Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 115

Awit para sa Iisa at Tunay na Diyos

115 Tanging sa iyo lamang, Yahweh, ang dakilang karangalan,
    hindi namin maaangkin, pagkat ito'y iyo lamang;
    walang kupas iyong pag-ibig, natatanging katapatan.

Ganito ang laging tanong sa amin ng mga bansa:
    “Nasaan ba ang inyong Diyos?” ang palaging winiwika.
Ang Diyos nami'y nasa langit, naroroon ang Diyos namin,
    at ang kanyang ginagawa ay kung ano ang ibigin.
Ginawa(A) sa ginto't pilak ang kanilang mga diyos,
    sa kanila'y mga kamay nitong tao ang nag-ayos.
Totoo nga at may bibig, ngunit hindi makapagsalita,
    at hindi rin makakita, mga matang pinasadya;
di rin naman makarinig ang kanilang mga tainga,
    ni hindi rin makaamoy ang ginawang ilong nila.
Totoo nga na may kamay ngunit walang pakiramdam,
    mga paa'y mayroon din ngunit hindi maihakbang,
    ni wala kang naririnig kahit munting tinig man lang.
Ang gumawa sa kanila at pati ang nagtiwala,
    lahat sila ay katulad ng gayong diyos na ginawa.
Ikaw, bayan ng Israel, kay Yahweh lang magtiwala,
    siya ang inyong sanggalang, kung tumulong laging handa.
10 Kayong mga pari, kay Yahweh ay magtiwala,
    siya ang inyong sanggalang, kung tumulong laging handa.
11 Kay Yahweh ay magtiwala, kayong may takot sa kanya,
    siya ang inyong sanggalang, kung tumulong laging handa.

12 Ang Diyos ay magpapala, hindi tayo lilimutin,
    pagpapala'y matatamo nitong bayan ng Israel;
    pati mga pari'y may pagpapalang kakamtin.
13 Sa(B) lahat ng mayro'ng takot kay Yahweh, lahat mapagpapala,
    kung magpala'y pantay-pantay, sa hamak man o dakila.

14 Sana kayo'y paramihin, kayo at ang inyong angkan,
    anak ninyo ay dumami, lumaki ang inyong bilang.
15 Pagpalain sana kayo, pagpalain kayong lubos,
    pagpalain ng lumikha ng langit at sansinukob.

16 Si Yahweh ang may-ari ng buong sangkalangitan,
    samantalang ang daigdig, sa tao niya ibinigay.
17 Di na siya mapupuri niyong mga taong patay,
    niyong mga nahihimlay sa malamig na libingan.
18 Tayo ngayong nabubuhay ang dapat magpasalamat,
    siya'y dapat na purihin, mula ngayon, hanggang wakas.

Purihin si Yahweh!

Mga Bilang 8:5-22

Ang Pagtatalaga sa mga Levita

Sinabi ni Yahweh kay Moises, “Ibukod mo ang mga Levita at linisin ayon sa Kautusan. Wisikan mo sila ng tubig na panlinis ng kasalanan, paahitan ang buo nilang katawan, at palabhan ang kanilang kasuotan. Pagkatapos, pagdalhin mo sila ng dalawang batang toro; ang isa'y ihahandog na kasama ng handog na pagkaing butil, at ang isa'y handog para sa kapatawaran ng kasalanan. Dalhin mo ang mga Levita sa harap ng Toldang Tipanan at iharap mo sa sambayanang Israel. 10 Samantalang inihaharap mo sila kay Yahweh, ipapatong naman ng mga Israelita ang kanilang mga kamay sa ulo ng mga Levita. 11 Ang mga ito'y iaalay ni Aaron kay Yahweh bilang natatanging handog ng bayang Israel para maglingkod sa akin. 12 Pagkatapos, ipapatong ng mga Levita ang kanilang kamay sa ulo ng mga toro; ang isa'y handog para sa kapatawaran ng kasalanan at ang isa'y handog na susunugin upang sila'y matubos sa kanilang mga kasalanan.

13 “Ilaan mo ang mga Levita sa akin bilang natatanging handog, at ilagay mo sila sa ilalim ng pamamahala ni Aaron at ng mga anak niya. 14 Ganyan mo sila ibubukod mula sa sambayanang Israel at sila'y magiging akin. 15 Pagkatapos mo silang linisin ayon sa Kautusan at maialay kay Yahweh bilang natatanging handog, magsisimula na sila sa paglilingkod sa Toldang Tipanan. 16 Nakalaan sila sa akin bilang kapalit ng mga panganay na lalaki ng Israel. 17 Ang(A) mga panganay ng Israel ay itinalaga kong maging akin nang gabing lipulin ko ang mga panganay ng Egipto. Kaya, sila ay akin, maging tao man o hayop. 18 Pinili ko ang mga Levita bilang kapalit ng mga panganay ng Israel, 19 upang makatulong ni Aaron at ng mga anak nito sa paglilingkod sa Toldang Tipanan sa paghahandog para sa katubusan ng kasalanan ng Israel. Sa ganoong paraan ay mailalayo ang mga Israelita sa panganib na mamatay kapag sila'y lumapit sa santuwaryo.”

20 Ang mga Levita ay itinalaga nga ni Moises, ni Aaron at ng buong Israel, ayon sa utos ni Yahweh. 21 Nilinis ng mga Levita ang kanilang katawan gayundin ang kanilang kasuotan. Itinalaga nga sila ni Aaron, at ginanap ang paghahandog para sa kapatawaran ng kanilang kasalanan. 22 Isinagawang lahat ni Moises ang utos ni Yahweh sa kanya tungkol sa mga Levita. Pagkatapos, ginampanan na nila ang kanilang tungkulin sa loob ng Toldang Tipanan bilang katulong ni Aaron at ng mga anak nito.

Tito 1:1-9

Mula kay Pablo, lingkod[a] ng Diyos at apostol ni Jesu-Cristo.

Sinugo ako upang patibayin ang pananampalataya ng mga hinirang ng Diyos, at upang palawakin ang kanilang kaalaman sa katotohanan tungkol sa pamumuhay na maka-Diyos, at bigyan sila ng pag-asa sa buhay na walang hanggan. Bago pa likhain ang sanlibutan, ang buhay na ito'y ipinangako na ng Diyos na kailanma'y hindi nagsisinungaling. Ipinahayag niya ito sa kanyang salita sa takdang panahon, at ako ang napagkatiwalaang mangaral nito, ayon sa utos ng Diyos na ating Tagapagligtas.

Kay Tito, na tunay kong anak sa iisa nating pananampalataya.

Sumaiyo nawa ang pagpapala at kapayapaang mula sa Diyos Ama at mula sa ating Tagapagligtas na si Cristo Jesus.

Mga Gawain ni Tito sa Creta

Iniwan kita sa Creta upang ayusin mo ang mga bagay na dapat pang ayusin at upang magtalaga ka ng matatandang pinuno ng iglesya sa bawat bayan, ayon sa iniutos ko sa iyo. Italaga(A) mo ang mga taong walang kapintasan; isa lamang ang asawa, at ang mga anak ay mananampalataya, may pagpipigil sa sarili at hindi suwail. Bilang katiwala ng Diyos, kailangang walang kapintasan ang isang tagapangasiwa[b] ng iglesya. Hindi siya dapat mayabang, hindi magagalitin, hindi lasenggo, hindi mapusok o sakim, bukás ang tahanan sa mga panauhin, maibigin sa kabutihan, mahinahon, matuwid, may kabanalan, at marunong magpigil sa sarili. Kailangang matatag siyang nananalig sa mga tunay na aral na natutunan niya, upang ito'y maituro naman niya sa iba at maipakita ang kamalian ng mga sumasalungat dito.