Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 72

Panalangin para sa Hari

Katha ni Solomon.

72 Turuan mo po ang haring humatol nang makat'wiran,
    sa taglay mong katarungan, O Diyos, siya'y bahaginan;
nang matuwid na tuparin tungkulin sa iyong bayan,
    at pati sa mahihirap maging tapat siyang tunay.
Ang lupain nawa niya'y umunlad at managana;
    maghari ang katarungan sa lupain nitong bansa.
Maging tapat itong hari sa paghatol sa mahirap,
    mga nangangailangan, pag-ukulan ng paglingap;
    at ang nang-aapi ay lupigin at ibagsak.
Nawa sila ay maglingkod, silang lahat mong hinirang,
    hangga't araw sumisikat, hangga't buwa'y sumisilang.

Ang hari sana'y matulad sa ulan ng kaparangan;
    bumubuhos, dumidilig sa lahat ng nabubuhay.
At ang buhay na matuwid sa kanyang kapanahunan,
    maghari sa bansa niya't umunlad kailanpaman.

Nawa(A) kanyang kaharian ay lubusan ngang lumawak,
    mula sa Ilog Eufrates, sa daigdig ay kakalat.
Sa harap niya ay susuko mga taong nasa ilang;
    isubsob nga sa lupa, lahat ng kanyang kaaway.
10 Mga haring nasa pulo at naroon sa Espanya, maghahandog ng kaloob upang parangalan siya.
    Pati rin ang mga hari ng Arabia at Etiopia, may mga kaloob ding ibibigay sa kanya.
11 Ang lahat ng mga hari, gagalang sa harap niya,
    mga bansa'y magpupuri't maglilingkod sa tuwina.

12 Kanyang inililigtas ang mga dukhang tumatawag,
    lalo na ang nalimutan, mga taong mahihirap;
13 sa ganitong mga tao siya'y lubhang nahahabag;
    sa kanila tumutulong, upang sila ay maligtas.
14 Inaagaw niya sila sa kamay ng mararahas,
    sa kanya ang buhay nila'y mahalagang hindi hamak.

15 Pagpalain itong hari! Siya nawa ay mabuhay!
    At magbuhat sa Arabia'y magtamo ng gintong-yaman;
    sa tuwina siya nawa'y idalangin nitong bayan,
    kalingain nawa ng Diyos, pagpalain habang buhay.
16 Sa lupai'y sumagana nawang lagi ang pagkain;
    ang lahat ng kaburulan ay mapuno ng pananim
    at matulad sa Lebanon na mauunlad ang lupain.
At ang kanyang mga lunsod, dumami ang mamamayan,
    sindami ng mga damong tumubo sa kaparangan.
17 Nawa ang kanyang pangalan ay huwag nang malimutan,
    manatiling bantog hangga't sumisikat itong araw.
Nawa siya ay purihin ng lahat ng mga bansa, at sa Diyos, silang lahat dumalanging: “Harinawa,
    pagpalain kaming lahat, tulad niyang pinagpala.”

18 Si Yahweh, Diyos ng Israel, purihin ng taong madla;
ang kahanga-hangang bagay tanging siya ang may gawa.
19 Ang dakilang ngalan niya ay purihin kailanman,
at siya ay dakilain nitong buong sanlibutan!

    Amen! Amen!

