Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 104:24-34

24 Sa daigdig, ikaw, Yahweh, kay rami ng iyong likha!
    Pagkat ikaw ay marunong kaya ito ay nagawa,
    sa dami ng nilikha mo'y nakalatan itong lupa.
25 Nariyan ang mga lawa't malawak na karagatan,
    malalaki't maliliit na isda ay di mabilang.
26 Iba't(A) ibang mga bapor ang dito ay naglalakbay,
    samantalang ang Leviatang[a] nilikha mo'y kaagapay.

27 Lahat sila'y umaasa, sa iyo ay nag-aabang,
    umaasa sa pagkain na kanilang kailangan.
28 Ang anumang kaloob mo ay kanilang tinatanggap,
    mayro'n silang kasiyahan pagkat bukás ang iyong palad.
29 Kapag ika'y lumalayo labis silang nangangamba,
    takot silang mamatay kung lagutin mo ang hininga;
    mauuwi sa alabok, pagkat doon sila mula.
30 Taglay mo ang katangiang buhay nila ay ibalik,
    bagumbuhay ay dulot mo sa nilikha sa daigdig.

31 Sana ang iyong karangala'y manatili kailanman,
    sa lahat ng iyong likha ang madama'y kagalakan.
32 Nanginginig ang nilikha, kapag titig mo sa daigdig,
    ang bundok na hipuin mo'y umuusok, nag-iinit.

33 Aawitan ko si Yahweh, palagi kong aawitan,
    siya'y aking pupurihin habang ako'y nabubuhay.
34 Ang awit ng aking puso sana naman ay kalugdan,
    pagkat ako'y nagagalak, nagpupuri sa Maykapal.

Mga Awit 104:35

35 Ang lahat ng masasama sana'y alisin sa daigdig,
    ang dapat ay lipulin na upang sila ay maalis.

Si Yahweh ay purihin mo, aking kaluluwa!
Purihin si Yahweh!

Joel 2:18-27

Pinanumbalik ng Diyos ang Kasaganaan sa Lupain

18 Pagkatapos, ipinakita niya ang malasakit niya sa lupain,
    at naawa siya sa kanyang bayan.
19 Ganito ang kanyang tugon:
“Bibigyan ko kayo ngayon ng butil, alak at langis,
    upang kayo'y mabusog.
    Hindi na kayo hahamakin ng ibang bansa.
20 Paaalisin ko na ang mga hukbong waring buhat sa hilaga;
    itataboy ko ang iba sa disyerto.
At ang mga pangunahing hanay nila ay itataboy ko naman sa dagat sa silangan;
    sa dagat sa hilaga naman ang nasa hulihan.
    Aalingasaw ang baho ng kanilang mga bangkay.
Lilipulin ko sila dahil sa lahat ng ginawa nila sa inyo.”

21 “Lupain, huwag kayong matakot;
    kayo ay magsaya't lubos na magalak
    dahil sa lahat ng ginawa ni Yahweh para sa inyo.”
22 Mga hayop, huwag kayong matakot,
    luntian na ang mga pastulan.
    Namumunga na ang mga punongkahoy,
    hitik na sa bunga ang igos at ang ubas.

23 “Magalak kayo, mga taga-Zion!
    Matuwa kayo dahil sa ginawa ni Yahweh na inyong Diyos.
    Pinaulan niya nang sapat sa taglagas,
    at gayundin sa taglamig;
    tulad ng dati, uulan din sa tagsibol.
24 Mapupuno ng ani ang mga giikan;
    aapaw ang alak at langis sa mga pisaan.
25 Ibabalik ko ang lahat ng nawala sa inyo
    nang pinsalain ng katakut-takot na balang ang inyong mga pananim.
    Ako ang nagpadala ng hukbong ito laban sa inyo.
26 Magkakaroon kayo ngayon ng saganang pagkain at kayo'y mabubusog.
    Pupurihin ninyo si Yahweh na inyong Diyos,
    na gumawa ng mga kahanga-hangang bagay para sa inyo.
    Hindi na muli pang kukutyain ang aking bayan.
27 Kaya nga malalaman ninyo na ako'y sumasainyo
    at akong si Yahweh lamang ang inyong Diyos.
    Hindi na muling hahamakin ang aking bayan.

1 Corinto 12:4-11

Iba't(A) iba ang mga espirituwal na kaloob, ngunit iisa lamang ang Espiritung nagkakaloob ng mga ito. Iba't iba ang paraan ng paglilingkod, ngunit iisa lamang ang Panginoong pinaglilingkuran. Iba't iba ang mga gawain, ngunit iisa lamang ang Diyos na kumikilos sa mga taong gumagawa ng mga iyon. Para sa ikabubuti ng lahat, ang bawat isa'y binibigyan ng patunay na nagpapakitang nasa kanya ang Espiritu. Ang ilan sa atin ay napagkalooban ng kakayahang magsalita ng mensahe ng karunungan. Ang iba naman ay pinagkalooban ng kaalaman. Subalit iisang Espiritu ang nagkakaloob nito. Ang Espiritu ring iyon ang nagkakaloob sa iba ng pananampalataya sa Diyos, at sa iba'y ang kapangyarihang magpagaling sa mga maysakit. 10 May pinagkakalooban ng kapangyarihang gumawa ng mga himala; sa iba naman ay kakayahang magpahayag ng mensaheng mula sa Diyos, at sa iba ay kakayahang kumilala kung aling kaloob ang mula sa Espiritu at kung alin ang hindi. May pinagkakalooban ng kakayahang magsalita sa iba't ibang mga wika, at sa iba naman ay ang magpaliwanag ng mga wikang iyon. 11 Ngunit isang Espiritu lamang ang gumagawa ng lahat ng ito at namamahagi ng iba't ibang kaloob sa bawat isa, ayon sa kanyang ipinasya.