Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 20

Panalangin Upang Magtagumpay

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

20 Pakinggan ka sana ni Yahweh kapag ika'y nagdurusa!
    At ang Diyos ni Jacob ingatan ka sana.
Mula sa Templo, ikaw sana'y kanyang tulungan,
    at mula sa Zion, ikaw ay kanyang alalayan.
Ang handog mo nawa ay kanyang tanggapin,
    at pahalagahan niya ang lahat ng iyong haing susunugin. (Selah)[a]
Nawa'y ipagkaloob niya ang iyong hangarin,
    at sa iyong mga plano, ika'y pagtagumpayin.
Sa pagtatagumpay mo kami ay magbubunyi,
    magpupuri sa Diyos sa aming pagdiriwang.
Ibigay nawa ni Yahweh ang lahat mong kahilingan.

Ngayon ko nalalaman na si Yahweh ang nagbigay, sa pinili niyang hari, ng kanyang tagumpay!
    Siya'y tinutugon niya mula sa kalangitan,
    mga dakilang tagumpay kanyang makakamtan.
Mayroong umaasa sa karwaheng pandigma,
    at mayroon ding sa kabayo nagtitiwala;
    ngunit sa kapangyarihan ni Yahweh na aming Diyos, nananalig kami at umaasang lubos.
Sila'y manghihina at tuluyang babagsak,
    ngunit tayo'y tatayo at mananatiling matatag.

O Yahweh, ang hari'y iyong pagtagumpayin;
    ang aming panawagan, ay iyong sagutin.

Mga Bilang 9:15-23

Natakpan ng Ulap ang Toldang Tipanan(A)

15 Nang maitayo na ang tabernakulo, ito ay natakpan ng ulap. Kung gabi, nagliliwanag itong parang apoy. 16 Ganoon ang palaging nangyayari. Ang Toldang Tipanan ay natatakpan ng ulap kung araw at ang ulap ay nagliliwanag na parang apoy kung gabi. 17 Tuwing aalis ang ulap sa ibabaw ng Toldang Tipanan, ang mga Israelita'y nagpapatuloy ng kanilang paglalakbay. Kung saan ito tumigil, doon sila nagkakampo. 18 Nagpapatuloy sila o tumitigil sa paglalakbay ayon sa palatandaang ito ni Yahweh. Hindi sila lumalakad habang nasa ibabaw pa ng tabernakulo ang ulap. 19 Hindi sila lumalakad kahit na magtagal pa ang ulap sa ibabaw ng tabernakulo. Hinihintay nila ang hudyat ni Yahweh. 20 Kung minsan, ang ulap ay ilang araw na nasa ibabaw ng tabernakulo. Ayon sa kalooban ni Yahweh, sila'y nanatili sa kampo, at ayon din sa kalooban ni Yahweh, sila'y nagpapatuloy sa paglalakbay. 21 Kung minsan, isang gabi lamang ito sa ibabaw ng Toldang Tipanan, at kung minsan nama'y maghapon at magdamag. Kapag pumapaitaas ang ulap, sila'y nagpapatuloy. 22 Kahit tumagal pa ito nang dalawang araw, isang buwan o mahigit pa, hindi sila lumalakad. Nagpapatuloy lamang sila kung pumaitaas na ang ulap sa ibabaw ng tabernakulo. 23 Nagpapatuloy nga sila o tumitigil sa paglalakbay ayon sa palatandaang ibinibigay ni Yahweh.

Pahayag 4:1-8

Pananambahan sa Langit

Pagkatapos kong masaksihan ang mga bagay na ito, nakita ko sa langit ang isang bukás na pinto.

At narinig ko ang tinig na parang tunog ng isang trumpeta, na ang sabi sa akin, “Umakyat ka rito, at ipapakita ko sa iyo kung ano pang mga mangyayari pagkatapos nito.” At(A) agad akong napuspos ng Espiritu, at nakita ko sa langit ang isang trono at ang isang nakaupo roon. Ang anyo niya'y maningning na parang mahahalagang batong jasper at kornalina. May isang bahagharing nagniningning na parang esmeralda sa palibot ng trono. Nakapaligid naman dito ang dalawampu't apat pang trono na sa bawat isa'y may nakaupong matanda na nakadamit ng puti at may koronang ginto sa ulo. Mula(B) sa trono ay gumuguhit ang kidlat, kasabay ng mga ugong at mga kulog. Sa harap ng trono ay may pitong nagniningas na sulo; ito ang pitong espiritu ng Diyos. Sa(C)(D) harap ng trono ay may tila dagat na salamin na sinlinaw ng kristal.

Sa apat na panig ng trono ay may apat na buháy na nilalang, na punung-puno ng mga mata sa kanilang harap at likod. Ang unang buháy na nilalang ay katulad ng leon; katulad naman ng baka ang pangalawa; tulad sa mukha ng tao ang pangatlo; at katulad naman ng agilang lumilipad ang pang-apat. Ang(E) bawat isa ay may tig-aanim na pakpak, at punung-puno ng mga mata sa harap at likod. Walang tigil ang kanilang pag-awit araw at gabi,

“Banal, banal, banal, ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
    na siyang nakaraan, kasalukuyan, at darating.”