Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ng Pagpupuri kay Yahweh
95 Tayo na't lumapit
kay Yahweh na Diyos, siya ay awitan,
ang batong kublihan,
atin ngang handugan, masayang awitan!
2 Tayo na't lumapit,
sa kanyang presensya na may pasalamat,
siya ay purihin,
ng mga awiting may tuwa at galak.
3 Sapagkat si Yahweh,
siya ay dakila't makapangyarihang Diyos,
ang dakilang Haring
higit pa sa sinuman na dinidiyos.
4 Nasa kanyang palad
ang buong daigdig, pati kalaliman;
ang lahat ay kanya
maging ang mataas nating kabundukan.
5 Kanya rin ang dagat
at pati ang lupa na kanyang nilalang.
6 Tayo na't lumapit,
sa kanya'y sumamba at magbigay-galang,
lumuhod sa harap
ni Yahweh na siyang sa ati'y may lalang.
7 Siya(A) (B) ang ating Diyos,
at tayo ang bayan sa kanyang pastulan,
mga tupang kanyang inaalagaan.
At ngayon kanyang salita'y ating pakinggan:
8 “Iyang(C) inyong puso'y
huwag patigasin, tulad ng ginawa
ng inyong magulang
nang nasa Meriba, sa ilang ng Masah.
9 Ako ay tinukso't
doon ay sinubok ng inyong magulang,
bagama't nakita
ang aking ginawang sila'ng nakinabang.
10 Apatnapung taon,
sa inyong ninuno ako ay nagdamdam,
ang aking sinabi,
‘Sila ay suwail, walang pakundangan
at ang mga utos ko'y ayaw nilang sundin!’
11 Kaya't(D) sa galit ko,
ako ay sumumpang hindi sila makakapasok
at makakapagpahinga sa aking piling.”
Pinapunta kay Jesse si Samuel
16 Sinabi ni Yahweh kay Samuel, “Hanggang kailan ka malulungkot para kay Saul? Itinakwil ko na siya bilang hari ng Israel. Ngayo'y magdala ka ng langis at pumunta ka kay Jesse na taga-Bethlehem sapagkat pinili ko upang maging hari ang isa sa kanyang mga anak.”
2 Sumagot si Samuel, “Paano ako pupunta roon? Tiyak na papatayin ako ni Saul kapag nalaman niya ang dahilan ng pagpunta ko roon.”
Sinabi ni Yahweh, “Magdala ka ng isang dumalagang baka at sabihin mong maghahandog ka kay Yahweh. 3 Anyayahan mo si Jesse sa paghahandog at ituturo ko sa iyo kung ano ang gagawin mo at kung sino ang papahiran mo ng langis.”
4 Sinunod ni Samuel ang utos sa kanya ni Yahweh; nagpunta nga siya sa Bethlehem. Siya'y sinalubong ng matatandang pinuno sa lunsod at nanginginig na nagtanong, “Sa ikabubuti ba namin ang inyong pagparito?”
5 “Oo,” sagot niya. “Naparito ako upang maghandog kay Yahweh. Ihanda ninyo ang inyong sarili at sumama kayo sa akin.” Pinahanda rin niya si Jesse at ang mga anak nito, at inanyayahan din sila sa paghahandog.
6 Nang makarating na sila, nakita ni Samuel si Eliab. Pinagmasdan niya ito at sinabi sa sarili, “Ito na nga ang pinili ni Yahweh para maging hari.”
7 Ngunit sinabi sa kanya ni Yahweh, “Huwag mong tingnan ang kanyang taas at kakisigan sapagkat hindi siya ang pinili ko. Si Yahweh'y hindi tumitingin nang katulad ng pagtingin ng tao. Panlabas na anyo ang tinitingnan ng tao ngunit sa puso tumitingin si Yahweh.”
8 Pagkaraan ni Eliab, tinawag ni Jesse si Abinadab at pinaraan din ito sa harapan ni Samuel. Ngunit sinabi ni Samuel, “Hindi rin siya ang pinili ni Yahweh.” 9 Tinawag ni Jesse si Samma, ngunit sinabi rin ni Samuel na hindi ito ang pinili ni Yahweh. 10 Isa-isang tinawag ni Jesse ang pito niyang anak ngunit wala sa kanila ang pinili ni Yahweh. 11 Kaya't tinanong ni Samuel si Jesse, “Mayroon ka pa bang anak na wala rito?”
“Mayroon pang isa; ang bunso na nagpapastol ng mga tupa,” sagot ni Jesse.
Sinabi ni Samuel, “Ipasundo mo siya. Hindi natin sisimulan ang paghahandog hangga't hindi siya dumarating.”
Pinili si David
12 At sinundo nga ang anak na ito ni Jesse. Siya'y makisig na binatilyo, malusog at maganda ang mga mata.
At sinabi ni Yahweh kay Samuel, “Siya ang pinili ko; buhusan mo siya ng langis.” 13 Kinuha ni Samuel ang sungay na sisidlan ng langis, at binuhusan niya si David ng langis sa harapan ng kanyang mga kapatid. At nilukuban si David ng Espiritu[a] ni Yahweh. Mula noon, sumakanya na ang Espiritu[b] ni Yahweh. Pagkatapos, si Samuel ay bumalik naman sa Rama.
Pangangalaga at Pagiging Handa
5 Sa matatandang namumuno sa inyo, nananawagan ako bilang isa ring matandang pinuno ng iglesya na tulad ninyo, bilang saksi sa mga paghihirap ni Cristo at sapagkat makakabahagi ako sa karangalang malapit nang ipahayag. 2 Pangalagaan(A) ninyo ang kawan ng Diyos na ipinagkatiwala sa inyo. Gawin ninyo ito nang maluwag sa loob at hindi napipilitan lamang. [Iyan ang nais ng Diyos].[a] Gampanan ninyo ang inyong tungkulin, hindi dahil sa kabayaran kundi dahil gusto ninyong makapaglingkod, 3 hindi bilang panginoon ng inyong nasasakupan, kundi maging halimbawa kayo sa kawan. 4 At pagparito ng Pinunong Pastol ay tatanggap kayo ng maluwalhating koronang di kukupas kailanman.
5 At(B) kayo namang mga kabataan, pasakop kayo sa matatandang pinuno ng iglesya. At kayong lahat ay magpakumbaba sapagkat, “Sinasalungat ng Diyos ang mapagmataas, ngunit pinagpapala niya ang mababang-loob.”
by