ng mga tanda, at ng mga kababalaghan;

at dinala niya kami sa lupaing ito, at ibinigay sa amin ang lupaing ito, na lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot.

10 At ngayon, dala ko ang una sa mga bunga ng lupa na ibinigay mo sa akin, O Panginoon.’ Iyong ilalapag sa harapan ng Panginoon mong Diyos, at sasamba ka sa harapan ng Panginoon mong Diyos.

11 Kaya ikaw, kasama ang mga Levita at ang mga dayuhang naninirahang kasama mo, ay magdiriwang sa lahat ng kasaganaang ibinigay sa iyo ng Panginoon at sa iyong sambahayan.

12 “Pagkatapos(Q) mong maibigay ang buong ikasampung bahagi ng iyong bunga sa ikatlong taon, na siyang taon ng pagbibigay ng ikasampung bahagi, na ibinibigay ito sa Levita, sa mga dayuhan, sa ulila, sa babaing balo, upang sila'y makakain sa loob ng iyong mga bayan, at mabusog,

13 kung gayo'y iyong sasabihin sa harapan ng Panginoon mong Diyos, ‘Aking inalis ang mga bagay na banal sa aking bahay, at akin ding ibinigay sa Levita, sa dayuhan, sa ulila at sa babaing balo, ayon sa lahat ng utos na iyong iniutos sa akin; hindi ko nilabag ang anuman sa iyong mga utos, ni kinalimutan ang mga iyon.

14 Hindi ko iyon kinain habang ako'y nagluluksa, ni inilabas ko nang ako'y marumi, ni ibinigay ko upang gamitin sa patay. Aking pinakinggan ang tinig ng Panginoon kong Diyos; aking ginawa ayon sa lahat ng iniutos mo sa akin.

15 Tumingin ka mula sa iyong banal na tahanan, mula sa langit, at pagpalain mo ang iyong bayang Israel, at ang lupa na iyong ibinigay sa amin, gaya ng iyong ipinangako sa aming mga ninuno, na isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot.’

Ang Sariling Bayan ng Panginoon

16 “Sa araw na ito ay iniuutos sa iyo ng Panginoon mong Diyos na tuparin mo ang mga tuntunin at mga batas na ito; iyo ngang maingat na tutuparin ng buong puso at kaluluwa mo.

17 Ipinahayag mo sa araw na ito na ang Panginoon ay iyong Diyos, at ikaw ay lalakad sa kanyang mga daan, at iyong gaganapin ang kanyang mga tuntunin at mga utos at mga batas, at iyong papakinggan ang kanyang tinig.

18 Ipinahayag(R) ng Panginoon sa araw na ito na ikaw ay isang sambayanan na kanyang sariling pag-aari, gaya ng ipinangako niya sa iyo, na iyong tutuparin ang lahat ng kanyang utos,

19 upang itaas ka sa lahat ng bansa na kanyang nilikha, sa ikapupuri, sa ikababantog, sa ikararangal; at upang ikaw ay maging isang banal na bayan sa Panginoon mong Diyos, gaya ng kanyang sinabi.”

Kautusan ng Diyos na Nakasulat sa mga Bato

27 Pagkatapos, si Moises at ang matatanda sa Israel ay nag-utos sa taong-bayan, na sinasabi, “Tuparin ninyo ang lahat ng utos na iniuutos ko sa iyo sa araw na ito.

Sa(S) araw na iyong tawirin ang Jordan patungo sa lupaing ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos ay maglalagay ka ng malalaking bato, at tatapalan ninyo ng plaster.

Isusulat ninyo sa mga ito ang lahat ng mga salita ng kautusang ito kapag ikaw ay tumawid upang pumasok sa lupaing ibinibigay sa iyo ng Panginoon mong Diyos, isang lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot, na gaya ng ipinangako sa iyo ng Panginoon, ng Diyos ng iyong mga ninuno.

Pagtawid mo sa Jordan, ilalagay ninyo ang mga batong ito na iniuutos ko sa iyo sa araw na ito, sa bundok ng Ebal at iyong tatapalan ng plaster.

