Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Hukom 6-7

Ang Israel ay Bumagsak sa Kamay ng Midian

Gumawa ng masama ang mga anak ni Israel sa paningin ng Panginoon; at ibinigay sila ng Panginoon sa kamay ng Midian nang pitong taon.

At ang Midian ay nagtagumpay laban sa Israel. Dahil sa Midian ay gumawa ang mga anak ni Israel ng mga taguan sa bundok, sa mga yungib, at ng mga muog.

Sapagkat tuwing maghahasik ang Israel, ang mga Midianita at Amalekita, at ang mga taga-silangan ay umaahon at sinasalakay sila.

Sila'y nagkakampo sa tapat nila at kanilang sinisira ang bunga ng lupa, hanggang sa may Gaza, at wala silang iniiwang makakain sa Israel, maging tupa, baka, o asno man.

Sila'y aahong dala ang kanilang kawan at ang kanilang mga tolda; at sila'y dumarating na parang mga balang sa dami. Sila at ang kanilang mga kamelyo ay hindi mabilang; kaya't kanilang sinisira ang lupain sa kanilang pagdating.

Gayon lubhang naghirap ang Israel dahil sa Midian; at ang mga anak ni Israel ay dumaing sa Panginoon.

Nang dumaing sa Panginoon ang mga anak ni Israel dahil sa Midian,

nagsugo ang Panginoon ng isang propeta sa mga anak ni Israel, at kanyang sinabi sa kanila, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel: Kayo'y aking pinangunahan mula sa Ehipto, at inilabas ko kayo sa bahay ng pagkaalipin.

Iniligtas ko kayo sa kamay ng mga Ehipcio, at sa kamay ng lahat ng mga nagpapahirap sa inyo, at aking pinalayas sila sa harap ninyo, at ibinigay ko sa inyo ang kanilang lupain.

10 At sinabi ko sa inyo, ‘Ako ang Panginoon ninyong Diyos; huwag kayong magbibigay-galang sa mga diyos ng mga Amoreo, na ang kanilang lupain ay inyong tinatahanan.’ Ngunit hindi ninyo dininig ang aking tinig.”

Si Gideon ay Dinalaw ng Anghel ng Panginoon

11 Ang anghel ng Panginoon ay dumating at umupo sa ilalim ng ensina na nasa Ofra, na pag-aari ni Joas na Abiezerita, habang ang kanyang anak na si Gideon ay gumigiik ng trigo sa ubasan, upang itago ito sa mga Midianita.

12 Nagpakita ang anghel ng Panginoon sa kanya, at sinabi sa kanya, “Ang Panginoon ay sumasaiyo, ikaw na magiting na mandirigma.”

13 Sinabi ni Gideon sa kanya, “Subalit ginoo, kung ang Panginoon ay kasama namin, bakit ang lahat ng ito ay sumapit sa amin? Nasaan ang lahat ng kanyang kamangha-manghang gawa na isinaysay sa amin ng aming mga ninuno, na sinasabi, ‘Hindi ba tayo iniahon ng Panginoon mula sa Ehipto?’ Ngunit ngayo'y itinakuwil kami ng Panginoon at ibinigay kami sa kamay ng Midian.”

14 At bumaling sa kanya ang Panginoon, at sinabi, “Humayo ka sa kalakasan mong ito, at iligtas mo ang Israel sa kamay ng Midian. Hindi ba kita isinusugo?”

15 Sinabi niya sa kanya, “Ngunit ginoo, paano ko maililigtas ang Israel? Ang aking angkan ang pinakamahina sa Manases, at ako ang pinakahamak sa sambahayan ng aking ama.”

16 Sinabi ng Panginoon sa kanya, “Subalit ako'y makakasama mo at iyong ibubuwal ang mga Midianita, bawat isa sa kanila.”

17 At sinabi niya sa kanya, “Kung nakatagpo ako ngayon ng biyaya sa iyong paningin, ay bigyan mo ako ng isang tanda na ikaw nga ang nakikipag-usap sa akin.

18 Huwag kang umalis dito hanggang sa ako'y dumating sa iyo, at ilabas ko ang aking kaloob, at ilapag ko sa harap mo.” At kanyang sinabi, “Ako'y maghihintay hanggang sa ikaw ay bumalik.”

