Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Gawa 4:32-35

Ang Pagtutulungan ng mga Mananampalataya

32 Nagkaisa(A) ang damdamin at isipan ng lahat ng mananampalataya, at di itinuring ninuman na sarili niya ang kanyang mga ari-arian, kundi para sa lahat. 33 Taglay ang dakilang kapangyarihan, ang mga apostol ay patuloy na nagpapatotoo tungkol sa muling pagkabuhay ng Panginoong Jesus.[a] At ang masaganang pagpapala ay tinaglay nilang lahat. 34 Walang kinakapos sa kanila sapagkat ipinagbibili nila ang kani-kanilang lupa o bahay, at ang pinagbilhan 35 ay ipinagkakatiwala nila sa mga apostol. Ipinamamahagi naman iyon ayon sa pangangailangan ng bawat isa.

Mga Awit 133

Papuri sa Mapayapang Pagkakaisa

Isang Awit ng Pag-akyat upang Sumamba.

133 Napakaligaya at kahanga-hanga sa ating pangmasid,
    ang nagkakaisa't laging sama-sama na magkakapatid!
Langis ng olibo, ang nakakatulad at nakakawangis,
    sa ulo at balbas nitong si Aaron kapag ipinahid,
    umaagos ito't nababasâ pati ang suot na damit.
Katulad din nito'y hamog sa umaga, sa Bundok ng Hermon,
    hamog na dumilig sa dakong maburol na Bundok ng Zion;
sa lugar na ito, nangako si Yahweh,
    ang pangakong buhay na mananatili.

1 Juan 1:1-2:2

Ang Salitang Nagbibigay-buhay

Sumusulat(A) kami sa inyo tungkol sa kanya na sa simula pa'y siya na, ang Salitang nagbibigay-buhay. Siya ay aming narinig at nakita, napagmasdan at nahawakan. Nahayag(B) ang buhay na ito, nakita namin siya, at pinapatotohanan namin at ipinapangaral sa inyo ang buhay na walang hanggan na kasama ng Ama, at nahayag sa amin. Ipinapahayag nga namin sa inyo ang aming nakita't narinig upang makasama kayo sa aming pakikiisa sa Ama at sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo. Isinusulat namin ito upang malubos ang aming[a] kagalakan.

Mamuhay Ayon sa Liwanag

Ito ang aming narinig sa kanyang Anak at ipinapahayag naman namin sa inyo: ang Diyos ay liwanag at walang anumang kadiliman sa kanya. Kung sinasabi nating tayo'y may pakikiisa sa kanya ngunit namumuhay naman tayo sa kadiliman, nagsisinungaling tayo at hindi namumuhay ayon sa katotohanan. Ngunit kung namumuhay tayo sa liwanag, gaya niya na nasa liwanag, tayo'y nagkakaisa at ang lahat ng ating kasalanan ay nililinis ng dugo ni Jesus na kanyang Anak.

Kung sinasabi nating tayo'y walang kasalanan, dinadaya natin ang ating sarili at wala sa atin ang katotohanan. Subalit kung ipinapahayag natin ang ating mga kasalanan, patatawarin tayo ng Diyos sa mga ito, at lilinisin tayo sa lahat ng ating kasalanan, sapagkat siya'y tapat at matuwid. 10 Kung sinasabi nating hindi tayo nagkasala, ginagawa nating sinungaling ang Diyos, at wala sa atin ang kanyang salita.

Si Cristo ang Ating Tagapagtanggol

Mga anak, isinusulat ko ito sa inyo upang huwag kayong magkasala. Ngunit kung magkasala ang sinuman, may Tagapagtanggol tayo sa Ama, si Jesu-Cristo, ang matuwid. Si Cristo ang handog sa ikapagpapatawad ng mga kasalanan, hindi lamang ang ating mga kasalanan, kundi maging ang kasalanan ng lahat ng tao.

Juan 20:19-31

Nagpakita si Jesus sa Kanyang mga Alagad(A)

19 Kinagabihan ng araw ding iyon na unang araw ng linggo, habang nakasara ang mga pinto ng bahay na kinaroroonan ng mga alagad dahil sa takot nila sa mga Judio, dumating si Jesus. Tumayo siya sa kalagitnaan nila at sinabi, “Sumainyo ang kapayapaan!” 20 Pagkasabi nito, ipinakita niya ang kanyang mga kamay at ang kanyang tagiliran. Tuwang-tuwa ang mga alagad nang makita nila ang Panginoon. 21 Muling sinabi ni Jesus, “Sumainyo ang kapayapaan! Kung paanong isinugo ako ng Ama, isinusugo ko rin kayo.” 22 Pagkatapos, sila'y hiningahan niya at sinabi, “Tanggapin ninyo ang Espiritu Santo. 23 Kung(B) patatawarin ninyo ang mga kasalanan ninuman ay pinatawad na ang mga iyon, subalit ang hindi ninyo patatawarin ay hindi nga pinatawad.”

Ang Pag-aalinlangan ni Tomas

24 Ngunit si Tomas, na tinatawag na Kambal at kabilang sa Labindalawa, ay wala roon nang dumating si Jesus. 25 Kaya't sinabi sa kanya ng ibang mga alagad, “Nakita namin ang Panginoon!”

Sumagot si Tomas, “Hindi ako maniniwala hangga't hindi ko nakikita ang mga butas ng mga pako sa kanyang mga kamay, at hangga't hindi ko nailalagay ang aking daliri sa mga iyon at nahahawakan ang kanyang tagiliran.”

26 Makalipas ang isang linggo, muling nagkatipon sa loob ng bahay ang mga alagad at kasama nila si Tomas. Nakasara ang mga pinto, ngunit pumasok si Jesus at tumayo sa kalagitnaan nila. Sinabi niya, “Sumainyo ang kapayapaan!” 27 At sinabi niya kay Tomas, “Ilagay mo ang iyong daliri dito at tingnan mo ang aking mga kamay. Ilagay mo ang iyong kamay sa aking tagiliran. Huwag ka nang mag-alinlangan pa, sa halip ay maniwala ka.”

28 Sumagot si Tomas, “Panginoon ko at Diyos ko!”

29 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Naniniwala ka na ba dahil nakita mo ako? Pinagpala silang hindi nakakita gayunma'y naniniwala.”

Ang Layunin ng Aklat na Ito

30 Marami pang mga himalang ginawa si Jesus na nasaksihan ng mga alagad na hindi nakasulat sa aklat na ito. 31 Ngunit ang mga nakasulat dito ay isinulat upang kayo'y sumampalataya[a] na si Jesus ang Cristo, ang Anak ng Diyos, at sa pagsampalatayang iyon ay magkaroon kayo ng buhay sa pamamagitan niya.