Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
25 Ginawa mo'y pupurihin sa dakilang kapulungan,
sa harap ng masunurin, mga lingkod mong hinirang,
ang panata kong handog ay doon ko iaalay.
26 Ang naghihikahos ay sasagana sa pagkain,
mga lumalapit kay Yahweh, siya'y pupurihin.
Maging sagana nawa sila at laging pagpalain!
27 Mga bansa sa lupa'y kay Yahweh magsisibaling,
lahat ng mga lahi'y maaalala siya't sasambahin.
28 Kay Yahweh nauukol ang pamamahala,
naghahari siya sa lahat ng mga bansa.
29 Magsisiluhod lahat ang palalo't mayayabang,
yuyuko sa harap niya, mga taong hahatulan.
30 Mga susunod na salinlahi'y maglilingkod sa kanya,
ang tungkol sa Panginoon ay ipahahayag nila.
31 Maging ang mga di pa isinisilang ay babalitaan,
“Iniligtas ni Yahweh ang kanyang bayan.”
Ang Pangitain tungkol sa Isang Basket ng Prutas
8 Ipinakita naman sa akin ng Panginoong Yahweh ang isang basket ng prutas. 2 Sinabi niya, “Amos, ano ang nakikita mo?” “Isa pong basket ng prutas,” sagot ko. At sinabi sa akin ni Yahweh,
“Dumating na ang wakas[a] ng Israel.
Ang pagpaparusa sa kanila'y di ko na maipagpapaliban pa.
3 At sa araw na iyon, malulungkot na awitin ang maririnig sa palasyo.[b]
May mga bangkay na naghambalang sa labas
at maghahari ang katahimikan.”
Ang Kapahamakan ng Israel
4 Pakinggan ninyo ito, kayong sumisikil sa mga nangangailangan,
at kayong umaapi sa mga dukha.
5 Ang sabi ninyo sa inyong sarili,
“Inip na inip na kaming matapos ang mga araw ng pagdiriwang.
Hindi tuloy namin maipagbili ang aming mga inani.
Kailan ba matatapos ang Sabbath,
para maipagbili namin ang mga trigo?
Tataasan namin ang halaga, gagamit kami ng madayang takalan,
at dadayain namin sa timbang ang mga mamimili.
6 Bibilhin namin upang maging alipin ang mga mahihirap sa halagang isang pilak,
at ang mga nangangailangan ay sa halagang katumbas ng isang pares na sandalyas.
At ipagbibili namin ang ipa ng trigo.”
7 Sumumpa si Yahweh, ang Diyos ng Israel,
“Hindi ko na mapapatawad ang masasama nilang gawa.
Inusig ni Saulo ang Iglesya
8 Sinang-ayunan ni Saulo ang pagpatay kay Esteban.
Nang araw na iyon, nagsimula ang matinding pag-uusig laban sa iglesya sa Jerusalem; at maliban sa mga apostol, ang lahat ng sumasampalataya ay nagkawatak-watak at napunta sa iba't ibang lugar sa lupain ng Judea at Samaria. 2 Si Esteban nama'y inilibing ng mga taong may takot sa Diyos at tinangisan nang gayon na lamang.
3 Samantala,(A) sinikap ni Saulo na wasakin ang iglesya; pinasok niya ang mga bahay-bahay at kanyang kinaladkad at ibinilanggo ang mga sumasampalataya, maging lalaki o babae.
Ipinangaral sa Samaria ang Magandang Balita
4 Ipinangaral ng mga mananampalatayang nagkawatak-watak sa iba't ibang lugar ang Salita saan man sila magpunta. 5 Nagpunta si Felipe sa lungsod[a] ng Samaria at ipinahayag doon ang Cristo. 6 Nang marinig ng mga tao si Felipe at makita ang mga himalang ginawa niya, nakinig silang mabuti sa kanyang sinasabi. 7 Ang masasamang espiritu ay lumabas sa mga taong sinapian nila at sumisigaw habang lumalabas. Maraming lumpo at pilay ang pinagaling 8 kaya't nagkaroon ng malaking kagalakan sa lungsod na iyon.
by