Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Beginning

Read the Bible from start to finish, from Genesis to Revelation.
Duration: 365 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
1 Samuel 25-27

Ang Kamatayan ni Samuel

25 Namatay si Samuel, at nagtipun-tipon ang buong Israel at tinangisan siya. Kanilang inilibing siya sa kanyang bahay sa Rama. At tumindig si David at lumusong sa ilang ng Paran.

May isang lalaki sa Maon na ang mga ari-arian ay nasa Carmel. Ang lalaki ay napakayaman; siya'y mayroong tatlong libong tupa at isang libong kambing. Ginugupitan niya ng balahibo ang kanyang mga tupa sa Carmel.

Ang pangalan ng lalaki ay Nabal, at ang pangalan ng kanyang asawa ay Abigail. Ang babae ay matalino at maganda, ngunit ang lalaki ay masungit at masama ang ugali. Siya'y mula sa sambahayan ni Caleb.

Nabalitaan ni David sa ilang na ginugupitan ni Nabal ng balahibo ang kanyang mga tupa.

Kaya't nagsugo si David ng sampung kabataang lalaki at sinabi ni David sa mga kabataan, “Umahon kayo sa Carmel at pumunta kayo kay Nabal, at batiin ninyo siya sa aking pangalan.

Ganito ang sasabihin ninyo sa kanya: ‘Kapayapaan nawa ang sumaiyo, at kapayapaan nawa ang sumaiyong sambahayan, at kapayapaan nawa ang dumating sa lahat ng iyong pag-aari.

Nabalitaan kong ikaw ay may mga manggugupit ng balahibo ng tupa. Ang iyong mga pastol ay naging kasama namin, at hindi namin sila sinaktan, o nawalan man ng anumang bagay sa buong panahong sila ay nasa Carmel.

Tanungin mo ang iyong mga kabataang lalaki at kanilang sasabihin sa iyo. Kaya't makatagpo nawa ng biyaya sa iyong paningin ang aking mga kabataan; sapagkat kami ay naparito sa araw ng kapistahan. Hinihiling ko sa iyo na magbigay ka ng anumang mayroon ka sa iyong mga lingkod, at sa iyong anak na si David.’”

Tumangging Magbigay si Nabal

Nang dumating ang mga kabataang tauhan ni David, kanilang sinabi kay Nabal ang lahat ng mga salitang iyon sa pangalan ni David, at sila ay naghintay.

10 At sinagot ni Nabal ang mga lingkod ni David, at nagsabi, “Sino ba si David? Sino ba ang anak ni Jesse? Maraming mga alila sa mga araw na ito ang lumalayas sa kanilang mga panginoon.

11 Akin bang kukunin ang aking tinapay at tubig, at ang karne na aking kinatay para sa aking mga manggugupit, at ibibigay ko sa mga taong hindi ko nalalaman kung saan nanggaling?”

12 Kaya't ang mga kabataang tauhan ni David ay umalis, bumalik, at sinabi sa kanya ang lahat ng mga salitang ito.

13 At sinabi ni David sa kanyang mga tauhan, “Isukbit ng bawat isa sa inyo ang kanyang tabak.” At nagsukbit ang bawat isa ng kanyang tabak; at si David ay nagsukbit din ng kanyang tabak. Ang umahong kasunod ni David ay may apatnaraang lalaki, samantalang ang dalawandaan ay nanatili kasama ng mga dala-dalahan.

14 Ngunit sinabi ng isa sa mga kabataang lalaki kay Abigail, na asawa ni Nabal, “Si David ay nagpadala ng mga sugo mula sa ilang upang bumati sa ating panginoon ngunit sila'y nilait niya.

15 Gayong ang mga lalaki ay napakabuti sa amin, at hindi kami sinaktan, o nawalan man ng anumang bagay nang kami ay nasa mga parang, habang kami ay nakikisama sa kanila.

16 Sila'y naging aming pader sa gabi at sa araw sa buong panahong kami ay kasama nila sa pag-aalaga ng mga tupa.

17 Ngayon ay iyong alamin at pag-aralan mo kung ano ang iyong gagawin, sapagkat ang kasamaan ay ipinasiya na laban sa ating panginoon at sa kanyang buong sambahayan. Siya'y may masamang ugali kaya't walang makipag-usap sa kanya.”

