Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Purihin si Yahweh
150 Purihin si Yahweh!
Sa banal na templo, ang Diyos ay awitan,
purihin sa langit ang lakas na taglay!
2 Siya ay purihin sa kanyang ginawa,
siya ay purihin, sapagkat dakila.
3 Purihin sa tugtog ng mga trumpeta,
awitan sa saliw ng alpa at lira!
4 Sa tugtog ng tambol, magsayaw, purihin,
mga alpa't plauta, lahat ay tugtugin!
5 Ang Diyos ay purihin sa tugtog ng pompiyang,
sa lakas ng tugtog siya'y papurihan.
6 Purihin si Yahweh lahat ng nilalang!
Purihin si Yahweh!
Ang mga Pangako ni Yahweh para sa Israel
30 Kinausap ni Yahweh, ang Diyos ng Israel, si Jeremias, 2 at sinabi: “Isulat mo sa isang aklat ang lahat ng sinabi ko sa iyo. 3 Sapagkat darating na ang panahon na palalayain ko ang aking bayan, ang Israel at ang Juda, at ibabalik ko sila sa lupaing ibinigay ko sa kanilang mga ninuno; ito'y magiging kanila muli.” 4 Ito ang mga sinabi ni Yahweh tungkol sa Israel at sa Juda:
5 “Narinig ko ang sigaw ng isang takot na takot,
ng isang nasindak at walang kapayapaan.
6 Isipin mong mabuti:
Maaari bang manganak ang isang lalaki?
Bakit hawak-hawak ng bawat lalaki ang kanyang tiyan,
tulad ng isang babaing manganganak?
Bakit namumutla ang kanilang mga mukha?
7 Nakakatakot ang araw na iyon.
Wala itong katulad;
ito'y panahon ng paghihirap para kay Jacob,
ngunit siya'y makakaligtas.
8 “Sa araw na iyon,” sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, “babaliin ko ang pamatok sa kanilang mga leeg at kakalagin ko ang kanilang tali; hindi na sila aalipinin ng mga dayuhan. 9 Sa halip, sila'y maglilingkod kay Yahweh na kanilang Diyos, at kay David na kanilang magiging hari.
10 “Ngunit(A) huwag kang matakot, lingkod kong Jacob;
at huwag kang manlupaypay, Israel.
Ililigtas ko kayo, kahit saan kayo naroon;
kahit nasa lupain ng pagkabihag ang inyong mga anak.
Manunumbalik ang payapang pamumuhay ni Jacob,
at siya'y sasagana at wala nang katatakutan.
11 Ako'y sasainyo at ililigtas ko kayo.
Lilipulin ko ang lahat ng bansang pinagkalatan ko sa inyo;
subalit kayo'y hindi malilipol.
Paparusahan ko kayo nang marapat,
ngunit ako'y magiging makatarungan sa inyo.”
10 Dito natin makikilala kung sino ang mga anak ng Diyos at kung sino ang mga anak ng diyablo: ang sinumang hindi gumagawa ng ayon sa kalooban ng Diyos at hindi umiibig sa kanyang kapatid ay hindi anak ng Diyos.
Magmahalan Tayo
11 Ito(A) ang mensaheng narinig na ninyo sa simula pa: magmahalan tayo. 12 Huwag(B) tayong tumulad kay Cain na kampon ng diyablo. Pinaslang niya ang kanyang kapatid. Bakit? Sapagkat masama ang kanyang mga gawa, ngunit matuwid ang mga gawa ng kanyang kapatid.
13 Kaya, mga kapatid, huwag kayong magtaka kung kinapopootan kayo ng sanlibutan. 14 Nalalaman(C) nating lumipat na tayo sa buhay mula sa kamatayan, sapagkat iniibig natin ang mga kapatid. Ang hindi umiibig ay nananatili sa kamatayan. 15 Mamamatay-tao ang napopoot sa kanyang kapatid, at nalalaman ninyong ang buhay na walang hanggan ay wala sa mamamatay-tao. 16 Dito natin nalalaman ang pag-ibig: inialay ni Cristo ang kanyang buhay para sa atin. Kaya't dapat din nating ialay ang ating buhay para sa mga kapatid.
by