Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ng Pagpupuri
Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.
40 Sa Diyos na si Yahweh, mat'yagang naghintay,
ang aking panaghoy, kanyang pinakinggan;
2 sa balong malalim na lubhang maputik,
iniahon niya at doo'y inalis.
Ligtas na dinala sa malaking bato,
at naging panatag, taglay na buhay ko.
3 Isang bagong awit, sa aki'y itinuro,
papuri sa Diyos, ang awit ng puso;
matatakot ang bawat makakasaksi,
at magtitiwala sa Diyos na si Yahweh.
4 Mapalad ang taong, kay Yahweh'y tiwala,
at sa diyus-diyosa'y hindi dumadapa;
hindi sumasama sa nananambahan, sa mga nagkalat na diyus-diyosan.
5 Yahweh, aking Diyos, wala kang katulad
sa maraming bagay na iyong ginanap;
kung pangahasan kong sabihin ang lahat,
nangangamba akong may makalimutan.
6 Ang(A) mga pang-alay, pati mga handog, at ang mga hayop na handang sunugin,
hindi mo na ibig sa dambana dalhin, handog na sinusunog at mga kaloob
hindi mo naisin, upang sala'y iyong patawarin.
Sa halip, ang iyong kaloob sa akin ay pandinig ko upang ika'y dinggin.
7 Kaya ang tugon ko, “Ako'y naririto;
nasa Kautusan ang mga turo mo.
8 Ang nais kong sundi'y iyong kalooban;
aking itatago sa puso ang aral.”
9 Ang pagliligtas mo'y aking inihayag,
saanman magtipon ang iyong mga anak;
di ako titigil ng pagpapahayag.
10 Ang pagliligtas mo'y ipinagsasabi,
di ko inilihim, hindi ko sinarili;
pati pagtulong mo't pag-ibig na tapat,
sa mga lingkod mo'y isinisiwalat.
11 Aking nalalamang di mo puputulin, Yahweh, ang iyong pagtingin sa akin;
wagas mong pag-ibig at iyong katapatan, mag-iingat sa akin magpakailanpaman.
Babala Laban kay Sebna
15 Ganito ang sabi sa akin ni Yahweh, ang Makapangyarihang Panginoon:
“Puntahan mo si Sebna,
ang katiwala ng palasyo
at sabihin mo sa kanya:
16 ‘Anong karapatan mong pumarito?
Sinong nagpahintulot sa iyo na humukay ng sariling libingang bato na inukab sa gilid ng bundok?
17 Sino ka man ay dadamputin ka ni Yahweh
at itatapon sa malayo!
18 Parang bola kang dadamputin at ihahagis sa malayong lupain.
Doon ka mamamatay, sa tabi ng ipinagmamalaki mong mga karwahe,
ikaw ang nagdadala ng kahihiyan sa sambahayan ng iyong panginoon.’
19 Aalisin kita sa iyong katungkulan,
palalayasin kita sa iyong kinalalagyan.
20 Tatawagin ko sa araw na iyon ang aking lingkod,
si Eliakim na anak ni Hilkias.
21 Siya ang pagsusuutin ko ng iyong buong kasuotan,
ibibigay ko sa kanya ang iyong kapangyarihan,
siya ang magiging ama ng mga taga-Jerusalem at ng mga taga-Juda.
22 Ibibigay(A) ko sa kanya ang susi ng sambahayan ni David;
walang makakapagsara ng anumang buksan niya,
at walang makakapagbukas ng anumang sarhan niya.
23 Itatayo ko siyang parang haligi ng tolda,
itatayo ko nang matibay sa isang matatag na lugar,
at siya'y magiging marangal na trono sa sambahayan ng kanyang ama.”
24 Sa kanya maaatang ang lahat ng kaluwalhatian ng sambahayan ng kanyang ama. Ang kanyang mga kamag-anak ay sa kanya aasa, parang mga sisidlan, mga kopa at palayok na nakasabit. 25 “Kung magkagayon,” ang sabi ni Yahweh na Makapangyarihan sa lahat, “mababali ang sabitan at malalaglag. At ang lahat ng nakasabit doon ay madudurog.”
Ang Tunay na Magandang Balita
6 Nagtataka ako kung bakit kay dali ninyong tumalikod sa Diyos na tumawag sa inyo sa pamamagitan ng kagandahang-loob ni Cristo[a] at kayo'y bumaling agad sa ibang magandang balita. 7 Ang totoo'y wala namang ibang magandang balita; kaya nga lamang, may mga nanggugulo sa inyo at nagsisikap na baguhin ang Magandang Balita ni Cristo. 8 Subalit kahit kami o isang anghel mula sa langit ang mangaral sa inyo ng Magandang Balita na iba sa ipinangaral namin sa inyo, parusahan nawa siya ng Diyos! 9 Sinabi na namin ito sa inyo, at inuulit ko ngayon, parusahan nawa ng Diyos ang sinumang mangaral sa inyo ng Magandang Balita na naiiba kaysa tinanggap na ninyo.
10 Bakit ko sinasabi ito, dahil ba sa nais kong mapuri ng tao? Hindi! Ang papuri lamang ng Diyos ang tangi kong hinahangad. Sinisikap ko bang magbigay-lugod sa tao? Hindi! Kung iyan ang talagang hangad ko, hindi na sana ako naging alipin ni Cristo.
Paano Naging Apostol si Pablo
11 Mga kapatid, nais kong malaman ninyo na ang Magandang Balitang ipinangaral ko'y hindi katha ng tao. 12 Hindi ko ito tinanggap mula sa tao, at hindi rin itinuro sa akin ng sinumang tao. Si Jesu-Cristo mismo ang naghayag nito sa akin.
by