Beginning
Ang Pagsakop sa Bezec, Jerusalem, Hebron, Kiryat-sefer at Iba pa
1 Pagkamatay ni Josue, itinanong ng mga anak ni Israel sa Panginoon na sinasabi, “Sino ang mangunguna sa amin upang labanan ang mga Cananeo?”
2 Sinabi ng Panginoon, “Ang Juda ang mangunguna. Ibinigay ko na ang lupain sa kanyang kamay.”
3 Sinabi ng Juda sa Simeon na kanyang kapatid, “Sumama ka sa akin sa lupaing inilaan sa akin upang ating kalabanin ang mga Cananeo. Ako nama'y sasama sa iyo sa lupaing nakalaan sa iyo.” Kaya't ang Simeon ay sumama sa kanya.
4 At umahon ang Juda at ibinigay ng Panginoon ang mga Cananeo at mga Perezeo sa kanilang kamay. Natalo nila ang sampung libong lalaki sa Bezec.
5 Kanilang natagpuan si Adoni-bezek sa Bezec at siya'y nilabanan nila, at kanilang tinalo ang mga Cananeo at ang mga Perezeo.
6 Ngunit tumakas si Adoni-bezek, kaya't kanilang hinabol siya hanggang sa nahuli, at pinutol nila ang mga hinlalaki sa kanyang kamay at paa.
7 Sinabi ni Adoni-bezek, “Pitumpung hari na pinutulan ng mga hinlalaki sa kamay at paa ang namumulot ng kanilang pagkain sa ilalim ng aking hapag. Kung paano ang aking ginawa ay gayon ako pinaghigantihan ng Diyos.” Dinala nila siya sa Jerusalem, at siya'y namatay roon.
8 At ang mga anak ni Juda ay lumaban sa Jerusalem at sinakop ito. Pinatay nila ito ng talim ng tabak, at sinunog ng apoy ang lunsod.
9 Pagkatapos, ang mga anak ni Juda ay lumusong upang lumaban sa mga Cananeo na naninirahan sa mga lupaing maburol, at sa Negeb, at sa kapatagan.
10 Ang Juda ay lumaban sa mga Cananeo na naninirahan sa Hebron (ang pangalan ng Hebron nang una ay Kiryat-arba); at kanilang tinalo ang Sesai, at ang Ahiman, at ang Talmai.
11 Mula roo'y lumaban sila sa mga taga-Debir. (Ang pangalan nga ng Debir nang una ay Kiryat-sefer.)
12 Sinabi ni Caleb, “Ang sumalakay sa Kiryat-sefer at sumakop doon ay ibibigay ko sa kanya si Acsa na aking anak bilang asawa.”
13 Si Otniel na anak ni Kenaz, nakababatang kapatid ni Caleb, ay siyang sumakop; at ibinigay niya sa kanya si Acsa na kanyang anak bilang asawa.
14 Nang makipisan siya sa kanya, kanyang hinimok siya na humingi sa kanyang ama ng isang bukid; at siya'y bumaba sa kanyang asno, at sinabi ni Caleb sa kanya, “Anong ibig mo?”
15 Sinabi ni Acsa sa kanya, “Bigyan mo ako ng isang kaloob; yamang inilagay mo ako sa lupain ng Negeb, bigyan mo rin ako ng mga bukal ng tubig.” At ibinigay ni Caleb sa kanya ang mga bukal sa itaas, at ang mga bukal sa ibaba.
16 Ang mga anak ni Kineo, na biyenan ni Moises ay umahong kasama ng mga anak ni Juda mula sa lunsod ng mga palma hanggang sa ilang ng Juda na malapit sa Arad; at sila'y naparoon at nanirahang kasama ng mga tao.
17 Ang Juda ay sumama kay Simeon na kanyang kapatid, at kanilang tinalo ang mga Cananeo na nanirahan sa Sefath at lubos na pinuksa ito. Ang pangalan ng bayan ay tinawag na Horma.
18 Sinakop din naman ng Juda ang Gaza pati ang nasasakupan niyon at ang Ascalon pati ang nasasakupan niyon, at ang Ekron pati ang nasasakupan niyon.
19 Ang Panginoon ay sumama sa Juda at kanyang inangkin ang mga lupaing maburol; ngunit hindi niya mapalayas ang mga naninirahan sa kapatagan, dahil sa sila'y may mga karwaheng bakal.
20 Kanilang(A) ibinigay ang Hebron kay Caleb, gaya nang sinabi ni Moises at kanyang pinalayas doon ang tatlong anak ni Anak.