19 Kaya't si Gideon ay pumasok sa kanyang bahay, at naghanda ng isang batang kambing, ng mga munting tinapay na walang pampaalsa at ng isang efang harina. Inilagay niya ang karne sa isang basket, at kanyang inilagay ang sabaw sa isang palayok, at dinala ang mga ito sa kanya sa ilalim ng ensina, at inihain ang mga ito.

20 At sinabi ng anghel ng Diyos sa kanya, “Kunin mo ang karne at ang mga munting tinapay na walang pampaalsa at ipatong mo sa batong ito at ibuhos mo rito ang sabaw.” At gayon ang ginawa niya.

21 Pagkatapos ay iniabot ng anghel ng Panginoon ang dulo ng tungkod na nasa kanyang kamay, at sinaling ang karne at ang mga munting tinapay na walang pampaalsa. May lumabas na apoy sa bato at tinupok ang karne at ang mga munting tinapay na walang pampaalsa; at ang anghel ng Panginoon ay nawala sa kanyang paningin.

22 Nalaman ni Gideon na iyon ang anghel ng Panginoon; at sinabi ni Gideon, “Tulungan mo ako, O Panginoong Diyos! Sapagkat aking nakita ang anghel ng Panginoon nang mukhaan.”

23 Ngunit sinabi ng Panginoon sa kanya, “Sumaiyo ang kapayapaan; huwag kang matakot, hindi ka mamamatay.”

24 Nang magkagayo'y nagtayo roon si Gideon ng isang dambana sa Panginoon, at tinawag iyon na, Ang Panginoon ay kapayapaan. Hanggang sa araw na ito, iyon ay nakatayo pa rin sa Ofra ng mga Abiezerita.

Giniba ni Gideon ang Dambana ni Baal

25 Nang gabing iyon, sinabi ng Panginoon sa kanya, “Kunin mo ang toro ng iyong ama, ang ikalawang toro na may pitong taong gulang. Ibagsak mo ang dambana ni Baal na pag-aari ng iyong ama, at putulin mo ang sagradong poste[a] na katabi niyon.

26 Ipagtayo mo ng dambana ang Panginoon mong Diyos sa tuktok ng kutang ito, sa tamang ayos. Pagkatapos, kunin mo ang ikalawang toro, at ialay mo bilang isang handog na sinusunog, pati ang kahoy ng sagradong poste[b] na iyong puputulin.”

27 Kaya't kumuha si Gideon ng sampung lalaki sa kanyang mga katulong at ginawa ang ayon sa sinabi ng Panginoon sa kanya; ngunit dahil siya'y takot na takot sa sambahayan ng kanyang ama at sa mga lalaki sa bayan, hindi niya iyon ginawa sa araw kundi sa gabi.

28 Kinaumagahan, nang maagang bumangon ang mga lalaki sa bayan, ang dambana ni Baal ay wasak na, ang sagradong poste[c] na katabi niyon ay pinutol, at ang ikalawang toro ay inihandog sa dambanang itinayo.

29 Sinabi nila sa isa't isa, “Sino ang gumawa ng bagay na ito?” Nang kanilang siyasatin at ipagtanong ay kanilang sinabi, “Si Gideon na anak ni Joas ang gumawa ng bagay na ito.”

30 Nang magkagayo'y sinabi ng mga taong-bayan kay Joas, “Ilabas mo ang iyong anak upang siya'y mamatay, sapagkat kanyang winasak ang dambana ni Baal, at kanyang pinutol ang sagradong poste[d] na katabi niyon.”

31 Ngunit sinabi ni Joas sa lahat ng nakatayong laban sa kanya, “Ipaglalaban ba ninyo si Baal? O ipagtatanggol ba ninyo siya? Sinumang magtanggol sa kanya ay papatayin sa kinaumagahan. Kung siya'y diyos hayaan ninyong ipagtanggol niya ang kanyang sarili, sapagkat ibinagsak ang kanyang dambana.”

32 Kaya't nang araw na iyon, si Gideon[e] ay tinawag na Jerubaal, na ang ibig sabihin ay, “Magsanggalang si Baal laban sa kanya,” sapagkat ibinagsak niya ang kanyang dambana.

33 Nang magkagayo'y lahat ng mga Midianita, mga Amalekita at ang mga taga-silangan ay nagpulong; at pagtawid sa Jordan ay nagkampo sila sa Libis ng Jezreel.

34 Ngunit lumukob ang Espiritu ng Panginoon kay Gideon; at hinipan niya ang trumpeta, at ang mga Abiezerita ay tinawag upang sumunod sa kanya.