Namagitan si Abigail

18 Nang magkagayo'y nagmadali si Abigail, kumuha ng dalawandaang tinapay, dalawang sisidlang balat ng alak, limang tupang nalinisan na, limang takal ng sinangag na trigo, isandaang kumpol na pasas, dalawandaang tinapay na igos, at ipinapasan ang mga ito sa mga asno.

19 At sinabi niya sa kanyang mga kabataang tauhan, “Mauna kayo sa akin; ako'y susunod sa inyo.” Ngunit hindi niya ito sinabi sa kanyang asawang si Nabal.

20 Samantalang siya'y nakasakay sa kanyang asno at lumulusong sa isang kubling dako ng bundok, si David at ang kanyang mga tauhan ay lumusong patungo sa kanya, at nagkasalubong sila.

21 Sinabi ni David, “Tunay na walang kabuluhan na aking iningatan ang lahat ng pag-aari ng taong ito sa ilang, anupa't walang nawalang anuman sa lahat ng pag-aari niya; at ang mabuti ay ginantihan niya ng masama.

22 Gawin nawa ng Diyos sa mga kaaway ni David, at higit pa, kung sa umaga ay mag-iwan ako ng higit sa isang lalaki sa lahat ng pag-aari niya.”

23 Nang makita ni Abigail si David, siya ay nagmadali at bumaba sa asno, at nagpatirapa sa harapan ni David at yumukod sa lupa.

24 Siya'y nagpatirapa sa kanyang mga paa at nagsabi, “Sa akin mo na lamang ipataw ang pagkakasala, panginoon ko. Hinihiling ko sa iyo na iyong papagsalitain ang iyong lingkod sa iyong pandinig, at iyong pakinggan ang mga salita ng iyong lingkod.

25 Ipinapakiusap ko sa iyo, na huwag pansinin ng aking panginoon itong lalaking si Nabal na may masamang ugali, sapagkat kung ano ang kanyang pangalan ay gayon siya. Nabal ang kanyang pangalan, at ang kahangalan ay nasa kanya; ngunit akong iyong lingkod ay hindi nakakita sa mga kabataang tauhan ng aking panginoon, na iyong sinugo.

26 Ngayon, panginoon ko, habang buháy ang Panginoon, at buháy ang iyong kaluluwa, yamang ikaw ay pinigil ng Panginoon sa pagpapadanak ng dugo, at sa paghihiganti ng iyong sariling kamay, ang iyo nawang mga kaaway at ang mga nagnanais gumawa ng masama sa aking panginoon ay maging gaya ni Nabal.

27 At ngayon, itong kaloob na dinala ng iyong lingkod sa aking panginoon ay ibigay mo sa mga kabataang sumusunod sa aking panginoon.

28 Ipinapakiusap ko sa iyo na patawarin mo ang pagkakasala ng iyong babaing lingkod, sapagkat tiyak na igagawa ng Panginoon ang aking panginoon ng isang sambahayang tiwasay. Ipinaglalaban ng aking panginoon ang mga laban ng Panginoon at ang kasamaan ay hindi matatagpuan sa iyo habang ikaw ay nabubuhay.

29 Kung sinuman ay mag-alsa upang habulin ka at tugisin ang iyong buhay, ang buhay ng aking panginoon ay mabibigkis sa bigkis ng mga nabubuhay sa pag-aaruga ng Panginoon mong Diyos; at ang mga buhay ng iyong mga kaaway ay ihahagis niya na parang mula sa guwang ng isang tirador.

30 At kapag nagawa na ng Panginoon sa aking panginoon ang ayon sa lahat ng mabuti na kanyang sinabi tungkol sa iyo, at kanyang itinalaga ka bilang pinuno ng Israel;

31 ang aking panginoon ay hindi magkakaroon ng dahilan upang malungkot, o pag-uusig ng budhi, dahil sa pagpapadanak ng dugo nang walang dahilan o para sa aking panginoon na siya mismo ang maghiganti. At kapag gumawa ang Panginoon ng mabuti sa aking panginoon, alalahanin mo nga ang iyong babaing lingkod.”

32 Sinabi ni David kay Abigail, “Purihin nawa ang Panginoon, ang Diyos ng Israel, na nagsugo sa iyo sa araw na ito upang salubungin ako!

