Beginning
Naibalik ang Talim ng Palakol
6 At sinabi ng mga anak ng mga propeta kay Eliseo, “Tingnan mo, ang lugar na aming tinitirhan sa pangangasiwa mo ay napakaliit para sa amin.
2 Papuntahin mo kami sa Jordan, at kukuha roon ang bawat isa sa amin ng troso at hayaan mong gumawa kami roon ng isang lugar na aming matitirahan.” Siya'y sumagot, “Sige.”
3 At sinabi ng isa sa kanila, “Maaari bang ikalugod mo na sumama ka sa iyong mga lingkod?” At siya'y sumagot, “Ako'y sasama.”
4 Kaya't siya'y sumama sa kanila. Nang sila'y dumating sa Jordan, sila'y nagsiputol ng mga punungkahoy.
5 Ngunit samantalang ang isa'y pumuputol ng troso, ang talim ng palakol ay nalaglag sa tubig; at siya'y sumigaw, “Naku, panginoon ko! Iyon ay hiram lamang.”
6 Sinabi ng tao ng Diyos, “Saan iyon bumagsak?” Nang ituro sa kanya ang lugar, pumutol siya ng isang patpat, at inihagis doon, at pinalutang ang bakal.
7 At kanyang sinabi, “Kunin mo.” Kaya't kanyang iniabot iyon ng kanyang kamay at kinuha iyon.
Nagapi ang Hukbo ng Siria
8 Minsan, nang ang hari ng Siria ay nakikipagdigma sa Israel, siya'y sumangguni sa kanyang mga lingkod. Kanyang sinabi, “Sa gayo't gayong lugar ay ilalagay ko ang aking kampo.”
9 Ngunit ang tao ng Diyos ay nagsugo sa hari ng Israel, na nagsasabi, “Mag-ingat ka na huwag dumaan sa lugar na ito, sapagkat darating ang mga taga-Siria doon.”
10 Nagsugo ang hari ng Israel sa lugar na sinabi sa kanya ng tao ng Diyos. Ganoon niya laging binabalaan siya, kaya't kanyang iningatan ang kanyang sarili roon na hindi lamang minsan o makalawa.
11 Ang isipan ng hari ng Siria ay lubhang nabagabag dahil sa bagay na ito. Kanyang tinawag ang kanyang mga lingkod, at sinabi sa kanila, “Sabihin ninyo sa akin! Sino sa atin ang nasa panig ng hari ng Israel?”
12 Sinabi ng isa sa kanyang mga lingkod, “Wala po, panginoon ko, O hari. Si Eliseo, ang propetang nasa Israel, ang nagsasabi sa hari ng Israel ng mga salita na iyong sinabi sa iyong silid-tulugan.”
13 At kanyang sinabi, “Humayo ka at tingnan mo kung saan siya naroroon, upang ako'y makapagsugo at dakpin siya.” At sinabi sa kanya, “Naroon siya sa Dotan.”
14 Kaya't siya'y nagsugo roon ng mga kabayo, mga karwahe, at isang malaking hukbo. Sila'y dumating nang gabi, at pinaligiran ang lunsod.
15 Kinaumagahan, nang ang lingkod ng tao ng Diyos ay bumangong maaga at lumabas, isang hukbo na may mga kabayo at mga karwahe ang nakapaligid sa bayan. At sinabi ng kanyang lingkod, “Kahabag-habag tayo, panginoon ko! Paano ang ating gagawin?”
16 At siya'y sumagot, “Huwag kang matakot, sapagkat ang mga kasama natin ay higit kaysa mga kasama nila.”
17 Si Eliseo ay nanalangin, at nagsabi, “Idinadalangin ko sa iyo, Panginoon, na buksan mo ang kanyang mga mata upang siya'y makakita.” At binuksan ng Panginoon ang mga mata ng binata, at siya'y nakakita. Ang bundok ay punô ng mga kabayo at ng mga karwahe ng apoy sa palibot ni Eliseo.
18 Nang ang mga taga-Siria ay dumating laban sa kanya, nanalangin si Eliseo sa Panginoon, at nagsabi, “Idinadalangin ko sa iyo, na bulagin mo ang mga taong ito.” At kanyang binulag sila ayon sa salita ni Eliseo.
19 At sinabi ni Eliseo sa kanila, “Hindi ito ang daan, at hindi ito ang lunsod. Sumunod kayo sa akin at dadalhin ko kayo sa taong inyong hinahanap.” At kanyang dinala sila sa Samaria.