35 At nagpadala siya ng mga sugo sa buong Manases, at sila rin ay tinawagan upang sumunod sa kanya. Siya'y nagpadala ng mga sugo sa Aser, Zebulon, at Neftali, at sila'y umahon upang salubungin sila.

Ang Tanda ng Balat ng Tupa

36 Pagkatapos, sinabi ni Gideon sa Diyos, “Kung iyong ililigtas ang Israel sa pamamagitan ng aking kamay, gaya ng iyong sinabi,

37 ilalagay ko ang isang balahibo ng tupa sa giikan; kung magkaroon ng hamog sa balat lamang, at maging tuyo ang buong lupa, ay malalaman ko nga na iyong ililigtas ang Israel sa pamamagitan ng aking kamay, gaya ng iyong sinabi.”

38 At gayon nga ang nangyari. Kinaumagahan, nang siya'y maagang bumangon at pigain ang balat, nakapiga siya ng hamog sa balahibo ng tupa na sapat na mapuno ng tubig ang isang mangkok.

39 Sinabi ni Gideon sa Diyos, “Huwag mag-alab ang iyong galit laban sa akin, hayaan mong magsalita ako nang minsan pa. Ipasubok mo pa sa aking minsan sa pamamagitan ng balahibo. Tuyuin mo ngayon ang balahibo lamang, at sa buong lupa ay magkaroon ng hamog.”

40 Gayon ang ginawa ng Diyos nang gabing iyon, sapagkat ang balat lamang ang tuyo, at nagkaroon ng hamog sa buong lupa.

Ang Tatlong Daang Mandirigma

Pagkatapos, si Jerubaal, samakatuwid ay si Gideon, at ang lahat ng mga taong kasama niya ay maagang bumangon, at nagkampo sa tabi ng bukal ng Harod. Ang kampo ng Midian ay nasa dakong hilaga nila, sa may burol ng More, sa libis.

Sinabi ng Panginoon kay Gideon, “Ang mga taong kasama mo ay lubhang napakarami upang aking ibigay ang mga Midianita sa kanilang kamay. Baka ang Israel ay magmalaki laban sa akin, na sinasabi, ‘Ang sarili kong kamay ang nagligtas sa akin.’

Kaya't(A) ngayo'y ipahayag mo sa pandinig ng mga tao, ‘Sinumang matatakutin at nanginginig ay umuwi na sa bahay.’” At sinubok sila ni Gideon, umuwi ang dalawampu't dalawang libo, at naiwan ang sampung libo.

Sinabi ng Panginoon kay Gideon, “Napakarami pa rin ng tao, dalhin mo sila sa tubig at doo'y aking susubukin sila para sa iyo. Sinumang aking sabihin sa iyo, ‘Ang taong ito ay sasama sa iyo;’ iyon ang sasama sa iyo; at ang sinumang sabihin ko sa iyo, ‘Ang taong ito ay hindi sasama sa iyo,’ iyon ay hindi sasama sa iyo.”

Kaya't kanyang dinala ang mga tao sa tubig; at sinabi ng Panginoon kay Gideon, “Bawat uminom ng tubig sa pamamagitan ng kanyang dila, gaya ng pag-inom ng aso, ay iyong ihihiwalay; gayundin ang bawat lumuhod upang uminom.”

Ang bilang ng mga uminom, na inilagay ang kanilang kamay sa kanilang bibig, ay tatlong daang lalaki; ngunit ang lahat ng nalabi sa mga tao ay lumuhod upang uminom ng tubig.

At sinabi ng Panginoon kay Gideon, “Sa pamamagitan ng tatlong daang lalaking uminom ay ililigtas ko kayo, at ibibigay ko ang mga Midianita sa iyong kamay; at ang iba ay pauwiin mo na sa kanya-kanyang bahay.”

Kaya't kumuha ang mga tao ng mga pagkain at ng kanilang mga trumpeta at kanyang sinugo ang lahat ng mga lalaki sa Israel sa kanya-kanyang tolda, ngunit itinira ang tatlong daang lalaki. Ang kampo ng Midian ay nasa ibaba niya sa libis.

Nang gabing iyon ay sinabi ng Panginoon sa kanya, “Bumangon ka, lusungin mo ang kampo, sapagkat aking ibinigay na ito sa iyong kamay.

