Beginning
Pinauwi ni Josue ang Lipi mula sa Silangan
22 Pagkatapos ay tinawag ni Josue ang mga Rubenita, mga Gadita, at ang kalahating lipi ni Manases,
2 at(A) sinabi sa kanila, “Inyong iningatan ang lahat na iniutos sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon, at inyong pinakinggan ang aking tinig sa lahat ng aking iniutos sa inyo;
3 hindi ninyo pinabayaan nitong maraming araw ang inyong mga kapatid hanggang sa araw na ito, kundi inyong iningatan ang tagubilin ng Panginoon ninyong Diyos.
4 At ngayo'y binigyan ng Panginoon ninyong Diyos ng kapahingahan ang inyong mga kapatid, gaya ng ipinangako niya sa kanila. Kaya't ngayo'y bumalik kayo at humayo sa inyong mga tolda sa lupaing kinaroroonan ng inyong ari-arian na ibinigay sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon sa kabila ng Jordan.
5 Maingat ninyong gawin ang utos at batas na iniutos sa inyo ni Moises na lingkod ng Panginoon, na ibigin ang Panginoon ninyong Diyos, at lumakad sa lahat niyang mga daan, at ingatan ang kanyang mga utos, manatili at maglingkod sa kanya nang inyong buong puso at kaluluwa.”
6 Kaya't binasbasan sila ni Josue at pinahayo sila at sila'y umuwi sa kanilang mga tolda.
7 Sa kalahating lipi ni Manases ay nagbigay si Moises ng pag-aari sa Basan; ngunit ang kalahating lipi ay binigyan ni Josue ng pag-aari kasama ng kanilang mga kapatid sa kabila ng Jordan sa dakong kanluran. Bukod dito'y, binasbasan sila ni Josue nang kanyang pauwiin sila sa kanilang mga tolda,
8 at sinabi sa kanila, “Kayo'y bumalik sa inyong mga tolda na may maraming kayamanan, maraming hayop, pilak, ginto, tanso, bakal, at maraming kasuotan. Hatiin ninyo sa inyong mga kapatid ang nasamsam mula sa inyong mga kaaway.”
9 Kaya't ang mga anak nina Ruben, Gad, at ang kalahating lipi ni Manases ay bumalik at humiwalay sa mga anak ni Israel sa Shilo, na nasa lupain ng Canaan, upang pumunta sa lupain ng Gilead, ang kanilang lupain na kanilang naging pag-aari, ayon sa utos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.
Ang Dambana sa Tabi ng Jordan
10 Nang sila'y dumating malapit sa lupain ng Jordan, na nasa lupain ng Canaan, ang mga anak nina Ruben, Gad, at ang kalahating lipi ni Manases ay nagtayo roon ng isang napakalaking dambana sa tabi ng Jordan.
11 At narinig ng mga anak ni Israel, na sinabi, “Tingnan ninyo, ang mga anak nina Ruben, Gad, at ang kalahating lipi ni Manases ay nagtayo ng isang dambana sa tapat ng lupain ng Canaan, sa bahaging pag-aari ng mga anak ni Israel sa lupain ng Jordan.”
12 Nang ito ay marinig ng mga anak ni Israel, ang buong kapulungan ay nagtipon sa Shilo upang makipagdigma laban sa kanila.
13 At sinugo ng mga anak ni Israel sa mga anak nina Ruben, Gad, at sa kalahating lipi ni Manases, sa lupain ng Gilead, si Finehas na anak ng paring si Eleazar.
14 Kasama niya ay sampung pinuno, isang pinuno sa bawat sambahayan ng mga magulang sa bawat isa sa mga lipi ng Israel; at bawat isa sa kanila'y pinuno ng mga sambahayan ng kanilang mga magulang sa mga angkan ng Israel.
15 At sila'y dumating sa mga anak nina Ruben, Gad, at sa kalahating lipi ni Manases sa lupain ng Gilead, at sinabi nila sa kanila,
16 “Ganito(B) ang sinabi ng buong kapulungan ng Panginoon, ‘Anong kataksilan itong inyong ginawa laban sa Diyos ng Israel sa pagtalikod sa araw na ito mula sa pagsunod sa Panginoon, sa pamamagitan ng inyong pagtatayo ng isang dambana bilang paghihimagsik laban sa Panginoon?
