Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 115

Awit para sa Iisa at Tunay na Diyos

115 Tanging sa iyo lamang, Yahweh, ang dakilang karangalan,
    hindi namin maaangkin, pagkat ito'y iyo lamang;
    walang kupas iyong pag-ibig, natatanging katapatan.

Ganito ang laging tanong sa amin ng mga bansa:
    “Nasaan ba ang inyong Diyos?” ang palaging winiwika.
Ang Diyos nami'y nasa langit, naroroon ang Diyos namin,
    at ang kanyang ginagawa ay kung ano ang ibigin.
Ginawa(A) sa ginto't pilak ang kanilang mga diyos,
    sa kanila'y mga kamay nitong tao ang nag-ayos.
Totoo nga at may bibig, ngunit hindi makapagsalita,
    at hindi rin makakita, mga matang pinasadya;
di rin naman makarinig ang kanilang mga tainga,
    ni hindi rin makaamoy ang ginawang ilong nila.
Totoo nga na may kamay ngunit walang pakiramdam,
    mga paa'y mayroon din ngunit hindi maihakbang,
    ni wala kang naririnig kahit munting tinig man lang.
Ang gumawa sa kanila at pati ang nagtiwala,
    lahat sila ay katulad ng gayong diyos na ginawa.
Ikaw, bayan ng Israel, kay Yahweh lang magtiwala,
    siya ang inyong sanggalang, kung tumulong laging handa.
10 Kayong mga pari, kay Yahweh ay magtiwala,
    siya ang inyong sanggalang, kung tumulong laging handa.
11 Kay Yahweh ay magtiwala, kayong may takot sa kanya,
    siya ang inyong sanggalang, kung tumulong laging handa.

12 Ang Diyos ay magpapala, hindi tayo lilimutin,
    pagpapala'y matatamo nitong bayan ng Israel;
    pati mga pari'y may pagpapalang kakamtin.
13 Sa(B) lahat ng mayro'ng takot kay Yahweh, lahat mapagpapala,
    kung magpala'y pantay-pantay, sa hamak man o dakila.

14 Sana kayo'y paramihin, kayo at ang inyong angkan,
    anak ninyo ay dumami, lumaki ang inyong bilang.
15 Pagpalain sana kayo, pagpalain kayong lubos,
    pagpalain ng lumikha ng langit at sansinukob.

16 Si Yahweh ang may-ari ng buong sangkalangitan,
    samantalang ang daigdig, sa tao niya ibinigay.
17 Di na siya mapupuri niyong mga taong patay,
    niyong mga nahihimlay sa malamig na libingan.
18 Tayo ngayong nabubuhay ang dapat magpasalamat,
    siya'y dapat na purihin, mula ngayon, hanggang wakas.

Purihin si Yahweh!

Ezra 9:5-15

Nang oras na ng pag-aalay ng panggabing handog, tumayo ako sa aking pagdadalamhati na suot pa rin ang aking sirang damit. Lumuhod ako at nanalanging nakataas ang mga kamay kay Yahweh na aking Diyos. Sinabi ko sa kanya, “O Diyos, wala po akong mukhang maiharap sa inyo, sapagkat ang aming kasamaan ay patung-patong na at ngayo'y lampas na sa aming mga ulo. Ang aming kasalanan ay abot na sa langit. Mula pa sa panahon ng aming mga ninuno hanggang ngayon, kami po na inyong bayan ay lubog na sa kasalanan. Dahil po sa aming mga kasalanan, kami—pati ang aming mga hari at mga pari—ay pinabayaan ninyong madaig at masakop ng mga hari ng ibang mga lupain. Pinagpapatay nila kami, binihag, at pinagnakawan. Ganap ang pagyurak na nangyari sa amin maging hanggang sa kasalukuyan. Gayunman, Yahweh na aming Diyos, pinakitaan pa rin ninyo kami ng kagandahang-loob maging ito ma'y sa isang maikling panahon lamang. Ilang tao ang pinalaya ninyo mula sa pagkaalipin at ligtas na pinatira sa banal na dakong ito upang bigyan ninyo ng bagong pag-asa at buhay. Kami po'y mga alipin ngunit hindi ninyo pinabayaan sa pagkaalipin. Sa halip, ipinakita ninyo ang inyong tapat na pag-ibig nang inudyukan ninyo ang mga hari ng Persia na sumang-ayon sa amin at pahintulutan kaming mamuhay at muling itayo ang Templo na noo'y wasak na wasak. Iningatan din ninyo kami sa Juda at sa Jerusalem.

