Beginning
Si Abiam ay Naghari sa Juda(A)
15 Nang ikalabingwalong taon ng paghahari ni Haring Jeroboam, na anak ni Nebat, nagsimulang maghari si Abiam sa Juda.
2 Tatlong taon siyang naghari sa Jerusalem, at ang pangalan ng kanyang ina ay Maaca na anak ni Abisalom.
3 At siya'y lumakad sa lahat ng mga kasalanan ng kanyang ama na ginawa nito na una sa kanya; at ang kanyang puso ay hindi ganap na tapat sa Panginoon niyang Diyos, gaya ng puso ni David na kanyang ama.
4 Gayunma'y(B) alang-alang kay David ay binigyan siya ng Panginoon niyang Diyos ng isang ilawan sa Jerusalem, inilagay ang kanyang anak pagkamatay niya at pinatatag ang Jerusalem;
5 sapagkat(C) ginawa ni David ang matuwid sa mga mata ng Panginoon, at hindi lumihis sa anumang bagay na iniutos niya sa kanya sa lahat ng araw ng kanyang buhay, maliban lamang ang tungkol kay Urias na Heteo.
6 Ang(D) digmaan sa pagitan nina Rehoboam at Jeroboam ay nagpatuloy sa lahat ng araw ng kanyang buhay.
7 Ang iba pa sa mga gawa ni Abiam, at ang lahat niyang ginawa, hindi ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[a] ng mga hari ng Juda? At nagkaroon ng digmaan sina Abiam at Jeroboam.
8 At si Abiam ay natulog na kasama ng kanyang mga ninuno at kanilang inilibing siya sa lunsod ni David. Si Asa na kanyang anak ay naghari na kapalit niya.
Si Asa ay Naghari sa Juda(E)
9 Nang ikadalawampung taon ni Jeroboam na hari ng Israel, nagsimula si Asa na maghari sa Juda.
10 Apatnapu't isang taon siyang naghari sa Jerusalem; at ang pangalan ng kanyang ina ay Maaca, na anak ni Abisalom.
11 At ginawa ni Asa ang matuwid sa mga mata ng Panginoon, gaya ng ginawa ni David na kanyang ama.
12 Kanyang(F) inalis ang mga sodomita[b] sa lupain, at inalis ang lahat ng diyus-diyosan na ginawa ng kanyang mga ninuno.
13 Si Maaca na kanyang ina ay inalis rin niya sa pagkareyna, sapagkat siya'y gumawa ng karumaldumal na larawan para kay Ashera; at pinutol ni Asa ang kanyang larawan at sinunog sa batis Cedron.
14 Ngunit ang matataas na dako ay hindi inalis; gayunma'y ang puso ni Asa ay tapat sa Panginoon sa lahat ng kanyang mga araw.
15 Kanyang ipinasok sa bahay ng Panginoon ang mga kusang-loob na kaloob ng kanyang ama, at ang kanyang sariling mga kaloob, pilak, ginto, at mga kagamitan.
Pagdidigmaan nina Asa at Baasa
16 Nagkaroon ng digmaan sina Asa at Baasa na hari ng Israel sa lahat ng kanilang mga araw.
17 At si Baasa na hari sa Israel ay umahon laban sa Juda, at itinayo ang Rama upang walang sinumang makalabas o makapunta kay Asa na hari ng Juda.
18 Nang magkagayo'y kinuha ni Asa ang lahat ng pilak at ginto na naiwan sa mga kayamanan ng bahay ng Panginoon, at ang mga kayamanan ng bahay ng hari, at ibinigay sa kamay ng kanyang mga lingkod. Ipinadala ang mga iyon ni Haring Asa kay Ben-hadad na anak ni Tabrimon, na anak ni Hezion, na hari ng Siria, na nakatira sa Damasco, na sinasabi,
19 “Magkaroon nawa ng pagkakasundo ako at ikaw, tulad ng aking ama at ng iyong ama. Aking ipinadala sa iyo ang isang kaloob na pilak at ginto; humayo ka, sirain mo ang iyong pakikipagkasundo kay Baasa na hari ng Israel, upang siya'y lumayo sa akin.”
