Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Isaias 49:1-7

Ang Israel ang Tanglaw sa mga Bansa

49 Makinig(A) kayo mga taong naninirahan sa malalayong mga bansa.
Pinili na ako ni Yahweh bago pa isilang, at hinirang niya ako para siya'y paglingkuran.
Mga(B) salita ko'y ginawa niyang singtalim ng espada,
    siya ang sa aki'y laging nag-iingat.
Ginawa niya akong parang matulis na palaso
    na anumang oras ay handang itudla.
Sinabi niya sa akin, “Israel, ikaw ay lingkod ko;
    sa pamamagitan mo ako'y pupurihin ng mga tao.”

Ngunit ang sagot ko, “Ako ay nabigo sa aking pagsisikap,
    hindi nagtagumpay gayong ibinuhos ko ang aking lakas.”
Gayunma'y ipinapaubaya ko kay Yahweh ang aking kalagayan,
    na ako'y kanyang gagantimpalaan sa aking nakayanan.

Bago pa ako ipanganak ay hinirang na ni Yahweh;
    pinili niya ako para maging lingkod niya,
    upang tipunin ang bayang Israel na nagkawatak-watak.
Binigyan ako ni Yahweh ng karangalan,
    sa kanya nagbubuhat ang aking kalakasan.

Sinabi(C) sa akin ni Yahweh:
“Israel na aking lingkod, may mas mahalaga pa akong ipapagawa sa iyo.
    Bukod sa pagpapanumbalik sa mga Israelitang nalabi,
gagawin din kitang liwanag sa mga bansa
    upang ang buong daigdig ay maligtas.”

Ganito ang sinabi ni Yahweh, ang Tagapagligtas ng Israel,
    sa itinakwil at kinamuhian ng mga bansa
    at inalipin ng mga pinuno:
“Makikita ng mga hari ang pagpapalaya sa iyo;
    sila'y titindig bilang pagpaparangal sa iyo.
At yuyukod ang mga prinsipe bilang paggalang sa iyo,
    sapagkat hinirang ka ni Yahweh, ang banal na Diyos ng Israel.”

Mga Awit 40:1-11

Awit ng Pagpupuri

Awit na katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

40 Sa Diyos na si Yahweh, mat'yagang naghintay,
    ang aking panaghoy, kanyang pinakinggan;
sa balong malalim na lubhang maputik,
    iniahon niya at doo'y inalis.
Ligtas na dinala sa malaking bato,
    at naging panatag, taglay na buhay ko.
Isang bagong awit, sa aki'y itinuro,
    papuri sa Diyos, ang awit ng puso;
matatakot ang bawat makakasaksi,
    at magtitiwala sa Diyos na si Yahweh.
Mapalad ang taong, kay Yahweh'y tiwala,
    at sa diyus-diyosa'y hindi dumadapa;
    hindi sumasama sa nananambahan, sa mga nagkalat na diyus-diyosan.
Yahweh, aking Diyos, wala kang katulad
    sa maraming bagay na iyong ginanap;
kung pangahasan kong sabihin ang lahat,
    nangangamba akong may makalimutan.

Ang(A) mga pang-alay, pati mga handog, at ang mga hayop na handang sunugin,
    hindi mo na ibig sa dambana dalhin, handog na sinusunog at mga kaloob
    hindi mo naisin, upang sala'y iyong patawarin.
Sa halip, ang iyong kaloob sa akin ay pandinig ko upang ika'y dinggin.
    Kaya ang tugon ko, “Ako'y naririto;
    nasa Kautusan ang mga turo mo.
Ang nais kong sundi'y iyong kalooban;
    aking itatago sa puso ang aral.”

Ang pagliligtas mo'y aking inihayag,
    saanman magtipon ang iyong mga anak;
    di ako titigil ng pagpapahayag.
10 Ang pagliligtas mo'y ipinagsasabi,
    di ko inilihim, hindi ko sinarili;
pati pagtulong mo't pag-ibig na tapat,
    sa mga lingkod mo'y isinisiwalat.

11 Aking nalalamang di mo puputulin, Yahweh, ang iyong pagtingin sa akin;
    wagas mong pag-ibig at iyong katapatan, mag-iingat sa akin magpakailanpaman.