10 Ngunit kung natatakot kang lumusong, lumusong ka sa kampo na kasama si Pura na iyong lingkod.

11 Iyong maririnig kung ano ang kanilang sinasabi, at pagkatapos ang iyong mga kamay ay palalakasin upang masalakay mo ang kampo.” Nang magkagayo'y lumusong siyang kasama si Pura na kanyang lingkod sa himpilan ng mga lalaking may sandata na nasa kampo.

12 Ang mga Midianita at ang mga Amalekita at ang lahat ng mga taga-silangan ay nakakalat sa libis na parang balang sa dami; at ang kanilang mga kamelyo ay di mabilang na gaya ng buhangin sa tabi ng dagat.

13 Nang dumating si Gideon, may isang lalaki na nagsasalaysay ng isang panaginip sa kanyang kasama, at kanyang sinabi, “Nagkaroon ako ng isang panaginip. May isang munting tinapay na sebada na gumulong patungo sa kampo ng Midian at umabot sa tolda. Tinamaan ang tolda at iyon ay bumagsak, bumaliktad, at ito'y nawasak.”

14 At sumagot ang kanyang kasama, “Ito'y wala nang iba kundi ang tabak ni Gideon, na anak ni Joas. Siya'y isang lalaking Israelita at sa kanyang kamay ibinigay ng Diyos ang Midian at ang buong hukbo.”

Hinipan ang mga Trumpeta

15 Nang marinig ni Gideon ang salaysay tungkol sa panaginip, at ang kahulugan niyon, siya'y bumalik sa kampo ng Israel, at sinabi, “Tumindig kayo! Ibinigay na ng Panginoon sa inyong kamay ang hukbo ng Midian.”

16 Hinati niya ang tatlong daang lalaki sa tatlong pulutong, at kanyang nilagyan ang mga kamay nilang lahat ng mga trumpeta, at mga bangang walang laman at mga sulo sa loob ng mga banga.

17 At kanyang sinabi sa kanila, “Masdan ninyo ako, at gayundin ang inyong gawin. Pagdating ko sa may hangganan ng kampo, ay gawin ninyo kung ano ang aking gagawin.

18 Kapag hinipan ko at ng lahat ng kasama ko ang trumpeta, ang mga trumpeta sa lahat ng panig ng kampo ay hihipan din, at isigaw ninyo, ‘Para sa Panginoon at para kay Gideon.’”

Nalupig ang Midian

19 Kaya't si Gideon at ang isandaang lalaking kasama niya ay nakarating sa mga hangganan ng kampo sa pasimula ng pagbabantay sa hatinggabi nang halos kahahalili pa lamang ng bantay. Kanilang hinipan ang mga trumpeta at binasag ang mga banga na nasa kanilang mga kamay.

20 Hinipan ng tatlong pulutong ang mga trumpeta at binasag ang mga banga, na hawak ang mga sulo sa kanilang kaliwang kamay, at ang mga trumpeta sa kanilang kanang kamay na kanilang hinihipan, at sila'y nagsigawan, “Ang tabak para sa Panginoon at kay Gideon!”

21 Bawat isa ay nakatayo sa kanya-kanyang lugar sa palibot ng kampo, at ang buong hukbo ay nagtakbuhan; sila'y sumigaw at tumakas.

22 Nang kanilang hipan ang tatlong daang trumpeta, pinapaglaban ng Panginoon ang mga kaaway laban sa isa't-isa,[f] at laban sa buong hukbo; at tumakas ang hukbo hanggang sa Bet-sita sa dakong Zerera, hanggang sa hangganan ng Abel-mehola, sa tabi ng Tabat.

23 At ang hukbo ng Israel ay tinipon mula sa Neftali, sa Aser, at sa buong Manases, at kanilang hinabol ang Midian.

24 Nagpadala si Gideon ng mga sugo sa lahat ng lupaing maburol ng Efraim, na sinasabi, “Lusungin ninyo ang Midian, at abangan ninyo sila sa tubig, hanggang sa Bet-bara, at gayundin ang Jordan.” Sa gayo'y ang lahat ng mga lalaki ng Efraim ay tinipon, at inagapan ang tubig hanggang sa Bet-bara, at ang Jordan.

25 Kanilang hinuli ang dalawang prinsipe ng Midian, sina Oreb at Zeeb. Sa kanilang pagtugis sa Midian, pinatay nila si Oreb sa bato ni Oreb at si Zeeb sa pisaan ng ubas ni Zeeb. Kanilang dinala ang mga ulo nina Oreb at Zeeb kay Gideon sa kabila ng Jordan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001