Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
1 Samuel 4-8

Ang Pagkabihag sa Kaban ng Tipan

Ang salita ni Samuel ay dumating sa buong Israel. Ngayo'y lumabas ang Israel upang makipaglaban sa mga Filisteo. Sila'y humimpil sa Ebenezer, at ang mga Filisteo ay humimpil sa Afec.

Ang mga Filisteo ay humanay laban sa Israel, at nang sila'y magsagupa, ang Israel ay nagapi ng mga Filisteo na pumatay ng halos apat na libong katao sa larangan ng digmaan.

Nang ang mga kawal ay dumating sa kampo, sinabi ng matatanda ng Israel, “Bakit ipinatalo tayo ngayon ng Panginoon sa harapan ng mga Filisteo? Dalhin natin dito ang kaban ng tipan ng Panginoon mula sa Shilo upang siya ay makasama natin at iligtas tayo sa kamay ng ating mga kaaway.”

Kaya't(A) nagpasugo ang bayan sa Shilo, at kanilang dinala mula roon ang kaban ng tipan ng Panginoon ng mga hukbo, na nakaupo sa mga kerubin. Ang dalawang anak ni Eli, na sina Hofni at Finehas, ay naroroon at binabantayan ang kaban ng tipan ng Diyos.

Nang ang kaban ng tipan ng Panginoon ay dumating sa kampo, ang buong Israel ay sumigaw nang malakas, kaya't umalingawngaw ang lupa.

Nang marinig ng mga Filisteo ang ingay ng sigawan ay sinabi nila, “Ano ang kahulugan ng ingay nitong malakas na sigawan sa kampo ng mga Hebreo?” At nang kanilang nalaman na ang kaban ng Panginoon ay dumating sa kampo,

ang mga Filisteo ay natakot, sapagkat kanilang sinabi, “May diyos na dumating sa kampo.” Kanilang sinabi, “Kahabag-habag tayo! Sapagkat hindi pa nagkaroon ng ganyang bagay kailanman.

Kahabag-habag tayo! Sino ang magliligtas sa atin sa kamay ng mga makapangyarihang diyos na ito? Ito ang mga diyos na pumuksa sa mga taga-Ehipto sa pamamagitan ng sari-saring salot sa ilang.

Kayo'y magpakatapang at magpakalalaki, O kayong mga Filisteo. Baka kayo'y maging mga alipin ng mga Hebreo na gaya ng naging kalagayan nila sa inyo. Kayo'y magpakalalaki at lumaban.”

10 Ang mga Filisteo ay lumaban at ang Israel ay natalo at tumakas ang bawat isa sa kanila patungo sa kanya-kanyang tahanan. Nagkaroon ng malaking patayan sapagkat ang nabuwal sa Israel ay tatlumpung libong kawal na lakad.

11 Ang kaban ng Diyos ay nakuha at ang dalawang anak ni Eli, sina Hofni at Finehas ay napatay.

Namatay si Eli

12 May isang lalaking taga-Benjamin ang nakatakbo mula sa labanan, at nagtungo sa Shilo nang araw ding iyon na punit ang damit at may lupa sa kanyang ulo.

13 Nang siya'y dumating, si Eli ay nakaupo sa kanyang upuan sa tabi ng daan at nagbabantay sapagkat ang kanyang puso'y nanginginig dahil sa kaban ng Diyos. Nang ang lalaki ay pumasok sa lunsod at sinabi ang balita, ang taong-bayan ay nanangis.

14 Nang marinig ni Eli ang ingay ng sigawan ay kanyang sinabi, “Ano ang kahulugan ng ingay na ito?” At ang lalaki ay nagmadali, lumapit at nagbalita kay Eli.

15 Si Eli noon ay siyamnapu't walong taon at ang kanyang mga mata'y malalabo na kaya't siya'y hindi na makakita.

16 Sinabi ng lalaki kay Eli, “Kagagaling ko lamang sa labanan, at ako'y tumakas ngayon mula sa labanan.” At kanyang sinabi, “Paano ang nangyari, anak ko?”

