Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 80

Panalangin Upang Muling Ibalik ang Israel

Awit na katha ni Asaf upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Liryo ng Kasunduan”.

80 Pastol(A) ng Israel,
ikaw na nanguna't umakay kay Jose, na tulad sa kawan,
ikiling sa amin ang iyong pandinig, kami ay pakinggan;
    mula sa trono mong may mga kerubin, kami ay tulungan.
Ang iyong pag-ibig iyong ipadama sa angkan ni Efraim, Manases at Benjamin,
    sa taglay mong lakas, kami ay iligtas, sa hirap ay tubusin!

Ibalik mo kami, O Diyos,
    at ipadama mo ang iyong pagmamahal, iligtas mo kami, at sa iyong sinag kami ay tanglawan.

Yahweh, Makapangyarihang Diyos, hanggang kailan ba patatagalin mo ang galit sa amin?
    Hanggang kailan pa diringgin mo kami sa aming dalangin?
Masdan mo nga kami sa tuwi-tuwina'y tinapay ng luha yaong kinakain,
    luha ng hinagpis, ang inihanda mo na aming inumin.
Ang mga bansa sa paligid, hinayaan mong kami ay kutyain,
    iyong pinayagang pagtawanan kami ng kaaway namin.

Ibalik mo kami, O Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat;
    tanglawan mo kami't sa kahabagan mo, kami ay iligtas!
Mula sa Egipto ikaw ay naglabas ng puno ng ubas, saka itinanim
    sa lupang dayuhan, matapos ang tao roo'y palayasin.
Ngunit nilinis mo muna't pinagyaman ang piniling lugar na pagtataniman,
    doon ay nag-ugat, ang buong lupain ay nalaganapan.
10 Nagsanga ang puno, lumagong mabuti at ang kabunduka'y kanyang naliliman,
    mga punong sedar, naliliman pati ng sangang malabay.
11 Hanggang sa ibayo, sa ibayong dagat, ang sangang malabay nito'y nakaabot,
    pati mga ugat humabang mabuti't umabot sa Ilog.
12 Bakit mo sinira? Sinira ang pader, kung kaya napasok nitong dumaraan,
    pinipitas tuloy yaong bunga nitong tanim na naturan.
13 Mga baboy damong nagmula sa gubat, niluluray itong walang pakundangan,
    kinakain ito ng lahat ng hayop na nasa sa parang.

14 Ika'y manumbalik, O Diyos na Dakila!
    Pagmasdan mo kami mula sa itaas,
    at ang punong ito'y muling pagyamanin, at iyong iligtas.
15 Lumapit ka sana, ang puno ng ubas na itinanim mo ay iyong iligtas,
    yaong punong iyon na pinalago mo't iyong pinalakas!

16 Ito ay sinunog, sinunog pa nila ang nasabing puno matapos maputol,
    sa galit mo't poot ay iyong harapin nang sila'y malipol.
17 Ang mga lingkod mo ay iyong ingatan, yamang hinirang mo ay ipagsanggalang,
    iyong palakasin bilang isang bansang makapangyarihan!
18 At kung magkagayon, magbabalik kami't di na magtataksil sa iyo kailanman,
    kami'y pasiglahi't aming pupurihin ang iyong pangalan.
19 Ibalik mo kami, O Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat;
    tanglawan mo kami't sa kahabagan mo, kami ay iligtas!