21 Hindi(B) pinalayas ng mga anak ni Benjamin ang mga Jebuseo na naninirahan sa Jerusalem; kaya't ang mga Jebuseo ay nanirahang kasama ng mga anak ni Benjamin sa Jerusalem hanggang sa araw na ito.
22 Ang sambahayan ni Jose ay umahon din laban sa Bethel; at ang Panginoon ay kasama nila.
23 Ang sambahayan ni Jose ay nagsugo upang tiktikan ang Bethel. (Ang pangalan nga ng bayan nang una ay Luz.)
24 Nakakita ang mga espiya ng isang lalaki na lumalabas sa lunsod at kanilang sinabi sa kanya, “Ituro mo sa amin ang pasukan sa lunsod at magiging mabuti kami sa iyo.”
25 At itinuro niya sa kanila ang pasukan sa lunsod, at kanilang pinatay ng talim ng tabak ang mga tao sa lunsod ngunit pinaalis ang lalaki at ang kanyang buong sambahayan.
26 Kaya't ang lalaki ay pumasok sa lupain ng mga Heteo, at nagtayo ng isang bayan, at tinawag ang pangalan niyon na Luz: iyon ang pangalan niyon hanggang sa araw na ito.
Ang mga Bayang Hindi pa Nasasakop
27 Hindi(C) pinalayas ng Manases ang mga naninirahan sa Bet-shan at ang mga nayon niyon, ni ang mga naninirahan sa Taanac at ang mga nayon niyon, ni ang mga naninirahan sa Dor at ang mga nayon niyon, ni ang mga naninirahan sa Ibleam at ang mga nayon niyon, ni ang mga naninirahan sa Megido at ang mga nayon niyon; kundi ang mga Cananeo ay nanatiling nakatira sa lupaing iyon.
28 Nang lumakas ang Israel, kanilang sapilitang pinagawa ang mga Cananeo, ngunit hindi nila lubos na pinalayas.
29 Hindi(D) pinalayas ni Efraim ang mga Cananeo na naninirahan sa Gezer; kundi ang mga Cananeo ay nanirahan sa Gezer na kasama nila.
30 Hindi pinalayas ni Zebulon ang mga naninirahan sa Chitron, ni ang mga naninirahan sa Naalol; kundi ang mga Cananeo ay nanirahang kasama nila, at naging saklaw ng sapilitang paggawa.
31 Hindi pinalayas ng Aser ang mga naninirahan sa Aco, ni ang mga naninirahan sa Sidon, ni ang naninirahan sa Alab, ni ang naninirahan sa Aczib, ni ang naninirahan sa Helba, ni ang naninirahan sa Afec, ni ang naninirahan sa Rehob;
32 kundi ang mga Aserita ay nanirahang kasama ng mga Cananeo, na mga naninirahan sa lupaing iyon sapagkat hindi nila pinalayas sila.
33 Hindi pinalayas ng Neftali ang mga naninirahan sa Bet-shemes, ni ang mga naninirahan sa Bet-anat; kundi nanirahang kasama ng mga Cananeo na naninirahan sa lupaing iyon. Gayunman ang mga naninirahan sa Bet-shemes at naninirahan sa Bet-anat ay naging saklaw ng sapilitang paggawa para sa kanila.
34 Pinaurong ng mga Amoreo ang mga anak ni Dan sa mga lupaing maburol sapagkat ayaw nilang payagang sila'y bumaba sa kapatagan.
35 Nagpilit ang mga Amoreo na manirahan sa bundok ng Heres, sa Aijalon, at sa Shaalbim. Gayunman, lalong naging makapangyarihan[a] ang sambahayan ni Jose sa kanila at sila'y inilagay sa sapilitang paggawa.
36 Ang hangganan ng mga Amoreo ay mula sa daang paakyat ng Acrabim, mula sa Sela at paitaas.
Ang Anghel ng Panginoon sa Boquim
2 Umakyat ang anghel ng Panginoon sa Boquim mula sa Gilgal. Kanyang sinabi, “Kayo'y pinaahon ko mula sa Ehipto, at dinala ko kayo sa lupain na aking ipinangakong ibibigay sa inyong mga ninuno. Sinabi kong, ‘Kailanma'y hindi ko sisirain ang aking tipan sa inyo,
2 at(E) huwag kayong makikipagtipan sa mga naninirahan sa lupaing ito; inyong wawasakin ang kanilang mga dambana.’ Ngunit hindi ninyo dininig ang aking utos. Ano itong ginawa ninyo?
3 Kaya't sinasabi ko ngayon, Hindi ko sila palalayasin sa harap ninyo; kundi sila'y magiging mga kalaban[b] ninyo, at ang kanilang mga diyos ay magiging bitag sa inyo.”