17 Ang nagdala ng balita ay sumagot, “Ang Israel ay tumakas mula sa harap ng mga Filisteo. Nagkaroon din doon ng isang malaking patayan sa gitna ng mga hukbo. Ang iyong dalawang anak, sina Hofni at Finehas ay patay na, at ang kaban ng Diyos ay nakuha.”

18 Nang kanyang banggitin ang kaban ng Diyos, si Eli ay nabuwal na patalikod sa kanyang upuan sa tabi ng pintuang-bayan. Nabalian siya sa leeg, at siya'y namatay sapagkat siya'y isang lalaking matanda at mabigat. Naging hukom siya ng Israel sa loob ng apatnapung taon.

19 Samantala, ang kanyang manugang, na asawa ni Finehas ay buntis at malapit nang manganak. Nang marinig niya ang balita na ang kaban ng Diyos ay nakuha at ang kanyang biyenan at asawa ay patay na, yumukod siya at napaanak, sapagkat ang kanyang pagdaramdam ay dumating sa kanya.

20 Nang malapit na siyang mamatay, sinabi sa kanya ng mga babaing nakatayo sa tabi niya, “Huwag kang matakot sapagkat ikaw ay nanganak ng isang lalaki.” Ngunit hindi siya sumagot, o nakinig man.

21 Pinangalanan niya ang bata na Icabod[a] na sinasabi, “Ang kaluwalhatian ay umalis sa Israel,” sapagkat ang kaban ng Diyos ay nakuha at dahil sa kanyang biyenan at sa kanyang asawa.

22 Kanyang sinabi, “Ang kaluwalhatian ng Diyos ay umalis sa Israel, sapagkat ang kaban ng Diyos ay nakuha.”

Ang Kaban ng Tipan sa mga Filisteo

Nang makuha ng mga Filisteo ang kaban ng Diyos, ito ay kanilang dinala sa Asdod mula sa Ebenezer.

Pagkatapos ay kinuha ng mga Filisteo ang kaban ng Diyos at ipinasok sa bahay ni Dagon, at inilagay sa tabi ni Dagon.

Kinaumagahan, nang bumangong maaga ang mga taga-Asdod, si Dagon ay buwal na nakasubsob doon sa lupa sa harap ng kaban ng Panginoon. Kanilang kinuha si Dagon at muli siyang inilagay sa kanyang puwesto.

Subalit nang sila'y maagang bumangon kinaumagahan, si Dagon ay buwal na nakasubsob sa lupa sa harap ng kaban ng Panginoon. Ang ulo ni Dagon, gayundin ang kanyang mga kamay ay putol at nasa bungad ng pintuan; tanging ang katawan ni Dagon lamang ang naiwan sa kanya.

Dahil dito ang mga pari ni Dagon at ang lahat ng pumapasok sa bahay ni Dagon ay hindi tumutuntong sa bungad ng pintuan ni Dagon sa Asdod, hanggang sa araw na ito.

Ang mga Bayan ng Filisteo ay Pinarusahan

Ang kamay ng Panginoon ay mabigat sa mga taga-Asdod. Kanyang tinakot sila at sinaktan ng mga bukol, ang Asdod at ang mga nasasakupan nito.

Nang makita ng mga lalaki sa Asdod ang nangyayari ay kanilang sinabi, “Ang kaban ng Diyos ng Israel ay hindi dapat manatiling kasama natin sapagkat ang kanyang kamay ay mabigat sa atin at kay Dagon na ating diyos.”

Kaya't kanilang ipinatawag at tinipon ang lahat ng mga panginoon ng mga Filisteo at sinabi, “Ano ang ating gagawin sa kaban ng Diyos ng Israel?” At sila'y sumagot, “Dalhin sa Gat ang kaban ng Diyos ng Israel.” At kanilang dinala roon ang kaban ng Diyos ng Israel.