1 Corinto 1:1-9

Mula kay Pablo na tinawag ayon sa kalooban ng Diyos upang maging apostol ni Cristo Jesus, at mula kay Sostenes na ating kapatid, para(A) sa iglesya ng Diyos na nasa Corinto, sa mga tinawag upang maging kabilang sa sambayanan ng Diyos sa pamamagitan ng pakikipag-isa kay Cristo Jesus, gayundin sa lahat ng tao na nasa lahat ng dako na tumatawag sa pangalan ni Jesu-Cristo, na Panginoon nating lahat. Sumainyo nawa ang pagpapala at kapayapaan mula sa Diyos na ating Ama at mula sa Panginoong Jesu-Cristo.

Mga Pagpapala Mula kay Cristo

Lagi akong nagpapasalamat sa Diyos dahil sa mga pagpapalang ibinigay niya sa inyo sa pamamagitan ni Cristo Jesus. Dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo, kayo ay naging masagana sa lahat ng bagay, maging sa pananalita at sa kaalaman. Ang katotohanan tungkol kay Cristo ay pinagtibay sa inyo kaya't hindi kayo nagkukulang sa anumang pagpapala, habang hinihintay ninyo ang pagbabalik ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Kayo'y gagawin niyang matatag hanggang wakas upang matagpuan kayong walang kapintasan sa araw ng ating Panginoong Jesu-Cristo.[a] Tapat ang Diyos na tumawag sa inyo upang makipag-isa sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo na ating Panginoon.

Juan 1:29-42

Ang Kordero ng Diyos

29 Kinabukasan, nakita ni Juan si Jesus na lumalapit sa kanya. Sinabi niya, “Tingnan ninyo, siya ang Kordero ng Diyos na nag-aalis ng kasalanan ng sanlibutan. 30 Siya ang tinutukoy ko nang sabihin kong ang dumarating na kasunod ko ay higit sa akin, sapagkat siya'y naroon na bago pa man ako ipanganak. 31 Hindi ko rin siya kilala noon subalit ako'y naparitong nagbabautismo sa tubig upang ipakilala siya sa Israel.”

32 Ganito ang patotoo ni Juan: “Nakita ko ang Espiritu na bumababa na parang isang kalapati na buhat sa langit at nanatili sa kanya. 33 Hindi ko nga siya kilala noon. Ngunit ang nagsugo sa akin upang magbautismo sa tubig ang siyang nagsabi sa akin, ‘Kung kanino mo makitang bumabâ at manatili ang Espiritu, siya ang magbabautismo sa pamamagitan ng Espiritu Santo.’ 34 Ngayon ay nakita ko siya, at pinapatotohanan kong siya ang Anak ng Diyos.”

Ang Unang Apat na Alagad ni Jesus

35 Kinabukasan, naroon muli si Juan kasama ang dalawa sa kanyang mga alagad. 36 Nang makita niya si Jesus na nagdaraan ay kanyang sinabi, “Tingnan ninyo, siya ang Kordero ng Diyos!”

37 Narinig ng dalawang alagad ang sinabi niya, kaya't sumunod sila kay Jesus. 38 Lumingon si Jesus, at nang makita niyang sumusunod sa kanya ang mga ito, sila'y tinanong niya, “Ano ang kailangan ninyo?”

Sumagot sila, “Saan po kayo nakatira, Rabi?” Ang kahulugan ng salitang ito'y Guro.

39 “Halikayo at tingnan ninyo,” sabi ni Jesus.

Sumama sila kay Jesus at nakita nila ang kanyang tinitirhan; at tumuloy sila roon nang araw na iyon. Noo'y mag-aalas kuwatro na ng hapon.

40 Ang isa sa dalawang alagad na nakarinig kay Juan at sumunod kay Jesus ay si Andres na kapatid ni Simon Pedro. 41 Unang hinanap ni Andres ang kanyang kapatid na si Simon. Sinabi niya rito, “Nakita na namin ang Mesiyas!” Ang kahulugan ng salitang ito'y Cristo. 42 At isinama ni Andres si Simon kay Jesus.

Tiningnan ni Jesus si Simon at sinabi sa kanya, “Ikaw ay si Simon na anak ni Juan. Ikaw ay tatawaging Cefas”[a] (na ang katumbas ay Pedro[b]).