20 Pinakinggan ni Ben-hadad si Haring Asa, at sinugo ang mga puno ng kanyang mga hukbo laban sa mga lunsod ng Israel, at sinakop ang Ijon, Dan, Abel-betmaaca, at ang buong Cinerot, pati ang buong lupain ng Neftali.
21 Nang mabalitaan iyon ni Baasa, kanyang itinigil ang pagtatayo ng Rama at siya'y nanirahan sa Tirsa.
22 Pagkatapos ay nagpahayag si Haring Asa sa buong Juda, walang itinangi, at kanilang inalis ang mga bato at mga kahoy ng Rama, na ginagamit ni Baasa sa pagtatayo, at itinayo ni Haring Asa sa pamamagitan niyon ang Geba ng Benjamin at ang Mizpa.
23 Ang iba pa sa lahat ng mga gawa ni Asa, ang kanyang buong kapangyarihan, at ang lahat niyang ginawa, at ang mga lunsod na kanyang itinayo, hindi ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[c] ng mga hari ng Juda? Ngunit sa panahon ng kanyang katandaan, nagkaroon ng karamdaman ang kanyang mga paa.
24 At si Asa ay natulog at inilibing na kasama ng kanyang mga ninuno sa lunsod ni David na kanyang ama. Si Jehoshafat na kanyang anak ay naghari na kapalit niya.
Si Nadab ay Naghari sa Israel
25 Si Nadab na anak ni Jeroboam ay nagsimulang maghari sa Israel sa ikalawang taon ni Asa na hari ng Juda, at siya'y naghari sa Israel ng dalawang taon.
26 Siya'y gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon, at lumakad sa landas ng kanyang ama, at sa kanyang kasalanan na sanhi ng pagkakasala ng Israel.
27 Si Baasa na anak ni Ahia, sa sambahayan ni Isacar ay nakipagsabwatan laban sa kanya; at sinaktan siya ni Baasa sa Gibeton, na sakop ng mga Filisteo; sapagkat kinukubkob ni Nadab at ng buong Israel ang Gibeton.
28 Nang ikatlong taon ni Asa na hari sa Juda ay pinatay si Nadab[d] ni Baasa, at naghari na kapalit niya.
29 Nang(G) siya'y maging hari, pinagpapatay niya ang buong sambahayan ni Jeroboam. Wala siyang iniwan kay Jeroboam ni isa mang humihinga, hanggang sa kanyang malipol, ayon sa salita ng Panginoon na kanyang sinabi sa pamamagitan ng kanyang lingkod na si Ahias na Shilonita.
30 Ito ay dahil sa mga kasalanan ni Jeroboam na kanyang ginawa, at kanyang ibinunsod sa pagkakasala ang Israel at dahil sa kanyang panggagalit sa Panginoon, ang Diyos ng Israel.
31 Ang iba pa sa mga gawa ni Nadab, at ang lahat niyang ginawa, hindi ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[e] ng mga hari ng Israel?
32 At nagkaroon ng digmaan sina Asa at Baasa na hari ng Israel sa lahat ng kanilang mga araw.
Si Baasa ay Naghari sa Israel
33 Nang ikatlong taon ni Asa na hari ng Juda, nagsimulang maghari si Baasa na anak ni Ahia sa buong Israel sa Tirsa, at naghari ng dalawampu't apat na taon.
34 Siya'y gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon, at lumakad sa landas ni Jeroboam, at sa kanyang kasalanan na dahil dito'y nagkasala ang Israel.
Ang Propesiya ni Jehu
16 Ang salita ng Panginoon ay dumating kay Jehu na anak ni Hanani, laban kay Baasa, na nagsasabi,
2 “Yamang itinaas kita mula sa alabok, at ginawa kitang pinuno sa aking bayang Israel, at ikaw ay lumakad sa landas ni Jeroboam, at ikaw ang sanhi ng pagkakasala ng aking bayang Israel, upang ibunsod mo ako sa galit dahil sa kanilang mga kasalanan,
3 aking lubos na lilipulin si Baasa at ang kanyang sambahayan, at gagawin ko ang iyong sambahayan na gaya ng sambahayan ni Jeroboam na anak ni Nebat.
