Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 27:1-6

Panalangin ng Pagpupuri

Katha ni David.

27 Si Yahweh ang ilaw ko at kaligtasan;
    sino pa ba ang aking katatakutan?
Si Yahweh ang muog ng aking buhay,
    sino pa ba ang aking kasisindakan?

Kung buhay ko'y pagtangkaan ng taong masasama,
    sila'y mga kalaban ko at mga kaaway nga,
    mabubuwal lamang sila at mapapariwara.
Kahit isang hukbo ang sa aki'y pumalibot,
    hindi pa rin ako sa kanila matatakot;
salakayin man ako ng mga kaaway,
    magtitiwala pa rin ako sa Maykapal.

Kay Yahweh ay isang bagay lang ang aking hiniling,
    iisa lamang talaga ang aking hangarin:
ang tumira sa Templo niya habang buhay,
    upang kagandahan ni Yahweh'y aking mapagmasdan,
    at doo'y humingi sa kanya ng patnubay.
Itatago niya ako kapag may kaguluhan,
    sa loob ng kanyang Templo ako'y iingatan;
    sa ibabaw ng batong malaki ako'y ilalagay.
Matatalo ko ang mga nakapaligid kong kaaway.
    Sa Templo'y sisigaw nang may kagalakan, habang mga handog ko'y iniaalay;
    aawitan ko si Yahweh at papupurihan.

1 Samuel 15:34-16:13

34 Pagkatapos nito'y umuwi si Samuel sa Rama, si Saul naman ay sa Gibea. 35 Mula noon, hindi na siya muling nakipagkita kay Saul; subalit ikinalungkot din niya ang nangyari kay Saul. Si Yahweh naman ay nanghinayang sa pagkapili niya kay Saul bilang hari.

Pinapunta kay Jesse si Samuel

16 Sinabi ni Yahweh kay Samuel, “Hanggang kailan ka malulungkot para kay Saul? Itinakwil ko na siya bilang hari ng Israel. Ngayo'y magdala ka ng langis at pumunta ka kay Jesse na taga-Bethlehem sapagkat pinili ko upang maging hari ang isa sa kanyang mga anak.”

Sumagot si Samuel, “Paano ako pupunta roon? Tiyak na papatayin ako ni Saul kapag nalaman niya ang dahilan ng pagpunta ko roon.”

Sinabi ni Yahweh, “Magdala ka ng isang dumalagang baka at sabihin mong maghahandog ka kay Yahweh. Anyayahan mo si Jesse sa paghahandog at ituturo ko sa iyo kung ano ang gagawin mo at kung sino ang papahiran mo ng langis.”

Sinunod ni Samuel ang utos sa kanya ni Yahweh; nagpunta nga siya sa Bethlehem. Siya'y sinalubong ng matatandang pinuno sa lunsod at nanginginig na nagtanong, “Sa ikabubuti ba namin ang inyong pagparito?”

“Oo,” sagot niya. “Naparito ako upang maghandog kay Yahweh. Ihanda ninyo ang inyong sarili at sumama kayo sa akin.” Pinahanda rin niya si Jesse at ang mga anak nito, at inanyayahan din sila sa paghahandog.

Nang makarating na sila, nakita ni Samuel si Eliab. Pinagmasdan niya ito at sinabi sa sarili, “Ito na nga ang pinili ni Yahweh para maging hari.”

Ngunit sinabi sa kanya ni Yahweh, “Huwag mong tingnan ang kanyang taas at kakisigan sapagkat hindi siya ang pinili ko. Si Yahweh'y hindi tumitingin nang katulad ng pagtingin ng tao. Panlabas na anyo ang tinitingnan ng tao ngunit sa puso tumitingin si Yahweh.”

Pagkaraan ni Eliab, tinawag ni Jesse si Abinadab at pinaraan din ito sa harapan ni Samuel. Ngunit sinabi ni Samuel, “Hindi rin siya ang pinili ni Yahweh.” Tinawag ni Jesse si Samma, ngunit sinabi rin ni Samuel na hindi ito ang pinili ni Yahweh. 10 Isa-isang tinawag ni Jesse ang pito niyang anak ngunit wala sa kanila ang pinili ni Yahweh. 11 Kaya't tinanong ni Samuel si Jesse, “Mayroon ka pa bang anak na wala rito?”

“Mayroon pang isa; ang bunso na nagpapastol ng mga tupa,” sagot ni Jesse.

Sinabi ni Samuel, “Ipasundo mo siya. Hindi natin sisimulan ang paghahandog hangga't hindi siya dumarating.”

Pinili si David

12 At sinundo nga ang anak na ito ni Jesse. Siya'y makisig na binatilyo, malusog at maganda ang mga mata.

At sinabi ni Yahweh kay Samuel, “Siya ang pinili ko; buhusan mo siya ng langis.” 13 Kinuha ni Samuel ang sungay na sisidlan ng langis, at binuhusan niya si David ng langis sa harapan ng kanyang mga kapatid. At nilukuban si David ng Espiritu[a] ni Yahweh. Mula noon, sumakanya na ang Espiritu[b] ni Yahweh. Pagkatapos, si Samuel ay bumalik naman sa Rama.

Lucas 5:27-32

Ang Pagtawag kay Levi(A)

27 Pagkatapos nito'y lumabas si Jesus at nakita niya si Levi, isang maniningil ng buwis, na nakaupo sa tanggapan ng buwis. Sinabi sa kanya ni Jesus, “Sumunod ka sa akin.” 28 Tumayo nga si Levi, iniwan ang lahat, at sumunod kay Jesus.

29 Si Jesus ay hinandugan ni Levi ng isang malaking handaan sa kanyang bahay. Kasalo niya roon ang maraming maniningil ng buwis at iba pang mga tao. 30 Kaya't(B) nagbulung-bulungan ang mga Pariseo at ang mga kasamahan nilang tagapagturo ng Kautusan. Sinabi nila sa mga alagad ni Jesus, “Bakit kayo kumakain at umiinom na kasalo ng mga maniningil ng buwis at ng mga makasalanan?”

31 Sinagot sila ni Jesus, “Hindi nangangailangan ng manggagamot ang walang sakit kundi ang maysakit. 32 Hindi ako naparito upang tawagin ang mga matuwid, kundi ang mga makasalanan upang sila'y magsisi.”