Subalit pagkatapos na kanilang madala, ang kamay ng Panginoon ay naging laban sa lunsod na nagdulot ng malaking ligalig. Sinaktan niya ang mga tao sa lunsod, maging bata o matanda, kaya't may mga bukol na tumubo sa kanila.

10 Kanilang ipinadala ang kaban ng Diyos sa Ekron. Subalit pagdating ng kaban ng Diyos sa Ekron, ang mga taga-Ekron ay sumigaw, “Kanilang dinala sa atin ang kaban ng Diyos ng Israel upang patayin tayo at ang ating taong-bayan.”

11 Kaya't ipinatawag nila at tinipon ang lahat ng panginoon ng mga Filisteo, at kanilang sinabi, “Ilayo ninyo ang kaban ng Diyos ng Israel at ibalik ninyo sa kanyang sariling lugar, upang huwag nito kaming patayin at ang aming taong-bayan.” Sapagkat nagkaroon ng nakakamatay na pagkakagulo[b] sa buong lunsod. Ang kamay ng Diyos ay lubhang mabigat doon.

12 Ang mga lalaking hindi namatay ay nagkaroon ng mga bukol, at ang daing ng lunsod ay umabot hanggang sa langit.

Ibinalik ang Kaban ng Tipan

Ang kaban ng Panginoon ay nasa lupain ng mga Filisteo sa loob ng pitong buwan.

Ipinatawag ng mga Filisteo ang mga pari at ang mga manghuhula, na sinasabi, “Anong aming gagawin sa kaban ng Panginoon? Sabihin ninyo sa amin kung anong aming ipapadala kasama nito sa kanyang dako.”

At kanilang sinabi, “Kung inyong ipapadala ang kaban ng Diyos ng Israel, huwag ninyong ipadalang walang laman, kundi gawin ninyo ang lahat ng paraan na maibalik siya na may handog para sa budhing nagkasala. Kung magkagayo'y gagaling kayo at malalaman ninyo kung bakit ang kanyang kamay ay hindi humihiwalay sa inyo.”

Kanilang sinabi, “Ano ang handog para sa budhing nagkasala na aming ibabalik sa kanya?” At kanilang sinabi, “Limang gintong bukol, at limang gintong daga ayon sa bilang ng mga panginoon ng mga Filisteo; sapagkat iisang salot ang dumating sa inyong lahat at sa inyong mga panginoon.

Kaya't kailangang gumawa kayo ng mga anyo ng inyong mga bukol at daga na sumira ng lupain, at inyong bigyan ng kaluwalhatian ang Diyos ng Israel, baka sakaling kanyang pagaanin ang kanyang kamay sa inyo, sa inyong mga diyos, at sa inyong lupain.

Bakit ninyo pinagmamatigas ang inyong puso gaya ng mga taga-Ehipto at ni Faraon na pinagmatigas ang kanilang puso? Pagkatapos na siya'y makagawa ng kahanga-hanga sa kanila, di ba pinahintulutan nilang umalis ang bayan, at sila'y umalis?

Ngayo'y kumuha kayo at maghanda ng isang bagong kariton, at dalawang bagong bakang gatasan na hindi pa napatungan ng pamatok; at ikabit ninyo ang mga baka sa kariton ngunit iuwi ninyo ang kanilang mga guya.

Kunin ninyo ang kaban ng Panginoon, ilagay ninyo sa kariton, at isilid ninyo sa isang kahon na nasa tabi niyon ang mga hiyas na ginto na inyong ibabalik sa kanya bilang handog para sa budhing nagkasala. Pagkatapos ay paalisin na ninyo, at hayaang lumakad.

Masdan ninyo. Kung umahon sa daang patungo sa kanyang sariling lupain sa Bet-shemes, kung gayon ay siya nga ang gumawa sa atin ng malaking pinsalang ito. Ngunit kung hindi, malalaman natin na hindi ang kanyang kamay ang nanakit sa atin, ito ay pangyayaring nagkataon lamang.”