33 Purihin nawa ang iyong karunungan, at pagpalain ka nawa na pumigil sa akin sa araw na ito sa pagpapadanak ng dugo, at sa paghihiganti ng aking sariling kamay!

34 Sapagkat kung gaano katiyak na buháy ang Panginoon, ang Diyos ng Israel na siyang pumigil sa akin na saktan ka, malibang ikaw ay nagmadali at pumarito upang sumalubong sa akin, tiyak na walang maiiwan kay Nabal sa pagbubukang-liwayway kahit isang batang lalaki.”

35 Pagkatapos ay tinanggap ni David mula sa kamay ni Abigail ang dinala niya para sa kanya; at sinabi ni David sa kanya, “Umahon kang payapa sa iyong bahay; tingnan mo, aking pinakinggan ang iyong tinig at aking ipinagkaloob ang iyong kahilingan.”

Namatay si Nabal

36 Pumunta si Abigail kay Nabal; siya'y nagdaraos ng isang kapistahan sa kanyang bahay na gaya ng pagpipista ng isang hari. Si Nabal ay masayang-masaya sapagkat siya'y lasing na lasing. Kaya't walang sinabing anuman si Abigail[a] sa kanya hanggang sa pagbubukang-liwayway.

37 Kinaumagahan, nang hindi na lasing si Nabal, sinabi ng asawa niya sa kanya ang mga bagay na ito at nagkasakit siya sa puso, at siya'y naging parang isang bato.

38 Pagkaraan ng may sampung araw, sinaktan ng Panginoon si Nabal, at siya'y namatay.

Naging Asawa ni David si Abigail

39 Nang mabalitaan ni David na si Nabal ay patay na, sinabi niya, “Purihin ang Panginoon na siyang naghiganti sa pag-alipustang tinanggap ko sa kamay ni Nabal, at pinigil ang kanyang lingkod sa kasamaan. Ang masamang gawa ni Nabal ay ibinalik ng Panginoon sa kanyang sariling ulo.” Pagkatapos ay nagsugo si David at hinimok si Abigail na maging asawa niya.

40 Nang dumating ang mga lingkod ni David kay Abigail sa Carmel, kanilang sinabi sa kanya, “Sinugo kami ni David sa iyo upang kunin ka na maging asawa niya.”

41 At siya'y tumindig at nagpatirapa sa lupa, at nagsabi, “Ang iyong lingkod ay isang alila na maghuhugas ng mga paa ng mga lingkod ng aking panginoon.”

42 Nagmadali si Abigail, tumindig, at sumakay sa isang asno. Pinaglingkuran siya ng kanyang limang katulong na dalaga. Siya'y sumunod sa mga sugo ni David, at siya'y naging kanyang asawa.

43 Kinuha rin ni David si Ahinoam na taga-Jezreel; at sila'y kapwa naging asawa niya.

44 Ibinigay(A) ni Saul si Mical na kanyang anak, na asawa ni David, kay Palti na anak ni Lais na taga-Galim.

Iniligtas ni David ang Buhay ni Saul

26 At(B) dumating ang mga Zifeo kay Saul sa Gibea, na nagsasabi, “Hindi ba nagtatago si David sa burol ng Hachila, sa tapat ng Jesimon?”[b]

Kaya't tumindig si Saul at lumusong sa ilang ng Zif na kasama ang tatlong libong piling lalaki sa Israel upang hanapin si David sa ilang ng Zif.

At humimpil si Saul sa burol ng Hachila na nasa tabi ng daan sa silangan ng Jesimon. Ngunit si David ay nanatili sa ilang. Nang makita niya na sinusundan siya ni Saul sa ilang,

nagsugo si David ng mga espiya at natiyak na dumating na nga si Saul.

Si David ay pumunta sa dakong pinaghihimpilan ni Saul. Nakita ni David ang lugar na kinaroroonan ni Saul at ni Abner na anak ni Ner, na kapitan ng kanyang hukbo. Si Saul ay nakahiga sa loob ng kampo, at ang mga tauhan ay nakahimpil sa palibot niya.