4 Nang sabihin ng anghel ng Panginoon ang mga salitang ito sa lahat ng mga anak ni Israel, inilakas ng bayan ang kanilang tinig at umiyak.
5 At kanilang tinawag ang pangalan ng dakong iyon na Boquim; at sila'y nag-alay doon sa Panginoon.
Ang Pagkamatay ni Josue
6 Nang mapaalis na ni Josue ang taong-bayan, pumaroon ang bawat isa sa mga anak ni Israel sa kanyang mana upang angkinin ang lupa.
7 Naglingkod ang bayan sa Panginoon sa lahat ng mga araw ni Josue, at sa lahat ng mga araw ng matatandang huling namatay kay Josue na nakakita ng mga dakilang bagay na ginawa ng Panginoon para sa Israel.
8 Si Josue na anak ni Nun, na lingkod ng Panginoon, ay namatay sa gulang na isandaan at sampung taon.
9 Kanilang(F) inilibing siya sa hangganan ng kanyang mana, sa Timnat-heres, sa maburol na lupain ng Efraim na nasa hilaga ng bundok Gaas.
10 Ang buong lahing iyon ay nalakip din sa kanilang mga magulang. Doon ay may ibang salinlahing bumangon pagkamatay nila na hindi kilala ang Panginoon, ni ang mga bagay na kanyang ginawa para sa Israel.
Naglingkod kay Baal ang Bayan
11 Ginawa ng mga anak ni Israel ang masama sa paningin ng Panginoon at naglingkod sa mga Baal.
12 Kanilang tinalikuran ang Panginoon, ang Diyos ng kanilang mga ninuno na naglabas sa kanila sa lupain ng Ehipto. Sumunod sila sa ibang mga diyos, sa mga diyos ng mga bayan na nasa palibot nila, at sila'y yumukod sa mga iyon; at kanilang ginalit ang Panginoon.
13 Kanilang tinalikuran ang Panginoon, at naglingkod sa mga Baal at Astarte.
14 Kaya't ang galit ng Panginoon ay nag-alab laban sa Israel, at kanyang ibinigay sila sa mga manloloob. Kanyang ipinagbili sila sa mga kamay ng kanilang mga kaaway sa palibot, anupa't sila'y hindi na makatagal sa kanilang mga kaaway.
15 Saan man sila humayo, ang kamay ng Panginoon ay laban sa kanila sa ikasasama nila, gaya nang ibinabala at isinumpa sa kanila ng Panginoon, sila'y nagipit na mabuti.
16 Kaya't ang Panginoon ay naglagay ng mga hukom na nagligtas sa kanila sa kapangyarihan ng mga nanloob sa kanila.
17 Gayunma'y hindi nila pinakinggan ang kanilang mga hukom, kundi sila'y sumamba sa ibang mga diyos, at kanilang niyukuran ang mga iyon. Hindi nagtagal, sila'y lumihis sa daan na nilakaran ng kanilang mga ninuno na sumunod sa mga utos ng Panginoon; hindi sila sumunod sa kanilang halimbawa.
18 Tuwing maglalagay ng hukom ang Panginoon para sa kanila, ang Panginoon ay kasama ng hukom, at kanyang iniligtas sila sa kamay ng kanilang mga kaaway sa lahat ng mga araw ng hukom, sapagkat naawa ang Panginoon dahil sa kanilang daing, dahil sa mga nagpahirap at nang-api sa kanila.
19 Ngunit pagkamatay ng hukom, sila'y tumalikod at kumilos na mas masama pa kaysa kanilang mga ninuno. Sila'y sumunod sa ibang mga diyos pinaglingkuran at niyuyukuran ang mga ito. Hindi nila inihinto ang alinman sa kanilang mga gawa, ni ang kanilang mga pagmamatigas.
20 Kaya't ang galit ng Panginoon ay nag-alab laban sa Israel; at kanyang sinabi, “Sapagkat sinuway ng bayang ito ang aking tipan na aking iniutos sa kanilang mga ninuno, at hindi dininig ang aking tinig.
21 Kaya't hindi ko na palalayasin sa harap nila ang alinman sa mga bansang iniwan ni Josue nang siya'y mamatay;
22 upang sa pamamagitan nila'y aking masubok ang Israel, kung kanilang susundin o hindi ang daan ng Panginoon upang lakaran nila, na gaya ng ginawa ng kanilang mga ninuno.”
23 Kaya't iniwan ng Panginoon ang mga bansang iyon, sila'y hindi niya agad pinalayas, ni ibinigay sila sa kamay ni Josue.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001