Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 115

Awit para sa Iisa at Tunay na Diyos

115 Tanging sa iyo lamang, Yahweh, ang dakilang karangalan,
    hindi namin maaangkin, pagkat ito'y iyo lamang;
    walang kupas iyong pag-ibig, natatanging katapatan.

Ganito ang laging tanong sa amin ng mga bansa:
    “Nasaan ba ang inyong Diyos?” ang palaging winiwika.
Ang Diyos nami'y nasa langit, naroroon ang Diyos namin,
    at ang kanyang ginagawa ay kung ano ang ibigin.
Ginawa(A) sa ginto't pilak ang kanilang mga diyos,
    sa kanila'y mga kamay nitong tao ang nag-ayos.
Totoo nga at may bibig, ngunit hindi makapagsalita,
    at hindi rin makakita, mga matang pinasadya;
di rin naman makarinig ang kanilang mga tainga,
    ni hindi rin makaamoy ang ginawang ilong nila.
Totoo nga na may kamay ngunit walang pakiramdam,
    mga paa'y mayroon din ngunit hindi maihakbang,
    ni wala kang naririnig kahit munting tinig man lang.
Ang gumawa sa kanila at pati ang nagtiwala,
    lahat sila ay katulad ng gayong diyos na ginawa.
Ikaw, bayan ng Israel, kay Yahweh lang magtiwala,
    siya ang inyong sanggalang, kung tumulong laging handa.
10 Kayong mga pari, kay Yahweh ay magtiwala,
    siya ang inyong sanggalang, kung tumulong laging handa.
11 Kay Yahweh ay magtiwala, kayong may takot sa kanya,
    siya ang inyong sanggalang, kung tumulong laging handa.

12 Ang Diyos ay magpapala, hindi tayo lilimutin,
    pagpapala'y matatamo nitong bayan ng Israel;
    pati mga pari'y may pagpapalang kakamtin.
13 Sa(B) lahat ng mayro'ng takot kay Yahweh, lahat mapagpapala,
    kung magpala'y pantay-pantay, sa hamak man o dakila.

14 Sana kayo'y paramihin, kayo at ang inyong angkan,
    anak ninyo ay dumami, lumaki ang inyong bilang.
15 Pagpalain sana kayo, pagpalain kayong lubos,
    pagpalain ng lumikha ng langit at sansinukob.

16 Si Yahweh ang may-ari ng buong sangkalangitan,
    samantalang ang daigdig, sa tao niya ibinigay.
17 Di na siya mapupuri niyong mga taong patay,
    niyong mga nahihimlay sa malamig na libingan.
18 Tayo ngayong nabubuhay ang dapat magpasalamat,
    siya'y dapat na purihin, mula ngayon, hanggang wakas.

Purihin si Yahweh!

Exodo 28:29-38

29 “Kaya, pagpasok ni Aaron sa Dakong Banal na suot ang pektoral, dala niya, sa tapat ng kanyang puso, ang pangalan ng mga lipi ng Israel upang sila'y maalala ni Yahweh. 30 Ilalagay(A) naman sa pektoral ang Urim at Tumim upang ito'y nasa tapat din ng puso ni Aaron pagharap niya kay Yahweh. Tuwing siya'y haharap kay Yahweh, dala niya sa tapat ng kanyang puso ang kagamitan sa pag-alam ng kalooban ko para sa Israel.

Ang Iba pang Kasuotan ng Pari(B)

31 “Gumawa rin kayo ng damit na ilalagay sa ilalim ng efod. Ito'y yari sa telang kulay asul. 32 Lalagyan ito ng butas sa suotan ng ulo at lalagyan ng tupi ang paligid ng butas tulad ng karaniwang baro, upang hindi matastas. 33 Gagawa(C) ka ng palawit na parang bunga ng punong granada na yari sa lanang kulay asul, kulay ube at kulay pula, at ikakabit mo sa laylayan. Pagkatapos, lagyan mo ng kampanilyang ginto ang pagitan ng mga palawit. 34 Ang magiging ayos nito ay isang hanay ng magkasalit na kampanilya at palawit sa buong laylayan. 35 Ito'y isusuot ni Aaron tuwing gaganap ng tungkulin bilang pari upang marinig ang tunog ng kampanilya tuwing siya'y papasok at lalabas sa Dakong Banal ni Yahweh. Sa gayon, hindi siya mamamatay.

36 “Gumawa ka rin ng isang palamuting ginto na may nakaukit na ganito: ‘Inilaan kay Yahweh.’ 37 Itali mo ito ng asul na lubid sa turbante, 38 sa tapat ng noo ni Aaron; siya ang magdadala ng anumang pagkukulang ng mga Israelita sa kanilang paghahandog kay Yahweh. Sa gayo'y magiging kalugud-lugod sa kanya ang kanilang mga handog.

Filipos 1:3-11

Ang Panalangin ni Pablo para sa mga Taga-Filipos

Nagpapasalamat ako sa aking Diyos tuwing naaalala ko kayo. Ako'y nagagalak tuwing ako'y nananalangin para sa inyong lahat, dahil sa inyong pakikiisa sa pagpapalaganap ng Magandang Balita tungkol kay Cristo, mula nang ito'y inyong tanggapin hanggang sa kasalukuyan. Natitiyak kong ang mabuting gawang pinasimulan sa inyo ng Diyos ay kanyang lulubusin hanggang sa Araw ni Jesu-Cristo.

Kayo'y laging nasa aking puso, kaya dapat lang na pahalagahan ko kayo nang ganito. Magkasama tayong tumanggap ng pagpapala ng Diyos, noon pa man nang ako'y malayang nagtatanggol at nagpapalaganap ng Magandang Balita at kahit ngayong ako'y nakabilanggo. Saksi ko ang Diyos na ang pananabik ko sa inyong lahat ay kagaya ng pagmamahal sa inyo ni Jesu-Cristo.

Idinadalangin ko sa Diyos na ang inyong pag-ibig ay patuloy na sumagana at masangkapan ng malinaw na kaalaman at pagkaunawa, 10 upang mapili ninyo ang pinakamahalaga sa lahat. Sa gayon, sa Araw ni Cristo ay matagpuan kayong malinis, walang kapintasan, 11 at sagana sa magagandang katangiang kaloob sa inyo ni Jesu-Cristo, sa ikararangal at ikadadakila ng Diyos.