Nang magkagayo'y nagsalita si David at sinabi kay Ahimelec na Heteo, at kay Abisai na anak ni Zeruia, na kapatid ni Joab, “Sinong sasama sa akin sa paglusong kay Saul sa kampo?” At sinabi ni Abisai, “Ako'y lulusong na kasama mo.”

Kinagabihan, dumating sina David at Abisai sa hukbo. Naroon si Saul na natutulog sa loob ng kampo na ang kanyang sibat ay nakasaksak sa lupa sa kanyang ulunan; si Abner at ang hukbo ay nakahiga sa palibot niya.

Nang magkagayo'y sinabi ni Abisai kay David, “Ibinigay ng Diyos ang iyong kaaway sa iyong kamay sa araw na ito. Ngayo'y hayaan mong tuhugin ko siya ng sibat sa lupa sa isang saksak, at hindi ko siya uulusin ng dalawang ulit.”

Ngunit sinabi ni David kay Abisai, “Huwag mo siyang patayin! Sapagkat sinong maglalapat ng kanyang kamay na hindi magkakasala laban sa binuhusan ng langis ng Panginoon?”

10 At sinabi ni David, “Buháy ang Panginoon, ang Panginoon ang papatay sa kanya o darating ang kanyang araw upang mamatay o siya'y lulusong sa labanan at mapapahamak.

11 Huwag(C) ipahintulot ng Panginoon na lapatan ko ng aking kamay ang binuhusan ng langis ng Panginoon. Ngunit ngayo'y hinihiling ko sa iyo na kunin mo, ang sibat na nasa kanyang ulunan, at ang banga ng tubig, at tayo'y umalis.”

12 Kaya't kinuha ni David ang sibat at ang banga ng tubig sa ulunan ni Saul at sila'y umalis. Walang nakakita o nakaalam man, o nagising man ang sinuman, sapagkat sila'y pawang mga tulog, dahil isang mahimbing na pagkakatulog mula sa Panginoon ang dumating sa kanila.

13 Pagkatapos ay dumaan si David sa kabilang dako, at tumayo sa tuktok ng bundok sa may kalayuan na may malaking pagitan sa kanila.

14 At sumigaw si David sa hukbo at kay Abner na anak ni Ner, “Hindi ka ba sasagot, Abner?” Nang magkagayo'y sumagot si Abner at nagsabi, “Sino kang sumisigaw sa hari?”

15 Sinabi naman ni David kay Abner, “Hindi ka ba lalaki? Sinong gaya mo sa Israel? Bakit hindi mo binantayan ang iyong panginoong hari? Sapagkat pumasok ang isa sa taong-bayan upang patayin ang hari na iyong panginoon.

16 Ang bagay na ito na iyong ginawa ay hindi mabuti. Habang buháy ang Panginoon, kayo'y dapat mamatay, sapagkat hindi ninyo binantayan ang inyong panginoon, ang binuhusan ng langis ng Panginoon. At ngayo'y tingnan ninyo kung saan naroroon ang sibat ng hari at ang banga ng tubig na nasa kanyang ulunan.”

17 Nakilala ni Saul ang tinig ni David at nagsabi, “Ito ba ay tinig mo, anak kong David?” At sinabi ni David, “Tinig ko nga, panginoon ko, O hari.”

18 At kanyang sinabi, “Bakit tinutugis ng aking panginoon ang kanyang lingkod? Sapagkat anong aking ginawa? O anong kasalanan ang nasa aking kamay?

19 Ngayon, pakinggan nawa ng aking panginoong hari ang mga salita ng kanyang lingkod. Kung ang Panginoon ang siyang nag-udyok sa iyo laban sa akin, tumanggap nawa siya ng isang handog. Ngunit kung ang mga anak ng tao, sumpain sila sa harap ng Panginoon, sapagkat sila ang nagpalayas sa akin sa araw na ito upang huwag akong magkaroon ng bahagi sa pamana ng Panginoon, na nagsasabi, ‘Humayo ka, maglingkod ka sa ibang mga diyos.’

20 Kaya't ngayon, huwag ibuhos ang aking dugo sa lupa mula sa harap ng Panginoon; sapagkat lumabas ang hari ng Israel upang humanap ng isang kuto, gaya ng isang humahabol sa isang pugo sa mga bundok.”

