Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 95

Awit ng Pagpupuri kay Yahweh

95 Tayo na't lumapit
    kay Yahweh na Diyos, siya ay awitan,
ang batong kublihan,
atin ngang handugan, masayang awitan!
Tayo na't lumapit,
sa kanyang presensya na may pasalamat,
siya ay purihin,
ng mga awiting may tuwa at galak.
Sapagkat si Yahweh,
siya ay dakila't makapangyarihang Diyos,
ang dakilang Haring
higit pa sa sinuman na dinidiyos.
Nasa kanyang palad
ang buong daigdig, pati kalaliman;
ang lahat ay kanya
maging ang mataas nating kabundukan.
Kanya rin ang dagat
at pati ang lupa na kanyang nilalang.

Tayo na't lumapit,
sa kanya'y sumamba at magbigay-galang,
lumuhod sa harap
ni Yahweh na siyang sa ati'y may lalang.
Siya(A) (B) ang ating Diyos,
at tayo ang bayan sa kanyang pastulan,
mga tupang kanyang inaalagaan.

At ngayon kanyang salita'y ating pakinggan:
“Iyang(C) inyong puso'y
huwag patigasin, tulad ng ginawa
ng inyong magulang
nang nasa Meriba, sa ilang ng Masah.
Ako ay tinukso't
doon ay sinubok ng inyong magulang,
bagama't nakita
ang aking ginawang sila'ng nakinabang.
10 Apatnapung taon,
sa inyong ninuno ako ay nagdamdam,
ang aking sinabi,
‘Sila ay suwail, walang pakundangan
at ang mga utos ko'y ayaw nilang sundin!’
11 Kaya't(D) sa galit ko,
ako ay sumumpang hindi sila makakapasok
at makakapagpahinga sa aking piling.”

1 Cronica 11:1-9

Naging Hari si David(A)

11 Ang buong sambayanang Israel ay nagpunta kay David sa Hebron. “Kami ay dugo ng iyong dugo at laman ng iyong laman,” sabi nila. “Nang panahong hari si Saul, pinangunahan mo ang hukbo ng Israel sa pakikipaglaban, at ibinabalik mo silang muli. Sinabi sa iyo ni Yahweh na iyong Diyos ang ganito: ‘Ikaw ang magiging pastol ng aking bayang Israel. Ikaw ang mamumuno sa kanila.’” Lahat ng pinuno ng Israel ay pumunta sa Hebron, at sa harapan ni Yahweh ay gumawa si David ng kasunduan sa kanila. Binuhusan nila ito ng langis, at itinanghal na hari ng Israel. Kaya't natupad ang sinabi ni Yahweh sa pamamagitan ni Samuel.

Ang(B) Jerusalem na noo'y tinatawag na Jebus ay sinalakay ni Haring David at ng mga Israelita. Ngunit sinabi sa kanya ng mga Jebuseo na hindi siya makakapasok sa lunsod. Gayunman, pumasok din si David at nakuha nito ang kampo ng Zion, kaya't kilala ngayon ang lugar na iyon na Lunsod ni David. Bago nila pinasok ito, sinabi ni David, “Ang unang makapatay ng isang Jebuseo ay gagawin kong pinuno.” Ang unang nangahas umakyat sa kampo ay si Joab na anak ni Zeruias, kaya siya ang ginawang pinakamataas na pinuno ng hukbo. Doon tumira si David sa kampo, kaya tinawag ang lugar na iyon na Lunsod ni David. Pinalawak niya ang lunsod sa palibot nito mula sa Millo, samantalang itinayong muli ni Joab ang ibang bahagi ng lunsod. Lalong tumatag ang paghahari ni David, sapagkat pinapatnubayan siya ni Yahweh, ang Makapangyarihan sa lahat.

Pahayag 7:13-17

13 Tinanong ako ng isa sa matatandang pinuno, “Sino ang mga taong nakadamit ng puti, at saan sila nanggaling?”

14 “Ginoo,(A) kayo po ang nakakaalam,” ang sagot ko.

At sinabi niya sa akin, “Sila ang mga nanggaling sa matinding kapighatian. Nilinis nila at pinaputi ang kanilang damit sa dugo ng Kordero. 15 Iyan ang dahilan kung bakit sila ay nasa harap ng trono ng Diyos at naglilingkod sa kanya sa templo araw at gabi. At ang nakaupo sa trono ang siyang kukupkop sa kanila. 16 Hindi(B) na sila magugutom ni mauuhaw man; hindi na rin sila mabibilad sa araw ni mapapaso ng anumang matinding init, 17 sapagkat(C) ang Korderong nasa gitna ng trono ang magiging pastol nila. Siya ang gagabay sa kanila sa mga bukal ng tubig na nagbibigay-buhay, at papahirin ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata.”