17 Hindi(C) pa ba sapat ang kasalanan sa Peor na kung saan ay hindi pa natin nalilinis ang ating mga sarili, kaya't dumating ang salot sa kapulungan ng Panginoon,
18 upang kayo'y humiwalay sa araw na ito sa pagsunod sa Panginoon? At kung kayo'y maghihimagsik ngayon laban sa Panginoon ay magagalit siya bukas sa buong kapulungan ng Israel.
19 Gayunman, kung ang inyong lupain ay marumi, dumaan kayo sa lupain ng Panginoon, na kinatatayuan ng tabernakulo ng Panginoon at kumuha kayo ng pag-aari kasama namin; huwag lamang kayong maghihimagsik laban sa Panginoon, o gawin kaming mga manghihimagsik sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang dambana bukod sa dambana ng Panginoon nating Diyos.
20 Hindi(D) ba't si Acan na anak ni Zera ay nagtaksil tungkol sa itinalagang bagay, at ang poot ay bumagsak sa buong kapulungan ng Israel? Ang taong iyon ay namatay na hindi nag-iisa dahil sa kanyang kasamaan.’”
21 Nang magkagayo'y sumagot ang mga anak nina Ruben, Gad, at ang kalahating lipi ni Manases, at nagsalita sa mga pinuno ng mga sambahayan ng Israel.
22 “Ang Makapangyarihan, ang Diyos, ang Panginoon! Ang Makapangyarihan, ang Diyos, ang Panginoon! Nalalaman niya; at hayaang malaman ng Israel! Kung paghihimagsik nga o kataksilan sa Panginoon, huwag mo kaming iligtas sa araw na ito,
23 sa pagtatayo namin ng isang dambana upang humiwalay sa pagsunod sa Panginoon; o kung aming ginawa upang paghandugan ng mga handog na sinusunog o handog na butil o handog pangkapayapaan, ay mismong ang Panginoon ang maghihiganti.
24 Hindi, kundi ginawa namin iyon dahil sa takot na sa darating na panahon ay sasabihin ng inyong mga anak, ‘Anong pakialam ninyo sa Panginoon, sa Diyos ng Israel?
25 Sapagkat ginawang hangganan ng Panginoon ang Jordan sa pagitan namin at ninyo, ninyong mga anak nina Ruben at Gad; kayo'y walang bahagi sa Panginoon.’ Kaya't patitigilin ng inyong mga anak ang aming mga anak sa pagsamba sa Panginoon.
26 Kaya't aming sinabi, ‘Magtayo tayo ngayon ng isang dambana, hindi para sa handog na sinusunog, ni dahil sa alay man,
27 kundi magiging saksi sa pagitan namin at ninyo, at sa pagitan ng ating mga lahi pagkamatay natin, upang aming magawa ang paglilingkod sa Panginoon sa harap niya sa pamamagitan ng aming mga handog na sinusunog, alay, at mga handog pangkapayapaan; baka sabihin ng inyong mga anak sa aming mga anak sa panahong darating, “Kayo'y walang bahagi sa Panginoon.”’
28 At inakala namin, kapag ito ay sinabi sa amin o sa aming mga anak sa panahong darating, ay aming sasabihin, ‘Tingnan ninyo ang anyo ng dambana ng Panginoon na ginawa ng aming mga ninuno, hindi para sa handog na sinusunog, ni sa alay, kundi isang saksi sa pagitan namin at ninyo.’
29 Huwag nawang mangyari sa amin na kami ay maghimagsik laban sa Panginoon, at humiwalay sa araw na ito sa pagsunod sa Panginoon sa pamamagitan ng pagtatayo ng isang dambana para sa handog na sinusunog, handog na butil, o alay na hindi sa dambana ng Panginoon nating Diyos na nakatayo sa harap ng kanyang tabernakulo.”
30 Nang marinig ng paring si Finehas, at ng mga pinuno ng kapulungan ng mga puno ng mga angkan ng Israel na kasama niya ang mga sinabi ng mga anak nina Ruben, Gad, at Manases, sila ay nasiyahan.
31 Sinabi ni Finehas na anak ng paring si Eleazar sa mga anak nina Ruben, Gad, at sa mga anak ni Manases, “Sa araw na ito ay nalalaman namin na ang Panginoon ay kasama natin, sapagkat kayo'y hindi nagkasala ng kataksilang ito laban sa Panginoon. Ngayo'y inyong iniligtas ang mga anak ni Israel mula sa kamay ng Panginoon.”