20 Pagkarating nila sa Samaria, sinabi ni Eliseo, “O Panginoon, imulat mo ang mga mata ng mga lalaking ito upang sila'y makakita.” Iminulat ng Panginoon ang kanilang mga mata at kanilang nakita na sila'y nasa loob ng Samaria.
21 Nang sila'y makita ng hari ng Israel, sinabi niya kay Eliseo, “Ama ko, papatayin ko ba sila? Papatayin ko ba sila?”
22 Siya'y sumagot, “Huwag mo silang papatayin. Papatayin mo ba ang binihag ng iyong tabak at ng iyong pana? Maghain ka ng tinapay at tubig sa harapan nila, upang sila'y makakain at makainom, at magsiparoon sa kanilang panginoon.”
23 Kanyang ipinaghanda sila ng malaking handaan; at nang sila'y makakain at makainom, kanyang pinahayo sila, at sila'y pumunta sa kanilang panginoon. At ang mga taga-Siria ay hindi na sumalakay pa sa lupain ng Israel.
Ang Pagsakop sa Samaria
24 Pagkatapos nito, tinipon ni Ben-hadad na hari ng Siria ang kanyang buong hukbo, at sila'y umahon, at kinubkob ang Samaria.
25 Nagkaroon ng malaking taggutom sa Samaria, habang kanilang kinukubkob ito, hanggang sa ang ulo ng isang asno ay ipinagbili sa halagang walumpung siklo ng pilak, at ang ikaapat na bahagi ng isang takal ng dumi ng kalapati sa halagang limang siklo ng pilak.
26 Habang ang hari ng Israel ay dumaraan sa ibabaw ng pader, sumigaw ang isang babae sa kanya, na nagsasabi, “Saklolo, panginoon ko, O hari.”
27 Kanyang sinabi, “Hindi! Hayaang saklolohan ka ng Panginoon. Paano kita matutulungan? Mula sa giikan o sa ubasan?”
28 Ngunit tinanong siya ng hari, “Ano ang iyong daing?” Siya'y sumagot, “Sinabi ng babaing ito sa akin, ‘Ibigay mo ang iyong anak, kakainin natin siya ngayon, at kakainin natin ang anak ko bukas.’
29 Kaya't(A) niluto namin ang anak ko, at kinain namin siya. Nang sumunod na araw, sinabi ko sa kanya, ‘Ibigay mo ang iyong anak, upang makain natin siya’; ngunit kanyang ikinubli ang kanyang anak.”
30 Nang marinig ng hari ang mga salita ng babae, kanyang pinunit ang kanyang suot (nagdaraan siya noon sa ibabaw ng pader;) at ang taong-bayan ay nakatingin, at siya noon ay may suot na pang-ilalim na damit-sako—
31 at kanyang sinabi, “Gawing gayon ng Diyos sa akin, at lalo na, kung ang ulo ni Eliseo, na anak ni Shafat ay manatili sa kanyang mga balikat sa araw na ito.”
32 Kaya't ang hari ay nagsugo ng isang tao mula sa kanyang harapan. Noon si Eliseo ay nakaupo sa kanyang bahay, at ang matatanda ay nakaupong kasama niya. Bago dumating ang sugo, sinabi ni Eliseo sa matatanda, “Nakikita ba ninyo kung paanong ang anak ng mamamatay-taong ito ay nagsugo ng isang tao upang pugutin ang aking ulo? Pagdating ng sugo, sarhan ninyo ang pintuan, at hawakan ninyo ang pinto laban sa kanya: Di ba ang tunog ng mga paa ng kanyang panginoon ay nasa likuran niya?”
33 Samantalang siya'y nakikipag-usap sa kanila, dumating ang sugo at kanyang sinabi, “Ang kasamaang ito'y mula sa Panginoon! Bakit pa ako maghihintay sa Panginoon?”
7 Ngunit sinabi ni Eliseo, “Pakinggan ninyo ang salita ng Panginoon. Ganito ang sabi ng Panginoon: Bukas sa ganitong oras, ang isang takal ng piling harina ay ipagbibili ng isang siklo, at ang dalawang takal ng sebada sa isang siklo sa pintuang-bayan ng Samaria.”
2 Nang magkagayon, ang punong-kawal na sa kanyang kamay ay nakahilig ang hari, ay sumagot sa tao ng Diyos, “Kung mismong ang Panginoon ang gagawa ng mga dungawan sa langit, ito na kaya iyon?” Ngunit kanyang sinabi, “Makikita mo iyon ng iyong mga mata, ngunit hindi ka kakain mula roon.”
