Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Si Yahweh ang Hari ng Buong Mundo
98 Kumanta ng bagong awit at kay Yahweh ay ialay,
pagkat mga ginawa niya ay kahanga-hangang tunay!
Sa sariling lakas niya at kabanalan niyang taglay,
walang hirap na natamo itong hangad na tagumpay.
2 Ang tagumpay ni Yahweh, siya na rin ang naghayag,
sa harap ng mga bansa'y nahayag ang pagliligtas.
3 Ang pangako sa Israel lubos niyang tinutupad,
tapat siya sa kanila at ang pag-ibig ay wagas.
Ang tagumpay ng ating Diyos kahit saan ay nahayag!
4 Magkaingay na may galak, lahat ng nasa daigdig;
si Yahweh ay buong galak na purihin sa pag-awit!
5 Sa saliw ng mga lira kayong lahat ay umawit,
at si Yahweh ay purihin sa ating mga tugtugin.
6 Tugtugin din ang trumpeta na kasaliw ang tambuli,
magkaingay sa harapan ni Yahweh na ating Hari.
7 Mag-ingay ka, karagatan, at lahat ng lumalangoy,
umawit ang buong mundo at lahat ng naroroon.
8 Umugong sa palakpakan pati yaong karagatan;
umawit ding nagagalak ang lahat ng kabundukan.
9 Si Yahweh ay dumarating, maghahari sa daigdig;
taglay niya'y katarungan at paghatol na matuwid.
44 Ito nga ang inawit nina Moises at Josue sa harapan ng mga Israelita. 45 Pagkatapos bigkasin ni Moises ang lahat ng ito sa harap ng buong bayan ng Israel, 46 sinabi niya, “Itanim ninyo sa isip ang mga salitang narinig ninyo sa akin ngayon. Ituro ninyo sa inyong mga anak, upang masunod nilang mabuti ang buong kautusan. 47 Mahalaga ang mga salitang ito sapagkat dito nakasalalay ang inyong buhay. Kung susundin ninyong mabuti, mabubuhay kayo nang matagal sa lupaing sasakupin ninyo sa kabila ng Jordan.”
42 Kaya't(A) pinalapit sila ni Jesus at sinabi, “Alam ninyo na ang mga itinuturing na pinuno ng mga Hentil ay namumuno bilang mga panginoon sa kanila, at ang kagustuhan ng mga nasa kapangyarihan ang siyang nasusunod. 43 Ngunit(B) hindi ganyan ang dapat umiral sa inyo. Sa halip, ang sinuman sa inyo na nais maging dakila ay dapat maging lingkod ninyo, 44 at ang sinumang nais maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat. 45 Sapagkat ang Anak ng Tao ay naparito hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at upang mag-alay ng kanyang buhay para sa ikatutubos ng marami.”
by