Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ng Pagpupuri
135 Purihin si Yahweh!
Ngalan niya ay purihin kayong mga lingkod niya.
2 Kayong lahat na sa banal niyang templo'y pumapasok
upang doon manambahan sa banal na bahay ng Diyos.
3 Si Yahweh ay papurihan pagkat siya ay mabuti,
ang taglay niyang kabaitan ay marapat sa papuri.
4 Siya rin nga ang pumili kay Jacob na kanyang lingkod,
ang Israel nama'y bansang pinili niya at kinupkop.
5 Nalalaman kong si Yahweh ang Diyos na dakila,
higit siya sa alinmang diyus-diyosang naglipana;
6 anumang nais ni Yahweh sa langit man o sa lupa,
at kahit sa karagatan, ang anumang panukala,
ginaganap niya ito, sa sariling pagkukusa.
7 Nilikha niya itong ulap na laganap sa daigdig,
maging bagyong malalakas na may kidlat na mabilis;
sa kanya rin nagmumula itong hanging umiihip.
8 Pinuksa niya sa Egipto bawat anak na panganay,
maging tao't maging hayop ang panganay ay namatay.
9 Nagpakita siya roon ng gawang kahanga-hanga,
upang kanyang pagdusahin si Farao't kanyang bansa.
10 Marami rin naman siyang winasak na mga bansa,
at maraming mga haring pawang bantog ang pinuksa.
11 Itong haring Amoreo na si Sihon ang pangalan,
at ang haring ang ngala'y Og, isang haring taga-Bashan,
at iba pang mga hari na pinuksa sa Canaan.
12 Ang lupain nila roon ay kinuha at sinamsam,
ibinigay sa Israel, bayang kanyang hinirang.
13 Ang pangalan mo, O Yahweh, ay magpakailanman,
lahat ng nilikha, Yahweh, hindi ka malilimutan.
14 Ikaw nama'y mahahabag sa lahat ng iyong lingkod,
ang alipin ay lalaya sa kanilang pagkagapos.
15 Ang(A) mga diyos ng mga bansa'y gawa sa pilak at ginto,
kamay ng mga tao ang humugis at bumuo.
16 Oo't mayro'n silang bibig, hindi naman maibuka,
mga mata'y mayroon din, hindi naman makakita;
17 mayroon silang mga tainga, ngunit hindi makarinig,
hindi sila humihinga, sa ilong man o sa bibig.
18 Ang gumawa sa kanila, at lahat nang nagtiwala,
matutulad sa idolong sila na rin ang lumikha!
19 Si Yahweh ay papurihan, purihin siya, O Israel,
maging kayong mga pari sa Diyos ay magpuri rin.
20 Si Yahweh ay papurihan, kayong lahat na Levita,
lahat kayong sumasamba ay magpuring sama-sama.
21 Ang Diyos na nasa Zion ay sambahin at purihin,
si Yahweh ay papurihan, sa templo sa Jerusalem.
Purihin si Yahweh!
Awit ng Pagtitiwala kay Yahweh
26 Sa araw na iyo'y ganito ang aawitin sa Juda:
“Matatag na ang ating lunsod;
si Yahweh ang magtatanggol sa atin
at magbibigay ng tagumpay.
2 Buksan ang pintuan,
at hayaang pumasok
ang matuwid na bansa na laging tapat.
3 Binibigyan mo ng lubos na kapayapaan
ang mga may matatag na paninindigan
at sa iyo'y nagtitiwala.
4 Magtiwala kayo kay Yahweh magpakailanman,
sapagkat ang Diyos na si Yahweh ang walang hanggang kublihan.
5 Ibinababâ niya ang mga nasa itaas;
ibinabagsak niya ang lunsod na kanilang tinitirhan;
hanggang maging alabok ang mga pader nito.
6 Ito'y tinapak-tapakan ng mga taong hinamak;
at ginagawang tuntungan ng mahihirap.”
7 Patag ang daan ng taong matuwid,
at ikaw, O Yahweh, ang dito'y pumatag.
8 Sinusunod namin ang mga kautusan mo;
ikaw lamang ang aming inaasahan.
9 Pagsapit ng gabi'y hinahanap-hanap ka ng aking kaluluwa,
nangungulila sa iyo ang aking espiritu.
Kapag hinatulan mo ang mga tao sa daigdig,
malalaman nila kung ano ang matuwid.
10 Kahit mahabag ka sa taong masama,
hindi rin siya matututong mamuhay nang tapat;
kahit na kasama siya ng bayang matuwid,
kadakilaan ni Yahweh ay hindi pa rin mapapansin.
11 Nagbabala(A) ka ng parusa, O Yahweh, ngunit hindi rin nila ito pinansin.
Kaya ipadama mo sa kanila ang nakahandang parusa,
upang makita nila ang pagmamahal mo sa iyong bayan.
12 Ikaw ang nagbibigay sa amin ng kapayapaan,
at anumang nagawa nami'y
dahil sa iyong kalooban.
13 O Yahweh, aming Diyos, may ibang panginoong sa ami'y nanguna,
ngunit ang pangalan mo lamang ang aming kinikilala!
14 Mga patay na sila at hindi na mabubuhay,
sapagkat pinarusahan mo at winasak na ganap,
hindi na sila maaalala kailanman.
15 Pinaunlad mo ang iyong bansa, O Yahweh,
at pinalawak mo rin ang kanyang lupain.
Dahil dito'y karapat-dapat kang parangalan.
Ang Tanong tungkol sa Muling Pagkabuhay(A)
18 May(B) ilang Saduseo na lumapit kay Jesus upang magtanong. Ang mga ito ay nagtuturo na hindi muling mabubuhay ang mga patay. Sinabi nila, 19 “Guro,(C) isinulat po ni Moises para sa atin, ‘Kapag namatay ang isang lalaki at naiwang walang anak ang kanyang asawa, ang kapatid ng lalaki ay dapat pakasal sa biyuda upang magkaanak sila para sa namatay.’ 20 Mayroon pong pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay, subalit siya'y namatay na walang anak. 21 Pinakasalan ng pangalawang kapatid ang biyuda subalit namatay rin ang lalaki na walang anak. Ganoon din ang nangyari sa pangatlo. 22 Isa-isang napangasawa ng babae ang pitong magkakapatid at silang lahat ay namatay na walang anak. Sa kahuli-huliha'y ang babae naman ang namatay. 23 [Kapag binuhay na muli ang mga patay][a] sa araw ng muling pagkabuhay, sino po ba sa pitong magkakapatid ang kikilalaning asawa ng babaing iyon, sapagkat silang lahat ay napangasawa niya?”
24 Sumagot si Jesus, “Maling-mali kayo dahil hindi ninyo nauunawaan ang itinuturo ng Kasulatan at ang kapangyarihan ng Diyos. 25 Sa muling pagkabuhay, ang mga tao'y hindi na mag-aasawa; sila'y magiging katulad na ng mga anghel sa langit. 26 Tungkol(D) naman sa muling pagkabuhay, hindi ba ninyo nabasa sa aklat ni Moises, sa kasaysayan ng nagliliyab na mababang puno, ang sinabi ng Diyos sa kanya? Ito ang sinabi niya, ‘Ako ang Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac, at Diyos ni Jacob.’ 27 Ang Diyos ay hindi Diyos ng mga patay; siya ang Diyos ng mga buháy. Talagang maling-mali kayo!”
by