Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
5 Nagpupuri silang nilikha sa langit, ang iyong ginawa'y siyang binabanggit
ang katapatan mo, Yahweh, ay inaawit.
6 O Yahweh, Makapangyarihan sa lahat, sino'ng kaparis mo doon sa itaas?
Mga nilalang doon sa kalangitan, kay Yahweh ba sila ay maipapantay?
7 Sa pagtitipon man ng lahat ng hinirang,
may banal na takot sa iyo at paggalang.
8 O Yahweh na Makapangyarihang Diyos, O Yahweh, mayroon pa kayang katulad kang lubos?
Sa kapangyarihan ay tunay na puspos, kadakilaan mo'y sadyang lubus-lubos.
9 Sumusunod sa iyo dagat mang mabangis,
alon mang malaki'y napapatahimik.
10 Iyang dambuhalang kung tawagi'y Rahab ay iyong dinurog sa taglay mong lakas,
lahat mong kaaway ay iyong winasak, kapangyarihan mo'y ubod nang lakas.
11 Sa iyo ang langit, sa iyo ang lupa,
ang buong daigdig ikaw ang maylikha, lahat nang naroo'y sa iyo nagmula.
12 Timog at hilaga, ikaw ang naglagay;
Bundok Hermo't Tabor ay nag-aawitan, nagpupuri sila sa iyong pangalan.
13 Ang taglay mong lakas at kapangyarihan,
ay walang kaparis, di matatawaran!
14 Ang kaharian mo ay makatarungan,
saligang matuwid ang pinagtayuan;
wagas na pag-ibig at ang katapatan,
ang pamamahala mong ginagampanan.
15 Mapalad ang taong sa iyo'y sumasamba, sa pagsamba nila'y inaawitan ka
at sa pag-ibig mo'y namumuhay sila.
16 Sa buong maghapon, ika'y pinupuri,
ang katarungan mo'y siyang sinasabi.
17 Ang tagumpay namin ay iyong kaloob,
dahilan sa iyong kagandahang-loob.
18 Sapagkat si Yahweh ang aming sanggalang,
ang aming hari ay siya ang humirang, Banal ng Israel, siya'y aming sandigan.
Ang Pangako ng Diyos kay David
19 Noon pa mang una, sa mga lingkod mo, ika'y nagsalita,
sa pangitaing ipinakita'y ito ang badya:
“Aking pinutungan ang isang dakila,
na aking pinili sa gitna ng madla.
20 Ang(A) piniling lingkod na ito'y si David,
aking binuhusan ng banal na langis.
21 Kaya't palagi ko siyang gagabayan,
at siya'y bibigyan ko ng kalakasan.
22 Di siya malulupig ng kanyang kaaway,
ang mga masama'y di magtatagumpay.
23 Aking dudurugin sa kanyang harapan,
silang namumuhi na mga kaaway.
24 Ang katapatan ko't pag-ibig na wagas, ay iuukol ko't aking igagawad,
at magtatagumpay siya oras-oras.
25 Mga kaharia'y kanyang masasakop,
dagat na malawak at malaking ilog.
26 Ako'y tatawaging Ama niya't Diyos,
tagapagsanggalang niya't manunubos.
27 Gagawin(B) ko siyang panganay at hari,
pinakamataas sa lahat ng hari!
28 Ang aking pangako sa kanya'y iiral
at mananatili sa aming kasunduan.
29 Laging maghahari ang isa niyang angkan,
sintatag ng langit yaong kaharian.
30 “Kung ang mga anak niya ay susuway,
at ang aking utos ay di igagalang,
31 kung ang aking aral ay di papakinggan
at ang kautusa'y hindi iingatan,
32 kung gayon, daranas sila ng parusa dahil kasamaan ang ginawa nila,
sila'y hahampasin sa ginawang sala.
33 Ngunit ang pangako't pag-ibig kay David,
ay di magbabago, hindi mapapatid.
