Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Pagtawag kay Isaias Upang Maging Propeta
6 Noong(A) taon na mamatay si Haring Uzias, nakita ko si Yahweh na nakaupo sa isang napakataas na trono. Ang laylayan ng kanyang kasuotan ay nakalatag sa buong Templo. 2 May mga serapin sa kanyang ulunan, at ang bawat isa'y may anim na pakpak: dalawa ang nakatakip sa mukha, dalawa sa mga paa, at dalawa ang ginagamit sa paglipad. 3 Sinasabi(B) nila sa isa't isa ang ganito:
“Banal, banal, banal si Yahweh na Makapangyarihan sa lahat!
Ang buong daigdig ay puspos ng kanyang kaluwalhatian.”
4 Sa(C) lakas ng kanilang tinig ay nayanig ang mga pundasyon ng Templo at ang loob nito'y napuno ng usok. 5 Sinabi ko, “Kawawa ako sapagkat ako ay isang makasalanan at mula sa isang lahing makasalanan. Mapapahamak ako sapagkat nakita ko ang Hari, si Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat!”
6 Pagkatapos, may isang seraping sumipit ng baga mula sa altar, at lumipad patungo sa akin. 7 Idinampi niya ang baga sa aking mga labi, at sinabi: “Ngayong naidampi na ito sa iyong mga labi, pinatawad ka na at nilinis na ang iyong mga kasalanan.” 8 At narinig ko ang tinig ni Yahweh na nagsasabi, “Sino ang aking ipadadala? Sino ang magpapahayag para sa atin?” Sumagot ako, “Narito po ako; ako ang inyong isugo!”
Ang Tinig ni Yahweh sa Gitna ng Unos
Awit ni David.
29 Purihin(A) ninyo si Yahweh, mga nilikha sa kalangitan,
kilalanin ang kanyang lakas at kanyang kaluwalhatian.
2 Purihin ang kanyang maluwalhating pangalan,
sambahin si Yahweh sa banal na kaayusan.
3 Tinig ni Yahweh'y naririnig sa ibabaw ng dagat,
ang dakilang Diyos ay nagpapakidlat,
umaalingawngaw at naririnig ng lahat.
4 Tinig ni Yahweh'y makapangyarihan,
at punung-puno ng kadakilaan.
5 Maging mga punong sedar ng Lebanon,
sa tinig ni Yahweh, mawawasak ang mga iyon.
6 Parang guyang pinalulundag niya ang mga bundok ng Lebanon,
parang torong pinalulukso niya ang Bundok Hermon.
7 Dahil sa tinig ni Yahweh, kidlat ay gumuguhit.
8 Kapag siya'y nagsalita, disyerto'y nayayanig;
inuuga niya pati ang ilang ng Kades.
9 Sa tinig ni Yahweh, mga usa'y napapaanak,
at nakakalbo pati ang mga gubat,
lahat ng nasa Templo'y sumisigaw, “Ang Diyos ay papurihan!”
10 Si Yahweh'y naghahari sa mga kalaliman,
nakaupo sa trono, bilang hari kailanman.
11 Si Yahweh ang nagbibigay-lakas sa kanyang bayan,
at pinagpapala sila ng mapayapang buhay.
12 Mga kapatid, wala tayong pananagutang sundin ang mga hilig ng laman upang mamuhay ayon sa katawang makalaman. 13 Sapagkat mamamatay kayo kung namumuhay kayo ayon sa katawang makalaman, ngunit kung pinapatay ninyo sa pamamagitan ng Espiritu ang mga gawa ng katawang makalaman, mabubuhay kayo. 14 Ang lahat ng pinapatnubayan ng Espiritu ng Diyos ay mga anak ng Diyos. 15 Sapagkat(A)(B) hindi espiritu ng pagkaalipin ang inyong tinanggap upang kayo'y mamuhay sa takot. Sa halip, ang inyong tinanggap ay ang Espiritu ng pagkupkop upang kayo'y gawing mga anak ng Diyos, kaya tayo'y tumatawag sa kanya ng, “Ama, Ama ko!” 16 Ang Espiritu ang nagpapatotoo, kasama ng ating espiritu, na tayo'y mga anak ng Diyos. 17 At yamang mga anak, tayo'y mga tagapagmana ng Diyos at kasamang tagapagmana ni Cristo. Sapagkat kung tayo'y kasama niya sa pagtitiis, tayo'y makakasama niya sa kanyang kaluwalhatian.
Si Jesus at si Nicodemo
3 May isang Pariseo na nagngangalang Nicodemo na pinuno ng mga Judio. 2 Isang gabi, pumunta siya kay Jesus at sinabi, “Rabi, nalalaman po naming kayo'y isang tagapagturong mula sa Diyos, sapagkat walang makakagawa ng mga himalang ginagawa ninyo kung wala sa inyo ang Diyos.”
3 Sumagot si Jesus, “Tandaan mo ang sinasabi kong ito: malibang ipanganak na muli[a] ang isang tao, hindi niya makikita ang paghahari ng Diyos.”
4 “Paanong maipapanganak pang muli ang isang taong matanda na? Makakapasok pa ba siya sa sinapupunan ng kanyang ina para muling ipanganak?” tanong ni Nicodemo.
5 Sagot naman ni Jesus, “Tandaan mo ang sinasabi kong ito: malibang ang isang tao ay ipanganak sa pamamagitan ng tubig at ng Espiritu, hindi siya makakapasok sa kaharian ng Diyos. 6 Ang taong ipinanganak sa laman ay laman, at ang ipinanganak sa Espiritu ay espiritu. 7 Huwag kang magtaka sa sinabi ko sa iyo, ‘kayong lahat ay kailangang ipanganak na muli.’[b] 8 Umiihip ang hangin[c] kung saan nito nais at naririnig mo ang ugong nito, ngunit hindi mo alam kung saan ito nanggagaling at kung saan pupunta. Ganoon din ang bawat ipinanganak sa Espiritu.”
9 “Paano po mangyayari iyon?” tanong ni Nicodemo.
10 Sumagot si Jesus, “Guro ka pa naman sa Israel, hindi mo nauunawaan ang mga bagay na ito? 11 Pakatandaan mo: ang sinasabi namin ay nalalaman namin, at ang pinapatotohanan namin ay nasaksihan namin, subalit hindi ninyo tinatanggap ang aming patotoo. 12 Kung(A) hindi ninyo pinaniniwalaan ang mga sinasabi ko tungkol sa mga bagay dito sa mundo, paano pa ninyo mapapaniwalaan ang sasabihin ko tungkol sa mga bagay doon sa langit? 13 Wala(B) pang sinumang umakyat sa langit kundi ang bumabâ mula sa langit, ang Anak ng Tao.”
14 At(C) kung paanong itinaas ni Moises ang tansong ahas doon sa ilang, gayundin naman, kailangang itaas ang Anak ng Tao, 15 upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan. 16 Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya't ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan. 17 Isinugo ng Diyos ang kanyang Anak, hindi upang hatulan ng parusa ang sanlibutan, kundi upang iligtas ito sa pamamagitan niya.
by