Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 4

Panalangin sa Gabi

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit; sa saliw ng instrumentong may kuwerdas.

Sagutin mo po ang aking pagtawag,
    O Diyos, na aking kalasag!
Sa kagipitan ko, ako'y iyong tinulungan,
    kaawaan mo ako ngayon, dalangin ko'y pakinggan.

Kayong mga tao, hanggang kailan ninyo ako hahamakin?
    Ang walang kabuluhan at kasinungalingan,
    hanggang kailan ninyo iibigin? (Selah)[a]

Dapat ninyong malamang itinalaga ni Yahweh ang matuwid,
    kapag tumatawag ako sa kanya, siya'y nakikinig.

Huwag(A) hayaang magkasala ka nang dahil sa galit;
    sa iyong silid, pag-isipa't ika'y manahimik. (Selah)[b]
Nararapat na handog, inyong ialay,
    pagtitiwala n'yo'y kay Yahweh ibigay.

Tanong ng marami, “Sinong tutulong sa atin?”
    Ikaw, O Yahweh, ang totoong mahabagin!
Puso ko'y iyong pinuno ng lubos na kagalakan,
    higit pa sa pagkain at alak na inumin.

Sa aking paghiga, nakakatulog nang mahimbing,
    pagkat ikaw, Yahweh, ang nag-iingat sa akin.

Daniel 9:1-19

Ang Panalangin ni Daniel para sa Kanyang mga Kababayan

Noon ay unang taon ng paghahari ni Dario sa Babilonia. Siya ay anak ni Xerxes at buhat sa lahing Medo. Akong(A) si Daniel ay nagbabasa ng mga aklat upang alamin ang kahulugan ng pitumpung taóng pagkawasak ng Jerusalem ayon sa sinabi ni Yahweh kay Propeta Jeremias.

Dahil dito, buong taimtim akong nanalangin at nakiusap sa Panginoong Diyos. Nag-ayuno ako, nagsuot ng damit-panluksa at naupo sa abo. Nanalangin ako kay Yahweh na aking Diyos at inihingi ko ng kapatawaran ang mga kasalanan ng aking mga kababayan. Ganito ang sinabi ko:

“O Panginoon, dakila at Kamangha-manghang Diyos na laging tapat sa kasunduan at tunay na nagmamahal sa mga umiibig sa inyo at sumusunod sa inyong mga utos. Nagkasala po kami at nagpakasama. Naghimagsik po kami at sumuway sa inyong mga tuntunin at utos. Hindi kami nakinig sa inyong mga lingkod na propeta na binigyan ninyo ng kapangyarihang magpahayag sa aming mga hari, pinuno, magulang at sa buong bayan. Panginoon,(B) lagi po kayong nasa katuwiran at kami hanggang ngayo'y nasa kahihiyan, gayundin po ang buong Juda at Jerusalem, ang buong Israel, pati ang mga ipinatapon ninyo sa iba't ibang dako dahil sa kanilang kataksilan. Kami po, O Yahweh, ang aming mga hari, pinuno at magulang ay nahihiya sapagkat nagkasala kami sa inyo. Panginoon naming Diyos, kayo po ay mahabagin at mapagpatawad sa kabila ng lagi naming paghihimagsik 10 at pagsuway sa mga utos na ibinigay ninyo sa amin na inyong mga alipin sa pamamagitan ng inyong mga lingkod na propeta. 11 Ang(C) buong Israel ay nagkasala sa inyo, sumuway sa inyong kautusan at hindi nakinig sa inyong tinig. Dahil dito, ibinuhos ninyo sa amin ang mga sumpa na nasasaad sa aklat ng kautusan ng lingkod ninyong si Moises. 12 Tinupad ninyo ang inyong sinabi sa amin at sa aming mga pinuno na kami'y inyong paparusahan dahil sa aming pagkakasala; sapagkat sa buong daigdig ay wala pang nangyaring tulad ng dinanas ng Jerusalem. 13 Tulad ng nasusulat sa Kautusan ni Moises, naranasan namin ang kapahamakang ito. Gayunman, Yahweh, aming Diyos, wala kaming ginawa upang maglubag ang inyong kalooban. Hindi rin namin tinalikuran ang aming kasamaan ni kinilala ang katotohanang inyong ipinapahayag. 14 Kaya, pinarusahan ninyo kami dahil sa aming pagsuway sapagkat kayo, O Yahweh na aming Diyos ay matuwid sa lahat ng inyong gawa. 15 Panginoon(D) naming Diyos, ipinakilala ninyo ang inyong kapangyarihan mula nang ilabas ninyo ang inyong bayan mula sa lupain ng Egipto hanggang ngayon. Kinikilala namin ang aming pagkakasala sa inyo. 16 Kaya nga, O Panginoon, alang-alang sa inyong mabuting gawa, huwag na po kayong mapoot sa Jerusalem na inyong lunsod, ang inyong banal na bundok. Dahil sa kasamaan namin at ng aming mga magulang, ang Jerusalem at ang inyong bayan ay hinahamak ng mga bansang nakapaligid sa amin. 17 Dahil(E) dito, O aming Diyos, pakinggan po ninyo ang pakiusap at daing ng inyong alipin at alang-alang sa inyo O Diyos, kahabagan po ninyo ang inyong Templong nawasak. 18 O(F) Diyos ko, pakinggan po ninyo kami. Masdan ninyo ang masaklap naming kalagayan at ang pagkawasak ng lunsod na nagtataglay ng inyong pangalan. Lumalapit po kami sa inyo hindi dahil sa kami'y matuwid kundi dahil sa kayo'y mahabagin. 19 Dinggin po ninyo kami, O Panginoon; patawarin po ninyo kami, O Panginoon; kahabagan po ninyo kami, O Panginoon. Alang-alang sa inyo, aking Diyos, huwag na po kayong mag-atubili, yamang ang inyong lunsod at ang inyong sambayanan ay nakatatag sa ibabaw ng inyong kapangyarihan.”

1 Juan 2:18-25

Ang Kaaway ni Cristo

18 Mga anak, ito na ang huling panahon! Tulad ng inyong narinig, darating ang kaaway ni Cristo. Ngayon nga'y marami nang lumilitaw na mga kaaway ni Cristo, kaya't alam nating malapit na ang wakas. 19 Kahit na sila'y mga dati nating kasamahan, ang mga taong iyon ay hindi natin tunay na kasama. Sapagkat kung sila'y tunay na atin, nanatili sana silang kasama natin. Ngunit umalis sila upang maging maliwanag na silang lahat ay hindi tunay na kasama natin.

20 Ngunit ipinagkaloob na sa inyo ang Espiritu Santo, at dahil dito, alam na ninyo ang buong katotohanan. 21 Sumusulat ako sa inyo, hindi dahil sa hindi ninyo alam ang katotohanan, kundi dahil alam na ninyo ito, at alam din ninyong walang kasinungalingang nagmumula sa katotohanan.

22 Sino nga ba ang sinungaling? Hindi ba't siya na nagsasabing si Jesus ay hindi ang Cristo? Ang mga nagsasabi nito ay kaaway ni Cristo; hindi nila pinaniniwalaan ang Ama at ang Anak. 23 Ang hindi kumikilala sa Anak ay hindi rin kumikilala sa Ama. Ang kumikilala sa Anak ay kumikilala rin sa Ama.

24 Pakaingatan ninyo sa inyong puso ang narinig ninyo sa simula pa. Kung gagawin ninyo ito, mananatili kayo sa Anak at sa Ama. 25 At ito naman ang ipinangako sa atin ni Cristo, ang buhay na walang hanggan.