4 Ang sinumang kabilang kay Baasa na mamatay sa lunsod ay kakainin ng mga aso; at ang sinumang kabilang sa kanya na mamatay sa parang ay kakainin ng mga ibon sa himpapawid.”
5 Ang iba pa sa mga gawa ni Baasa, at ang kanyang ginawa, at ang kanyang kapangyarihan, hindi ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[f] ng mga hari ng Israel?
6 At natulog si Baasa na kasama ng kanyang mga ninuno at inilibing sa Tirsa; at si Ela na kanyang anak ay naghari na kapalit niya.
7 Bukod dito, sa pamamagitan ng propetang si Jehu na anak ni Hanani, ay dumating ang salita ng Panginoon laban kay Baasa, at laban sa kanyang sambahayan, dahil sa lahat ng kasamaan na kanyang ginawa sa paningin ng Panginoon, upang galitin siya sa pamamagitan ng gawa ng kanyang mga kamay, sa pagtulad sa sambahayan ni Jeroboam, at dahil din sa paglipol niya rito.
Si Ela ay Naghari sa Israel
8 Nang ikadalawampu't anim na taon ni Asa na hari ng Juda ay nagsimula si Ela na anak ni Baasa na maghari sa Israel sa Tirsa, at naghari siya ng dalawang taon.
9 Ngunit ang kanyang lingkod na si Zimri na punong-kawal sa kalahati ng kanyang mga karwahe ay nakipagsabwatan laban sa kanya. Nang siya'y nasa Tirsa na umiinom na nilalasing ang sarili sa bahay ni Arsa, na siyang katiwala sa sambahayan sa Tirsa,
10 pumasok si Zimri, sinalakay siya at pinatay nang ikadalawampu't pitong taon ni Asa na hari ng Juda, at siya'y naghari na kapalit niya.
11 Nang siya'y magsimulang maghari, pag-upong pag-upo niya sa kanyang trono, ay kanyang pinagpapatay ang buong sambahayan ni Baasa. Hindi siya nag-iwan ng isa man lamang lalaki sa kanyang kamag-anak o sa mga kaibigan.
12 Sa gayo'y nilipol ni Zimri ang buong sambahayan ni Baasa, ayon sa salita ng Panginoon, na kanyang sinabi laban kay Baasa, sa pamamagitan ni Jehu na propeta,
13 dahil sa lahat ng mga kasalanan ni Baasa, at sa mga kasalanan ni Ela na kanyang anak, na kanilang ginawa, na sanhi ng pagkakasala ng Israel upang ibunsod sa galit ang Panginoon, ang Diyos ng Israel sa pamamagitan ng kanilang mga diyus-diyosan.
14 Ang iba pa sa mga gawa ni Ela, at ang lahat na kanyang ginawa, hindi ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[g] ng mga hari ng Israel?
Si Zimri ay Naghari sa Israel
15 Nang ikadalawampu't pitong taon ni Asa na hari sa Juda, naghari si Zimri ng pitong araw sa Tirsa. Ang mga kawal ay nagkampo laban sa Gibeton na sakop ng mga Filisteo.
16 At narinig ng mga kawal na nagkakampo na si Zimri ay nakipagsabwatan at kanyang pinatay ang hari; kaya't si Omri na punong-kawal ng hukbo ay ginawang hari sa Israel nang araw na iyon sa kampo.
17 Kaya't si Omri ay umahon mula sa Gibeton, at ang buong Israel ay kasama niya, at kanilang kinubkob ang Tirsa.
18 Nang makita ni Zimri na ang lunsod ay nasakop na, siya'y pumunta sa kastilyo ng bahay ng hari, sinunog ng apoy ang bahay na kinaroroonan ng hari at siya'y namatay,
19 dahil sa kanyang mga kasalanan na kanyang ginawa sa pamamagitan ng paggawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon, sa paglakad sa landas ni Jeroboam, at sa kanyang kasalanan na kanyang ginawa, na naging sanhi ng pagkakasala ng Israel.
20 Ang iba pa sa mga gawa ni Zimri, at ang pakikipagsabwatan na kanyang ginawa, hindi ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[h] ng mga hari ng Israel?
