Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 150

Purihin si Yahweh

150 Purihin si Yahweh!

Sa banal na templo, ang Diyos ay awitan,
    purihin sa langit ang lakas na taglay!
Siya ay purihin sa kanyang ginawa,
    siya ay purihin, sapagkat dakila.

Purihin sa tugtog ng mga trumpeta,
    awitan sa saliw ng alpa at lira!
Sa tugtog ng tambol, magsayaw, purihin,
    mga alpa't plauta, lahat ay tugtugin!
Ang Diyos ay purihin sa tugtog ng pompiyang,
    sa lakas ng tugtog siya'y papurihan.
Purihin si Yahweh lahat ng nilalang!

Purihin si Yahweh!

Mga Kawikaan 9:1-6

Ang Karunungan at ang Kahangalan

Gumawa na ng tahanan itong karunungan,
    na itinayo niya sa pitong patibayan.
Nagpatay siya ng hayop, nagtimpla ng inumin,
    ang mesa ay inihanda, punung-puno ng pagkain.
Katulong ay isinugo sa gitna nitong bayan,
    upang lahat ay abutin ng ganitong panawagan:
“Ang kulang sa kaalaman, dito ngayon ay lumapit.”
    Sa mga mangmang ay ganito ang sinambit:
“Halikayo't inyong kainin ang pagkain ko,
    at tunggain ang inuming inilaan ko sa inyo.
Lisanin ang kamangmangan upang kayo ay mabuhay,
    at ang landas ng unawa ang tahakin at daanan.”

Marcos 16:9-10

ANG MAHABANG PAGWAWAKAS NG MAGANDANG BALITA AYON KAY MARCOS[a]

Nagpakita si Jesus kay Maria Magdalena(A)

[Maagang-maaga ng unang araw ng linggo, matapos na siya'y muling mabuhay, si Jesus ay unang nagpakita kay Maria Magdalena. Pitong demonyo ang pinalayas ni Jesus mula sa kanya. 10 Nagpunta si Maria Magdalena sa mga tagasunod ni Jesus upang ibalita sa mga ito ang kanyang nakita. Sila noon ay kasalukuyang nagluluksa at umiiyak. 11 Ngunit ayaw nilang maniwala nang sabihin ni Maria na si Jesus ay buháy at nakita niya.

Nagpakita si Jesus sa Dalawang Alagad(B)

12 Pagkatapos, nagpakita rin si Jesus sa dalawang alagad na naglalakad papuntang bukid, subalit iba ang kanyang anyo noon. 13 Bumalik agad sila at ibinalita sa kanilang mga kasamahan ang nangyari, ngunit ayaw din silang paniwalaan ng mga ito.

Pinagalitan ni Jesus ang Labing-isa(C)

14 Pagkatapos, nagpakita si Jesus sa labing-isang alagad habang kumakain ang mga ito. Sila ay pinagalitan niya dahil sa hindi nila pananalig sa kanya at dahil sa katigasan ng kanilang ulo, dahil ayaw nilang maniwala sa mga nakakita sa kanya pagkatapos na siya'y muling mabuhay.

15 At(D) sinabi ni Jesus sa kanila, “Humayo kayo sa buong mundo at ipangaral ang Magandang Balita sa lahat ng tao. 16 Ang sinumang sumasampalataya at mabautismuhan ay maliligtas, ngunit ang ayaw sumampalataya ay paparusahan. 17 Ang mga sumasampalataya ay bibigyan ng kapangyarihang gumawa ng mga himala: sa pangalan ko'y magpapalayas sila ng mga demonyo at magsasalita ng iba't ibang wika. 18 Hindi sila mapapahamak kahit dumampot sila ng ahas o makainom ng lason; at gagaling ang mga maysakit na papatungan nila ng kamay.”

ANG MAIKLING PAGWAWAKAS NG MAGANDANG BALITA AYON KAY MARCOS[b]

[Pumunta ang mga babae kay Pedro at sa mga kasama niya, at isinalaysay ang lahat ng sinabi ng binatang nasa libingan. 10 Pagkatapos, isinugo ni Jesus ang kanyang mga alagad upang ipangaral sa lahat ng dako ng daigdig ang banal at di lilipas na balita ng walang hanggang kaligtasan.]