32 At si Finehas na anak ng paring si Eleazar at ang mga pinuno ay bumalik mula sa mga anak nina Ruben at Gad sa lupain ng Gilead, at nagtungo sa lupain ng Canaan, sa sambayanan ng Israel, at sila ay dinalhan nila ng balita.
33 Ang ulat ay ikinatuwa ng mga anak ni Israel; at pinuri ng mga anak ni Israel ang Diyos at hindi na nagsalita pa ng pakikidigma laban sa kanila, na wasakin ang lupaing tinitirhan ng mga anak ni Ruben at mga anak ni Gad.
34 Ang dambana ay tinawag na Saksi ng mga anak ni Ruben at ng mga anak ni Gad: “Sapagkat,” wika nila, “ito ay saksi sa pagitan natin na ang Panginoon ay Diyos.”
Ang Pamamaalam ni Josue
23 At nangyari, pagkaraan ng maraming araw, nang mabigyan ng Panginoon ng kapahingahan ang Israel sa lahat nilang mga kaaway sa palibot, at si Josue ay matanda na at puspos na ng mga taon,
2 ay tinawag ni Josue ang buong Israel, ang kanilang matatanda, mga pinuno, mga hukom, at ang kanilang mga tagapamahala, at sinabi sa kanila, “Ako'y matanda na at puspos na ng mga taon.
3 Inyong nakita ang lahat ng ginawa ng Panginoon ninyong Diyos sa lahat ng bansang ito para sa inyo; sapagkat lumaban ang Panginoon ninyong Diyos para sa inyo.
4 Narito, aking itinatakda sa inyo bilang pamana sa inyong mga lipi ang mga bansang nalalabi pati ang mga bansang aking inihiwalay, mula sa Jordan hanggang sa Malaking Dagat sa kanluran.
5 Itataboy sila ng Panginoon ninyong Diyos mula sa harapan ninyo, at palalayasin sila sa inyong paningin, at inyong aangkinin ang kanilang lupain na gaya ng ipinangako ng Panginoon ninyong Diyos sa inyo.
6 Kaya't kayo'y magpakatatag na mabuti at maingat na gawin ang lahat na nakasulat sa aklat ng kautusan ni Moises, at huwag kayong lumiko sa kanan o sa kaliwa;
7 huwag kayong makihalo sa mga bansang ito na nalalabi sa gitna ninyo; huwag din ninyong banggitin ang mga pangalan ng kanilang mga diyos, ni susumpa sa pamamagitan nila, ni maglilingkod o yuyukod sa mga iyon;
8 kundi humawak kayo sa Panginoon ninyong Diyos na gaya ng inyong ginawa hanggang sa araw na ito.
9 Sapagkat pinalayas ng Panginoon sa harapan ninyo ang malalaki at malalakas na bansa; at tungkol sa inyo, ay walang tao na nakatagal sa harapan ninyo hanggang sa araw na ito.
10 Magagawa(E) ng isa sa inyo na mapatakbo ang isanlibo sapagkat ang Panginoon ninyong Diyos ang nakikipaglaban para sa inyo, gaya ng ipinangako niya sa inyo.
11 Kaya't ingatan ninyo ang inyong sarili, ibigin ninyo ang Panginoon ninyong Diyos.
12 Sapagkat kapag kayo'y tumalikod at sumanib sa nalabi sa mga bansang ito na naiwan sa gitna ninyo, at kayo'y nagsipag-asawa sa kanilang mga kababaihan, at sila sa inyo,
13 ay alamin ninyong lubos na hindi patuloy na palalayasin ng Panginoon ninyong Diyos ang mga bansang ito sa inyong paningin, kundi sila'y magiging silo at bitag sa inyo, isang panghampas sa inyong tagiliran at mga tinik sa inyong mga mata hanggang sa kayo'y mapuksa dito sa mabuting lupain na ibinigay sa inyo ng Panginoon ninyong Diyos.
14 “At ngayon, sa araw na ito ay malapit na akong humayo sa lakad ng buong lupa, at nalalaman ninyo sa inyong mga puso at kaluluwa na walang bagay na nagkulang sa lahat na mga mabuting bagay na ipinangako ng Panginoon ninyong Diyos tungkol sa inyo; lahat ay nangyari sa inyo, wala kahit isang bagay na nagkulang.
15 Kaya't kung paanong ang lahat ng mga mabuting bagay na ipinangako ng Panginoon ninyong Diyos ay nangyari sa inyo, ay gayundin dadalhin ng Panginoon sa inyo ang lahat ng masasamang bagay, hanggang sa kayo'y mapuksa niya dito sa mabuting lupain na ibinigay sa inyo ng Panginoon ninyong Diyos.