10 Gayon ang ginawa ng mga lalaki, at kumuha ng dalawang bagong bakang gatasan at ikinabit sa kariton, at ikinulong ang kanilang mga guya sa bahay.

11 Kanilang inilagay ang kaban ng Panginoon sa kariton at ang kahon na may mga dagang ginto at mga anyo ng kanilang mga bukol.

12 Ang mga baka ay tuluy-tuloy sa daang patungo sa Bet-shemes; sila'y nagpatuloy sa lansangan, na umuungal habang humahayo. Sila'y hindi lumiko sa kanan o sa kaliwa; at ang mga panginoon ng mga Filisteo ay sumunod sa kanila hanggang sa hangganan ng Bet-shemes.

13 Noon ang mga taga-Bet-shemes ay nag-aani ng kanilang trigo sa libis. Nang sila'y tumingin at nakita ang kaban, sila ay nagalak na makita iyon.

14 Ang kariton ay dumating sa bukid ni Josue na taga-Bet-shemes at huminto roon. Isang malaking bato ang naroroon; at kanilang biniyak ang kahoy ng kariton at inihandog sa Panginoon ang mga baka bilang handog na sinusunog.

15 Ibinaba ng mga Levita ang kaban ng Panginoon at ang kahon na nasa tagiliran niyon na may lamang mga hiyas na ginto, at ipinatong sa malaking bato. Ang mga lalaki sa Bet-shemes ay naghandog ng mga handog na sinusunog at nag-alay ng mga alay sa Panginoon nang araw ding iyon.

16 Nang makita ito ng limang panginoon ng mga Filisteo, sila ay bumalik sa Ekron nang araw ding iyon.

17 Ito ang mga gintong bukol na ibinalik ng mga Filisteo sa Panginoon bilang handog para sa budhing nagkasala: isa sa Asdod, isa sa Gaza, isa sa Ascalon, isa sa Gat, at isa sa Ekron.

18 Ang mga dagang ginto, ayon sa bilang ng lahat ng mga lunsod ng mga Filisteo na sakop ng limang panginoon, ang mga lunsod na nakukutaan at mga nayon sa kaparangan. Ang malaking bato na kanilang pinagbabaan ng kaban ng Panginoon ay isang saksi hanggang sa araw na ito sa bukid ni Josue na taga-Bet-shemes.

19 Kanyang pinatay ang ilan sa mga tao sa Bet-shemes, sapagkat kanilang tiningnan ang loob ng kaban ng Panginoon. Pumatay siya sa bayan ng pitumpung lalaki at limampung libong katao. Ang bayan ay nagluksa sapagkat ang Panginoon ay gumawa ng malaking pagpatay sa taong-bayan.

20 Sinabi ng mga lalaking taga-Bet-shemes, “Sino ang makakatayo sa harap ng Panginoon, dito sa banal na Diyos? Kanino niya ito ipadadala upang mapalayo sa atin?”

21 Kaya't sila'y nagpadala ng mga sugo sa mga naninirahan sa Kiryat-jearim, na nagsasabi, “Ibinalik na ng mga Filisteo ang kaban ng Panginoon; kayo'y lumusong at iahon ninyo sa inyo.”

Ang Kaban ay Dinala sa Kiryat-jearim

Ang(B) mga tao sa Kiryat-jearim ay dumating at iniahon ang kaban ng Panginoon, at dinala sa bahay ni Abinadab sa burol; at kanilang itinalaga si Eleazar na kanyang anak upang ingatan ang kaban ng Panginoon.

Mula nang araw na ilagay ang kaban sa Kiryat-jearim ay lumipas ang mahabang panahon, mga dalawampung taon at ang buong sambahayan ng Israel ay tumaghoy sa Panginoon.

Namuno si Samuel sa Israel

Nagsalita si Samuel sa buong sambahayan ng Israel, “Kung kayo'y nanunumbalik sa Panginoon nang inyong buong puso ay inyo ngang alisin ang ibang mga diyos at ang mga Astarot na nasa inyo. Ituon ninyo ang inyong mga puso sa Panginoon, at sa kanya lamang kayo maglingkod at ililigtas niya kayo sa kamay ng mga Filisteo.”