34 Ang tipan sa kanya'y di ko sisirain,
ni isang pangako'y di ko babawiin.
35 “Sa aking kabanalan, ipinangako ko,
kay David ay hindi magsisinungaling.
36 Lahi't trono niya'y hindi magwawakas,
hanggang mayro'ng araw tayong sumisikat;
37 katulad ng buwan na hindi lilipas,
matatag na tanda doon sa itaas.” (Selah)[a]
Binasbasan ng Diyos si Jacob sa Bethel
35 Sinabi(A) ng Diyos kay Jacob, “Pumunta ka sa Bethel at doon ka manirahan. Ipagtayo mo roon ng altar ang Diyos na nagpakita sa iyo noong tumatakas ka sa iyong kapatid na si Esau.”
2 Kaya't sinabi ni Jacob sa kanyang sambahayan at sa lahat ng kasama niya, “Itapon ninyong lahat ang diyus-diyosang taglay ninyo, maglinis kayo ng inyong katawan, at magbihis kayo. 3 Aalis tayo rito at pupunta sa Bethel. Magtatayo ako roon ng altar para sa Diyos na kasama ko saanman at laging tumutulong sa akin sa panahon ng kagipitan.” 4 Ibinigay nila kay Jacob ang kanilang mga diyus-diyosan at ang suot nilang mga hikaw. Ang lahat ng ito'y ibinaon ni Jacob sa tabi ng malaking punong malapit sa Shekem.
5 Ang mga tao sa mga karatig-bayan ay natakot kay Jacob at sa kanyang mga anak na lalaki, kaya't walang nangahas humabol sa kanila nang sila'y umalis. 6 Nang dumating sila sa Luz, sa lupain ng Canaan, 7 gumawa siya ng altar at tinawag niyang El-Bethel[a] ang lugar na iyon, sapagkat doon nagpakita sa kanya ang Diyos nang siya'y tumakas mula sa kanyang kapatid. 8 Namatay si Debora, ang nag-alaga kay Rebeca, at inilibing sa tabi ng malaking puno sa gawing timog ng Bethel. At ang dakong iyo'y tinawag na “Roble ng Pagluha.”
9 Pagbalik ni Jacob mula sa Mesopotamia, muling nagpakita sa kanya ang Diyos at siya'y binasbasan, 10 “Jacob(B) ang pangalan mo, ngunit mula ngayon, Israel na ang itatawag sa iyo.” 11 Sinabi(C) pa sa kanya, “Ako ang Makapangyarihang Diyos; magkakaroon ka ng maraming anak. Darami ang iyong mga lahi at sa kanila'y may mga magiging hari. Magmumula sa lahi mo ang maraming bansa. 12 Ang mga lupaing aking ipinangako kay Abraham at kay Isaac ay ibibigay ko sa iyo at sa iyong mga anak.” 13 At iniwan siya ng Diyos. 14 Naglagay(D) si Jacob ng batong palatandaan sa lugar na pinagtagpuan nila. Binuhusan niya ito ng langis at alak bilang tanda na ito'y ukol sa Diyos. 15 Tinawag niyang Bethel ang lugar na iyon.
Ipinagkaloob ang Espiritu Santo sa mga Hentil
44 Nagsasalita pa si Pedro, nang bumabâ ang Espiritu Santo sa lahat ng mga nakikinig. 45 Namangha ang mga mananampalatayang Judio na kasama ni Pedro sapagkat ibinigay din sa mga Hentil ang kaloob ng Espiritu Santo. 46 Narinig nila ang mga ito na nagsasalita sa iba't ibang wika at nagpupuri sa Diyos. Kaya't sinabi ni Pedro, 47 “Tulad natin, sila'y pinagkalooban din ng Espiritu Santo. Sino ang makakapagbawal na bautismuhan sila sa tubig?” 48 At iniutos niyang bautismuhan sila sa pangalan ni Jesu-Cristo. Pagkatapos, hiniling nila kay Pedro na manatili pa roon nang ilang araw.
by