Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Tinig ni Yahweh sa Gitna ng Unos
Awit ni David.
29 Purihin(A) ninyo si Yahweh, mga nilikha sa kalangitan,
kilalanin ang kanyang lakas at kanyang kaluwalhatian.
2 Purihin ang kanyang maluwalhating pangalan,
sambahin si Yahweh sa banal na kaayusan.
3 Tinig ni Yahweh'y naririnig sa ibabaw ng dagat,
ang dakilang Diyos ay nagpapakidlat,
umaalingawngaw at naririnig ng lahat.
4 Tinig ni Yahweh'y makapangyarihan,
at punung-puno ng kadakilaan.
5 Maging mga punong sedar ng Lebanon,
sa tinig ni Yahweh, mawawasak ang mga iyon.
6 Parang guyang pinalulundag niya ang mga bundok ng Lebanon,
parang torong pinalulukso niya ang Bundok Hermon.
7 Dahil sa tinig ni Yahweh, kidlat ay gumuguhit.
8 Kapag siya'y nagsalita, disyerto'y nayayanig;
inuuga niya pati ang ilang ng Kades.
9 Sa tinig ni Yahweh, mga usa'y napapaanak,
at nakakalbo pati ang mga gubat,
lahat ng nasa Templo'y sumisigaw, “Ang Diyos ay papurihan!”
10 Si Yahweh'y naghahari sa mga kalaliman,
nakaupo sa trono, bilang hari kailanman.
11 Si Yahweh ang nagbibigay-lakas sa kanyang bayan,
at pinagpapala sila ng mapayapang buhay.
1 Ang(A) aklat na ito ay naglalaman ng pangitain ni Isaias na anak ni Amoz tungkol sa Juda at sa Jerusalem noong panahon ng paghahari sa Juda nina Uzias, Jotam, Ahaz at Hezekias.
Sumbat sa Bayan ng Diyos
2 Makinig ang kalangitan gayundin ang kalupaan,
sapagkat si Yahweh ay nagsasalita,
“Pinalaki ko't inalagaan ang aking mga anak,
ngunit naghimagsik sila laban sa akin.
3 Nakikilala ng baka ang kanyang panginoon,
at ng asno kung saan siya pinapakain ng kanyang amo;
ngunit hindi ako nakikilala ng Israel,
hindi ako nauunawaan ng aking bayan.”
4 Bansang makasalanan,
mga taong puno ng kasamaan,
mga anak ng masasamang tao,
mga anak ng katiwalian!
Itinakwil ninyo si Yahweh,
nilait ang Banal na Diyos ng Israel
at pagkatapos ay tinalikuran ninyo siya.
16 Linisin ninyo ang inyong sarili at magbalik-loob sa akin;
sa aking harapan, kasamaan ninyo'y inyong tigilan.
17 Pag-aralan ninyong gumawa ng makatuwiran;
pairalin ang katarungan;
tulungan ang naaapi;
ipagtanggol ninyo ang mga ulila,
at tulungan ang mga biyuda.
18 “Halikayo at tayo'y magpaliwanagan,” sabi ni Yahweh.
Gaano man kapula ang inyong mga kasalanan,
kayo'y aking papuputiin, tulad ng yelo o bulak.
19 Kung susundin ninyo ang aking sinasabi,
tatamasahin ninyo ang ani ng inyong lupain.
20 Ngunit kung susuway kayo at maghihimagsik,
tiyak na kayo'y mamamatay.
Ito ang mensahe ni Yahweh.
Pamumuhay Ayon sa Espiritu
8 Kaya nga, wala nang kahatulang parusa sa mga taong nakipag-isa na kay Cristo Jesus. 2 Sa pamamagitan ng kautusan ng Espiritung nagbibigay-buhay dahil sa pakikiisa natin kay Cristo-Jesus, pinalaya na ako[a] mula sa kautusan ng kasalanan at kamatayan. 3 Ginawa ng Diyos ang hindi kayang gawin ng Kautusan dahil sa kahinaan ng tao. Isinugo niya ang kanyang sariling Anak sa anyo ng taong makasalanan upang pawiin ang kasalanan. Sa gayon, hinatulan na niya ang kasalanang umaalipin sa tao. 4 Ginawa ito ng Diyos upang ang itinatakda ng Kautusan ay matupad sa atin na namumuhay ayon sa Espiritu at hindi ayon sa hilig ng laman.
5 Ang mga namumuhay ayon sa hilig ng laman ay walang pinapahalagahan kundi ang mga bagay na ukol sa laman; ngunit ang mga namumuhay ayon sa Espiritu ay nagpapahalaga sa mga bagay na espirituwal. 6 Ang pagsunod sa hilig ng laman ay naghahatid sa kamatayan, ngunit ang pagsunod sa Espiritu ay nagdudulot ng buhay at kapayapaan. 7 Kaya nga, kapag itinutuon ng tao ang kanyang pag-iisip sa mga hilig ng laman, siya'y nagiging kaaway ng Diyos sapagkat hindi siya nagpapasakop sa batas ng Diyos, at sadyang hindi niya ito magagawa. 8 At ang nabubuhay ayon sa hilig ng laman ay hindi maaaring kalugdan ng Diyos.
by