20 Ito ang wakas ng mga dalangin ni David, na anak ni Jesse.

Josue 1:1-9

Paghahanda sa Pananakop

Pagkamatay ni Moises na lingkod ni Yahweh, sinabi ni Yahweh kay Josue na anak ni Nun at lingkod ni Moises, “Patay na ang lingkod kong si Moises. Ngayo'y humanda ka at ang buong Israel, at tumawid kayo sa Ilog Jordan, patungo sa lupaing ibinibigay ko sa kanila. Gaya(A) ng aking sinabi kay Moises, ibinigay ko na sa inyo ang lahat ng lupaing inyong mararating. Ito ang magiging hangganan ninyo: sa hilaga ay ang kabundukan ng Lebanon; sa timog ay ang disyerto; sa silangan, ang malaking Ilog Eufrates; at sa kanluran, mula sa lupain ng mga Heteo hanggang sa Dagat Mediteraneo. Walang(B) makakagapi sa iyo habang ikaw ay nabubuhay. Sasamahan kita gaya ng pagpatnubay ko kay Moises. Hindi kita iiwan ni hindi pababayaan man. Magpakatatag(C) ka at lakasan mo ang iyong loob sapagkat ikaw ang mamumuno sa bayang ito sa pagsakop nila sa lupaing ibibigay ko sa kanila, ayon sa aking pangako sa inyong mga ninuno. Basta't magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob. Sundin mong mabuti ang buong Kautusang ibinigay sa inyo ni Moises. Huwag kang susuway sa anumang nakasaad doon, at magtatagumpay ka saan ka man magpunta. Huwag mong kaliligtaang basahin ang aklat ng kautusan. Pagbulay-bulayan mo iyon araw at gabi upang matupad mo ang lahat ng nakasaad doon. Sa ganoon, magiging masagana at matagumpay ang iyong pamumuhay. Tandaan mo ang bilin ko: Magpakatatag ka at lakasan mo ang iyong loob. Huwag kang matatakot o mawawalan ng pag-asa sapagkat akong si Yahweh, na iyong Diyos, ay kasama mo saan ka man magpunta.”

Mga Hebreo 11:32-12:2

32 Magpapatuloy(A) pa ba ako? Kulang ang panahon para maisalaysay ko ang tungkol kina Gideon, Barak, Samson, Jefte, David, Samuel, at mga propeta. 33 Dahil(B) sa pananampalataya, nagwagi sila laban sa mga kaharian, nagpatupad ng katarungan, at nagkamit ng mga ipinangako ng Diyos. Napaamo nila ang mga leon, 34 napatay(C) ang naglalagablab na apoy, at nakaligtas sila sa mga talim ng tabak. Sila'y mahihina ngunit binigyan ng lakas upang maging magiting sa digmaan, kaya't natalo ang hukbo ng mga dayuhan. 35 Dahil(D) sa pananampalataya, ibinalik sa ilang mga babae ang kanilang mga mahal sa buhay na namatay sa pamamagitan ng muling pagkabuhay.

May mga tumangging sila'y palayain, sapagkat pinili nila ang mamatay sa pahirap upang sila'y muling buhayin at magtamo ng mas mabuting buhay. 36 Mayroon(E) namang hinamak at hinagupit, at mayroon ding ikinadena at ibinilanggo. 37 Ang(F) iba naman ay pinagbabato, nilagari sa dalawa, [tinukso],[a] at pinatay sa tabak. Ang iba'y nagdamit ng balat ng tupa at kambing, ang iba'y namulubi, inapi, at pinagmalupitan. 38 Hindi karapat-dapat sa kanila ang daigdig! Nagpagala-gala sila sa mga ilang at kabundukan. Nagtago sila sa mga yungib at lungga sa lupa.

39 At dahil sa kanilang pananampalataya, nag-iwan sila ng isang kasaysayang hindi makakalimutan kailanman. Ang lahat ng mga ito, bagama't may mabuting patotoo dahil sa kanilang pananampalataya, ay hindi tumanggap ng ipinangako, 40 sapagkat may mas magandang plano ang Diyos para sa atin, upang sila'y hindi maging ganap malibang kasama tayo.

Ama Natin ang Diyos

12 Kaya nga, dahil napapaligiran tayo ng napakaraming saksi, tanggalin natin ang anumang balakid at ang kasalanang kumakapit sa atin. Buong tiyaga tayong tumakbo sa takbuhing nasa ating harapan. Ituon natin ang ating paningin kay Jesus. Sa kanya nakasalalay ang ating pananampalataya mula simula hanggang katapusan. Dahil sa kagalakang naghihintay sa kanya, hindi niya inalintana ang kahihiyan ng pagkamatay sa krus, at siya ngayo'y nakaupo sa kanan ng trono ng Diyos.