Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 139:1-6

Lubos ang Kaalaman at Paglingap ng Diyos

Isang Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

139 Ako'y iyong siniyasat, batid mo ang aking buhay,
    ang lahat kong lihim, Yahweh, ay tiyak mong nalalaman.
Ang lahat ng gawain ko, sa iyo ay hindi lingid,
    kahit ikaw ay malayo, batid mo ang aking isip.
Ako'y iyong nakikita, gumagawa o hindi man,
    ang lahat ng gawain ko'y pawang iyong nalalaman.
Di pa ako umiimik, yaong aking sasabihi'y
    alam mo nang lahat iyon, lahat ay di malilihim.
Ika'y laging kapiling ko, katabi ko oras-oras,
    ang likas mong kalakasan ang sa aki'y nag-iingat.
Nagtataka ang sarili't alam mo ang aking buhay,
    di ko kayang unawain iyang iyong karunungan.

Mga Awit 139:13-18

13 Ang anumang aking sangkap, ikaw, O Diyos, ang lumikha,
    sa tiyan ng aking ina'y hinugis mo akong bata.
14 Pinupuri kita, O Diyos, marapat kang katakutan,
    ang lahat ng gawain mo ay kahanga-hangang tunay;
    sa loob ng aking puso, lahat ito'y nakikintal.
15 Ang buto ko sa katawan noong iyon ay hugisin,
    sa loob ng bahay-bata doo'y iyong napapansin;
lumalaki ako roong sa iyo'y di nalilihim.
16     Ako'y iyong nakita na, hindi pa man isinilang,
batid mo kung ilang taon ang haba ng aking buhay;
    pagkat ito'y nakatitik sa aklat mo na talaan,
    matagal nang balangkas mong ikaw lamang ang may alam.
17 Tunay,(A) Yahweh, di ko kayang maabot ang iyong isip,
    ang dami ng iyong balak ay hindi ko nababatid;
18 kung ito ay bibilangin, ay sindami ng buhangin,
    sasaiyo pa rin ako kung umaga na magising.

1 Samuel 1:19-27

Ipinanganak at Inihandog si Samuel

19 Kinabukasan, maagang-maaga silang sumamba kay Yahweh, at pagkatapos ay umuwi na sa Rama. Sinipingan ni Elkana si Ana, at dininig ni Yahweh ang dalangin nito. 20 Nagbuntis siya at dumating ang araw na siya'y nagsilang ng isang sanggol na lalaki. Samuel[a] ang ipinangalan niya rito sapagkat ang sabi niya, “Hiningi ko siya kay Yahweh.”

21 Pagkalipas ng isang taon, si Elkana at ang kanyang sambahayan ay muling nagpunta sa Shilo upang ialay kay Yahweh ang taunang handog at upang tupdin ang kanyang panata. 22 Sinabi ni Ana kay Elkana, “Hindi na muna ako sasama sa inyo ngayon. Hihintayin ko na ang panahong maaari na siyang mahiwalay sa akin. Paglaki niya, dadalhin ko siya sa bahay ni Yahweh at doon na siya titira sa buong buhay niya.”

23 Sinabi ni Elkana, “Gawin mo kung ano ang inaakala mong mabuti. Hintayin mo na siyang lumaki at tulungan ka nawa ni Yahweh upang matupad ang pangako mo sa kanya.”[b] Kaya naiwan si Ana at inalagaan ang kanyang anak.

24 Nang lumaki na si Samuel, dinala siya ng kanyang ina sa bahay ni Yahweh sa Shilo. Nagdala pa siya ng isang torong tatlong taon,[c] limang salop ng harina at alak na nakalagay sa sisidlang balat. 25 Matapos ihandog ang baka, dinala nila kay Eli ang bata. 26 Sinabi ni Ana, “Kung natatandaan ninyo, ako po ang babaing nakita ninyong nakatayo rito noon at nanalangin kay Yahweh. 27 Hiniling ko sa kanya na ako'y pagkalooban ng anak at binigyan nga niya ako.

Roma 8:31-39

Ang Pag-ibig ng Diyos

31 Ano pa ang masasabi natin tungkol dito? Kung ang Diyos ay panig sa atin, sino ang makakalaban sa atin? 32 Kung ang sarili niyang Anak ay hindi niya ipinagkait, sa halip ay ibinigay para sa ating lahat, hindi kaya niya ibibigay nang masagana sa atin ang lahat ng bagay? 33 Sino ang makakapagharap ng paratang laban sa mga hinirang ng Diyos, gayong ang Diyos ang nagpapawalang-sala sa kanila? 34 Sino ang hahatol upang sila'y parusahan? Si Cristo Jesus ba na namatay, ngunit higit sa lahat ay muling binuhay, at ngayon ay nasa kanan ng Diyos upang mamagitan para sa atin? 35 Sino ang makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ni Cristo? Ang kaguluhan kaya, ang kapighatian, pag-uusig, pagkagutom, kahirapan, panganib, o kamatayan? 36 Ayon(A) sa nasusulat,

“Dahil sa inyo'y buong araw kaming pinapatay,
    turing nila sa amin ay mga tupang kakatayin lamang.”

37 Hindi! Sa lahat ng mga ito, tayo'y lalong higit pang magtatagumpay sa pamamagitan niya na nagmamahal sa atin. 38 Sapagkat natitiyak kong walang makapaghihiwalay sa atin sa kanyang pag-ibig. Kahit ang kamatayan o ang buhay, ang mga anghel o ang mga pamunuan at ang mga kapangyarihan, ang kasalukuyan o ang hinaharap, 39 ang kataasan o ang kalaliman, o alinmang nilalang ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pag-ibig ng Diyos na ipinagkaloob sa atin sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon.