Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 80

Panalangin Upang Muling Ibalik ang Israel

Awit na katha ni Asaf upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa tono ng “Liryo ng Kasunduan”.

80 Pastol(A) ng Israel,
ikaw na nanguna't umakay kay Jose, na tulad sa kawan,
ikiling sa amin ang iyong pandinig, kami ay pakinggan;
    mula sa trono mong may mga kerubin, kami ay tulungan.
Ang iyong pag-ibig iyong ipadama sa angkan ni Efraim, Manases at Benjamin,
    sa taglay mong lakas, kami ay iligtas, sa hirap ay tubusin!

Ibalik mo kami, O Diyos,
    at ipadama mo ang iyong pagmamahal, iligtas mo kami, at sa iyong sinag kami ay tanglawan.

Yahweh, Makapangyarihang Diyos, hanggang kailan ba patatagalin mo ang galit sa amin?
    Hanggang kailan pa diringgin mo kami sa aming dalangin?
Masdan mo nga kami sa tuwi-tuwina'y tinapay ng luha yaong kinakain,
    luha ng hinagpis, ang inihanda mo na aming inumin.
Ang mga bansa sa paligid, hinayaan mong kami ay kutyain,
    iyong pinayagang pagtawanan kami ng kaaway namin.

Ibalik mo kami, O Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat;
    tanglawan mo kami't sa kahabagan mo, kami ay iligtas!
Mula sa Egipto ikaw ay naglabas ng puno ng ubas, saka itinanim
    sa lupang dayuhan, matapos ang tao roo'y palayasin.
Ngunit nilinis mo muna't pinagyaman ang piniling lugar na pagtataniman,
    doon ay nag-ugat, ang buong lupain ay nalaganapan.
10 Nagsanga ang puno, lumagong mabuti at ang kabunduka'y kanyang naliliman,
    mga punong sedar, naliliman pati ng sangang malabay.
11 Hanggang sa ibayo, sa ibayong dagat, ang sangang malabay nito'y nakaabot,
    pati mga ugat humabang mabuti't umabot sa Ilog.
12 Bakit mo sinira? Sinira ang pader, kung kaya napasok nitong dumaraan,
    pinipitas tuloy yaong bunga nitong tanim na naturan.
13 Mga baboy damong nagmula sa gubat, niluluray itong walang pakundangan,
    kinakain ito ng lahat ng hayop na nasa sa parang.

14 Ika'y manumbalik, O Diyos na Dakila!
    Pagmasdan mo kami mula sa itaas,
    at ang punong ito'y muling pagyamanin, at iyong iligtas.
15 Lumapit ka sana, ang puno ng ubas na itinanim mo ay iyong iligtas,
    yaong punong iyon na pinalago mo't iyong pinalakas!

16 Ito ay sinunog, sinunog pa nila ang nasabing puno matapos maputol,
    sa galit mo't poot ay iyong harapin nang sila'y malipol.
17 Ang mga lingkod mo ay iyong ingatan, yamang hinirang mo ay ipagsanggalang,
    iyong palakasin bilang isang bansang makapangyarihan!
18 At kung magkagayon, magbabalik kami't di na magtataksil sa iyo kailanman,
    kami'y pasiglahi't aming pupurihin ang iyong pangalan.
19 Ibalik mo kami, O Yahweh, Diyos na Makapangyarihan sa lahat;
    tanglawan mo kami't sa kahabagan mo, kami ay iligtas!

Isaias 32:9-20

Paghatol at Pagpapanumbalik

Kayong mga babaing pabaya,
    pakinggan ninyo ang aking sasabihin.
10 Pagkalipas ng isang taon
    mabibigo na kayo,
sapagkat wala na kayong mapipitas na bunga ng ubas.
11 Manginig kayo sapagkat matagal kayong nagpabaya
    at nagwalang bahala.
Maghubad kayo ng inyong kasuotan,
    at magsuot ng damit-panluksa.
12 Dagukan ninyo ang inyong dibdib sa kalungkutan
    sapagkat wasak na ang masaganang bukirin at ang mabunga ninyong ubasan.
13 Tinubuan na ito ng mga tinik at dawag.
Tangisan ninyo ang dating masasayang tahanan,
    at lunsod na noo'y puno ng kagalakan.
14 Pati ang palasyo ay pababayaan
    at ang pangunahing-lunsod ay mawawalan ng tao.
Ang mga burol at tore ay guguho;
ang lupain ay magiging tirahan ng maiilap na asno
    at pastulan ng mga tupa.

15 Ngunit minsan pang ibubuhos sa atin ang espiritu ng Diyos.
    Ang disyerto ay magiging matabang lupa
    at ang bukirin ay pag-aanihan nang sagana.
16 Ang katarungan at katuwiran
    ay maghahari sa buong lupain.
17 Ang bunga ng katuwiran ay kapayapaan;
    at ito'y magdudulot ng katahimikan at pagtitiwala magpakailanman.
18 Ang bayan ng Diyos ay mamumuhay sa isang payapa,
    ligtas, at tahimik na pamayanan.
19 Kahit pa umulan ng yelo sa kagubatan
    at mapatag ang kabundukan.
20 Magiging maligaya ang lahat dahil sa saganang tubig para sa mga pananim
    at malawak na pastulan ng mga baka at asno.

Santiago 3:17-18

17 Ngunit ang karunungang mula sa langit, una sa lahat, ay malinis, mapayapa, maamo, mapagbigay, punô ng awa, masaganang namumunga ng mabubuting gawa, hindi nagtatangi at hindi nagkukunwari. 18 Namumunga ng katuwiran ang binhi ng kapayapaang itinatanim ng taong maibigin sa kapayapaan.