21 Pagkatapos ang bayan ng Israel ay nahati sa dalawa: ang kalahati ng bayan ay sumunod kay Tibni na anak ni Ginat, upang gawin siyang hari; at ang kalahati ay sumunod kay Omri.
22 Ngunit ang mga taong sumunod kay Omri ay nanaig laban sa mga taong sumunod kay Tibni na anak ni Ginat; sa gayo'y namatay si Tibni at naging hari si Omri.
23 Nang ikatatlumpu't isang taon ni Asa na hari ng Juda, nagsimula si Omri na maghari sa Israel, at naghari ng labindalawang taon; anim na taong naghari siya sa Tirsa.
24 At binili niya ang burol ng Samaria mula kay Semer sa halagang dalawang talentong pilak. Siya'y nagtayo ng kuta sa burol at tinawag ang pangalan ng lunsod na kanyang itinayo na Samaria, ayon sa pangalan ni Semer, na may-ari ng burol.
25 Gumawa si Omri ng kasamaan sa paningin ng Panginoon, at gumawa ng mas masama kaysa lahat ng nauna sa kanya.
26 Sapagkat siya'y lumakad sa lahat ng landas ni Jeroboam na anak ni Nebat, at sa kanyang mga kasalanan na naging sanhi ng pagkakasala ng Israel upang ibunsod sa galit ang Panginoon, ang Diyos ng Israel sa pamamagitan ng kanilang mga diyus-diyosan.
27 Ang iba pa sa mga gawa ni Omri na kanyang ginawa, at ang kapangyarihang kanyang ipinamalas, hindi ba nasusulat ang mga iyon sa Aklat ng mga Kasaysayan[i] ng mga hari ng Israel?
28 Natulog si Omri na kasama ng kanyang mga ninuno at inilibing sa Samaria. Si Ahab na kanyang anak ay naghari na kapalit niya.
Si Ahab ay Naghari sa Israel
29 Nang ikatatlumpu't walong taon ni Asa na hari ng Juda, nagsimula si Ahab na anak ni Omri na maghari sa Israel. At si Ahab na anak ni Omri ay naghari sa Israel sa Samaria nang dalawampu't dalawang taon.
30 Si Ahab na anak ni Omri ay gumawa ng kasamaan sa paningin ng Panginoon nang higit kaysa lahat ng nauna sa kanya.
31 Waring isang magaang bagay para sa kanya na lumakad sa mga kasalanan ni Jeroboam na anak ni Nebat, siya'y nag-asawa kay Jezebel, na anak ni Et-baal na hari ng mga Sidonio, at siya'y humayo at naglingkod kay Baal, at sumamba sa kanya.
32 Kanyang ipinagtayo ng dambana si Baal sa bahay ni Baal, na kanyang itinayo sa Samaria.
33 At gumawa si Ahab ng sagradong poste[j]. Gumawa pa ng higit si Ahab upang galitin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel, kaysa lahat ng mga hari ng Israel na nauna sa kanya.
34 Sa(H) kanyang mga araw, itinayo ni Hiel na taga-Bethel ang Jerico. Inilagay niya ang pundasyon niyon na ang katumbas ay buhay ni Abiram na kanyang panganay na anak. At itinayo niya ang mga pintuang-bayan niyon na ang katumbas ay ang buhay ng kanyang bunsong anak na si Segub, ayon sa salita ng Panginoon na kanyang sinabi sa pamamagitan ni Josue na anak ni Nun.
Ipinahayag ni Elias na Magkakaroon ng Tagtuyot
17 Si(I) Elias na Tisbita, na nakikipamayan sa Gilead, ay nagsabi kay Ahab, “Habang nabubuhay ang Panginoon, ang Diyos ng Israel! Ako'y nakatayo sa harap niya, hindi magkakaroon ng hamog o ulan man sa mga taong ito, maliban sa pamamagitan ng aking salita.”
2 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa kanya, na sinasabi,
3 “Umalis ka rito, lumiko ka patungong silangan, at magkubli ka sa tabi ng batis Cherit na nasa silangan ng Jordan.
4 Ikaw ay iinom sa batis, at aking iniutos sa mga uwak na pakainin ka roon.”
5 Kaya't pumunta siya roon at ginawa ang ayon sa salita ng Panginoon, siya'y pumaroon at nanirahan sa tabi ng batis Cherit na nasa silangan ng Jordan.