10 “Ngunit ngayon, O aming Diyos, ano pa ang masasabi namin pagkatapos ng lahat ng ito? Muli naming sinuway ang inyong mga utos 11 na sa ami'y ibinigay ninyo sa pamamagitan ng mga lingkod ninyong propeta. Sinabi nila sa amin na ang lupaing aming papasukin at aariin ay isang maruming lupain sapagkat ang mga nakatira rito ay punung-puno ng mga gawaing karumal-dumal. 12 Sinabi(A) rin nila sa amin na kailanma'y huwag kaming mag-aasawa sa mga iyon at huwag din naming tulungang umunlad ang kanilang kabuhayan, kung gusto naming pakinabangan ang mga pagpapala sa lupaing iyon at maipamana namin ito sa aming mga susunod na salinlahi magpakailanman. 13 Kahit naranasan na namin ang inyong parusa dahil sa aming mga kasalanan at kamalian, alam namin, O aming Diyos, na ang parusang iginawad ninyo sa amin ay kulang pa sa dapat naming tanggapin; sa halip, pinahintulutan pa ninyo kaming mabuhay. 14 Muli ba naming susuwayin ang inyong mga utos at makikipag-asawa kami sa mga taong ito na kasuklam-suklam ang mga gawain? Kung gagawin namin ito'y labis kayong mapopoot sa amin at wawasakin ninyo kami hanggang sa maubos. 15 O Yahweh, Diyos ng Israel, kayo ay makatarungan, subalit niloob ninyong may matira sa aming lahi. Inaamin po namin ang aming kasalanan sa inyo at wala po kaming karapatang humarap sa inyo dahil dito.”

Juan 16:16-24

Kalungkutang Magiging Kagalakan

16 “Kaunting panahon na lamang at hindi na ninyo ako makikita, at pagkaraan ng kaunti pang panahon, ako'y inyong makikitang muli.”

17 Nag-usap-usap ang ilan sa kanyang mga alagad, “Ano kaya ang ibig niyang sabihin na kaunting panahon na lamang at hindi na natin siya makikita, at pagkaraan ng kaunti pang panahon ay makikita natin siyang muli? Sinabi pa niya, ‘Sapagkat ako'y pupunta sa Ama.’ 18 Ano kaya ang kahulugan ng, ‘kaunting panahon na lamang’? Hindi natin maunawaan ang kanyang sinasabi!”

19 Alam ni Jesus na ibig nilang magtanong, kaya't sinabi niya, “Nagtatanungan kayo tungkol sa sinabi kong ‘kaunting panahon na lamang at hindi na ninyo ako makikita, at pagkaraan ng kaunti pang panahon, ako'y makikita ninyong muli.’ 20 Pakatandaan ninyo: iiyak kayo at tatangis, ngunit magagalak ang sanlibutan. Labis kayong malulungkot, subalit ang inyong kalungkutan ay mapapalitan ng kagalakan.

21 “Kapag manganganak na ang isang babae, siya'y nalulungkot sapagkat dumating na ang oras ng kanyang paghihirap. Ngunit pagkapanganak niya, nakakalimutan na niya ang kanyang paghihirap; sapagkat nagagalak siya dahil sa pagsilang ng isang sanggol sa sanlibutan.

22 “Gayundin naman, nalulungkot kayo ngayon, ngunit muli ko kayong makikita, at mag-uumapaw sa inyong puso ang kagalakang hindi maaagaw ninuman. 23 Sa araw na iyon, hindi na ninyo kailangang humingi sa akin. Pakatandaan ninyo: anumang hingin ninyo sa Ama sa aking pangalan ay ibibigay niya sa inyo. 24 Hanggang ngayo'y wala pa kayong hinihingi sa kanya sa aking pangalan. Humingi kayo, at kayo'y tatanggap upang malubos ang inyong kagalakan.”