16 Kapag sinuway ninyo ang tipan ng Panginoon ninyong Diyos na kanyang iniutos sa inyo, at humayo at naglingkod sa ibang mga diyos at yumukod sa mga iyon, ang galit ng Panginoon ay mag-iinit laban sa inyo, at kayo'y kaagad na mapupuksa sa mabuting lupain na kanyang ibinigay sa inyo.”
Nagsalita si Josue sa Bayan sa Shekem
24 Tinipon ni Josue ang lahat ng mga lipi ng Israel sa Shekem, at tinawag ang matatanda ng Israel at ang kanilang mga pinuno, mga hukom, mga tagapamahala; at sila'y humarap sa Diyos.
2 Sinabi(F) ni Josue sa buong bayan, “Ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, ‘Ang inyong mga ninuno ay nanirahan nang unang panahon sa kabila ng Ilog, si Terah, na ama ni Abraham at ama ni Nahor, at sila'y naglingkod sa ibang mga diyos.
3 Kinuha(G) ko ang inyong amang si Abraham mula sa kabila ng Ilog at pinatnubayan ko siya sa buong lupain ng Canaan, at pinarami ko ang kanyang binhi at ibinigay ko sa kanya si Isaac.
4 Kay(H) Isaac ay ibinigay ko sina Jacob at Esau; at ibinigay ko kay Esau ang bundok ng Seir upang angkinin; at si Jacob at ang kanyang mga anak ay lumusong sa Ehipto.
5 Sinugo(I) ko sina Moises at Aaron at sinalot ko ang Ehipto sa pamamagitan ng aking ginawa sa gitna niyon; at pagkatapos ay inilabas ko kayo.
6 At(J) inilabas ko ang inyong mga ninuno sa Ehipto, at kayo'y dumating sa dagat. Hinabol ng mga karwahe at ng mga mangangabayo ng mga Ehipcio ang inyong mga ninuno hanggang sa Dagat na Pula.
7 At nang sila'y tumangis sa Panginoon, nilagyan niya ng kadiliman ang pagitan ninyo at ang mga Ehipcio, at itinabon ang dagat sa kanila at tinakpan sila. Nakita ng inyong mga mata kung ano ang aking ginawa sa Ehipto at kayo'y nanirahan sa ilang nang matagal na panahon.
8 Pagkatapos(K) ay dinala ko kayo sa lupain ng mga Amoreo na naninirahan sa kabila ng Jordan, at sila'y nakipaglaban sa inyo. Ibinigay ko sila sa inyong kamay, at inyong inangkin ang kanilang lupain at nilipol ko sila sa harapan ninyo.
9 Nang(L) magkagayo'y tumindig si Balak na anak ni Zipor, na hari ng Moab, at nilabanan ang Israel; at siya'y nagsugo at inanyayahan si Balaam na anak ni Beor upang sumpain kayo.
10 Ngunit hindi ko pinakinggan si Balaam; kaya't binasbasan niya kayo. Gayon ko kayo iniligtas sa kanyang kamay.
11 Nang(M) kayo'y tumawid sa Jordan at dumating sa Jerico, ang mga tao sa Jerico ay nakipaglaban sa inyo, gayundin ang mga Amoreo, Perezeo, Cananeo, Heteo, Gergeseo, Heveo, at ang mga Jebuseo; at ibinigay ko sila sa inyong kamay.
12 Sinugo(N) ko ang malalaking putakti sa unahan ninyo na sa harapan ninyo ay itinaboy ang dalawang hari ng mga Amoreo, iyon ay hindi sa pamamagitan ng inyong tabak, ni ng inyong pana.
13 At(O) aking binigyan kayo ng lupain na hindi ninyo pinagpaguran at ng mga lunsod na hindi ninyo itinayo, at ang mga iyon ay inyong tinatahanan. Kayo'y kumakain ng bunga ng mga ubasan at olibo na hindi ninyo itinanim.’
14 “Ngayon nga'y matakot kayo sa Panginoon, at paglingkuran ninyo siya sa katapatan at sa katotohanan. Alisin ninyo ang mga diyos na pinaglingkuran ng inyong mga ninuno sa kabila ng Ilog at sa Ehipto, at inyong paglingkuran ang Panginoon.