Kaya't inalis ng mga anak ni Israel ang mga Baal at ang mga Astarot, at ang Panginoon lamang ang kanilang pinaglingkuran.

Nagtagumpay si Samuel Laban sa Filisteo

Sinabi ni Samuel, “Tipunin ninyo ang buong Israel sa Mizpa at idadalangin ko kayo sa Panginoon.”

Kaya't sila'y nagtipun-tipon sa Mizpa, umigib ng tubig, ibinuhos sa harap ng Panginoon, at nag-ayuno nang araw na iyon. Sinabi nila roon, “Kami ay nagkasala laban sa Panginoon.” At naghukom si Samuel sa mga anak ni Israel sa Mizpa.

Nang mabalitaan ng mga Filisteo na ang mga anak ni Israel ay nagtipon sa Mizpa, umahon laban sa Israel ang mga panginoon ng mga Filisteo. Nang mabalitaan iyon ng mga anak ni Israel, sila ay natakot sa mga Filisteo.

Sinabi ng mga anak ni Israel kay Samuel, “Huwag kang tumigil ng pagsamo para sa atin sa Panginoon nating Diyos, upang iligtas niya tayo sa kamay ng mga Filisteo.”

Kumuha si Samuel ng isang korderong pasusuhin at inihandog bilang buong handog na sinusunog sa Panginoon. Dumaing si Samuel sa Panginoon para sa Israel; at ang Panginoon ay sumagot sa kanya.

10 Samantalang si Samuel ay naghahandog ng handog na sinusunog, lumapit ang mga Filisteo upang lumusob sa Israel; ngunit ang Panginoon ay nagpakulog ng isang malakas na kulog nang araw na iyon sa mga Filisteo at nilito sila. Sila'y nabuwal sa harap ng Israel.

11 Ang mga lalaki ng Israel ay lumabas sa Mizpa at hinabol ang mga Filisteo at pinatay sila hanggang sa ibaba ng Betcar.

12 Nang magkagayo'y kumuha si Samuel ng isang bato at inilagay sa pagitan ng Mizpa at ng Sen. Tinawag ang pangalan nito na Ebenezer[c] sapagkat sinasabi niya, “Hanggang dito'y tinulungan tayo ng Panginoon.”

13 Kaya't nagapi ang mga Filisteo at hindi na muling pumasok sa nasasakupan ng Israel. Ang kamay ng Panginoon ay laban sa Filisteo sa lahat ng mga araw ni Samuel.

14 Ang mga bayang sinakop ng mga Filisteo sa Israel ay ibinalik sa Israel, mula sa Ekron hanggang sa Gat; at binawi ng Israel ang kanilang nasasakupan mula sa kamay ng mga Filisteo. Nagkaroon din ng kapayapaan sa pagitan ng Israel at ng mga Amoreo.

15 Naghukom si Samuel sa Israel sa lahat ng mga araw ng kanyang buhay.

16 Siya'y nagpalibut-libot taun-taon sa Bethel, Gilgal, at Mizpa; at naghukom siya sa Israel sa mga lugar na ito.

17 Pagkatapos ay bumabalik siya sa Rama, sapagkat naroroon ang kanyang tahanan, at doon ay pinapangasiwaan din niya ang katarungan sa Israel. Nagtayo siya roon ng isang dambana sa Panginoon.

Ang Israel ay Humingi ng Hari

Nang si Samuel ay matanda na, ginawa niyang mga hukom sa Israel ang kanyang mga anak.

Ang pangalan ng kanyang panganay na anak ay Joel at ang pangalawa ay Abias. Sila'y mga hukom sa Beer-seba.

Ngunit ang kanyang mga anak ay hindi sumunod sa kanyang mga daan, kundi tumalikod dahil sa pakinabang. Sila'y tumanggap ng mga suhol at binaluktot ang katarungan.