Isaias 65:17-25

Bagong Langit at Lupa

17 Ang(A) sabi ni Yahweh: “Ako ay lilikha ng isang bagong lupa at bagong langit;
ang mga bakas ng nakaraan ay ganap ng malilimutan.
18 Kaya naman kayo'y dapat na magalak sa aking ginawa,
ang Jerusalem na aking nilikha ay mapupuno ng saya,
    at magiging masaya ang kanyang mamamayan.
19 Ako(B) mismo'y magagalak
    dahil sa Jerusalem at sa kanyang mamamayan.
Doo'y wala nang pagtangis o panaghoy man.
20 Ang mga sanggol ay hindi na mamamatay,
    lahat ng titira roon ay mabubuhay nang matagal.
Ituturing pa rin na isang kabataan ang taong sandaang taon na,
    at ang hindi umabot sa gulang na ito ay ituturing na isinumpa.
21 Magtatayo sila ng mga tahanang kanilang titirhan,
    magtatanim sila ng ubas at sila rin ang aani.
22 Hindi tulad noong una, sa bahay na ginawa'y iba ang tumira.
    Sa tanim na halama'y iba ang nakinabang.
Tulad ng punongkahoy hahaba ang buhay ng aking mga hirang,
    lubos nilang papakinabangan ang kanilang pinagpaguran.
23 Anumang gawaing paghirapan nila'y tiyak na magbubunga,
    at hindi magdaranas ng mga sakuna ang mga anak nila;
pagpapalain ko ang lahi nila,
    at maging ang mga susunod pa.
24 Ang dalangin nila kahit hindi pa tapos ay aking diringgin,
    at ibibigay ko ang kanilang hinihiling.
25 Dito'y(C) magsasalong parang magkapatid, ang asong-gubat at tupa,
    ang leon ay kakain ng damo tulad ng baka.
    At ang ahas naman na ang pagkain ay alabok kahit tapakan mo'y hindi ka mangangamba.
Magiging panatag at wala nang masama sa banal na bundok.
    Sa Bundok ng Zion ay walang makakapinsala o anumang masama.”

Juan 14:18-31

18 “Hindi ko kayo iiwang mga ulila; babalik ako sa inyo. 19 Kaunting panahon na lamang at hindi na ako makikita ng sanlibutang ito. Ngunit ako'y makikita ninyo; sapagkat buháy ako, mabubuhay rin kayo. 20 Sa araw na iyon ay malalaman ninyong ako'y nasa Ama, at kayo nama'y nasa akin at ako'y nasa inyo.

21 “Ang(A) tumatanggap sa mga utos ko at tumutupad sa mga ito ang siyang umiibig sa akin. Ang umiibig sa akin ay iibigin ng aking Ama; iibigin ko rin siya at ako'y lubusang magpapakilala sa kanya.”

22 Tinanong siya ni Judas (hindi si Judas Iscariote), “Panginoon, bakit po sa amin lamang kayo magpapakilala nang lubusan at hindi sa sanlibutan?”

23 Sumagot si Jesus, “Ang umiibig sa akin ay tumutupad ng aking salita; iibigin siya ng aking Ama, at kami'y pupunta at mananahan sa kanya. 24 Ang hindi tumutupad sa aking mga salita ay hindi umiibig sa akin. Ang salitang narinig ninyo ay hindi sa akin, kundi sa Ama na nagsugo sa akin.

25 “Sinabi ko na sa inyo ang mga bagay na ito habang kasama pa ninyo ako. 26 Ngunit ang Patnubay, ang Espiritu Santo na isusugo ng Ama sa pangalan ko, ang siyang magtuturo sa inyo ng lahat ng bagay at magpapaalala ng lahat ng sinabi ko sa inyo.

27 “Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo; hindi ito katulad ng kapayapaang ibinibigay ng mundo. Huwag mabagabag ang inyong kalooban at huwag kayong matakot. 28 Sinabi ko na sa inyo, ‘Ako'y aalis, ngunit ako'y babalik.’ Kung iniibig ninyo ako, ikagagalak ninyo ang pagpunta ko sa Ama, sapagkat higit na dakila ang Ama kaysa sa akin. 29 Sinasabi ko na ito sa inyo bago pa mangyari, upang kung mangyari na ay sumampalataya kayo sa akin. 30 Hindi na magtatagal ang pakikipag-usap ko sa inyo dahil dumarating na ang pinuno ng sanlibutang ito. Wala siyang kapangyarihan sa akin, 31 subalit ginagawa ko ang iniutos sa akin ng Ama upang malaman ng sanlibutang ito na iniibig ko ang Ama. Tayo na! Lumakad na tayo!”