Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Tinig ni Yahweh sa Gitna ng Unos
Awit ni David.
29 Purihin(A) ninyo si Yahweh, mga nilikha sa kalangitan,
kilalanin ang kanyang lakas at kanyang kaluwalhatian.
2 Purihin ang kanyang maluwalhating pangalan,
sambahin si Yahweh sa banal na kaayusan.
3 Tinig ni Yahweh'y naririnig sa ibabaw ng dagat,
ang dakilang Diyos ay nagpapakidlat,
umaalingawngaw at naririnig ng lahat.
4 Tinig ni Yahweh'y makapangyarihan,
at punung-puno ng kadakilaan.
5 Maging mga punong sedar ng Lebanon,
sa tinig ni Yahweh, mawawasak ang mga iyon.
6 Parang guyang pinalulundag niya ang mga bundok ng Lebanon,
parang torong pinalulukso niya ang Bundok Hermon.
7 Dahil sa tinig ni Yahweh, kidlat ay gumuguhit.
8 Kapag siya'y nagsalita, disyerto'y nayayanig;
inuuga niya pati ang ilang ng Kades.
9 Sa tinig ni Yahweh, mga usa'y napapaanak,
at nakakalbo pati ang mga gubat,
lahat ng nasa Templo'y sumisigaw, “Ang Diyos ay papurihan!”
10 Si Yahweh'y naghahari sa mga kalaliman,
nakaupo sa trono, bilang hari kailanman.
11 Si Yahweh ang nagbibigay-lakas sa kanyang bayan,
at pinagpapala sila ng mapayapang buhay.
15 Ang lahat ng tao'y mapapahiya,
at ang mayayabang ay pawang ibababa.
16 Ngunit si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, pupurihin siya sa hatol niyang matapat,
at sa pagpapakita ng katuwiran, makikilalang ang Diyos ay Banal.
17 Sa gayon, sa tabi ng mga guho ay manginginain
ang mga tupa at mumunting kambing.
18 Kawawa kayo, mga makasalanan na walang ginawa kundi humabi ng kasinungalingan;
hindi kayo makakawala sa inyong kasamaan.
19 Sinasabi ninyo: “Pagmadaliin natin ang Diyos
upang ating makita ang kanyang pagkilos;
maganap na sana ang plano ng Banal na Diyos ng Israel,
nang ito'y malaman natin.”
20 Kawawa kayo, mga baligtad ang isip!
Ang mabuting gawa ay minamasama,
at minamabuti naman iyong masama,
ang kaliwanaga'y ginagawang kadiliman
at ang kadilima'y itinuturing na kaliwanagan.
Sa lasang mapait ang sabi'y matamis,
sa lasang matamis ang sabi'y mapait.
21 Kawawa rin kayo, mga nag-aakalang kayo'y marurunong,
at matatalino sa inyong sariling palagay!
22 Mga bida sa inuman, kawawa kayo!
Mahuhusay lang kayo sa pagtitimpla ng alak;
23 dahil sa suhol, pinapalaya ang may kasalanan,
at sa taong matuwid ipinagkakait ang katarungan.
24 Kaya kung paanong ang dayami ng trigo at ang tuyong damo ay sinusunog ng apoy,
gayundin ang bulaklak nila'y parang alikabok na papaitaas;
at ang ugat nila'y dagling mabubulok.
Sapagkat tinalikuran nila ang batas ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat,
at ang salita ng Banal na Diyos ng Israel ay kanilang binaliwala.
Ang Pagkapoot ng Sanlibutan
18 “Kung napopoot sa inyo ang sanlibutan, alalahanin ninyong ako muna ang kinapootan nito bago kayo. 19 Kung kayo'y taga-sanlibutan, kayo'y mamahalin nito bilang kanya. Ngunit hindi kayo taga-sanlibutan, kundi pinili ko kayo mula rito, kaya napopoot sa inyo ang sanlibutan. 20 Alalahanin(A) ninyo ang sinabi kong ito: walang aliping higit kaysa kanyang panginoon. Kung ako'y inusig nila, uusigin din nila kayo. Kung sinunod nila ang aking sinabi, susundin rin nila ang inyong sasabihin.
26 “Ngunit pagdating ng Patnubay na susuguin ko mula sa Ama, ang Espiritu ng katotohanan na nagmumula sa Ama, siya ay magpapatotoo tungkol sa akin. 27 At magpapatotoo rin kayo tungkol sa akin, sapagkat kasama na ninyo ako buhat pa sa simula.
by