6 Dinalhan siya ng mga uwak ng tinapay at karne sa umaga, at tinapay at karne sa hapon, at siya'y uminom sa batis.
7 Pagkaraan ng ilang panahon, ang batis ay natuyo sapagkat walang ulan sa lupain.
8 At ang salita ng Panginoon ay dumating sa kanya,
9 “Bumangon(J) ka. Pumaroon ka sa Zarefta na sakop ng Sidon, at manirahan ka roon. Aking inutusan ang isang balong babae roon na pakainin ka.”
10 Kaya't bumangon siya at pumunta sa Zarefta. Nang siya'y dumating sa pintuan ng lunsod, naroon ang isang babaing balo na namumulot ng mga patpat. Kanyang tinawag siya, at sinabi, “Dalhan mo ako ng kaunting tubig sa isang sisidlan upang ako'y makainom.”
11 Nang siya'y pumunta na upang kumuha, kanyang tinawag siya, at sinabi, “Dalhan mo ako ng isang pirasong tinapay.”
12 At sinabi niya, “Kung paanong ang Panginoon mong Diyos ay buháy, ako'y walang nalutong anuman, tanging isang dakot na harina sa tapayan, at kaunting langis sa banga. At ngayon, ako'y namumulot ng ilang patpat upang ako'y makauwi at ihanda iyon para sa akin at sa aking anak, upang aming makain iyon, bago kami mamatay.”
13 Sinabi ni Elias sa kanya, “Huwag kang matakot. Humayo ka, at gawin mo ang iyong sinabi, ngunit igawa mo muna ako ng munting tinapay. Pagkatapos ay dalhin mo rito sa akin, at saka ka gumawa para sa iyo at sa iyong anak.
14 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon, ng Diyos ng Israel, ‘Ang tapayan ng harina ay hindi magkukulang, o ang banga ng langis man ay mauubusan hanggang sa araw na magpaulan ang Panginoon sa ibabaw ng lupa.’”
15 Siya'y humayo, at ginawa ang ayon sa sinabi ni Elias. At ang babae, siya at ang sambahayan ng babae ay kumain nang maraming araw.
16 Ang tapayan ng harina ay hindi nagkulang, o ang banga ng langis man ay naubusan, ayon sa salita ng Panginoon na kanyang sinabi sa pamamagitan ni Elias.
Binuhay ni Elias ang Anak ng Balo
17 Pagkatapos ng mga bagay na ito, ang anak na lalaki ng babae, na may-ari ng bahay ay nagkasakit. Ang kanyang sakit ay napakalubha kaya't walang naiwang hininga.
18 At sinabi niya kay Elias, “Anong mayroon ka laban sa akin, O ikaw na tao ng Diyos? Naparito ka sa akin upang ipaalala mo ang aking kasalanan, at upang patayin ang aking anak!”
19 Sinabi ni Elias sa kanya, “Ibigay mo sa akin ang iyong anak.” At kinuha niya sa kanyang kandungan, at dinala niya sa silid sa itaas na kanyang tinutuluyan, at inihiga sa kanyang sariling higaan.
20 At siya'y nanangis sa Panginoon, “O Panginoon kong Diyos, dinalhan mo rin ba ng kapahamakan ang balo na aking tinutuluyan sa pamamagitan ng pagpatay sa kanyang anak?”
21 Siya'y(K) umunat sa bata ng tatlong ulit, at nanangis sa Panginoon, “O Panginoon kong Diyos, idinadalangin ko sa iyo, pabalikin mo sa batang ito ang kanyang buhay.”
22 Dininig ng Panginoon ang tinig ni Elias; at ang buhay ng bata ay bumalik sa kanya, at siya'y muling nagkamalay.
23 Kinuha ni Elias ang bata, ibinaba sa loob ng bahay mula sa silid sa itaas, at ibinigay siya sa kanyang ina; at sinabi ni Elias, “Tingnan mo, buháy ang iyong anak.”
24 At sinabi ng babae kay Elias, “Ngayo'y alam ko na ikaw ay isang tao ng Diyos, at ang salita ng Panginoon sa iyong bibig ay katotohanan.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001