Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 104:24-34

24 Sa daigdig, ikaw, Yahweh, kay rami ng iyong likha!
    Pagkat ikaw ay marunong kaya ito ay nagawa,
    sa dami ng nilikha mo'y nakalatan itong lupa.
25 Nariyan ang mga lawa't malawak na karagatan,
    malalaki't maliliit na isda ay di mabilang.
26 Iba't(A) ibang mga bapor ang dito ay naglalakbay,
    samantalang ang Leviatang[a] nilikha mo'y kaagapay.

27 Lahat sila'y umaasa, sa iyo ay nag-aabang,
    umaasa sa pagkain na kanilang kailangan.
28 Ang anumang kaloob mo ay kanilang tinatanggap,
    mayro'n silang kasiyahan pagkat bukás ang iyong palad.
29 Kapag ika'y lumalayo labis silang nangangamba,
    takot silang mamatay kung lagutin mo ang hininga;
    mauuwi sa alabok, pagkat doon sila mula.
30 Taglay mo ang katangiang buhay nila ay ibalik,
    bagumbuhay ay dulot mo sa nilikha sa daigdig.

31 Sana ang iyong karangala'y manatili kailanman,
    sa lahat ng iyong likha ang madama'y kagalakan.
32 Nanginginig ang nilikha, kapag titig mo sa daigdig,
    ang bundok na hipuin mo'y umuusok, nag-iinit.

33 Aawitan ko si Yahweh, palagi kong aawitan,
    siya'y aking pupurihin habang ako'y nabubuhay.
34 Ang awit ng aking puso sana naman ay kalugdan,
    pagkat ako'y nagagalak, nagpupuri sa Maykapal.

Mga Awit 104:35

35 Ang lahat ng masasama sana'y alisin sa daigdig,
    ang dapat ay lipulin na upang sila ay maalis.

Si Yahweh ay purihin mo, aking kaluluwa!
Purihin si Yahweh!

Ezekiel 37:1-14

Ang Libis na Puno ng Kalansay

37 Nadama ko ang kapangyarihan ni Yahweh at sa pamamagitan ng kanyang Espiritu[a] ay dinala niya ako sa isang libis na puno ng kalansay. Inilibot niya ako sa lugar na puno ng mga kalansay na tuyung-tuyo na. Tinanong niya ako, “Ezekiel, anak ng tao, palagay mo ba ay maaari pang mabuhay ang mga kalansay na ito?”

Sumagot ako, “Kayo po lamang ang nakaaalam, Yahweh.”

Sinabi niya sa akin, “Magpahayag ka sa mga kalansay na ito. Sabihin mo: Mga tuyong kalansay, dinggin ninyo ang salita ni Yahweh. Ito ang ipinapasabi niya: Bibigyan ko kayo ng hininga at kayo'y mabubuhay. Lalagyan ko kayo ng litid at laman, at babalutin ng balat. Bibigyan ko kayo ng hininga at kayo'y mabubuhay. Sa gayon, makikilala ninyong ako si Yahweh.”

Nagpahayag nga ako, tulad ng utos sa akin. Nang ako'y nagsasalita, nagkaroon ng malakas na ugong, at nabuo ang mga kalansay. Nakita kong sila'y nagkaroon ng litid at laman; nabalot sila ng balat ngunit hindi pa humihinga. Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, tawagan mo ang hangin sa lahat ng dako. Sabihin mong ipinapasabi ko: Hangin, hingahan mo ang mga patay na ito upang sila'y mabuhay.” 10 Nagpahayag(A) nga ako at ang hangin ay pumasok sa kanila. Nabuhay nga sila at nang magtayuan, sila'y ubod ng dami, parang isang malaking hukbo.

11 Sinabi sa akin ni Yahweh, “Ezekiel, anak ng tao, ang bansang Israel ay tulad ng mga kalansay na ito. Sinasabi nila, ‘Tuyo na ang aming mga buto, wala na kaming pag-asa. Lubusan na kaming pinabayaan.’ 12 Kaya nga, magpahayag ka. Sabihin mong ipinapasabi ko: Bayan ko, ibubukas ko ang inyong libingan. Ibabangon ko kayo at iuuwi sa inyong bayan. 13 Kung maibukas ko na ang inyong libingan at maibangon ko kayo, makikilala ninyong ako si Yahweh. 14 Hihingahan ko kayo upang kayo'y mabuhay, at ibabalik ko kayo sa inyong sariling bayan. Sa gayon, malalaman ninyo na akong si Yahweh ang nagsabi nito at aking gagawin.”

Juan 20:19-23

Nagpakita si Jesus sa Kanyang mga Alagad(A)

19 Kinagabihan ng araw ding iyon na unang araw ng linggo, habang nakasara ang mga pinto ng bahay na kinaroroonan ng mga alagad dahil sa takot nila sa mga Judio, dumating si Jesus. Tumayo siya sa kalagitnaan nila at sinabi, “Sumainyo ang kapayapaan!” 20 Pagkasabi nito, ipinakita niya ang kanyang mga kamay at ang kanyang tagiliran. Tuwang-tuwa ang mga alagad nang makita nila ang Panginoon. 21 Muling sinabi ni Jesus, “Sumainyo ang kapayapaan! Kung paanong isinugo ako ng Ama, isinusugo ko rin kayo.” 22 Pagkatapos, sila'y hiningahan niya at sinabi, “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo. 23 Kung(B) patatawarin ninyo ang mga kasalanan ninuman ay pinatawad na ang mga iyon, subalit ang hindi ninyo patatawarin ay hindi nga pinatawad.”