Umalis ang Hukbo ng Siria
3 Noon ay mayroong apat na ketongin sa pasukan ng pintuang-bayan; at kanilang sinabi sa isa't isa, “Bakit nauupo tayo rito hanggang sa tayo'y mamatay?
4 Kung ating sabihin, ‘Pumasok tayo sa lunsod,’ ang taggutom ay nasa lunsod, at mamamatay tayo roon; at kung tayo'y uupo rito, tayo'y mamamatay rin. Kaya't tayo na, pumunta tayo sa kampo ng mga taga-Siria. Kung ililigtas nila ang ating buhay, tayo'y mabubuhay; at kung tayo'y patayin nila, talagang tayo'y mamamatay.”
5 Kaya't sila'y nagsitindig nang magtatakip-silim upang pumunta sa kampo ng mga taga-Siria. Ngunit nang sila'y dumating sa hangganan ng kampo ng mga taga-Siria ay walang tao roon.
6 Sapagkat ipinarinig ng Panginoon sa hukbo ng mga taga-Siria ang dagundong ng mga karwahe, ng mga kabayo, at ang dagundong ng isang malaking hukbo, kaya't sinabi nila sa isa't isa, “Inupahan ng hari ng Israel laban sa atin ang mga hari ng mga Heteo, at ang mga hari ng mga Ehipcio upang sumalakay sa atin.”
7 Kaya't sila'y nagsitakas nang takipsilim at iniwan ang kanilang mga tolda, ang kanilang mga kabayo, asno, at iniwan ang buong kampo sa dati nitong kaayusan at tumakas dahil sa kanilang buhay.
8 Nang ang mga ketonging ito ay dumating sa gilid ng kampo, sila'y pumasok sa isang tolda, kumain at uminom, at nagsikuha ng pilak, ginto, at bihisan, at humayo at itinago ang mga iyon. Muli silang bumalik at pumasok sa ibang tolda, at kumuha ng mga bagay roon, at umalis at itinago ang mga iyon.
9 Pagkatapos ay sinabi nila sa isa't isa, “Hindi tama ang ginagawa natin. Ang araw na ito ay araw ng mabuting balita. Kung tayo'y mananahimik at maghihintay ng liwanag sa kinaumagahan, parusa ang aabot sa atin. Tayo na ngayon, umalis na tayo at ating sabihin sa sambahayan ng hari.”
10 Kaya't sila'y umalis at tinawag ang mga bantay-pinto ng lunsod at kanilang sinabi sa kanila, “Kami ay pumunta sa kampo ng mga taga-Siria, ngunit walang taong makikita o maririnig doon, liban sa mga nakataling kabayo, mga nakataling asno, at ang mga tolda sa dati nilang kaayusan.”
11 At nagbalita ang mga bantay-pinto, at napabalita iyon sa loob ng sambahayan ng hari.
12 Ang hari ay bumangon nang gabi, at sinabi sa kanyang mga lingkod, “Sasabihin ko sa inyo ngayon kung ano ang ginawa ng mga taga-Siria laban sa atin. Kanilang nalalaman na tayo'y gutom. Kaya't sila'y nagsilabas ng kampo upang kumubli sa parang, na iniisip na, ‘Kapag sila'y nagsilabas sa lunsod, kukunin natin silang buháy at papasok tayo sa lunsod.’”
13 Sinabi ng isa sa kanyang mga lingkod, “Hayaan mong ang ilang tauhan ay kumuha ng lima sa mga kabayong nalalabi, yamang ang mga nalalabi rito ay magiging gaya rin lamang ng buong karamihan ng Israel na nangamatay na. Tayo'y magsugo at ating tingnan.”
14 Kaya't sila'y nagsikuha ng dalawang lalaking naka-karwahe at sila ay sinugo ng hari upang tingnan ang hukbo ng mga taga-Siria, na sinasabi, “Humayo kayo at tingnan ninyo.”
15 Kaya't kanilang sinundan sila hanggang sa Jordan; nakakalat sa buong daan ang mga kasuotan at mga kasangkapan na inihagis ng mga taga-Siria sa kanilang pagmamadali. Kaya't ang mga sugo ay bumalik at nagsalaysay sa hari.
16 Pagkatapos ang taong-bayan ay lumabas at sinamsaman ang kampo ng mga taga-Siria. Kaya't ang isang takal ng mainam na harina ay naipagbili ng isang siklo, at ang dalawang takal ng sebada ay isang siklo, ayon sa salita ng Panginoon.
17 At inihabilin ng hari sa punong-kawal na sinasandalan ng kanyang kamay sa pangangasiwa sa pintuang-bayan, at pinagtatapakan siya ng taong-bayan sa pintuang-bayan, kaya't siya'y namatay na gaya ng sinabi ng tao ng Diyos nang pumunta ang hari sa kanya.
18 At nangyari, gaya ng sinabi ng tao ng Diyos sa hari, na sinasabi, “Ang dalawang takal ng sebada ay maipagbibili ng isang siklo, at ang isang takal ng mainam na harina ay isang siklo, bukas sa mga ganitong oras sa pintuang-bayan ng Samaria;”
19 ang punong-kawal ay sumagot sa tao ng Diyos, at nagsabi, “Kung mismong ang Panginoon ay gagawa ng mga durungawan sa langit, mangyayari ba ang gayong bagay?” At kanyang sinabi, “Makikita mo iyon ng iyong mga mata, ngunit hindi ka kakain mula roon.”
20 Kaya't iyon ang nangyari sa kanya, sapagkat tinapakan siya ng taong-bayan hanggang sa namatay sa pintuang-bayan.
Bumalik ang Babae mula sa Sunem
8 At(B) sinabi ni Eliseo sa babae na ang anak ay kanyang muling binuhay, “Bumangon ka, at umalis kang kasama ang iyong sambahayan. Mangibang bayan ka kung saan ka makarating sapagkat tumawag ang Panginoon ng taggutom at ito ay darating sa lupain sa loob ng pitong taon.”
2 Kaya't ang babae ay bumangon, at ginawa ang ayon sa salita ng tao ng Diyos. Siya'y umalis na kasama ang kanyang sambahayan, at nangibang bayan sa lupain ng mga Filisteo sa loob ng pitong taon.
3 At nangyari, sa katapusan ng ikapitong taon, pagbalik ng babae mula sa lupain ng mga Filisteo, siya'y humayo upang makiusap sa hari tungkol sa kanyang bahay at lupa.
4 Ang hari noon ay nakikipag-usap kay Gehazi na lingkod ng tao ng Diyos, na sinasabi, “Sabihin mo sa akin ang lahat ng mga dakilang bagay na ginawa ni Eliseo.”
5 At nangyari, samantalang kanyang sinasabi sa hari kung paanong kanyang ibinalik ang buhay ng patay, ang babae na ang anak ay kanyang muling binuhay ay nakiusap sa hari para sa kanyang bahay at lupa. Sinabi ni Gehazi, “Panginoon ko, O hari, ito ang babae, at ito ang kanyang anak na muling binuhay ni Eliseo.”
6 Nang tanungin ng hari ang babae, ay isinalaysay niya ito sa kanya. Kaya't humirang ang hari ng isang pinuno para sa kanya na sinasabi, “Isauli mo ang lahat ng kanya, pati ang lahat ng bunga ng bukirin mula nang araw na kanyang iwan ang lupain hanggang ngayon.”
Si Eliseo at si Haring Ben-hadad ng Siria
7 Si Eliseo ay pumunta sa Damasco samantalang si Ben-hadad na hari ng Siria ay may sakit. At nagsalita sa kanya, na sinasabi, “Ang tao ng Diyos ay naparito,”
8 at sinabi ng hari kay Hazael, “Magdala ka ng isang kaloob, at humayo ka upang salubungin ang tao ng Diyos, at sumangguni ka sa Panginoon sa pamamagitan niya, na sinasabi, “Gagaling ba ako sa sakit na ito?”
9 Kaya't umalis si Hazael upang salubungin siya, at nagdala siya ng kaloob, ng bawat mabuting bagay sa Damasco, na apatnapung pasang kamelyo. Nang siya'y dumating at tumayo sa harapan niya, ay sinabi niya, “Sinugo ako sa iyo ng anak mong si Ben-hadad na hari ng Siria, na sinasabi, ‘Gagaling ba ako sa sakit na ito?’”
10 Sinabi ni Eliseo sa kanya, “Humayo ka, sabihin mo sa kanya, ‘Ikaw ay tiyak na gagaling,’ subalit ipinakita sa akin ng Panginoon na siya'y tiyak na mamamatay.”
