Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Panalangin ng Pagpupuri
Katha ni David.
27 Si Yahweh ang ilaw ko at kaligtasan;
sino pa ba ang aking katatakutan?
Si Yahweh ang muog ng aking buhay,
sino pa ba ang aking kasisindakan?
2 Kung buhay ko'y pagtangkaan ng taong masasama,
sila'y mga kalaban ko at mga kaaway nga,
mabubuwal lamang sila at mapapariwara.
3 Kahit isang hukbo ang sa aki'y pumalibot,
hindi pa rin ako sa kanila matatakot;
salakayin man ako ng mga kaaway,
magtitiwala pa rin ako sa Maykapal.
4 Kay Yahweh ay isang bagay lang ang aking hiniling,
iisa lamang talaga ang aking hangarin:
ang tumira sa Templo niya habang buhay,
upang kagandahan ni Yahweh'y aking mapagmasdan,
at doo'y humingi sa kanya ng patnubay.
5 Itatago niya ako kapag may kaguluhan,
sa loob ng kanyang Templo ako'y iingatan;
sa ibabaw ng batong malaki ako'y ilalagay.
6 Matatalo ko ang mga nakapaligid kong kaaway.
Sa Templo'y sisigaw nang may kagalakan, habang mga handog ko'y iniaalay;
aawitan ko si Yahweh at papupurihan.
27 Nang palabas na sila ng lunsod, sinabi ni Samuel, “Paunahin mo na ang katulong mo at mag-usap tayo sandali. Sasabihin ko sa iyo ang ipinapasabi ng Diyos.”
10 Kinuha ni Samuel ang sisidlan ng langis at binuhusan ang ulo ni Saul. Pagkatapos, hinagkan niya ito at sinabi, “Binuhusan kita ng langis ni Yahweh upang maging hari ng Israel. Pamumunuan mo ang kanyang bayan at ililigtas laban sa lahat niyang kaaway. Ito ang magiging palatandaan na ikaw nga ang hinirang ni Yahweh upang mamahala sa kanyang bayan: 2 Paghihiwalay natin ngayon, may masasalubong kang dalawang tao sa tabi ng libingan ni Raquel, sa Selsa na sakop ng Benjamin. Sasabihin nila sa iyo na nakita na ang mga asnong hinahanap mo, at ikaw naman ngayon ang inaalala at ipinagtatanong ng iyong ama. 3 Sa dako pa roon, may masasalubong kang tatlong lalaki sa may malalaking puno sa Tabor. Papunta sila sa Bethel sa altar ng Diyos; ang isa'y may dalang tatlong tupang maliit, ang isa'y tatlong malalaking tinapay at ang isa'y sisidlang balat na puno ng alak. 4 Babatiin ka nila at ibibigay sa iyo ang dalawa sa dala nilang tinapay. Kapag inalok ka, tanggapin mo. 5 Pagdating mo sa Burol ng Diyos, sa may kampo ng mga Filisteo, makakasalubong mo naman ang isang pangkat ng mga propeta na pinangungunahan ng mga manunugtog ng alpa, tamburin, plauta at lira. Sila'y galing sa altar sa burol, at nagpapahayag ng propesiya. 6 Sa oras na iyon, lulukuban ka ng Espiritu[a] ni Yahweh. Ikaw ay sasama sa kanila at gagawin mo rin ang ginagawa nila. Magbabago ang iyong pagkatao. 7 Kapag naganap na ang mga palatandaang ito, gawin mo ang dapat mong gawin sapagkat sasamahan ka ng Diyos. 8 Pagkatapos noon, mauuna ka sa akin sa Gilgal at pupuntahan kita roon para ipaghain ng handog na susunugin at handog pangkapayapaan. Hihintayin mo ako roon nang pitong araw, at sasabihin ko sa iyo ang dapat mong gawin.”
Si Pablo at ang Ibang mga Apostol
2 Makalipas(A) ang labing-apat na taon, muli akong pumunta sa Jerusalem kasama si Bernabe. Isinama ko rin si Tito. 2 Bumalik ako sapagkat inihayag sa akin ng Diyos na dapat akong pumunta doon. Nakipagpulong ako nang sarilinan sa mga kinikilalang pinuno ng iglesya, at inilahad ko sa kanila ang Magandang Balitang ipinapangaral ko sa mga Hentil. Ginawa ko ito dahil ayaw kong mawalan ng kabuluhan ang aking ginawa at ginagawa pa. 3 Kahit na isang Griego ang kasama kong si Tito, hindi nila pinilit na magpatuli ito 4 kahit may ilang huwad na kapatid na nagtangka ng gayon. Nakihalubilo sila sa amin upang manmanan ang kalayaang taglay natin kay Cristo Jesus. Nais nila kaming maging mga alipin. 5 Hindi kami nagpailalim sa kanilang kagustuhan kahit isang saglit, upang maingatan namin para sa inyo ang tunay na kahulugan ng Magandang Balita.
6 Ngunit(B) walang idinagdag sa akin ang mga kinikilalang pinuno; hindi mahalaga sa akin kung sino man sila, sapagkat walang itinatangi ang Diyos. 7 Sa halip, kinilala nila na ipinagkatiwala sa akin ang pangangaral ng Magandang Balita sa mga Hentil, kung paanong ipinagkatiwala kay Pedro ang pangangaral ng Magandang Balita sa mga Judio. 8 Ang Diyos na nagbigay ng kapangyarihan kay Pedro na mangaral sa mga Judio ang siya ring nagbigay sa akin ng kapangyarihang mangaral sa mga Hentil. 9 Nakita nina Santiago, Pedro at Juan, na mga kinikilalang haligi ng iglesya, ang kagandahang-loob na ibinigay sa akin, kaya't kami ni Bernabe ay buong puso nilang tinanggap bilang mga kamanggagawa. Pinagkasunduan namin na kami'y sa mga Hentil mangangaral at sila nama'y sa mga Judio. 10 Ang hiling lamang nila ay huwag naming kakaligtaan ang mga dukha, na siya namang masikap kong ginagawa.
by