15 Ngayon kung ayaw ninyong maglingkod sa Panginoon, ay piliin ninyo sa araw na ito kung sino ang inyong paglilingkuran; kung ang mga diyos na pinaglingkuran ng inyong mga ninuno sa kabila ng Ilog, o ang mga diyos ng mga Amoreo na ang lupain nila ay inyong tinitirahan; ngunit sa ganang akin at sa aking sambahayan, kami ay maglilingkod sa Panginoon.”
16 At ang taong-bayan ay sumagot, “Malayo nawa sa amin na aming pabayaan ang Panginoon upang maglingkod sa ibang mga diyos.
17 Sapagkat ang Panginoon nating Diyos ang nagdala sa atin at sa ating mga ninuno mula sa lupain ng Ehipto, papalabas sa bahay ng pagkaalipin, at siyang gumawa ng mga dakilang tandang iyon sa ating paningin, at iningatan tayo sa lahat ng daan na ating pinuntahan, at sa gitna ng lahat ng mga bayan na ating dinaanan.
18 Itinaboy ng Panginoon sa harapan natin ang lahat ng mga bayan, ang mga Amoreo na naninirahan sa lupain. Dahil dito kami ay maglilingkod din sa Panginoon sapagkat siya'y ating Diyos.”
19 Subalit sinabi ni Josue sa bayan, “Kayo'y hindi makakapaglingkod sa Panginoon sapagkat siya'y isang banal na Diyos; siya'y Diyos na mapanibughuin; hindi niya ipatatawad ang inyong pagsuway ni ang inyong mga kasalanan.
20 Kapag inyong tinalikuran ang Panginoon at naglingkod sa ibang mga diyos, siya ay hihiwalay at kayo ay sasaktan at lilipulin, pagkatapos na kanyang gawan kayo ng mabuti.”
21 At sinabi ng bayan kay Josue, “Hindi; kundi kami ay maglilingkod sa Panginoon.”
22 At sinabi ni Josue sa bayan, “Kayo'y mga saksi laban sa inyong sarili na inyong pinili ang Panginoon upang paglingkuran siya.” At sinabi nila, “Kami ay mga saksi.”
23 Sinabi niya, “Kung gayon ay alisin ninyo ang ibang mga diyos na nasa gitna ninyo at ilapit ninyo ang inyong puso sa Panginoon, na Diyos ng Israel.”
24 At sinabi ng bayan kay Josue, “Ang Panginoon nating Diyos ay aming paglilingkuran, at ang kanyang tinig ay aming susundin.”
25 Kaya't nakipagtipan si Josue sa bayan nang araw na iyon at gumawa ng mga tuntunin at batas para sa kanila sa Shekem.
26 Isinulat ni Josue ang mga salitang ito sa aklat ng kautusan ng Diyos; at siya'y kumuha ng malaking bato, at inilagay sa lilim ng ensina na nasa tabi ng santuwaryo ng Panginoon.
27 Sinabi ni Josue sa buong bayan, “Tingnan ninyo, ang batong ito ay magiging saksi laban sa atin, sapagkat narinig nito ang lahat ng mga salita ng Panginoon na kanyang sinalita sa atin; kaya't ito'y magiging saksi laban sa inyo, kapag itinakuwil ninyo ang inyong Diyos.”
28 Sa gayo'y pinauwi ni Josue ang bayan patungo sa kanilang pamana.
Namatay Sina Josue at Eleazar
29 Pagkatapos ng mga bagay na ito, si Josue na anak ni Nun na lingkod ng Panginoon ay namatay sa gulang na isandaan at sampung taon.
30 Kanilang(P) inilibing siya sa kanyang sariling pamana sa Timnat-sera, na nasa lupaing maburol ng Efraim sa hilaga ng bundok ng Gaas.
31 At naglingkod ang Israel sa Panginoon sa lahat ng mga araw ni Josue, at sa lahat ng mga araw ng matatandang naiwang buháy pagkamatay ni Josue at nakaalam ng lahat ng mga ginawa ng Panginoon para sa Israel.
32 Ang(Q) mga buto ni Jose na dinala ng mga anak ni Israel mula sa Ehipto ay inilibing nila sa Shekem, sa bahagi ng lupang binili ni Jacob sa mga anak ni Hamor na ama ni Shekem sa halagang isandaang pirasong salapi; iyon ay naging pamana sa mga anak ni Jose.
33 Namatay si Eleazar na anak ni Aaron at kanilang inilibing siya sa Gibeah, ang bayan ni Finehas na kanyang anak, na ibinigay sa kanya sa lupaing maburol ng Efraim.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001