Doo'y(T) magtatayo ka ng isang batong dambana sa Panginoon mong Diyos, na hindi gagamitan ng kasangkapang bakal.

Iyong itatayo na buong bato ang dambana ng Panginoon mong Diyos, at maghahandog ka roon ng mga handog na sinusunog sa Panginoon mong Diyos.

Ikaw ay mag-aalay ng mga handog pangkapayapaan at iyong kakainin doon; at ikaw ay magagalak sa harapan ng Panginoon mong Diyos;

at isusulat mo nang malinaw sa mga batong iyon ang lahat ng mga salita ng kautusang ito.”

Si Moises at ang mga paring Levita ay nagsalita sa buong Israel, na sinasabi, “Tumahimik ka at pakinggan mo, O Israel; sa araw na ito ay naging bayan ka ng Panginoon mong Diyos.

10 Kaya't sundin mo ang tinig ng Panginoon mong Diyos, at tuparin mo ang kanyang mga utos at ang kanyang mga tuntunin na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito.”

Mga Sumpa sa Pagsuway

11 Inatasan ni Moises ang bayan ng araw na iyon, na sinasabi:

12 “Pagtawid(U) ninyo sa Jordan, ang mga ito'y tatayo sa ibabaw ng bundok ng Gerizim upang basbasan ang bayan: Simeon, Levi, Juda, Isacar, Jose, at Benjamin;

13 at ang mga ito'y tatayo sa ibabaw ng bundok ng Ebal upang sumumpa: Ruben, Gad, Aser, Zebulon, Dan, at Neftali.

14 Ang mga Levita ay sasagot at magsasalita sa malakas na tinig sa lahat ng mga lalaki sa Israel.

15 “‘Sumpain(V) ang taong gumagawa ng larawang inukit o inanyuan, isang karumaldumal sa Panginoon na gawa ng mga kamay ng manggagawa at lihim na inilagay sa isang dako.’ At ang buong bayan ay sasagot at magsasabi, ‘Amen.’

16 “‘Sumpain(W) ang sumisira ng puri ng kanyang ama o ng kanyang ina.’ At ang buong bayan ay magsasabi, ‘Amen.’

17 “‘Sumpain(X) ang mag-aalis ng muhon ng kanyang kapwa.’ At ang buong bayan ay magsasabi, ‘Amen.’

18 “‘Sumpain(Y) ang magliligaw ng bulag sa daan.’ At ang buong bayan ay magsasabi, ‘Amen.’

19 “‘Sumpain(Z) ang bumabaluktot ng katarungan para sa dayuhan, sa ulila at sa babaing balo.’ At ang buong bayan ay magsasabi, ‘Amen.’

20 “‘Sumpain(AA) ang sumisiping sa asawa ng kanyang ama, sapagkat kanyang inililitaw ang balabal ng kanyang ama.’ At ang buong bayan ay magsasabi, ‘Amen.’

21 “‘Sumpain(AB) ang sumisiping sa alinmang hayop.’ At ang buong bayan ay magsasabi, ‘Amen.’

22 “‘Sumpain(AC) ang sumisiping sa kanyang kapatid na babae, sa anak ng kanyang ama, o sa anak na babae ng kanyang ina.’ At ang buong bayan ay magsasabi, ‘Amen.’

23 “‘Sumpain(AD) ang sumisiping sa kanyang biyenang babae.’ At ang buong bayan ay magsasabi, ‘Amen.’

24 “‘Sumpain ang pumapatay ng lihim sa kanyang kapwa.’ At ang buong bayan ay magsasabi, ‘Amen.’

25 “‘Sumpain ang tumatanggap ng suhol upang pumatay ng isang taong walang sala.’ At ang buong bayan ay magsasabi, ‘Amen.’

26 “‘Sumpain(AE) ang hindi sumasang-ayon sa mga salita ng kautusang ito upang gawin.’ At ang buong bayan ay magsasabi, ‘Amen.’

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001