21 Pagkatapos ay sinabi ni Saul, “Ako'y nagkasala; bumalik ka, anak kong David sapagkat hindi na ako gagawa ng masama sa iyo, sapagkat ang aking buhay ay mahalaga sa iyong paningin sa araw na ito. Ako'y naging hangal at nakagawa ng napakalaking pagkakamali.”

22 At sumagot si David at nagsabi, “Narito ang sibat, O hari! Papuntahin mo rito ang isa sa mga kabataan at kunin ito.

23 Gagantimpalaan ng Panginoon ang bawat tao sa kanyang katuwiran at sa kanyang katapatan; sapagkat ibinigay ka ng Panginoon sa aking kamay ngayon, at hindi ko inilapat ang aking kamay laban sa binuhusan ng langis ng Panginoon.

24 Kung paanong ang iyong buhay ay napakahalaga sa aking paningin sa araw na ito, nawa'y maging mahalaga ang aking buhay sa paningin ng Panginoon, at nawa'y iligtas niya ako sa lahat ng kapighatian.”

25 Pagkatapos ay sinabi ni Saul kay David, “Pagpalain ka, anak kong David. Gagawa ka ng maraming bagay at magtatagumpay ka sa mga iyon.” Kaya't nagpatuloy si David sa kanyang lakad at si Saul ay bumalik sa kanyang lugar.

Nanirahan si David sa mga Filisteo

27 Sinabi ni David sa kanyang puso, “Balang araw ako'y mamamatay sa kamay ni Saul. Walang higit na mabuti sa akin kundi ang tumakas tungo sa lupain ng mga Filisteo. Si Saul ay mawawalan ng pag-asa na ako'y hanapin pa sa nasasakupan ng Israel; at ako'y makakatakas mula sa kanyang kamay.”

Kaya't si David at ang animnaraang lalaking kasama niya ay umalis at pumunta kay Achis na anak ni Maoch na hari ng Gat.

Nanirahan si David na kasama ni Achis sa Gat, siya at ang kanyang mga tauhan, bawat lalaki at ang kanyang sambahayan, si David at ang kanyang dalawang asawa, si Ahinoam na taga-Jezreel at si Abigail na taga-Carmel na balo ni Nabal.

Nang ibalita kay Saul na si David ay tumakas na patungo sa Gat ay hindi na niya hinanap siyang muli.

At sinabi ni David kay Achis, “Kung ngayo'y nakatagpo ako ng biyaya sa iyong paningin, bigyan nila ako ng isang matitirahan sa isa sa mga bayan sa kabukiran upang ako'y manirahan doon; sapagkat bakit maninirahang kasama mo ang iyong lingkod sa lunsod ng hari?”

Kaya't ibinigay ni Achis sa kanya ang Siclag nang araw na iyon. Kaya't ang Siclag ay naging sakop ng mga hari ng Juda hanggang sa araw na ito.

At ang bilang ng mga araw na tumira si David sa lupain ng mga Filisteo ay isang taon at apat na buwan.

Noon ay umahon si David at ang kanyang mga tauhan at sinalakay ang mga Gesureo, mga Gerzeo, at ang mga Amalekita; sapagkat sila ang mga dating mamamayan sa lupain, sa daang patungo sa Shur, hanggang sa lupain ng Ehipto.

Sinalakay ni David ang lupain, at walang itinirang buháy kahit lalaki o babae man, at tinangay ang mga tupa, baka, asno, kamelyo, at ang mga kasuotan, at bumalik kay Achis.

10 Kapag nagtanong si Achis, “Laban kanino kayo sumalakay ngayon?” ay sasabihin ni David, “Laban sa Negeb ng Juda,” o “laban sa Negeb ng mga Jerameelita,” o “laban sa Negeb ng mga Kineo.”

11 Walang iniligtas na buháy si David kahit lalaki o babae man, upang walang makapagbalita sa Gat, na sinasabi, “Baka sila'y magsumbong laban sa atin, na sabihin, ‘Ganito't ganoon ang ginawa ni David.’” Palaging gayon ang kanyang ginagawa sa buong panahong siya'y nakatira sa lupain ng mga Filisteo.

12 Nagtiwala si Achis kay David, na inaakalang, “Ginawa niya ang kanyang sarili na kasuklamsuklam sa bayang Israel kaya't siya'y magiging lingkod ko magpakailanman.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001