Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
7 Pakinggan mo ako, Yahweh, sa aking panawagan,
sagutin mo ako at iyong kahabagan.
8 Nang sabihin mo, Yahweh, “Lumapit ka sa akin,”
sagot ko'y, “Nariyan na ako at kita'y sasambahin.”
9 Huwag ka sanang magagalit sa akin;
ang iyong lingkod, huwag mo sanang palayasin.
Tinulungan mo ako, Diyos ng aking kaligtasan,
huwag mo po akong iwan, at huwag pabayaan!
10 Itakwil man ako ng aking ama at ina,
si Yahweh ang sa akin ay mag-aaruga.
11 Ituro mo sa akin, Yahweh, ang iyong kagustuhan,
sa ligtas na landas ako'y iyong samahan,
pagkat naglipana ang aking mga kaaway.
12 Sa mga kaaway ay huwag akong ipaubaya,
na kung lumulusob ay mga pagbabanta at kasinungalingan ang dalang sandata.
13 Naniniwala akong bago ako mamatay,
kabutihan ni Yahweh'y aking masasaksihan.
14 Kay Yahweh tayo'y magtiwala!
Manalig sa kanya at huwag manghinawa.
Kay Yahweh tayo magtiwala!
12 Ang mga Midianita, pati ang mga Amalekita at mga tribo sa paligid ay naglipana sa kapatagan na parang mga balang sa dami. Ang kanilang mga kamelyo naman ay sindami ng buhangin sa dagat.
13 Nang malapit na sina Gideon, may narinig silang nag-uusap. Ang sabi ng isa, “Napanaginipan kong may isang tinapay na sebadang gumulong sa ating kampo. Nagulungan daw ang tolda at ito'y bumagsak.”
14 Sagot naman ng isa, “Iyon ay walang iba kundi ang tabak ng Israelitang si Gideon na anak ni Joas. Ang Midian at ang buong hukbo ay ibinigay na ng Diyos sa kanyang kamay.”
15 Nang marinig ni Gideon ang panaginip at ang kahulugan nito, lumuhod siya at nagpuri sa Diyos. Pagkatapos, nagbalik siya sa kampo ng mga Israelita at sinabi sa kanila, “Bumangon na kayo! Ibinigay na ni Yahweh sa inyong mga kamay ang mga Midianita!”
16 Pinagtatlong pangkat niya ang kanyang tatlong daang tauhan. Bawat isa'y binigyan niya ng trumpeta at banga na may sulo sa loob. 17 Sinabi niya sa kanila, “Kapag malapit na ako sa kanilang kampo, tumingin kayo sa akin at gawin ninyo ang gagawin ko. 18 Kapag narinig ninyong hinihipan ko at ng aking pangkat ang aming mga trumpeta, hipan na rin ninyo ang inyong trumpeta sa palibot ng kampo, at sumigaw kayo ng, ‘Para kay Yahweh at para kay Gideon!’”
19 Maghahating-gabi na. Halos kapapalit pa lamang ng pangkat ng tanod nang sina Gideon ay makalapit sa kampo ng mga Midianita. Hinipan nila ang kanilang mga trumpeta sabay basag sa mga dala nilang banga. 20 Ganoon din ang ginawa ng dalawang pangkat. Hawak ng kanilang kaliwang kamay ang sulo at nasa kanan naman ang trumpeta habang sumisigaw ng, “Tabak ni Yahweh at ni Gideon!” 21 Bawat isa'y hindi umaalis sa kanyang kinatatayuan sa paligid ng kampo, samantalang nagsisigawan at nagkakanya-kanyang takbuhan ang mga nasa kampo. 22 At habang walang tigil sa pag-ihip ng trumpeta ang tatlong daang Israelita, pinaglaban-laban ni Yahweh ang mga nasa kampo. Kanya-kanya silang takbo tungo sa Cerera hanggang Beth-sita at Abel-mehola, malapit sa Tabata.
Maging Ulirang Anak ng Diyos
12 Kaya nga, mga minamahal, tulad ng inyong buong-pusong pagsunod noong ako'y kasama pa ninyo, lalo kayong maging masunurin ngayong ako'y malayo sa inyo. Pagsumikapan ninyong maging ganap ang inyong kaligtasan nang may lubusang paggalang at pag-ibig sa Diyos, 13 sapagkat ang Diyos ang kumikilos sa inyo upang inyong naisin at isagawa ang kanyang kalooban.
14 Gawin ninyo ang lahat ng bagay nang walang reklamo at pagtatalo, 15 upang(A) kayo'y maging mga ulirang anak ng Diyos, matuwid at walang kapintasan sa gitna ng sanlibutang baluktot at masama. Sa gayon, magsisilbi kayong mga ilaw sa kanila, tulad ng mga bituing nagniningning sa kalangitan, 16 habang ipinapahayag ninyo ang salitang nagbibigay-buhay. Sa gayon, sa Araw ni Cristo ay maipagmamalaki kong hindi nawalan ng kabuluhan ang mga hirap at pagod ko sa inyo.
17 Kung ang buhay ko ma'y ibuhos bilang handog para sa inyong paglilingkod at pananampalataya sa Diyos, ako'y natutuwa at ang puso ko'y nakikigalak sa inyo. 18 Kaya magalak din kayo at bahaginan ninyo ako ng inyong kagalakan.
by