Nang magkagayo'y nagtipun-tipon ang mga matanda ng Israel at pumaroon kay Samuel sa Rama.

At(C) kanilang sinabi sa kanya, “Ikaw ay matanda na at ang iyong mga anak ay hindi sumusunod sa iyong mga daan. Humirang ka ngayon para sa amin ng isang hari upang mamahala sa amin gaya ng lahat ng mga bansa.”

Ngunit hindi minabuti ni Samuel nang kanilang sabihin, “Bigyan mo kami ng isang hari upang mamahala sa amin.” At si Samuel ay nanalangin sa Panginoon.

Sinabi ng Panginoon kay Samuel, “Pakinggan mo ang tinig ng bayan sa lahat ng kanilang sinasabi sa iyo; sapagkat hindi ikaw ang kanilang itinakuwil, kundi itinakuwil nila ako bilang hari nila.

Ayon sa lahat ng mga bagay na kanilang ginawa mula nang araw na iahon ko sila mula sa Ehipto hanggang sa araw na ito, na kanilang tinatalikuran ako at naglilingkod sa ibang mga diyos ay gayundin ang ginagawa nila sa iyo.

Ngayon nga'y dinggin mo ang kanilang tinig; lamang ay balaan mo silang mabuti, at ipakita mo sa kanila ang mga pamamaraan ng hari na maghahari sa kanila.”

Nagbabala si Samuel

10 Kaya't iniulat ni Samuel ang lahat ng mga salita ng Panginoon sa bayan na humihingi sa kanya ng isang hari.

11 Sinabi niya, “Ito ang magiging mga palakad ng hari na maghahari sa inyo: kanyang kukunin ang inyong mga anak at kanyang ilalagay sa kanyang mga karwahe upang maging mga mangangabayo na tatakbo sa unahan ng kanyang mga karwahe.

12 Siya'y hihirang para sa kanya ng mga pinuno ng libu-libo at mga pinuno ng tiglilimampu; at ang iba ay upang mag-araro ng kanyang lupa, at gumapas ng kanyang ani, at upang gumawa ng kanyang mga kagamitang pandigma at mga kagamitan ng kanyang mga karwahe.

13 Kanyang kukunin ang inyong mga anak na babae upang maging mga manggagawa ng pabango, mga tagapagluto, at mga magtitinapay.

14 Kukunin niya ang pinakamainam ninyong mga bukid, mga ubasan, at mga taniman ng olibo upang ibigay ang mga iyon sa kanyang mga lingkod.

15 Kukunin niya ang ikasampung bahagi ng inyong butil at ng inyong mga ubasan, at ibibigay sa kanyang mga punong-kawal at mga lingkod.

16 Kanyang kukunin ang inyong mga aliping lalaki at aliping babae, ang inyong pinakamabuting kabataan, at ang inyong mga asno, at ilalagay niya sa kanyang mga gawain.

17 Kanyang kukunin ang ikasampung bahagi ng inyong mga kawan at kayo'y magiging kanyang mga alipin.

18 Sa araw na iyon kayo'y daraing dahil sa inyong hari na inyong pinili para sa inyong sarili; ngunit hindi kayo sasagutin ng Panginoon sa araw na iyon.”

19 Ngunit tumangging makinig ang bayan sa tinig ni Samuel at kanilang sinabi, “Hindi; kundi magkakaroon kami ng hari,

20 upang kami naman ay maging gaya ng lahat ng mga bansa, at upang mamahala sa amin ang aming hari at lumabas sa unahan namin at lumaban sa aming mga digmaan.”

21 Nang marinig ni Samuel ang lahat ng mga salita ng bayan, kanyang inulit ang mga iyon sa pandinig ng Panginoon.

22 At sinabi ng Panginoon kay Samuel, “Pakinggan mo ang kanilang tinig at bigyan mo sila ng hari.” Sinabi ni Samuel sa mga tao sa Israel, “Umuwi ang bawat isa sa inyo sa kanya-kanyang lunsod.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001