11 Kanyang itinuon ang kanyang paningin at tumitig sa kanya, hanggang sa siya'y napahiya. At ang tao ng Diyos ay umiyak.
12 At sinabi ni Hazael, “Bakit umiiyak ang aking panginoon?” At siya'y sumagot, “Sapagkat nalalaman ko ang kasamaan na iyong gagawin sa mga anak ni Israel. Ang kanilang mga tanggulan ay iyong susunugin ng apoy, at ang kanilang mga kabataang lalaki ay iyong papatayin ng tabak, at dudurugin ang kanilang mga bata, at iyong bibiyakin ang tiyan ng mga babaing buntis.”
13 At(C) sinabi ni Hazael, “Magagawa ba ng iyong lingkod na isang aso lamang ang ganitong napakalaking bagay?” At sumagot si Eliseo, “Ipinakita sa akin ng Panginoon na ikaw ay magiging hari sa Siria.”
14 Pagkatapos ay iniwan niya si Eliseo at pumaroon sa kanyang panginoon, na nagsabi sa kanya, “Ano ang sinabi ni Eliseo sa iyo?” At siya'y sumagot, “Kanyang sinabi sa akin na tiyak na ikaw ay gagaling.”
15 Subalit kinabukasan, kanyang kinuha ang munting kumot at binasa sa tubig, at iniladlad sa mukha niya hanggang siya'y namatay. At si Hazael ay naging hari na kapalit niya.
Si Haring Jehoram ng Juda(D)
16 Nang ikalimang taon ni Joram na anak ni Ahab, na hari ng Israel, noong si Jehoshafat ay hari sa Juda, si Jehoram na anak ni Jehoshafat na hari ng Juda ay nagpasimulang maghari.
17 Siya'y tatlumpu't dalawang taong gulang nang siya'y maging hari; at siya'y walong taong naghari sa Jerusalem.
18 Siya'y lumakad sa landas ng mga hari ng Israel, gaya ng ginawa ng sambahayan ni Ahab, sapagkat ang anak ni Ahab ay kanyang asawa. Siya'y gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon.
19 Gayunma'y(E) ayaw wasakin ng Panginoon ang Juda, alang-alang kay David na kanyang lingkod, yamang kanyang ipinangako na magbibigay siya ng isang ilawan sa kanya at sa kanyang mga anak magpakailanman.
20 Sa(F) kanyang mga araw ay naghimagsik ang Edom sa ilalim ng pamamahala ng Juda, at naglagay sila ng kanilang hari.
21 Pagkatapos ay dumaan si Joram sa Seir kasama ang lahat niyang mga karwahe. Siya'y bumangon nang gabi, at pinatay niya at ng kanyang mga pinuno ang mga Edomita na nakapalibot sa kanya; ngunit ang kanyang mga tauhan ay tumakas sa kani-kanilang mga tolda.
22 Sa gayo'y naghimagsik ang Edom laban sa pamumuno ng Juda, hanggang sa araw na ito. Ang Libna ay naghimagsik din nang panahon ding iyon.
23 At ang iba pa sa mga gawa ni Joram, at ang lahat niyang ginawa, di ba nasusulat sa Aklat ng mga Kasaysayan[a] ng mga Hari ng Juda?
24 At si Joram ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno, at inilibing na kasama nila sa lunsod ni David. Si Ahazias na kanyang anak ay nagharing kapalit niya.
Si Haring Ahazias ng Juda(G)
25 Nang ikalabindalawang taon ni Joram na anak ni Ahab, na hari ng Israel, nagsimulang maghari si Ahazias na anak ni Jehoram na hari sa Juda.
26 Si Ahazias ay dalawampu't dalawang taong gulang nang siya'y magsimulang maghari; at siya'y naghari sa loob ng isang taon sa Jerusalem. Ang pangalan ng kanyang ina ay Atalia na apo ni Omri na hari ng Israel.
27 Siya'y lumakad din sa landas ng sambahayan ni Ahab, at gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon, gaya ng ginawa ng sambahayan ni Ahab, sapagkat siya'y manugang sa sambahayan ni Ahab.
28 Siya'y sumama kay Joram na anak ni Ahab upang makipagdigma laban kay Hazael na hari ng Siria sa Ramot-gilead, na doon ay sinugatan ng mga taga-Siria si Joram.
29 Si Haring Joram ay bumalik sa Jezreel upang magpagaling sa kanyang mga sugat na likha ng mga taga-Siria sa Rama nang siya'y lumaban kay Hazael na hari ng Siria. Si Ahazias na anak ni Jehoram, na hari ng Juda ay lumusong upang tingnan si Joram na anak ni Ahab sa Jezreel, sapagkat siya'y sugatan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001